Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 2/1 p. 8-13
  • Si Jehova ay Isang Diyos ng mga Tipan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Si Jehova ay Isang Diyos ng mga Tipan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Tipan kay Abraham
  • “Ang Matandang Tipan”
  • Pagpapala sa Pamamagitan ng Tipang Batas
  • Mga Proselita sa Israel
  • Pinagpala ni Jehova ang Binhi ni Abraham
  • Kinailangan ang Isang Bagong Tipan
  • Mas Malalaking Pagpapala sa Pamamagitan ng Bagong Tipan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Mga Tipan Tungkol sa Walang-Hanggang Layunin ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Tipan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • “Kayo ay Magiging Isang Kaharian ng mga Saserdote”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 2/1 p. 8-13

Si Jehova ay Isang Diyos ng mga Tipan

“Ako ay makikipagtipan sa sambahayan ni Israel at sa sambahayan ni Juda ng isang bagong tipan.”​—JEREMIAS 31:31.

1, 2. (a) Anong pagdiriwang ang pinasimulan ni Jesus noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E.? (b) Anong tipan ang tinukoy ni Jesus may kinalaman sa kaniyang kamatayan?

NOONG gabi ng Nisan 14, 33 C.E., ipinagdiwang ni Jesus ang Paskuwa kasama ang kaniyang 12 apostol. Yamang alam niya na ito na ang kaniyang huling pagkain na kasama nila at na malapit na siyang mamatay sa kamay ng kaniyang mga kaaway, sinamantala ni Jesus ang pagkakataon upang ipaliwanag ang maraming mahahalagang bagay sa kaniyang pinakamalalapit na alagad.​—Juan 13:1–​17:26.

2 Iyon ang panahon, matapos paalisin si Judas Iscariote, nang pasimulan ni Jesus ang tanging taunang relihiyosong pagdiriwang na iniutos para sa mga Kristiyano​—ang Memoryal ng kaniyang kamatayan. Ganito ang sabi ng ulat: “Habang nagpapatuloy sila sa pagkain, kumuha si Jesus ng tinapay at, pagkatapos bumigkas ng pagpapala, pinagputul-putol niya ito at, pagkabigay sa mga alagad, ay sinabi niya: ‘Kumuha kayo, kainin ninyo. Ito ay nangangahulugan ng aking katawan.’ Gayundin, kumuha siya ng isang kopa at, nang makapagpasalamat, ibinigay niya ito sa kanila, na sinasabi: ‘Uminom kayo mula rito, kayong lahat; sapagkat ito ay nangangahulugan ng aking “dugo ng tipan,” na siyang ibubuhos alang-alang sa marami para sa kapatawaran ng mga kasalanan.’ ” (Mateo 26:26-28) Aalalahanin ng mga tagasunod ni Jesus ang kaniyang kamatayan sa isang simple at marangal na paraan. At tinukoy ni Jesus ang isang tipan may kaugnayan sa kaniyang kamatayan. Sa salaysay ni Lucas, iyon ay tinatawag na ang “bagong tipan.”​—Lucas 22:20.

3. Anong mga tanong ang ibinangon tungkol sa bagong tipan?

3 Ano ba ang bagong tipan? Kung iyon ang bagong tipan, nangangahulugan ba ito na may isang matandang tipan? Mayroon pa bang ibang tipan na may kaugnayan dito? Mahalaga ang mga tanong na ito sapagkat sinabi ni Jesus na ang dugo ng tipan ay ibubuhos “para sa kapatawaran ng mga kasalanan.” Talagang kailangang-kailangan nating lahat ang gayong kapatawaran.​—Roma 3:23.

Isang Tipan kay Abraham

4. Anong sinaunang pangako ang tumutulong sa atin na maunawaan ang bagong tipan?

4 Upang maunawaan ang bagong tipan, kailangang bumalik tayo nang halos 2,000 taon bago ang ministeryo ni Jesus sa lupa hanggang sa panahon nang si Tera at ang kaniyang pamilya​—pati na si Abram (nang maglaon, Abraham) at ang asawa ni Abram na si Sarai (nang maglaon, Sara)​—ay naglakbay mula sa maunlad na Ur ng mga Caldeo patungo sa Haran sa hilagang Mesopotamia. Namalagi sila roon hanggang sa mamatay si Tera. Pagkatapos, sa utos ni Jehova, tinawid ng 75-taong-gulang na si Abraham ang Ilog Eufrates at naglakbay patimog-kanluran hanggang sa lupain ng Canaan upang mamuhay nang pagala-gala sa mga tolda. (Genesis 11:31–​12:1, 4, 5; Gawa 7:2-5) Noon ay 1943 B.C.E. Nang nasa Haran pa si Abraham, sinabi sa kaniya ni Jehova: “Gagawa ako ng isang dakilang bansa mula sa iyo at pagpapalain kita at padadakilain ko ang iyong pangalan; at ikaw ay maging isang pagpapala. At pagpapalain ko yaong mga nagpapala sa iyo, at siya na sumusumpa sa iyo ay susumpain ko, at tiyak na pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan mo.” Pagkaraan, nang makatawid na si Abraham patungong Canaan, sinabi pa ni Jehova: “Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito.”​—Genesis 12:2, 3, 7.

5. Sa anong makasaysayang hula iniugnay ang pangako ni Jehova kay Abraham?

5 Ang pangako kay Abraham ay may kaugnayan sa isa pa sa mga pangako ni Jehova. Sa katunayan, si Abraham ay ginawa nitong isang pangunahing tauhan sa kasaysayan ng tao, isang kawing sa katuparan ng pinakaunang hulang naisulat kailanman. Pagkatapos na magkasala sina Adan at Eva sa halamanan ng Eden, kapuwa sila hinatulan ni Jehova, at sa pagkakataon ding iyon, sinabi niya kay Satanas, na luminlang kay Eva: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15) Ipinahiwatig ng tipan ni Jehova kay Abraham na ang Binhing siyang sisira sa mga gawa ni Satanas ay lilitaw mula sa angkan ng patriyarkang ito.

6. (a) Sa pamamagitan nino matutupad ang pangako ni Jehova kay Abraham? (b) Ano ang Abrahamikong tipan?

6 Yamang may kaugnayan sa isang binhi ang pangako ni Jehova, kailangan ni Abraham ng isang anak na lalaki na siyang pagmumulan ng Binhi. Ngunit sila ni Sara ay matatanda na at wala pa ring anak. Subalit sa wakas, pinagpala sila ni Jehova, anupat makahimalang pinanumbalik ang kanilang kakayahang magkaanak, at nagsilang si Sara kay Abraham ng isang anak na lalaki, si Isaac, sa gayo’y napanatiling buháy ang pangako tungkol sa isang binhi. (Genesis 17:15-​17; 21:1-7) Makalipas ang mga taon, pagkatapos subukin ang pananampalataya ni Abraham​—maging hanggang sa punto na handa niyang ihandog ang kaniyang sinisintang anak na si Isaac bilang isang hain​—inulit ni Jehova ang kaniyang pangako kay Abraham: “Tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi tulad ng mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat; at aariin ng iyong binhi ang pintuang-daan ng kaniyang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahil pinakinggan mo ang aking tinig.” (Genesis 22:15-​18) Ang namamalaging pangakong ito ay malimit na tawaging Abrahamikong tipan, at ang sumunod na bagong tipan ay may malapit na kaugnayan dito.

7. Paano nagsimulang dumami ang binhi ni Abraham, at anong mga kalagayan ang umakay sa kanilang paninirahan sa Ehipto?

7 Nang maglaon, si Isaac ay nagkaanak ng kambal na lalaki, sina Esau at Jacob. Pinili ni Jehova si Jacob na maging ninuno ng Ipinangakong Binhi. (Genesis 28:10-​15; Roma 9:10-​13) Nagkaroon ng 12 anak na lalaki si Jacob. Maliwanag, panahon na ngayon upang magsimulang dumami ang binhi ni Abraham. Nang nasa hustong gulang na ang mga anak ni Jacob, anupat marami na ang may kani-kaniyang pamilya, dahil sa isang taggutom ay napilitan silang lahat na lumipat sa Ehipto kung saan, sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos, ang daan ay inihanda ng anak ni Jacob na si Jose. (Genesis 45:5-​13; 46:26, 27) Makalipas ang ilang taon, hindi na gaanong matindi ang taggutom sa Canaan. Ngunit nanatili sa Ehipto ang pamilya ni Jacob​—sa simula bilang mga panauhin ngunit nang dakong huli ay bilang mga alipin. Noon lamang 1513 B.C.E., 430 taon pagkatapos tawirin ni Abraham ang Eufrates, nang akayin ni Moises ang mga inapo ni Jacob palabas sa Ehipto upang makalaya. (Exodo 1:8-​14; 12:40, 41; Galacia 3:16, 17) Bibigyan na ngayon ni Jehova ng pantanging pansin ang kaniyang tipan kay Abraham.​—Exodo 2:24; 6:2-5.

“Ang Matandang Tipan”

8. Ano ang ipinakipagtipan ni Jehova sa supling ni Jacob sa Sinai, at ano ang kinalaman nito sa Abrahamikong tipan?

8 Nang lumipat sa Ehipto si Jacob at ang kaniyang mga anak, sila’y isang pamilyang kasama ang mga kamag-anak, ngunit nilisan ng kanilang mga inapo ang Ehipto bilang isang kalipunan ng malalaking tribo. (Exodo 1:5-7; 12:37, 38) Bago sila dalhin ni Jehova sa Canaan, kaniyang inakay sila patimog patungo sa paanan ng isang bundok na pinanganlang Horeb (o, Sinai) sa Arabia. Doon, nakipagtipan siya sa kanila. Ito ay tinawag na ang “matandang tipan” may kaugnayan sa “bagong tipan.” (2 Corinto 3:14) Sa pamamagitan ng matandang tipan, isinagawa ni Jehova sa makasagisag na paraan ang katuparan ng kaniyang tipan kay Abraham.

9. (a) Anong apat na bagay ang ipinangako ni Jehova sa pamamagitan ng Abrahamikong tipan? (b) Anong karagdagang pag-asa ang binuksan ng tipan ni Jehova sa Israel, at sa anong kondisyon?

9 Ipinaliwanag ni Jehova sa Israel ang mga kondisyon ng tipang ito: “Kung maingat na susundin ninyo ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kung gayo’y magiging aking tanging pag-aari nga kayo higit sa lahat ng bayan, sapagkat ang buong lupa ay akin. At kayo mismo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin at isang banal na bansa.” (Exodo 19:5, 6) Ipinangako ni Jehova na ang binhi ni Abraham ay (1) magiging isang malaking bansa, (2) magtatagumpay sa kanilang mga kaaway, (3) magmamana ng lupain ng Canaan, at (4) magiging isang alulod para sa pagpapala sa mga bansa. Ngayon ay isiniwalat niya na sila mismo ay maaaring magmana ng mga pagpapalang ito bilang kaniyang pantanging bayan, ang Israel, ‘isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa,’ kung kanilang susundin ang kaniyang mga utos. Sumang-ayon ba ang mga Israelita na pumasok sa ganitong pakikipagtipan? Sumagot sila nang may pagkakaisa: “Lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.”​—Exodo 19:8.

10. Paano inorganisa ni Jehova ang mga Israelita upang maging isang bansa, at ano ang inaasahan niya sa kanila?

10 Kaya naman, inorganisa ni Jehova ang Israel upang maging isang bansa. Binigyan niya sila ng mga batas na uugit sa kanilang pagsamba at pamumuhay bilang mamamayan. Naglaan din siya ng isang tabernakulo (nang maglaon, isang templo sa Jerusalem) at isang pagkasaserdote upang mag-ukol ng sagradong paglilingkod sa tabernakulo. Ang pag-iingat sa tipan ay nangangahulugan ng pagsunod sa mga batas ni Jehova at, lalo na, ng pagsamba tangi lamang sa kaniya. Ang una sa Sampung Utos na siyang pinakasaligan ng mga batas na iyon ay: “Ako ay si Jehova na iyong Diyos, na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin. Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap ko.”​—Exodo 20:2, 3.

Pagpapala sa Pamamagitan ng Tipang Batas

11, 12. Sa anu-anong paraan natupad sa Israel ang mga pangako sa matandang tipan?

11 Natupad ba sa Israel ang mga pangako sa tipang Batas? Ang Israel ba ay naging “isang banal na bansa”? Bilang mga inapo ni Adan, makasalanan ang mga Israelita. (Roma 5:12) Gayunman, sa ilalim ng Batas, naghandog ng mga hain upang matakpan ang kanilang mga kasalanan. Hinggil sa mga hain na inihahandog tuwing taunang Araw ng Pagbabayad-sala, ganito ang sabi ni Jehova: “Sa araw na ito ay gagawin ang pagbabayad-sala para sa inyo upang ipahayag na kayo’y malinis. Kayo’y magiging malinis mula sa lahat ng inyong mga kasalanan sa harap ni Jehova.” (Levitico 16:30) Samakatuwid, nang sila’y tapat, ang Israel ay isang banal na bansa, anupat nilinis para sa paglilingkuran kay Jehova. Subalit ang ganitong malinis na kalagayan ay nakasalalay sa kanilang pagsunod sa Batas at sa patuloy na paghahandog ng mga hain.

12 Ang Israel ba ay naging “isang kaharian ng mga saserdote”? Sa simula pa lamang, iyon ay isa nang kaharian, na si Jehova ang makalangit na Hari. (Isaias 33:22) Isa pa, kasali sa tipang Batas ang mga probisyon para sa isang haring tao, kaya nang maglaon ay kumatawan kay Jehova ang mga haring namamahala sa Jerusalem. (Deuteronomio 17:14-18) Ngunit ang Israel ba ay naging isang kaharian ng mga saserdote? Buweno, iyon ay may isang pagkasaserdote na nag-uukol ng sagradong paglilingkod sa tabernakulo. Ang tabernakulo (nang maglaon, ang templo) ang siyang sentro ng dalisay na pagsamba para sa mga Israelita at gayundin sa mga di-Israelita. At ang bansa ang siyang tanging alulod ng isiniwalat na katotohanan sa sangkatauhan. (2 Cronica 6:32, 33; Roma 3:1, 2) Lahat ng tapat na mga Israelita, hindi lamang ang mga Levitang saserdote, ay “mga saksi” ni Jehova. Ang Israel ay “lingkod” ni Jehova, anupat binuo upang ‘isalaysay ang kaniyang kapurihan.’ (Isaias 43:10, 21) Nasaksihan ng marami sa mapagpakumbabang banyaga ang kapangyarihan ni Jehova alang-alang sa kaniyang bayan at sila’y naakit sa dalisay na pagsamba. Sila ay naging proselita. (Josue 2:9-13) Ngunit isa lamang tribo ang aktuwal na naglingkod bilang mga pinahirang saserdote.

Mga Proselita sa Israel

13, 14. (a) Bakit masasabi na ang mga proselita ay hindi kasali sa tipang Batas? (b) Paano sumailalim sa tipang Batas ang mga proselita?

13 Ano ang katayuan ng gayong mga proselita? Nang makipagtipan si Jehova, ginawa lamang niya iyon sa Israel; yaong mga kabilang sa “malaking haluang pangkat,” bagaman naroroon, ay hindi binanggit na kasali sa tipan. (Exodo 12:38; 19:3, 7, 8) Hindi isinali ang kanilang mga panganay nang kalkulahin ang halagang pantubos para sa mga panganay ng Israel. (Bilang 3:44-​51) Pagkaraan ng mga dekada nang hatiin ang lupain ng Canaan para sa mga tribo ng Israel, walang inilaan para sa mga di-Israelitang mananampalataya. (Genesis 12:7; Josue 13:1-​14) Bakit? Sapagkat ang tipang Batas ay hindi ginawa kasama ang mga proselita. Ngunit ang mga lalaking proselita ay tinutuli bilang pagsunod sa Batas. Sinusunod nila ang mga tuntunin nito, at nakikinabang sila sa mga probisyon nito. Ang mga proselita gayundin ang mga Israelita ay sumailalim sa tipang Batas.​—Exodo 12:48, 49; Bilang 15:14-​16; Roma 3:19.

14 Halimbawa, kung ang isang proselita ay di-sinasadyang nakapatay ng isang tao, tulad ng isang Israelita ay maaari siyang tumakas tungo sa isang lunsod ng kanlungan. (Bilang 35:15, 22-​25; Josue 20:9) Sa Araw ng Pagbabayad-sala ay naghahandog ng hain “alang-alang sa buong kongregasyon ng Israel.” Bilang bahagi ng kongregasyon, ang mga proselita ay nakikibahagi sa mga kaganapan at nasasaklaw ng hain. (Levitico 16:7-​10, 15, 17, 29; Deuteronomio 23:7, 8) Gayon na lamang kalapit ang kaugnayan ng mga proselita sa Israel sa ilalim ng Batas anupat noong Pentecostes 33 C.E. nang gamitin ang unang ‘susi ng kaharian’ alang-alang sa mga Judio, nakinabang din ang mga proselita. Bunga nito, “si Nicolas, isang proselita ng Antioquia,” ay naging isang Kristiyano at nakabilang sa “pitong pinatotohanang mga lalaki” na inatasan upang asikasuhin ang mga pangangailangan ng kongregasyon sa Jerusalem.​—Mateo 16:19; Gawa 2:5-​10; 6:3-6; 8:26-​39.

Pinagpala ni Jehova ang Binhi ni Abraham

15, 16. Paano natupad ang tipan ni Jehova kay Abraham sa ilalim ng tipang Batas?

15 Palibhasa’y organisado na ang mga inapo ni Abraham bilang isang bansang nasa ilalim ng Batas, sila’y pinagpala ni Jehova alinsunod sa kaniyang pangako sa patriyarka. Noong 1473 B.C.E., inakay ng kahalili ni Moises, si Josue, ang Israel tungo sa Canaan. Ang kasunod na paghahati ng lupain sa mga tribo ay tumupad sa pangako ni Jehova na magbibigay ng lupain sa binhi ni Abraham. Kapag ang Israel ay tapat, tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangako na pagtatagumpayin sila sa kanilang mga kaaway. Ito ay lalo nang totoo noong namamahala si Haring David. Nang dumating ang panahon ng anak ni David na si Solomon, natupad ang ikatlong aspekto ng Abrahamikong tipan. “Ang Juda at ang Israel ay marami, tulad ng mga butil ng buhangin na nasa tabi ng dagat sa karamihan, kumakain at umiinom at nagsasaya.”​—1 Hari 4:20.

16 Subalit paano pagpapalain ng mga bansa ang kanilang sarili sa pamamagitan ng Israel, ang binhi ni Abraham? Gaya ng nabanggit na, ang Israel ay pantanging bayan ni Jehova, ang kaniyang kinatawan sa gitna ng mga bansa. Nang malapit nang umabante ang Israel sa Canaan, sinabi ni Moises: “Makigalak, kayong mga bansa, sa kaniyang bayan.” (Deuteronomio 32:43) Maraming banyaga ang tumugon. “Isang malaking haluang pangkat” ang sumama na sa Israel palabas sa Ehipto, nakasaksi sa kapangyarihan ni Jehova sa ilang, at nakarinig sa paanyaya ni Moises na magsaya. (Exodo 12:37, 38) Nang maglaon, ang Moabitang si Ruth ay napangasawa ng Israelitang si Boaz at naging ninuno ng Mesiyas. (Ruth 4:13-​22) Napabantog ang Kenitang si Jehonadab at ang kaniyang mga inapo at ang Etiopeng si Ebed-melec dahil sa kanilang pagsunod sa matuwid na mga simulain nang marami sa likas na Israelita ang naging di-tapat. (2 Hari 10:15-​17; Jeremias 35:1-​19; 38:7-​13) Sa ilalim ng Imperyong Persiano, maraming banyaga ang naging proselita at nakipaglabang kasama ng Israel laban sa kaniyang mga kaaway.​—Esther 8:17, talababa sa Ingles.

Kinailangan ang Isang Bagong Tipan

17. (a) Bakit itinakwil ni Jehova ang hilaga at ang timugang kaharian ng Israel? (b) Ano ang umakay sa lubusang pagtatakwil sa mga Judio?

17 Gayunpaman, upang matamo ang ganap na katuparan ng pangako ng Diyos, kailangang maging tapat ang pantanging bansa ng Diyos. Hindi ito naging gayon. Totoo, may mga Israelita na may namumukod-tanging pananampalataya. (Hebreo 11:32–​12:1) Gayunpaman, sa maraming pagkakataon ay bumaling ang bansa sa mga paganong diyos, anupat umasa ng materyal na mga pakinabang. (Jeremias 34:8-​16; 44:15-​18) May mga taong mali ang pagkakapit sa Batas o basta na lamang ipinagwalang-bahala ito. (Nehemias 5:1-5; Isaias 59:2-8; Malakias 1:12-14) Pagkamatay ni Solomon, nahati ang Israel tungo sa isang hilagaan at isang timugang kaharian. Nang mapatunayang talagang rebelyoso ang hilagaang kaharian, ipinahayag ni Jehova: “Sapagkat ikaw ay nagtakwil ng kaalaman, akin namang itatakwil ka upang ikaw ay huwag maging saserdote ko.” (Oseas 4:6) Matindi rin naman ang naging parusa sa timugang kaharian dahil sa ito’y napatunayang naging bulaan sa tipan. (Jeremias 5:29-​31) Nang itakwil ng mga Judio si Jesus bilang Mesiyas, itinakwil din naman sila ni Jehova. (Gawa 3:13-​15; Roma 9:31–​10:4) Sa wakas, gumawa si Jehova ng bagong kaayusan upang ganap na isakatuparan ang Abrahamikong tipan.​—Roma 3:20.

18, 19. Anong bagong kaayusan ang ginawa ni Jehova upang ganap na matupad ang Abrahamikong tipan?

18 Ang bagong kaayusang iyon ay ang bagong tipan. Inihula ito ni Jehova nang sabihin niya: “ ‘Narito! Ang mga araw ay dumarating,’ sabi ni Jehova, ‘na ako ay makikipagtipan sa sambahayan ni Israel at sa sambahayan ni Juda ng isang bagong tipan’ . . . ‘Ito ang tipan na aking ipakikipagtipan sa sambahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na yaon,’ sabi ni Jehova. ‘Aking ilalagay ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso. At ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan.’ ”​—Jeremias 31:31-33.

19 Ito ang bagong tipan na tinukoy ni Jesus noong Nisan 14, 33 C.E. Noon, isiniwalat niya na ang ipinangakong tipan ay malapit nang pagtibayin sa pagitan ng kaniyang mga alagad at ni Jehova, na si Jesus ang siyang tagapamagitan. (1 Corinto 11:25; 1 Timoteo 2:5; Hebreo 12:24) Sa pamamagitan ng bagong tipan na ito, ang pangako ni Jehova kay Abraham ay magkakaroon ng mas maluwalhati at walang-hanggang katuparan, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo.

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Ano ang ipinangako ni Jehova sa Abrahamikong tipan?

◻ Paano isinakatuparan ni Jehova sa likas na Israel ang Abrahamikong tipan?

◻ Paano nakinabang ang mga proselita sa matandang tipan?

◻ Bakit kinailangan ang isang bagong tipan?

[Larawan sa pahina 9]

Sa pamamagitan ng tipang Batas, isinagawa ni Jehova ang makasagisag na katuparan ng Abrahamikong tipan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share