Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 12/15 p. 10-15
  • Umasa Ka kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Umasa Ka kay Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maaga​—Isang Pag-asa!
  • Pinanatiling Buháy ang Pag-asa
  • Isang Panahon Para sa Pag-asa Ngayon
  • Ang Pangkalahatang Pagkakasuwato ng Bibliya
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Umasa kay Jehova, at Magpakalakas-Loob
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Ang Binhi ng Serpiyente—Paano Inilantad?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Pag-asa
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 12/15 p. 10-15

Umasa Ka kay Jehova

“Umasa ka kay Jehova at sundin mo ang kaniyang daan, at kaniyang itataas ka upang maging iyo ang lupa. Pagka nilipol ang mga balakyot, makikita mo.”​—AWIT 37:34.

1, 2. Saan lumilitaw na nakatayo ang sangkatauhan, at paanong nasasangkot ang United Nations?

KUNG sa talino, ang sangkatauhan ay nakarating na sa pinakamasulong na yugto ng pag-unlad. Dahilan sa pagsisikap, ito sa wakas ay nakarating na sa panahong nuklear. Wari ngang nagagawa ng lakas atomiko na maglaan ng saganang enerhiya at sa gayo’y buksan ang pag-asa sa dakilang mga bagay na magaganap sa buong globo. Balintuna naman, ito’y nagbukas din ng daan para sa labis na pinsalang magagawa sa lahi ng tao.

2 Ano ba ang nakatayo sa daan ng sangkatauhan na humahadlang sa pagpuksa nito sa sarili sa isang digmaang nuklear? Ito’y tila nga ang United Nations, na nangangalandakang may mga 159 na mga miyembrong bansa na may maraming uri ng pamahalaan. Sa sistema pulitika, ang mga pamahalaang ito ay hindi nagkakaisa, anupa’t sila’y naniniwala na ang kani-kaniyang uri ng pamamahala ang nakahihigit, oo, ang pinakamagaling. Sa ganang sarili, kung gayon, ang UN ay isang baha-bahaging kalipunan. Ang pagmamataas ng isa’t isang bansa at ang paghahangad ng kasarinlan ang nananaig. Isa pa, maraming mga bansa ang nagtakwil ng paniniwala sa Diyos, at naging ateyistiko.

3. Paanong ang pangmalas ng Sangkakristiyanuhan sa Diyos ay iba sa pangmalas ng Diyos sa kaniyang sarili?

3 Ang pangalang Sangkakristiyanuhan ay kumakapit pa rin sa mga bansa na ayaw na sila’y uriin na walang Diyos kundi nag-aangking may pananampalataya kay Jesu-Kristo may kaugnayan sa “Diyos Ama” sa trinidad na konektado kay Jesus at sa isang persona na “holy ghost,” o espiritu santo. Ang mga bumubuo ng Trinidad ay sinasabing magkakapantay. Subalit ang Ama ni Jesus ang nagpasulat kay propeta Isaias ng mga salitang ito ng pagpapakilala: “Ako’y si Jehova. Iyan ang aking pangalan; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking sariling kaluwalhatian, ni ang kapurihan ko man sa mga inanyuang imahen.” (Isaias 42:8) Itong si Jehova, o Yahweh (The Jerusalem Bible), ay gumawa ng isang walang-katulad na rekord sa kasaysayan para sa kaniyang sarili.

4. Sa ano inilalayo ng United Nations ang sangkatauhan?

4 Hindi sa ikararangal niya sa anumang paraan, ang United Nations ay umiwas sa pagbibigay sa pangalan ng Diyos ng kaukulang karangalan at pagkilala. Hindi nito pinatitibay-loob ang sangkatauhan, na ngayo’y nakaharap sa pinakamatinding kawalang pag-asa, na umasa sa may taglay ng pangalang iyan. Gayunman, ang Isang iyan ay matuwid na tinataguriang “ang Diyos ng pag-asa,” yamang siya ang naglatag ng saligan para sa tanging makatuwirang pag-asa na maaaring taglayin ng sangkatauhan ngayon. (Roma 15:13, King James Version) Ang pag-asa na kaniyang ibinibigay ang nagpalakas at umalalay sa maraming mga lalaki at mga babae.

Maaga​—Isang Pag-asa!

5. Kailan inilagay ang saligan para sa pag-asa?

5 Ang saligan para sa pagkakaroon ng pag-asang iyan ay inilagay maaga sa kasaysayan ng sangkatauhan. Oo, iyon ay inilagay karaka-raka bago palabasin ang ating unang mga magulang sa kanilang halamanang tahanan ng Eden sa Gitnang Silangan. Ang kasaysayan na nakasulat sa wikang Hebreo tungkol sa halamanang iyon, o Paraiso, ay hindi isang kuwento, hindi isang alamat ng mga bayan na humiwalay sa pagsamba sa kanilang Maylikha.​—Genesis 2:7–​3:24.

6. Paano nangyari na ang sangkatauhan ay nangailangan ng pag-asa?

6 Mahigit na 4,000 taon ang nakalipas, ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay kinasihan na sumulat: “Kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Sa isa pang isinulat niya, kaniyang ipinakilala ang kaisa-isang taong nagkasala: “Kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman sa Kristo ang lahat ay bubuhayin.” (1 Corinto 15:22) Isang manggagamot na nagngangalang Lucas, sa ika-3 kabanata ng kaniyang Ebanghelyo ang tumalunton sa talaangkanan ni Jesus mula’t sapol kay Adan, na, bago pinalabas sa Eden, ay nakarinig ng mensahe ng pag-asa na sinalita ni Jehova.​—Lucas 3:23-38.

7. Anong bagay na pampalakas-loob ang ginawa ng Diyos samantalang si Adan ay buháy pa?

7 Natural, nanaisin mong malaman ang nilalaman ng mensaheng iyan. Subalit bago basahin ito, pansinin ang bagay na sa loob ng mahabang panahon si Jehova’y nagbibigay na ng pag-asa. Sa pasimula si Adan ang makalupang anak ng Diyos, at pinayagan siya ng Diyos na magkaroon ng mga supling. Kung iyong nakikinikinita ang isang malagim na kalagayan, marahil ay iibigin mo na magpalakas-loob o magbigay pag-asa sa iyong mga supling. Ganiyan nga ang ginawa ng Diyos. Pagkatapos na marinig ni Adan ang mga salita ng Diyos na humahatol sa kaniya, kaniyang napakinggan ang mga salita ng pag-asa para sa kaniyang mga inapo.

8. Paanong ang Genesis 3:15 ay nagbigay ng saligan para sa pag-asa?

8 Ano ba ang mga salitang ito na nagtatanim ng pag-asa buhat sa Diyos? Sa isang “ahas” na napasangkot sa kasalanan ni Adan, sinabi ng Diyos: “Pag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi [supling]. Kaniyang susugatan ka sa ulo at iyong susugatan siya sa sakong.” (Genesis 3:14, 15) Marahil ay gusto mong malaman kung paanong ang mga salitang iyan ay masasabing nagbabangon ng pag-asa. Una, ating napag-alaman na “ang ahas” ay susugatan sa kaniyang ulo.

9. Sino “ang ahas” na tinutukoy sa Genesis 3:14, 15?

9 Sa Apocalipsis 12:9 ay nasusulat: “Kaya’t inihagis sa ibaba ang dakilang dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumaraya sa buong tinatahanang lupa; siya’y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.” Oo, “ang ahas” na kasangkot sa Eden ay walang iba kundi ang balakyot na espiritung nilalang na kilala bilang si Satanas na Diyablo. Ang simbolikong ahas na iyan ay hindi lamang nagkaroon ng mga anghel sa langit kundi nagkaroon din ng isang “binhi” rito sa lupa, isang “binhi” na sa takdang panahon ay lilipulin kasama niya.

10. Paano pinatunayan ni Jesus kung sino nga “ang ahas”?

10 Upang patunayan na ang Diyablo “ang ahas” na nasa likod ng pagkahulog sa kasalanan ng ating unang-unang mga magulang, sinabi ni Jesus sa mga Judiong lider ng relihiyon noong unang siglo: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa noong una, at hindi nanatili sa katotohanan . . . Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya, sapagkat siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Ang mga mananalansang na relihiyosong iyon ay tinawag din ni Jesus na “lahi ng mga ulupong.”​—Mateo 12:34; 23:33.

Pinanatiling Buháy ang Pag-asa

11. Anong karagdagang dahilan para sa pag-asa ang ibinigay ng Genesis 3:15?

11 Ang kinasihang pangako na pagsugat sa ulo ng simbolikong ahas ay aktuwal na nagbigay ng nagpapagalak-pusong pag-asa sa buong sangkatauhan na noo’y iiral pa lamang sa hinaharap. Makikita natin kung bakit sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga iba pang pitak ng Genesis 3:15. Ang “binhi” ng babae ay binabanggit. Malaon ding binalot ng hiwaga kung sino ang “binhi” na iyon. Subalit malinaw na pangyayarihin ng Diyos na Jehova na ang di pa nakikilalang “binhi” na iyon ay magkaroon ng pakikipag-alitan sa simbolikong ahas at sa laban-sa-Diyos na “binhi” niyaon. Ipinangako ang tagumpay, oo, tiyakan, para sa “binhi” ng “babae”! Ang tagumpay niyaon ay inilagay na pinaka-pag-asa sa harap ng sangkatauhan. Kaya naman ang mga nasa sangkatauhan ay makaaasa sa pagparito ng “binhi” na iyon ng “babae.”

12. Sa paglakad ng panahon, ano pa ang isiniwalat tungkol sa “binhi” ng “babae”?

12 Sa paglakad ng daan-daang taon, isiniwalat ng Diyos na ang “binhi” na ito ay ang kaniyang bugtong na Anak, na sinugo sa lupa upang maging ang Mesiyas at upang ihandog ang kaniyang buhay bilang isang haing pantubos. (Genesis 22:17, 18; Galacia 3:16; 1 Juan 2:2; Apocalipsis 5:9, 10) Kaya naman ang pag-asa ng mga Saksi ni Jehova ay hindi nakalagak sa United Nations. Ito’y nakalagak sa isang buháy na Jesu-Kristo, Punong Tagapagsalita ng Diyos na Jehova. Tayo’y makapagtitiwala na si Kristo ay buháy, sapol noong siya’y bumangon buhat sa mga patay upang maupo sa kanan ni Jehova sa langit. Gaya ng sinasabi ni Pablo: “Kung sa buhay lamang na ito [kasali na sa buhay na ito ang ating ika-20 siglo] nagsisiasa tayo kay Kristo, tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabag-habag. Datapuwat, si Kristo nga’y muling binuhay sa mga patay, na siyang naging pangunahing bunga ng mga natutulog sa kamatayan.” (1 Corinto 15:19, 20) Kagaya ng malimit na pinatutunayan sa Bibliya sa mga pahina ng magasing ito, si Jesu-Kristo ay nakaluklok na ngayon bilang makalangit na Hari.​—Apocalipsis 11:15.

13, 14. Saan inilalagak ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pag-asa, at ano ang kanilang ginagawa tungkol dito?

13 Mangyari pa, hindi naman hinahalinhan ni Jesus si Jehova bilang ang pag-asa ng sangkatauhan. Ang Awit 37:34 ay kumakapit pa rin: “Umasa ka kay Jehova at sundin mo ang kaniyang mga daan, at kaniyang itataas ka upang maging iyo ang lupa. Pagka nilipol ang mga balakyot, makikita mo.” Kailangan pa rin na patuloy na umasa kay Jehova at himukin ang lahat ng bayan na putulin na ang kanilang pag-asa sa gawang-taong mga organisasyon.

14 Kasuwato ng katotohanang ito, ang mga Saksi ni Jehova ay aktibo sa 208 mga bansa, nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Sila’y hindi mapahihinto sa paggawa ng gayon. Ang pulitikal na mga institusyon, na tinutulungan at sinusulsulan ng mga organisasyon ng relihiyon, ay walang banal na karapatan sa pagsisikap na pahintuin sila. Tayo’y makapagpapatuloy na maging mga saksi ni Jehova at sa kaniya maglalagak ng pag-asa, gaya ni David ng Bethlehem, na sumulat:

15. Anong uri ng pag-asa ang inilagak ni Haring David kay Jehova?

15 “Si Jehova ang aking pastol; hindi ako mangangailangan. Kaniyang pinahihiga ako sa sariwang pastulan; pinapatnubayan niya ako sa siping ng mga tubig na pahingahan. Kaniyang pinapananauli ang aking kaluluwa: Kaniyang pinapatnubayan ako sa mga landas ng katuwiran alang-alang sa kaniyang pangalan. Oo, bagaman ako’y lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan; sapagkat ikaw ay sumasaakin; ang iyong pamalo at ang iyong tungkod, ito’y nagsisialiw sa akin. Iyong pinaghahandaan ako ng dulang sa harap ko sa harapan ng aking mga kaaway: Iyong pinahiran ang aking ulo ng langis; ang aking saro ay inaapawan. Tunay na ang kabutihan at kaawaan ang susunod sa akin sa lahat ng mga kaarawan ng aking buhay; at ako’y tatahan sa bahay ni Jehova magpakailanman.”​—Awit 23, American Standard Version.

16. Bakit masasabi na si Jesus ay may pananaw na katulad ng kay David?

16 Si Haring David ang espirituwal na pastol ni Jehova ukol sa mga tribo ng sinaunang Israel, at siya ang nagbukas ng daan upang ang Jerusalem ay maging kabisera ng bansa, na kung saan naghari ang kaniyang anak na si Solomon nang may 40 taon. May mainam na dahilan, si Jesu-Kristo ay tinukoy na “anak ni David.” (Lucas 1:31; 18:39; 20:41) Kung si David ay naglagak ng pag-asa sa Diyos na Jehova, ang kaniyang makalupang inapo na si Jesu-Kristo ay ganoon din ang gagawin. At ganoon nga ang kaniyang ginawa.

17. Ano ang katunayan na si Jesus ay naglagak ng pag-asa kay Jehova?

17 Bilang katunayan na ang pinakabantog na makalupang inapo ni David, si Jesu-Kristo, ay sumunod sa payo ng Awit 37:34 nang siya’y naghihingalo sa pahirapang tulos, sinabi ni Jesus: “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu.” (Lucas 23:46) Kaniyang sinisipi at tinutupad noon ang mga salita ni David sa Awit 31:5, na ukol naman sa Diyos: “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu.” Hindi nabigo ang pag-asa ni Jesus, kagaya rin ni Haring David na hindi nabigo sa kaniyang pag-asa. Si Kristo ay binuhay-muli noong ikatlong araw. Pagkaraan ng apatnapung araw siya ay bumalik sa kaniyang Ama sa langit. Sa katapusan ng Panahong Gentil noong 1914, itinaas ni Jehova ang kaniyang Anak upang maging Hari ng lupa.

Isang Panahon Para sa Pag-asa Ngayon

18. Bakit ngayon ay angkop na panahon para sa pag-asa?

18 Ngayon, samantalang ang sangkatauhan ay iniaanod ng bagong taóng 6,014 A.M. (sa Taon ng Sanlibutan) patungo sa hinaharap, anong pag-asa ang maaaring taglayin ng sangkatauhan? Ang tanong na iyan ang angkop na angkop ngayon sapagkat halos 1,900 taon na ang nakalipas matapos na mapasulat ang Bibliya. Matagal nang panahon ang lumipas sapol nang isulat ni David ang Awit 37:34.

19. Ano ang ginawa ni Jehova para kay Jesus, na nagbibigay-pag-asa sa atin?

19 Ang Diyos na Jehova, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na bumuhay-muli kay Jesus, ay nagpanukala ng isang lalong dakilang papel na gagampanan ni Jesus kaysa papel na iniisip para sa kaniya ng mga taong maiikli ang pananaw. Sa pamamagitan ng pagbuhay-muli at pagtataas sa kaniyang bugtong na Anak upang dumoon sa kaniyang kanan sa langit, ang Diyos na Jehova ay nagbibigay ng karagdagang dahilan upang tayo’y sa Kaniya maglagak ng walang pagkabigong pag-asa, ang ating huling pag-asa. Ito’y maaaring humantong sa ating pagkakamit ng buhay na walang-hanggan sa kaligayahan, gaya ng sinasabi ng kinasihang manunulat na si Pablo: “Tayo [ay] inililigtas sa pag-asang ito.”​—Roma 8:24.

20. Bakit natin masasabi na si Jehova pa rin “ang Diyos ng pag-asa”?

20 Ang apostol ay nagpapatuloy sa pagsasabi: “Datapuwat ang pag-asa na nakikita ay hindi pag-asa, sapagkat pagka nakikita ng isang tao ang isang bagay, inaasahan pa ba niya iyon? Datapuwat kung nagsisiasa tayo sa hindi natin nakikita, patuloy na hinihintay natin iyon nang may pagtitiis.” (Roma 8:24, 25) Kaya naman ang orihinal na pag-asang iyon ay patuloy na nabubuhay pa rin, oo, malapit na sa maningning na katuparan sa sangkatauhan. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:4, 5) Gawa ng mismong dahilan na ito ay isang pag-asa para sa lahat ng tao, ito’y karapat-dapat na ibalita sa lahat. Ito ang nasa isip ng ating “Diyos ng pag-asa.”

21, 22. Ano ang ating maaasahan na gagawin ng mga bansa sa malapit na hinaharap?

21 Ngayon higit sa lahat ng panahon ang kaniyang panahon para sa katuparan ng kaisipang ito. Kahit na sa panahon natin na ang mga ilang bansa ng UN ay nagtamo ng tagumpay sa siyensiya kaugnay ng mismong nukleo ng lahat ng materya, ang mga lider ng mga pamahalaang ito ay hindi nakadarama ng pangangailangan na ang paglutas ng mga problema’y ipaubaya sa isang lalong nakatataas na kaisipan.​—Ihambing ang Genesis 11:6.

22 Higit kailanman, ang popular na relihiyon ay nasa panig ng nagtatanggol, napikot. Ang kaniyang impluwensiya na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi ay kailangang maalis na. Ipinakikita ng Bibliya na igigiit ng mga namiminuno na sila ang nakatataas at sila’y hihiwalay sa mistulang mga linta na napakatagal nang sumisipsip ng lahat ng kanilang masisipsip sa makasanlibutang sistema ng mga bagay. Hindi nga kataka-taka, kung gayon, na ganito ang gawin ng mga namiminunong pulitiko. Palibhasa’y nakalusot sila sa ganitong pag-atake sa relihiyon, batay sa kanilang punto-de-vista, iisipin nila na walang Diyos na karapat-dapat sambahin at paglingkuran. Ipinakikita ng hula na kung magkagayon ay babaling naman sila sa mga saksi ng Diyos, na siyang natitira pa. Kanilang aasahan na sila’y pinakamadaling magtatagumpay sa mga Saksi ni Jehova bilang huling bahagi ng kanilang kampanya laban sa Diyos.​—Apocalipsis 17:12-17; Ezekiel 38:10-23.

23, 24. Paano kikilos si Jehova tungkol sa pag-atake ng mga bansa sa kaniyang bayan?

23 Datapuwat, sa wakas ay makikilala nila ang kahiya-hiyang pagkatalo na sasapit sa isang nangangahas na lumaban kay Jehova ng mga hukbo, na kailanman ay hindi natatalo sa isang labanan. Ipakikita niya nang buong liwanag na sila’y naglilingkod sa mga layunin ng pangunahing kaaway ng kaisa-isang tunay na Diyos, samakatuwid baga, “ang ahas,” si Satanas, “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.”​—2 Corinto 4:4.

24 Anong laking kahihiyan ito para sa kanila! Ang kanilang inaasahang maipakikilala ay lalabas na isang sukdulang tapang ng hiya, anupa’t pinupukaw ang mismong Diyos ng langit at lupa na magbuhos ng matuwid na pagkapoot. Sa gagahanip na sangkatauhan ay masasabi niya: “‘Sapagkat ang mga pag-iisip ninyo na mga tao ay hindi aking mga pag-iisip, ni ang akin mang mga lakad ay inyong mga lakad,’ sabi ni Jehova. ‘Sapagkat kung paanong ang langit ay lalong mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kaysa inyong mga lakad, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip. Sapagkat kung paanong ang bumubuhos na ulan ay lumalagpak, at ang niyebe, mula sa langit ay hindi bumabalik doon, kundi dinidilig ang lupa at pinasisibulan at pinatutubuan ng halaman, at nagbibigay ng binhi sa maghahasik at pagkain sa mangangain, magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Ito’y hindi babalik sa akin nang walang bunga, kundi tiyakang gagawin nito ang kinalulugdan ko at tiyakang magtatagumpay ito sa pinagsuguan ko.’”​—Isaias 55:8-11.

25. Bakit, kung gayon, tayo’y may mainam na dahilan ngayon na umasa kay Jehova bilang ating “Diyos ng pag-asa”?

25 Ang Maylikha ng tao na ito ay naglagay sa puso ng tao ng matalas na pakiramdam, tulad ng taglay rin niya. “Sapagkat ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Dahil sa kaluwalhatian ay sinugo niya ako sa mga bansa na nanamsam sa inyo; sapagkat ang humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.’” (Zacarias 2:8) Kaya, kung gayon, ang mga Saksi ni Jehova ay kailangang umasa kay Jehova. Hindi niya bibiguin ang pag-asang iyan na pinakamagandang gayak ng kaniyang pansansinukob na pagkasoberano. Kaniyang patutunayan nang hindi matututulan na siya ang kataas-taasan, makapangyarihan-sa-lahat, walang-hanggang Diyos, na hindi bumibigo sa pinakadakilang pag-asa ng kaniyang mga nilalang sa buong langit at lupa. Aleluya!​—Awit 150:6.

Paano Mo Sasagutin?

◻ Bakit mapandaya ang pag-asa ng mga bansa?

◻ Sa Genesis 3:15 paano nagbigay ang Diyos ng saligan para sa pag-asa?

◻ Ano ang paninindigan ni Jesus tungkol sa Awit 37:34?

◻ Bakit tayo ay may dahilan ngayon para umasa?

[Larawan sa pahina 10]

Gaya ng mga tupa na sumusunod sa kanilang pastol, ganoon nagtiwala at umasa kay Jehova si David

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share