SAKONG
Ang likurang bahagi ng paa sa ibaba ng bukung-bukong. Sa Bibliya, madalas tukuyin sa makasagisag na paraan ang bahaging ito ng katawan ng tao. Ang paghawak o pagpinsala sa sakong ng isa ay pipigil, o hahadlang, sa kaniya. Sinunggaban ni Jacob ang sakong ng kaniyang kakambal na si Esau habang papalabas sila sa bahay-bata ng kanilang ina. (Gen 25:26) Dahil dito ay pinangalanan siyang Jacob, nangangahulugang “Isa na Sumusunggab sa Sakong; Kaagaw,” na may makahulang kahulugan. (Gen 27:36; Os 12:2, 3) Nang pagpalain ng ulo ng pamilya na si Jacob ang kaniyang ikalimang anak na si Dan, may-pagsang-ayon niyang inihula para kay Dan na ito ay magiging tulad ng isang serpiyente na nag-aabang sa tabi ng daan at nangangagat ng mga sakong ng kabayo, anupat mahuhulog ang sakay niyaon. (Gen 49:17; tingnan ang ULUPONG, MAY-SUNGAY NA.) Ang tribo ni Dan ay nalagay sa “sakong” bilang bantay ng Israel sa likuran noong panahong naglalakbay sila sa ilang, anupat nagdulot ng pinsala sa mga kaaway ng Israel.—Bil 10:25.
Sa hula, ang di-tapat na Jerusalem ay inihalintulad sa isang kadusta-dustang babae na parurusahan sa pamamagitan ng ‘pakikitungo nang marahas’ sa mga sakong nito, samakatuwid nga, puwersahan siyang palalakarin sa baku-bakong kalupaan, na magpapasakit sa kaniyang mga sakong; nangyari ito nang dalhin ang Jerusalem sa pagkatapon sa Babilonya noong 607 B.C.E.—Jer 13:22.
Sa makasagisag na paraan, nagsalita si Haring David tungkol sa kaniyang traidor na kasamahang si Ahitopel, anupat sinabi niya: “Nag-angat [siya] ng kaniyang sakong laban sa akin.” (Aw 41:9) Nagkaroon ito ng makahulang katuparan kay Hudas Iscariote, na sa kaniya ikinapit ni Jesus ang tekstong ito nang sabihin niya: “Siya na dating kumakain sa aking tinapay ay nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.” (Ju 13:18) Sa gayon ay ipinahihiwatig ng pananalitang ito ang isang taksil na pagkilos, isang pagkilos na nagbabantang puminsala sa tao na laban sa kaniya ay ‘iniangat’ o ‘itinaas’ ang sakong.
Ang unang nakaulat na hula, sa Genesis 3:15, ay patiunang nagsabi na susugatan ng “serpiyente” sa sakong ang ‘binhi ng babae.’ Bagaman masakit, ang isang sugat sa sakong ay hindi naman nagdudulot ng permanenteng pinsala. Si Jesus, ang “binhi” (Gal 3:16), ay pinatay ng mga ahente sa lupa ng malaking Serpiyente, si Satanas na Diyablo (Apo 12:9), ngunit noong ikatlong araw ay gumaling ang kaniyang ‘sugat sa sakong’ nang buhayin siyang muli ng kaniyang Amang si Jehova.—Gaw 2:22-24; 10:40.