Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Bang Maging Panghabang-Buhay na Pagsasama ang Pag-aasawa?
BAKIT kailangan pang itanong iyan? Hindi ba’t ang pag-aasawa, kung sisipiin ang panata sa kasal sa Kanluran, ay “sa hirap at ginhawa” at “hanggang kamatayan”? Oo, ang mga panata sa pag-aasawa ay karaniwan nang nagsasabi na ang nobya at ang nobyo ay pumapasok sa isang panghabang-buhay na pananagutan. Subalit hindi na itinuturing ng marami ang kanilang sarili na nakatali sa taimtim na mga pangakong ito. Nakababahala na maraming mag-asawa ang naghihiwalay—ang ilan ay pagkaraan ng ilang buwan, at ang iba naman ay pagkaraan ng mga dekada. Bakit bumababa ang paggalang sa pag-aasawa? Sinasagot ito ng Bibliya.
Pakisuyong suriin ang 2 Timoteo 3:1-3, at ihambing ito sa nakikita mo sa daigdig sa ngayon. Sa bahagi, ang mga talatang ito ay nagsasabi: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, . . . mga walang utang-ng-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, . . . mga walang pagpipigil sa sarili.” Kapansin-pansin ang katumpakan ng hulang iyan. Sinira at pinahina ng mga saloobing ito ang mga ugnayang pangmag-asawa sa buong daigdig, na pinatutunayan ng mataas na bilang ng diborsiyo.
Maliwanag, maraming tao ang nawalan na ng paggalang sa pag-aasawa. Dahil dito, maitatanong natin: Dapat bang dibdibin ang pag-aasawa? Mayroon bang bagay na tinatawag na kabanalan ng pag-aasawa? Paano dapat malasin ng mga Kristiyano ang pag-aasawa? Anong tulong ang ibinibigay ng Bibliya sa mga mag-asawa sa ngayon?
Nagbago ba ang Pangmalas ng Diyos?
Sa pasimula, hindi sinabi ng Diyos na ang mga tali ng pag-aasawa ay pansamantala. Ang ginawa niyang pagbubuklod sa unang lalaki at babae ay inuulat sa Genesis 2:21-24, at doon ay hindi binabanggit na maaaring piliin ang magdiborsiyo o maghiwalay. Sa halip, ang talatang 24 ay nagsasabi: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” Ano ang ibig sabihin ng kasulatang iyan?
Isaalang-alang ang katawan ng tao, kung paanong ang iba’t ibang himaymay nito ay hinabing magkakasama nang walang makikitang dugtungan at kung paanong ang mga buto ay nagtatagpo sa malalakas at hindi nagkikiskisang hugpungan. Anong inam na pagkakaisa! Anong tibay! Subalit anong tinding pahirap kapag ang walang-katulad na organismong ito ay malubhang napinsala! Kaya, sa Genesis 2:24, idiniriin ng katagang “isang laman” ang pagiging matalik at permanente ng pagsasama ng mag-asawa. Nagbibigay rin ito ng maliwanag na babala hinggil sa matinding kirot kapag napatid ang taling iyon.
Bagaman ang nagbabagong mga kausuhan sa nakalipas na mga milenyo ay humubog at muling humubog sa mga pangmalas ng tao, minamalas pa rin ng Diyos ang pag-aasawa bilang isang panghabang-buhay na pananagutan. Mga 2,400 taon na ang nakalipas, iniwan ng mga lalaking Judio ang kani-kanilang unang asawa at nagsipag-asawa ng mas batang mga babae. Hinatulan ng Diyos ang gawaing ito, anupat ipinahahayag sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Malakias: “‘Ingatan ninyo ang inyong sarili may kinalaman sa inyong espiritu, at sa asawa ng iyong kabataan ay wala nawang makitungo nang may kataksilan. Sapagkat kinapopootan niya ang pagdidiborsiyo,’ ang sabi ni Jehova na Diyos ng Israel.”—Malakias 2:15, 16.
Pagkalipas ng mahigit na apat na siglo, muling pinagtibay ni Jesus ang orihinal na pangmalas ng Diyos hinggil sa pag-aasawa nang sipiin niya ang Genesis 2:24 at pagkatapos ay nagsabi: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:5, 6) Pagkalipas ng mga taon, si apostol Pablo ay nagbigay ng tagubilin na “ang asawang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawa” at na “hindi dapat iwan ng asawang lalaki ang kaniyang asawa.” (1 Corinto 7:10, 11) May katumpakang sinasabi ng mga kasulatang ito ang pangmalas ng Diyos sa pag-aasawa.
Ipinahihintulot ba kailanman ng Bibliya ang pagwawakas sa isang pag-aasawa? Oo, ang pag-aasawa ay natatapos kapag ang alinman sa mag-asawa ay namatay. (1 Corinto 7:39) Maaari ring wakasan ng pangangalunya ang pag-aasawa kung ipasiya iyon ng pinagkasalahang asawa. (Mateo 19:9) Kung hindi, hinihimok ng Bibliya ang mga mag-asawa na manatiling magkasama.
Kung Paano Gagawing Panghabang-Buhay ang Pag-aasawa
Ibig ng Diyos na tumagal ang pag-aasawa, hindi bilang mahirap na pagpupunyagi, kundi bilang isang maligayang paglalakbay. Nais niyang lutasin ng mag-asawa ang kanilang mga problema at masiyahan nang lubos sa piling ng bawat isa. Ang kaniyang Salita ay nagbibigay ng patnubay para sa isang maligaya at panghabang-buhay na pag-aasawa. Pakisuyong pansinin ang sumusunod na mga teksto.
Efeso 4:26: “Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit.”a Isang lalaking may maligayang pag-aasawa ang naniniwala na nakatulong sa kanilang mag-asawa ang kasulatang ito upang lutasin kaagad ang mga di-pagkakaunawaan. “Kung hindi ka makatulog pagkatapos ng isang di-pagkakaunawaan, may hindi tama. Hindi mo maaaring pabayaang magpatuloy ang problema,” aniya. Kung minsan ay pinag-uusapan nilang mag-asawa ang mga problema hanggang sa maghatinggabi na. Subalit epektibo ito. Sabi pa niya: “Ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ay may kahanga-hangang mga resulta.” Sa paggawa nito, silang mag-asawa ay nagtamasa ng isang maligayang pagsasama sa loob ng 42 taon.
Colosas 3:13: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa.” Ipinaliwanag ng isang asawang lalaki kung paanong ikinapit nilang mag-asawa ang payong ito: “Maaaring magkainisan ang mga mag-asawa kahit walang ginagawang anumang bagay na mali, yamang ang lahat ay may mga kahinaan at mga ugali na nakayayamot sa ibang tao. Pinagtitiisan namin ang isa’t isa sa pamamagitan ng hindi pagpapahintulot na mamagitan sa amin ang mga bagay na ito.” Walang alinlangang ang saloobing iyan ay nakatulong sa mag-asawang ito sa loob ng 54 na taóng pagsasama nila!
Ang pagkakapit ng gayong maka-Kasulatang mga simulain ay nagpapatibay sa tali na nagbubuklod sa mga mag-asawa. Sa gayon, ang kanilang pag-aasawa ay maaaring maging nakagagalak, kasiya-siya, at panghabang-buhay.
[Talababa]
a Ayon sa unang-siglong talaorasan sa Gitnang Silangan, ang araw ay natatapos sa paglubog ng araw. Kaya hinihimok ni Pablo ang mga mambabasa na makipagpayapaan sa iba bago matapos ang bawat araw.