Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Bakit sa New World Translation ang salitang Hebreo na ʽa·rumʹ sa Genesis 3:1 ay isinalin na “cautious” (napakaingat) yamang lahat ng iba pang mga salin ng Bibliya ay “cunning” (tuso) o “clever” (matalino) ang pagkasalin?
Ang tekstong iyan ay kababasahan: “Ngayon ang ahas ay nagpatunay na totoong napakaingat sa lahat ng maiilap na hayop sa parang na ginawa ng Diyos na Jehova. Kaya sinabi niyaon sa babae: ‘Tunay bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain sa alinmang punungkahoy sa halamanan?’ ”
Sa Kawikaan 12:23 at sa mga iba pang lugar, sa New World Translation ang salitang Hebreo na ʽa·rumʹ ay isinalin na “shrewd (mautak), na isa sa mga saligang kahulugan ng salita pagka ikinapit sa mga tao. Ngunit gaya ng kaso sa napakaraming salita, ang ʽa·rumʹ ay may sarisaring anyo ng kahulugan. Halimbawa, si Benjamin Davidson ay ganito ang kahulugang ibinibigay sa ʽa·rumʹ: “I. magdaraya, tuso, mapaglalang.—II. masinop, napakaingat.”—The Analytical Hebrew and Chaldee Lexicon.
Kung gayon, bakit pinili ng New World Translation ang pangalawang kahulugan na “napakaingat” sa Genesis 3:1? Ang ganiyang pagpili ay kasuwato ng iba pang mga salin. Halimbawa, nang ang Genesis 3:1 ay isalin sa Griego sa Septuagint version ng ikatlong siglo B.C.E., ang salitang phroʹni·mos ang ginamit—nang malaunan ay ginamit din sa Mateo 10:16: “Kayo’y magpakaingat na gaya ng mga ahas at magpakaamo na gaya ng mga kalapati.”—Today’s English Version.
Ang iskolar na Hebreong si Ludwig Koehler ay nagkomento noong 1945: “Ang ahas ay kimi. Ito’y napakagaling na maipahahayag sa Griego sa phronimos, sapagkat sa pamamagitan ng kaniyang pagkakimi o pagkamaingat ipinakikita ng ahas na siya’y nagtataglay ng pag-aari at sumusunod sa phrenes.” Ang phreʹnes dito ay nangangahulugan na isang uri ng likas na katalinuhan na makikita rin naman sa ibang mga hayop.—Ihambing ang Kawikaan 30:24.
Gayunman, may isang lalong mahalagang dahilan sa paggamit ng salitang “napakaingat” sa halip na “mautak” o “matalino” sa Genesis 3:1. Ang pagsasabi ritong ang ahas ay matalino, mismong bago ito tukuyin na nanghikayat kay Eva upang magkasala, ay maaaring umakay sa maraming mambabasa na manghinuha na ang inilalarawan ng Bibliya ay isang hamak na ahas na nagsasagawa ng pakanang ito sa pamamagitan ng sariling pambihirang katalinuhan. Ang ganiyang interpretasyon ay maglalagay sa ulat na iyan sa katayuan ng isang alamat—at lalo pa isang may kahangalang alamat.
Bagkus, itinuturo ng Bibliya na hindi lamang isang matalinong ahas ang kumikilos doon sa halamanan ng Eden. Sa Apocalipsis 12:9 ay malinaw na ipinakikilala si Satanas na Diyablo bilang yaong “matandang ahas.” Siya ang di-nakikita, nakatataas-sa-taong kapangyarihan na nagpapagalaw sa isang hamak na ahas gaya ng isang dalubhasang ventriloquist na nagpapakilos sa kaniyang tau-tauhan. Dahilan sa likas na pagkamaingat ng ahas kung kaya iyon ang pinakamainam na piliin para sa mautak na pandarayang iyon. Nang iyon ay hindi nakimi upang maingat na lumayo gaya ng kusang gagawin niyaon kundi sa halip ay buong tapang na nagbuka ng bibig at nagsimulang magsalita kay Eva, lalo man ding nakatawag-pansin iyon kay Eva.
Sa kinasihang Salita ng Diyos ay walang mga alamat, at sa pamamagitan ng tumpak na pagkasalin, ang New World Translation ay tumutulong sa atin na pahalagahan ang bagay na ito.—2 Timoteo 3:16.
◼ Yamang alam ng mga Saksi ni Jehova na ang mga patay ay walang malay, bakit sila’y naniniwala pa rin na mahalagang dumalo sa mga paglilibing sa mga kapananampalataya nila?
Ang tumpak na kaalaman buhat sa Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay ay proteksiyon sa mga Saksi ni Jehova buhat sa maling mga saloobin at resultang di-pantas na paggawi sa mga paglilibing. Ito’y nagbibigay rin sa kanila ng dahilan na dumalo sa libing ng mga Kristiyano.
Ipinakikitang malinaw ng Salita ng Diyos na pagka ang isang tao’y namatay, siya’y hindi nabubuhay na patuluyan bilang isang walang-kamatayang kaluluwa. (Eclesiastes 9:5) Pagkamatay, ang katawan ay bumabalik sa alabok, sa pamamagitan ng natural na pagkalusaw o sa pamamagitan ng pagsusunog ng bangkay. Ang yumao ay hindi na buháy; siya’y mabubuhay muli tangi lamang kung bubuhayin siya ng Diyos sa hinaharap.—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.
Kaya naman, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi sumusunod sa mga kaugalian sa paglilibing na nakasalig sa paniwala na ang isang taong namatay ay may walang-kamatayang kaluluwa, na nabubuhay na patuloy sa ibang dako. Sila’y hindi nakikibahagi sa mga paglalamay, na may malalakas na pagkakantahan o daing upang takutin “ang mga espiritu,” ni sa magdamagang mga pagbabantay o labis na pamimighati sa layuning payapain ang namatay.
Gayunman, ito’y hindi nangangahulugan na ang bayan ng Diyos ay hindi namimighati. Ang kamatayan ng isang kamag-anak o matalik na kaibigan ay isang malungkot na karanasan, kahit na sa mga tunay na mananamba na may tumpak na kaalaman tungkol sa mga patay. Halimbawa, nang akalain ni Jacob na isang mabangis na hayop ang pumatay kay Jose, ang patriarka ay “patuloy na namighati sa kaniyang anak nang maraming araw.” Ating mababasa na “lahat ng kaniyang mga anak na lalaki at lahat ng kaniyang mga anak na babae ay nagsitindig upang siya’y aliwin.” (Genesis 37:33-35) Nang mamatay ang tapat na si Jacob, si Jose ay “nag-utos sa kaniyang mga utusan, sa mga manggagamot, na embalsamuhin ang kaniyang ama,” at “tinangisan siya ng mga Ehipsiyo ng pitumpung araw.” Bagaman ang pamilya ni Jacob ay hindi naniniwala sa mga walang-katotohanang paniniwala ng mga Ehipsiyo tungkol sa mga nangamatay, maliwanag na sila ay pinighati ng kamatayan ni Jacob. “Lahat ng nasa sambahayan ni Jose at pati ang kaniyang mga kapatid na lalaki” ay nagnanasang mabigyan si Jacob ng nararapat na paglilibing, at maging ang mga tagalabas ay nakapansin na sila’y namimighati.—Genesis 50:1-11.
Maaaring bumanggit ng maraming iba pang mga halimbawa sa Bibliya na nagpapakitang ang mga lingkod ni Jehova’y talagang namimighati sa kamatayan ng isang kapananampalataya o kamag-anak at sa gayo’y nagpakita ng nararapat na pagdadalamhati.a Nang si Jesus ay kapiling ng namimighating mga kamag-anak ni Lasaro, si Jesus ay hindi nagpakitang siya’y hindi nalulumbay ni ipinakita man niyang siya’y nasasayahan. Bagaman may tiwala sa kapangyarihan ng pagkabuhay-muli, si Jesus ay nanangis. (Juan 11:33-35) Nang si Jesus na mismo ang namatay, ang kaniyang mga alagad ay namighati, bagaman kaniyang sinabi sa kanila na siya’y papatayin at bubuhaying-muli.—Mateo 16:21, 28; Juan 16:17-20; 20:11.
Maaaring madama at nadarama ng mga lingkod ng Diyos sa ngayon ang kalungkutan na dala ng kamatayan. Gayunman, ang kanilang pagkaunawa sa Bibliya ang tumutulong upang pagaangin o bawasan ang kanilang pamimighati, kaayon ng 1 Tesalonica 4:13, 14: “Mga kapatid, hindi namin ibig na kayo’y di-makaalam tungkol sa mga natutulog sa kamatayan; upang kayo’y huwag malumbay na gaya ng mga iba na walang pag-asa. Sapagkat kung tayo’y sumasampalataya na si Jesus ay namatay at nabuhay na muli, gayundin na silang natutulog sa kamatayan kay Jesus ay dadalhin ng Diyos na kasama niya.”
Kung gayon, kumusta ang tungkol sa pagdalo sa isang libing Kristiyano (o isang pahayag ng pag-alaala sa isang kapananampalataya)? May mga dahilan sa Bibliya kung bakit naniniwala ang mga Saksi na mabuting magkaroon ng gayon at daluhan ang gayon.
Gunitain na nang waring nawalan na si Jacob ng kaniyang anak, “lahat ng kaniyang mga anak na lalaki at lahat ng kaniyang mga anak na babae ay nagsitindig upang siya’y aliwin.” (Genesis 37:35) Sa maraming lupain ay kaugalian nang ang mga kamag-anak ay magtipon para sa isang libing. Ito’y isang okasyon para ang mga iba, na maaaring hindi naman totoong malapit ang kugnayan at sa gayo’y hindi apektado sa paraang emosyonal, ay makiramay at magpahayag ng mga salitang pang-aliw. Pagkamatay ni Lasaro ‘marami sa mga Judio ang nagpunta kay Marta at kay Maria upang sila’y aliwin tungkol sa kanilang kapatid.’ (Juan 11:19) Ito’y kapit din sa mga Kristiyano na ibig na “makaaliw sa mga nasa anumang uri ng kapighatian.”—2 Corinto 1:4.
Ang mga tagapangasiwang Kristiyano, kahit na sila abalang-abala, ay dapat manguna sa pagbibigay-kaaliwan sa kawan. Kanilang isaisip na ang kanilang tinutularang si Jesus, ang Mabuting Pastol, ay sinugo ‘upang magpagaling ng mga may bagbag na puso at mang-aliw sa lahat ng namimighati.’ (Isaias 61:1, 2; Juan 10:14) Si Jesus ay hindi nagbigay ng gayong pang-aliw pagka maginhawa lamang na gawin iyon. Siya’y handang magpakasakit upang makapiling ng namimighating mga kamag-anak ni Lasaro—makiramay sa kanilang pagdadalamhati.—Juan 11:11, 17, 33.
Kahit ang mga Kristiyanong marahil ay hindi makapagsasalita ng marami sa mga naulila ay may kabutihang magagawa kahit na lamang sa pamamagitan ng kanilang pakikipaglibing. Ang namimighating mga miyembro ng pamilya ay madudulutan ng malaking kaaliwan ng nakikiramay na marami—bata at matanda—buhat sa kongregasyong Kristiyano. Alalahanin ang epekto sa ilang mga Judio nang si Jesus ay naparoon sa namimighating mga kapatid na babae ni Lasaro: “Tingnan ninyo, anong laki ng pagmamahal niya sa kaniya!” (Juan 11:36) Ang di-sumasampalatayang mga kamag-anak, mga kapitbahay, o mga kasosyo sa negosyo na nakikipaglibing sa isang yumaong Kristiyano ay nagkaroon ng mainam na impresyon dahil sa maraming mga Saksing naroroon at sa gayo’y naging lalong madaling tumanggap ng mga katotohanan sa Bibliya na iniharap sa kanila.
Ang paggawi ng mga Saksi na dumalo ay dapat na nababagay sa kalagayan. Bagaman alam nila na ang yumao ay hindi nagdurusa, at sila’y may tiwala na lahat ng mga tapat ay naghihintay ng pagkabuhay-muli, kanilang isinasaloob ang payo na: ‘May panahon ng pag-iyak at panahon ng pagtawa, panahon ng pagtangis at panahon ng pagsayaw.’ (Eclesiastes 3:4) Ang libing o ang serbisyo ng pag-alaala ay hindi panahon ng malakas, masayang pag-uusapan. Ito’y isang okasyon para sa pakikiramay, kasuwato ng payo: “Makigalak sa mga taong nagagalak; makiiyak sa mga taong umiiyak.”—Roma 12:15.
May isa pang dahilan kung bakit ang mga Saksi ni Jehova’y nakikipaglibing. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Maigi ang pasabahay ng tangisan kaysa bahay ng pistahan, sapagkat siyang wakas ng lahat ng mga tao; at ilalagak ng may buhay sa kaniyang puso. . . . Ang puso ng mga pantas ay nasa bahay ng tangisan, ngunit ang puso ng mga mangmang ay nasa bahay ng kasayahan.”—Eclesiastes 7:2-4.
Samantalang ang mga Saksi ni Jehova’y may dahilang umasa, ang mga salitang iyan ay kinasihan at inilagay sa Bibliya para sa ating kapakinabangan. Ang libing ay maihahambing sa “bahay ng tangisan.” Pagka tayo’y naroroon, ang ating mga kaisipan ay maaaring bawiin natin sa ating karaniwang mga pinagkakaabalahan o mga gawain at itutok sa kaiklian ng buhay. Sa pamamagitan man ng sakit o anumang “di-inaasahang pangyayari,” ang kamatayan ay maaaring biglang dumating sa kaninuman sa atin at tayo’y dagling pumanaw, sapagkat “hindi rin nalalaman ng tao ang kaniyang kapanahunan.” (Eclesiastes 9:11, 12) Ang mga magulang na may kasamang mga anak sa libing ng isang Kristiyano ay maaaring magkaroon ng pagkakataon tungo sa pakikipagtalakayan ng pagiging tunay ng kamatayan, ng ating pangangailangan ng pantubos at ng karunungan ng paglilingkod “sa Diyos na bumubuhay sa mga patay.”—2 Corinto 1:9; Eclesiastes 12:1, 13.
Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naniniwalang sakramento ang mga libing, ngunit kanilang kinikilala na ang malulungkot na mga pangyayaring ito ay nagbibigay-pagkakataon para aliwin ang iba. Sa pamamagitan ng pagdalo, mapatutunayan ng mga Kristiyano ang kanilang pag-ibig at paggalang sa kanilang mga kapuwa Kristiyano. At sila’y maaaring mapukaw na higit pang pag-isipan ang kahulugan ng buhay, kung papaano dapat nilang gamitin ang kanilang sariling buhay sa harap ng Diyos.
[Talababa]
a Genesis 23:2,19; Bilang 20:29; Deuteronomio 34:7, 8; 2 Samuel 1:11, 12; 3:31-34; 13:32-37; 18:33; 2 Cronica 35:24, 25; Job 1:18-20; Awit 35:14; Jeremias 9:1; Lucas 7:12, 13; 8:49-52; Gawa 8:2; 9:39.