Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 9/8 p. 26-27
  • Dapat ba Nating Sisihin si Satanas sa Ating mga Kasalanan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dapat ba Nating Sisihin si Satanas sa Ating mga Kasalanan?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Labanan ang Diyablo
  • Kung Paano ‘Sasalansangin ang Diyablo’
  • Ang Ating Pakikipagpunyagi Mula sa Loob
  • Tanggapin ang Pananagutan
  • Isang Kaaway ng Buhay na Walang-Hanggan
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • “Salansangin Ninyo ang Diyablo” Gaya ng Ginawa ni Jesus
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Salansangin si Satanas, at Tatakas Siya!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Talaga Bang Naniniwala Ka na May Diyablo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 9/8 p. 26-27

Ang Pangmalas ng Bibliya

Dapat ba Nating Sisihin si Satanas sa Ating mga Kasalanan?

ANG unang pagkakasala ng tao ay isinisi kay Satanas. “Ang ahas​—nilinlang ako nito kung kaya kumain ako,” ang sabi ni Eva. (Genesis 3:13) Sapol noon, patuloy ang pandadaluhong sa sangkatauhan ng “orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas,” na ‘bumubulag sa isipan’ ng mga tao at “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9; 2 Corinto 4:4) Walang sinumang tao ang makatatakas mula sa kaniyang panggigipit, subalit nangangahulugan ba ito na hindi natin kayang labanan ang kaniyang impluwensiya? At kapag tayo’y nagkakasala, lagi bang siya ang dapat sisihin?

Ipinaliliwanag ng Bibliya na sa katunayan nga, si Eva ay dinaya ni Satanas. (1 Timoteo 2:14) Nadaya siya sa pag-iisip na sa pagsuway niya sa utos ng Diyos, magkakaroon siya ng kaunawaan at kalayaan na tulad sa Diyos. (Genesis 3:4, 5) Nagkasala siya dahil sa gayong pag-aakala. Magkagayon man, siya ay pinapanagot ng Diyos at hinatulan ng kamatayan. Bakit? Dahil bagaman nagsinungaling si Satanas, may lubos siyang kaalaman sa utos ng Diyos. Hindi siya kailanman pinilit na sumuway; sa halip, ang pagkilos niya ay nakasalalay pa rin sa kaniya, anupat may lubusan siyang kakayahan na labanan ang impluwensiya ni Satanas.

Labanan ang Diyablo

Posible para sa ating mga tao na labanan ang Diyablo. Sa Efeso 6:12, sinasabihan tayo na “tayo ay may pakikipagbuno” laban sa “balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” Maliwanag, kung gayon, inaasahan ng Diyos na tayo’y makikipagpunyagi sa impluwensiya ni Satanas. Ngunit paano makikihamok ang isang tao sa higit-sa-taong kapangyarihan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo? Tayo ba’y hinihilingang makibaka sa isang di-patas na digmaan, sa isa na kung saan tiyak tayong magagapi? Hindi, sapagkat hindi naman tayo sinasabihan ng Diyos na labanan ang Diyablo sa sarili nating lakas. Pinaglalaanan tayo ni Jehova ng iba’t ibang paraan kung paano tayo makalalaban sa mga pang-akit ng Diyablo at makapananagumpay. Sinasabi ng Bibliya sa atin kung sino ang Diyablo, kung paano siya kumikilos, at kung paano natin maipagsasanggalang ang ating mga sarili.​—Juan 8:44; 2 Corinto 2:11; 11:14.

Kung Paano ‘Sasalansangin ang Diyablo’

Iminungkahi ng mga Kasulatan ang dalawang-hakbang na pamamaraan sa paglaban sa Diyablo. Tayo’y pinapayuhan: “Kaya nga, magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.” (Santiago 4:7) Ang unang hakbang, ang pagpapasakop ng ating mga sarili sa Diyos, ay nagsasangkot sa pagsunod sa kaniyang mga utos. Ang patuluyan nating pagiging palaisip sa pag-iral ng Diyos, sa kaniyang kabutihan, sa kaniyang kagila-gilalas na kapangyarihan at awtoridad, at sa kaniyang matayog na mga simulain ang magbibigay sa atin ng lakas para salansangin si Satanas. Ang matiyagang pananalangin sa Diyos ay mahalaga rin.​—Efeso 6:18.

Isaalang-alang ang pagkakataon nang si Jesus ay tuksuhin ng Diyablo. Ang pag-alaala at pagsipi ng iba’t ibang utos mula sa Diyos ay tiyak na nakatulong kay Jesus na lumaban. Dahil sa hindi nahikayat si Jesus na magkasala, iniwan siya ni Satanas. Pagkatapos ng pagsubok na iyon, sa pamamagitan ng kaniyang mga anghel ay higit pang pinalakas ni Jehova si Jesus. (Mateo 4:1-​11) Sa gayon, buong-pagtitiwalang pinatibay-loob ni Jesus ang kaniyang mga alagad na hilingin sa Diyos na ‘iligtas sila mula sa isa na balakyot.’​—Mateo 6:13.

Ang pagliligtas ng Diyos sa atin ay hindi nangangahulugang naglalagay siya ng pananggalang sa palibot natin. Sa halip, sinasabihan niya tayong itaguyod ang makadiyos na mga katangian, tulad ng katotohanan, katuwiran, kapayapaan, at pananampalataya. Ang mga katangiang ito ay nagsisilbing “kagayakang pandigma,” na nagpapangyari sa ating ‘makatayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.’ (Efeso 6:11, 13-18) Kaya sa tulong ng Diyos, posibleng biguin ang mga tukso ng Diyablo.

Ang ikalawang hakbang na iminungkahi sa Santiago 4:7 ay ang “salansangin ninyo ang Diyablo.” Kasangkot dito ang pagkilos nang may paninindigan, anupat lumalayo mula sa kaniyang mapanganib na impluwensiya. Kailangang iwasan ng isa ang pagkahantad sa kaniyang mapandayang kapangyarihan at itakwil niya ang materyalistiko at imoral na mga pilosopiyang laganap sa sanlibutan ngayon. Ang gayong pagsalansang sa Diyablo kasama na ang isang buhay na nakatuon sa pagpapalugod sa Diyos ay napakahalaga sa ating pakikipagpunyagi kay Satanas. Ngunit ang lahat ba ng kasalanan ay tuwirang resulta ng impluwensiya ng Diyablo?

Ang Ating Pakikipagpunyagi Mula sa Loob

Nagpaliwanag ang manunulat ng Bibliya na si Santiago: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Kung magkagayon ang pagnanasa, kapag ito ay naglihi na, ay nagsisilang ng kasalanan.” (Santiago 1:14, 15) Nakalulungkot, hindi natin maaaring lubos na mapagtagumpayan ang likas na kahinaan at di-kasakdalan. (Roma 5:12) “Walang taong matuwid sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala,” ang sabi ng Bibliya.​—Eclesiastes 7:20.

Hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng kasalanan ay talagang hindi natin maaaring supilin. Sa ilang pagkakataon, dahil sa ating mga maling pagpili, inilalagay natin ang ating sarili sa tukso. Kaya bagaman ang isang maling nasa ay dulot ng ating sariling di-kasakdalan o ng impluwensiya ni Satanas, lubusang depende sa atin ang pagpapayabong o pagtatakwil dito. Angkop kung gayon ang isinulat ni apostol Pablo: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”​—Galacia 6:7.

Tanggapin ang Pananagutan

Kadalasan nang mahirap para sa mga tao na kilalanin ang kanilang sariling mga kahinaan, kabiguan, at mga kakulangan​—oo, mga kasalanan. (Awit 36:2) Ang isang bagay na makatutulong sa ating tanggapin ang pananagutan para sa ating mga kasalanan ay ang pagkaalam na sa ngayon ay hindi tayo hinihilingan ng Diyos na maging sakdal. “Hindi pa niya ginawa sa atin ang ayon sa ating mga kasalanan; ni pinasapitan man tayo ng nararapat sa atin ayon sa ating mga kamalian,” ang pahayag ng salmistang si David. (Awit 103:10) Bagaman mapagpatawad ang Diyos, inaasahan pa rin niyang puspusan tayong makikipagpunyagi at magdidisiplina sa ating mga sarili, laban sa mga pang-akit ng Diyablo at sa ating sariling hilig na magkasala.​—1 Corinto 9:27.

Dapat nating maintindihan na samantalang kinikilala ng Diyos na maaaring ilihis ng Diyablo ang ating mga pagkilos at ito ang may malaking pananagutan sa makasalanang kalagayan ng sangkatauhan, hindi tayo nawawalan ng personal na pananagutan. Kaya naman, sinasabi ng Roma 14:12: “Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.”

Gayunman, kung ating ‘kamumuhian ang balakyot’ at tayo’y ‘kakapit sa mabuti,’ makakamit natin ang tagumpay laban sa kabalakyutan. (Roma 12:9, 21) Ang unang babae, si Eva, ay nabigong gawin iyon at pinarusahan dahil sa kaniyang pagkamasuwayin; maaari sanang siya’y lumaban at sumunod sa Diyos. (Genesis 3:16) Gayunman, hindi ipinagwalang-bahala ng Diyos ang papel na ginampanan ng Diyablo sa pandaraya sa kaniya. Ang Diyablo ay isinumpa at hinatulang lilipulin sa hinaharap. (Genesis 3:14, 15; Roma 16:20; Hebreo 2:14) Hindi na magtatagal, hindi na natin kailangan pang makipagpunyagi laban sa kaniyang balakyot na impluwensiya.​—Apocalipsis 20:1-3, 10.

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Erich Lessing/Art Resource, NY

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share