Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • bm seksiyon 24 p. 27-28
  • Sumulat si Pablo sa mga Kongregasyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sumulat si Pablo sa mga Kongregasyon
  • Ang Bibliya—Ano ang Mensahe Nito?
  • Kaparehong Materyal
  • Payo Tungkol sa Pananampalataya, Paggawi, at Pag-ibig
    Ang Bibliya—Ano ang Mensahe Nito?
  • Timoteo—“Isang Tunay na Anak sa Pananampalataya”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Si Pablo sa Roma
    Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
  • Ang Pangkalahatang Pagkakasuwato ng Bibliya
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
Iba Pa
Ang Bibliya—Ano ang Mensahe Nito?
bm seksiyon 24 p. 27-28
Si Pablo na nakabilanggo sa isang bahay habang idinidikta ang isang liham

SEKSIYON 24

Sumulat si Pablo sa mga Kongregasyon

Pinalakas ng mga liham ni Pablo ang mga Kristiyano noong unang siglo

ANG bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano noong unang siglo ay may mahalagang papel sa katuparan ng layunin ni Jehova. Kaya lang, sinalakay agad ang mga Kristiyanong iyon. Mananatili kaya silang tapat sa kabila ng pag-uusig mula sa labas ng kongregasyon at sa kabila ng di-nakikitang panganib sa loob mismo ng kongregasyon? Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay naglalaman ng 21 liham na nagbibigay ng mahahalagang payo at pampatibay-loob.

Ang 14 sa mga liham na ito​—mula Roma hanggang Hebreo​—ay isinulat ni apostol Pablo. Ang mga liham na ito ay nakapangalan sa mismong mga kinauukulan nito​—ito man ay sa isang indibiduwal o sa buong kongregasyon. Tingnan natin ang ilang paksang tinalakay ni Pablo sa kaniyang mga liham.

Payo tungkol sa moralidad at paggawi. Ang mga nakikiapid, nangangalunya, at gumagawa ng iba pang malulubhang kasalanan ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Galacia 5:19-21; 1 Corinto 6:9-11) Dapat magkaisa ang mga mananamba ng Diyos anuman ang kanilang lahi o nasyonalidad. (Roma 2:11; Efeso 4:1-6) Dapat na maging masaya sila sa pagtulong sa mga kapananampalatayang nangangailangan. (2 Corinto 9:7) “Manalangin kayo nang walang lubay,” ang sabi ni Pablo. Oo, pinasisigla ang mga mananamba na ibuhos kay Jehova sa panalangin ang kanilang niloloob. (1 Tesalonica 5:17; 2 Tesalonica 3:1; Filipos 4:6, 7) Upang dinggin ng Diyos ang ating panalangin, dapat na samahan ito ng pananampalataya.​—Hebreo 11:6.

Paano magiging maligaya ang mga pamilya? Dapat ibigin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawang babae gaya ng kanilang sarili. Dapat igalang ng mga babae ang kani-kanilang asawang lalaki. Dapat sundin ng mga anak ang kanilang mga magulang, dahil ito ang gusto ng Diyos. Dapat gabayan at sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa maibiging paraan, sa tulong ng mga simulain ng Diyos.​—Efeso 5:22–6:4; Colosas 3:18-21.

Mapa ng mga lugar kung saan isinulat ni Pablo ang kaniyang mga liham

Paliwanag tungkol sa layunin ng Diyos. Naging proteksiyon at gabay ng mga Israelita ang Kautusang Mosaiko hanggang sa pagdating ng Kristo. (Galacia 3:24) Pero hindi nakadepende sa pagsunod sa Kautusang iyan ang pagsamba ng mga Kristiyano sa Diyos. Sa liham ni Pablo sa mga Hebreo​—mga Kristiyanong Judio​—ipinaliwanag niya ang kahulugan ng Kautusan at kung paano natupad kay Kristo ang layunin ng Diyos. Ipinaliwanag ni Pablo na may mga bahagi ng Kautusan na lumalarawan sa ilang mahahalagang bagay. Halimbawa, ang paghahandog ng mga hayop ay lumalarawan sa sakripisyong kamatayan ni Jesus, na siyang magbibigay-daan sa lubos na kapatawaran ng mga kasalanan. (Hebreo 10:1-4) Sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus, pinawalang-bisa ng Diyos ang tipang Kautusan, dahil hindi na ito kailangan.​—Colosas 2:13-17; Hebreo 8:13.

Isang sinaunang kongregasyong Kristiyano habang nakikinig sa pagbasa ng isa sa mga liham ni Pablo

Tagubilin tungkol sa tamang kaayusan sa kongregasyon. Ang mga lalaking handang gumanap ng mga pananagutan sa kongregasyon ay dapat makaabot sa mataas na pamantayang moral at sa mga kuwalipikasyong binabanggit sa Bibliya. (1 Timoteo 3:1-10, 12, 13; Tito 1:5-9) Dapat magtipon nang regular ang mga mananamba ng Diyos na Jehova para magpatibayan sa isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25) Dapat na nakapagtuturo at nakapagpapatibay ang mga pulong para sa pagsamba.​—1 Corinto 14:26, 31.

Nang isulat ni Pablo ang kaniyang ikalawang liham kay Timoteo, nasa Roma na uli ang apostol; nakabilanggo siya roon at naghihintay ng hatol. Iilan lamang ang naglakas-loob na dumalaw sa kaniya. Alam ni Pablo na biláng na ang mga araw niya. “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban,” ang sabi niya. “Natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya.” (2 Timoteo 4:7) Malamang na pinatay si Pablo di-nagtagal pagkaraan nito. Pero ang mga liham ng apostol ay nagsisilbi pa ring gabay sa mga mananamba ng Diyos hanggang sa ngayon.

​—Batay sa Roma; 1 Corinto; 2 Corinto; Galacia; Efeso; Filipos; Colosas; 1 Tesalonica; 2 Tesalonica; 1 Timoteo; 2 Timoteo; Tito; Filemon; at Hebreo.

  • Anong mga payo tungkol sa moralidad at paggawi ang nilalaman ng mga liham ni Pablo?

  • Paano ipinaliwanag ni Pablo na natupad kay Kristo ang layunin ng Diyos?

  • Anong mga tagubilin ang ibinigay ni Pablo hinggil sa tamang kaayusan sa kongregasyon?

SINO ANG IPINANGAKONG BINHI?

Nang magkasala sina Adan at Eva, sinabi ng Diyos sa ahas ang makasagisag na pananalitang ito: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15) Ayon sa Kasulatan, ang Diyablo ang “orihinal na serpiyente,” o ahas. (Apocalipsis 12:9) Kung sino ang Binhi, o Tagapagligtas, na ipinangako ng Diyos​—iyan ay isang lihim na unti-unting isiniwalat sa Bibliya sa loob ng daan-daang taon.

Mga 2,000 taon mula nang magkasala sina Adan at Eva, ipinahiwatig ni Jehova na ang ipinangakong Binhi ay magmumula sa angkan ni Abraham. (Genesis 22:17, 18) Pagkalipas ng daan-daang taon, isiniwalat ni apostol Pablo na ang pangunahing bahagi ng Binhi ay ang Mesiyas, si Jesu-Kristo. (Galacia 3:16) Ang makasagisag na pagsugat “sa sakong” ni Jesus na inihula sa Genesis 3:15 ay natupad nang patayin siya. Gayunman, binuhay siyang muli ng Diyos bilang “espiritu.”​—1 Pedro 3:18.

Nilayon din ng Diyos na 144,000 tao ang maging pangalawahing bahagi ng binhi. (Galacia 3:29; Apocalipsis 14:1) Binuhay silang muli bilang mga espiritu na makakasama ni Kristo sa makalangit na Kaharian.​—Roma 8:16, 17.

Bilang makapangyarihang Hari sa langit, malapit nang lipulin ni Jesus ang Diyablo at ang binhi nito​—ang masasamang tao at mga demonyong kampon ni Satanas. (Juan 8:44; Efeso 6:12) Ang pamamahala ni Jesus ay magdudulot ng kapayapaan at kaligayahan sa lahat ng masunuring tao. Sa dakong huli, gaya ng inihula, susugatan niya “sa ulo” ang ahas. Ito na ang magiging katapusan ng Diyablo.​—Hebreo 2:14.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share