Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 6/22 p. 10-11
  • Isang Pambuong-Lupang Parke—Paano?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Pambuong-Lupang Parke—Paano?
  • Gumising!—1989
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan
    Ang Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan
  • Kumusta Naman sa Hinaharap?
    Gumising!—1991
  • Nasaan ba ang Paraisong Binabanggit sa Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Tayo’y Ginawa Upang Masiyahan sa mga Parke
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 6/22 p. 10-11

Isang Pambuong-Lupang Parke​—Paano?

PANG bigyan kasiyahan ang kanilang likas na pagnanais na maunawaan at matuwa sa paglalang, angaw-angaw na mga tao ang dumadalaw taun-taon sa mga parke. Tiyak na tayo’y masisiyahang mamuhay sa isang magandang lugar na gaya ng makikita rito. Marahil napapansin mo na ang tanawing ito ay nakapagpapagunita ng Paraiso sa Eden kung saan inilagay ng ating Maylikha ang unang mag-asawang tao.

Kapansin-pansin, dalawa sa apat na mga ilog na mula sa Eden ay umaagos pa hanggang sa ngayon. Ito ay ang Hiddekel, mas kilala bilang Tigris, at ang Eufrates. (Genesis 2:10-14) Ang tagasalin ng Bibliya na si Hans Bruns ay nagkomento tungkol sa ulat na ito ng Bibliya, na ang sabi: “Ang mga ilog ay nagpapahiwatig na ito ay hindi isang alamat lamang, kundi bagkus isa na talagang nangyari rito sa lupa.”

Kung paanong maraming parke ngayon ay maliit sa pasimula subalit lumawak nang maraming ulit sa orihinal na laki nito, gayundin naman ang Diyos ay may kahawig na layunin may kaugnayan sa tulad-hardin na parke sa Eden. Ang mga hangganan nito ay palalawakin ng lumalaking pamilya ng tao hanggang sa ang buong lupa ay maging Paraiso at palamutian ito ng katangi-tanging likas na kagandahan.

Totoo, dahil sa pagsuway ng unang mag-asawang tao ay naiwala nila ang pribilehiyo na tamasahin pa ang orihinal na Paraisong iyon. Subalit ang layunin ng ating Maylikha para sa mga tao na tamasahin ang isang makalupang paraiso ay hindi nagbabago. (Isaias 46:11; 55:11) Kaya, madalas na binabanggit ng Bibliya ang muling-paglalang ng Paraiso sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Halimbawa, binabanggit ng isang hula: “Sapagkat tiyak na aaliwin ni Jehova ang Sion. . . . Gagawin niyang parang Eden ang kaniyang iláng at ang kaniyang disyerto ay parang halamanan ni Jehova.” Nang maglaon, binanggit din ng hula ang tungkol sa pagtatayo ng mga tao ng mga bahay, pagtatanim ng mga ubasan, at pagtatamasa sa bunga ng lupa.​—Isaias 51:3; 65:21-23.

Sa katulad na paraan, sa Apocalipsis, ang huling aklat ng Bibliya, ay may pangitain tungkol sa hinaharap na “bagong langit at isang bagong lupa.” Ang “bagong langit,” o ang bagong pamamahala ng Diyos, ay nakikitang itinutuon ang pansin sa lupa. Taglay ang anong resulta? “Narito!” sabi sa atin, “ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan [pansinin na binabanggit na ang Diyos ang nasa mga tao, hindi ang mga tao ang nasa Diyos sa langit], at siya’y mananahan na kasama nila, at sila’y magiging kaniyang bayan. At ang Diyos mismo ay sasa-kanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”​—Apocalipsis 21:1, 3, 4.

Ang mga pangakong ito ng Bibliya tungkol sa isang isinauling paraiso ay hindi guniguning mga hula. Samantalang ang mga tagapag-alaga at mga maibigin sa kalikasan ay nagkaroon ng mga pangitain tungkol sa limitadong iláng na mga parke, na depende sa maunawaing mga mambabatas, ang Tagapagtaguyod ng mga pangako ng Bibliya ay ang Maylikha ng sansinukob, ang Diyos na Jehova, na ang Salita ay tiyak na matutupad.

Ngayon, lalo na sa mga parke sa bundok, ang mga naglalakad o hiker ay nakakaranas ng ilang pangamba. Subalit sa darating na pangglobong parke, ang mga nilikhang hayop ay hindi na mananakit sa mga tao o magiging banta man sa kanila, ni ang mga hayop man ay lalayo at matatakot sa tao, sapagkat ang Bibliya ay nangangako: “At ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabaing hayop na magkakasama; at isa lamang munting batang lalaki ang papatnubay sa kanila. At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping. At kahit na ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka.”​—Isaias 11:6-9.

Anong pagkasaya-sayang panahon nga iyon upang maglakad sa kagubatan at makasama mong sandali ang isang leong bundok sa iyong tabi o marahil ay isang malaki, maibiging osong grizzly! Hinding-hindi na muling matatakot ang anumang nabubuhay na bagay sa isa’t isa.

Ang mga tagapagtatag ng magagandang parke sa ngayon ay may marangal na mga intensiyon, ibinubukod ang mga dako para pangalagaan ang pananim at maiilap na hayop. Subalit ang pagsisiwalat lamang ng layunin ng Diyos tungkol sa isang pangglobong sistema ng mga parke sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian ang maaaring gumarantiya ng permanenteng pangangalaga sa mga kayamanan ng lupa. Ang Kaharian lamang na ito sa kamay ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang makapagtatatag ng isang permanenteng pambuong-lupang paraiso at ng tunay na kapayapaan sa pagitan ng tao at tao at sa pagitan ng tao at ng mga hayop.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share