Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 6/15 p. 14-19
  • “Lalaki at Babae na Nilalang Niya Sila”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Lalaki at Babae na Nilalang Niya Sila”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tunay na Pagkalalaki at Tunay na Pagkababae
  • Panlabas na Anyo
  • Mga Kristiyanong Lalaki at Babae​—Tunay na mga Lalaki at Babae
  • Masama Bang Magpaganda ang Kababaihan?
    Gumising!—2005
  • Ang Marangal na Bahaging Ginagampanan ng Babae
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Ang Papel na Ginagampanan ng Babae sa Kasulatan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Mga Babae
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 6/15 p. 14-19

“Lalaki at Babae na Nilalang Niya Sila”

“Nilalang ng Diyos ang tao sa kaniyang larawan, sa larawan ng Diyos ay nilalang niya siya; lalaki at babae na nilalang niya sila.”​—GENESIS 1:27.

1. Paanong isang pagpapala ang katotohanan sa mga Kristiyanong lalaki at babae?

NAKATUTUWANG mapabilang sa bayan ni Jehova at makisama sa mga lalaki at babae, gayundin sa mga bata, na ang inuuna sa buhay ay ang ibigin at sundin ang Diyos! Pinalalaya rin tayo ng katotohanan mula sa mga saloobin at paggawi na di-nakalulugod sa Diyos na Jehova, at tinuturuan tayo nito kung paano mamuhay nang nararapat bilang mga Kristiyano. (Juan 8:32; Colosas 3:8-10) Halimbawa, ang mga tao sa lahat ng dako ay may mga tradisyon o pala-palagay kung paano dapat ipakita ng mga lalaki ang kanilang pagkalalaki, at ng mga babae ang kanilang pagkababae. Basta na lamang ba ipinanganak na may pagkalalaki ang mga lalaki, at may pagkababae ang mga babae? O may iba pa kayang dahilan na dapat isaalang-alang?

2. (a) Ano ang dapat tumiyak sa ating pangmalas tungkol sa pagkalalaki at pagkababae? (b) Ano ang nangyayari sa mga pangmalas hinggil sa mga sekso?

2 Para sa mga Kristiyano, ang Salita ng Diyos ang siyang awtoridad na dapat nating sundin, anuman ang kinamulatan nating personal, pangkultura, o tradisyonal na mga pangmalas. (Mateo 15:1-9) Hindi nagbibigay ng detalye ang Bibliya tungkol sa lahat ng iba’t ibang aspekto ng pagkalalaki o pagkababae. Sa halip, nagpapahintulot ito ng iba’t ibang pangmalas, tulad ng ating nakikita sa iba’t ibang kultura. Upang maging kasuwato ng pagkalalang sa kanila ng Diyos, dapat na maging tunay na lalaki ang mga lalaki, at tunay na babae ang mga babae. Bakit? Sapagkat bukod sa ginawa ang lalaki at babae na magkabagay sa pisikal, ginawa rin silang magkabagay sa kanilang likas na katangiang panlalaki at pambabae. (Genesis 2:18, 23, 24; Mateo 19:4, 5) Gayunman, ang mga pangmalas hinggil sa sekso ay naging pilipit o pinasama. Marami ang nag-aakalang ang pagkalalaki ay katumbas ng malupit na paniniil, kabagsikan, o pagiging macho. Sa ilang kultura ay bibihirang mangyari o kahiya-hiya kung ang isang lalaki ay luluha, sa harap man ng publiko o maging sa pribado. Ngunit, sa gitna ng pulutong sa labas ng puntod ni Lazaro, “si Jesus ay lumuha.” (Juan 11:35) Hindi ito kahiya-hiya para kay Jesus, na ang pagkalalaki ay sakdal. Sa ngayon ay marami ang may di-timbang na pangmalas sa pagkababae, anupat inaakala na ito’y ang pagiging kaakit-akit sa pisikal o seksuwal na paraan lamang.

Tunay na Pagkalalaki at Tunay na Pagkababae

3. Paano nagkakaiba ang mga lalaki at mga babae?

3 Ano ba ang tunay na pagkalalaki, at ano naman ang tunay na pagkababae? Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Ang karamihan ng mga lalaki at babae ay nagkakaiba hindi lamang sa pangangatawan, kundi maging sa mga paggawi at kinagigiliwan din naman. Ang ilan sa mga pagkakaibang ito ay itinakda ng henetikong kayarian. . . . Ngunit maraming mga kaibahan na walang kaugnayan sa pisikal na kayarian ang wari’y nakasalig sa papel ng bawat sekso na natututuhan ng bawat indibiduwal. Ang mga tao ay isinisilang na lalaki o babae, ngunit ang tunay na pagkalalaki o pagkababae ay kanilang natututuhan.” Maaaring ang ating henetikong kayarian ang dahilan ng maraming bagay, ngunit ang pagtataglay ng angkop na pagkalalaki o pagkababae ay depende sa pagkatuto natin ng kung ano ang mga hinihiling ng Diyos at kung ano ang pinipili nating itaguyod sa buhay.

4. Ano ang isinisiwalat ng Bibliya tungkol sa papel ng lalaki at ng babae?

4 Ipinakikita ng kasaysayan sa Bibliya na ang papel ni Adan ay ang manguna bilang ulo ng kaniyang asawa at mga anak. Tutuparin din niya ang kalooban ng Diyos na punuin ang lupa, supilin ito, at pamahalaan ang lahat ng nakabababang makalupang nilalang. (Genesis 1:28) Ang papel ng babae sa pamilya para kay Eva ay ang pagiging “katulong” at “kapupunan” kay Adan, mapagpasakop sa kaniyang pagkaulo, anupat nakikipagtulungan sa kaniya sa pagsasakatuparan ng ipinahayag na layunin ng Diyos para sa kanila.​—Genesis 2:18; 1 Corinto 11:3.

5. Paano nasira ang ugnayan ng lalaki at ng babae?

5 Ngunit hindi tinupad ni Adan ang kaniyang pananagutan, at ginamit ni Eva ang kaniyang pagkababae sa isang mapanghikayat na paraan upang akitin si Adan na makisama sa kaniya sa pagsuway sa Diyos. (Genesis 3:6) Nang pumayag siyang gawin ang alam niyang mali, nabigo si Adan na magpakita ng tunay na pagkalalaki. Buong-karupukang pinili niyang paniwalaan ang sinabi ng kaniyang nadayang asawa sa halip na yaong sinabi ng kaniyang Ama at Maylalang. (Genesis 2:16, 17) Di-nagtagal at nagsimulang maranasan ng unang mag-asawa ang patiunang nakita ni Jehova na magiging resulta ng pagsuway. Si Adan, na noon ay naglarawan sa kaniyang asawa sa kaakit-akit at matulaing pananalita, ngayon ay buong-panlalamig na tumukoy sa kaniya bilang ‘ang babaing ibinigay mo sa akin.’ Ang kaniyang di-kasakdalan ay nagpasamâ at naglihis ngayon sa kaniyang pagkalalaki, na nauwi sa ‘pagpupunò niya sa kaniyang asawa.’ Si Eva naman ay magkakaroon ng “paghahangad” sa kaniyang asawa, malamang na sa labis o di-timbang na paraan.​—Genesis 3:12, 16.

6, 7. (a) Anong pilipit na pagkakilala sa pagkalalaki ang lumitaw bago ang Baha? (b) Ano ang matututuhan natin sa situwasyon bago ang Baha?

6 Ang pag-aabuso sa pagkalalaki at pagkababae ay labis na nakita bago ang Baha. Ang mga anghel na umalis sa kanilang orihinal na dako sa langit ay nagkatawang-tao upang makipagtalik sa mga babae. (Genesis 6:1, 2) Mga lalaki lamang ang binabanggit ng ulat na isinilang mula sa di-likas na pagsasamang ito. At waring ang mga supling ay mga hybrid, na hindi maaaring magkaanak. Sila’y nakilala bilang mga makapangyarihan, Nefilim, o mga Tagapagbagsak, yamang pinababagsak nila ang iba. (Genesis 6:4; talababa sa Ingles) Maliwanag na sila’y marahas, agresibo, walang ipinakikitang awa.

7 Maliwanag, ang pisikal na kagandahan, hubog ng katawan, laki, o lakas ay hindi nagdudulot sa ganang sarili ng nararapat na pagkalalaki o pagkababae. Malamang na maganda ang hitsura ng mga anghel na nagkatawang-tao. At ang mga Nefilim ay malalaki at matitipuno ang katawan, ngunit ang mental na saloobin nila ay baluktot. Ang lupa ay pinunô ng masuwaying mga anghel at ng kanilang mga supling ng seksuwal na imoralidad at karahasan. Dahil dito, winakasan ni Jehova ang sanlibutang iyon. (Genesis 6:5-7) Gayunman, hindi inalis ng Baha ang impluwensiya ng mga demonyo, ni inalis man nito ang mga resulta ng kasalanan ni Adan. Lumitaw muli ang pilipit na pagkakilala sa pagkalalaki at pagkababae pagkatapos ng Delubyo, at may mga halimbawa sa Bibliya, kapuwa mabuti at masama, na maaaring maging aral para sa atin.

8. Anong mainam na halimbawa ng wastong pagkalalaki ang ipinakita ni Jose?

8 Si Jose at ang asawa ni Potipar ay nagpapakita ng malaking pagkakaiba hinggil sa wastong pagkalalaki na napaharap sa makasanlibutang pagkababae. Ang asawa ni Potipar, na nahumaling sa magandang lalaking si Jose, ay nagsikap na akitin siya. Noon, walang nasusulat na batas ng Diyos na nagbabawal sa pakikiapid o pangangalunya. Gayunman, tumakas si Jose mula sa imoral na babaing iyon at napatunayang siya’y isang tunay na makadiyos na lalaki, na nagpamalas ng pagkalalaki na sinang-ayunan ng Diyos.​—Genesis 39:7-9, 12.

9, 10. (a) Paano inabuso ni Reyna Vasti ang kaniyang pagkababae? (b) Anong mainam na halimbawa ng pagkababae ang inilaan ni Esther para sa atin?

9 Sina Esther at Reyna Vasti ay naglalaan ng magkasalungat na halimbawa para sa mga babae. Maaaring inisip ni Vasti na napakaganda niya kaya lagi siyang pagbibigyan ni Haring Ahasuero sa kaniyang mga kagustuhan. Ngunit ang kaniyang kagandahan ay panlabas lamang tulad ng maraming pampahid sa balat na ipinagbibili ngayon. Siya ay walang kahinhinan at pagkababae, sapagkat nabigo siyang magpasakop sa kaniyang asawa at hari. Ang hari ay nagtakwil sa kaniya at pumili ng isang babaing may tunay na pagkababae na, sa katunayan, natatakot kay Jehova upang maging kaniyang reyna.​—Esther 1:10-​12; 2:15-17.

10 Si Esther ay nagsisilbing napakahusay na halimbawa para sa Kristiyanong mga babae. “Kaakit-akit ang [kaniyang] anyo at maganda ang hitsura,” gayunma’y taglay niya ang panggayak ng “lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu.” (Esther 2:7; 1 Pedro 3:4) Hindi niya itinuring na pinakamahalaga ang panlabas na panggayak. Si Esther ay nagpakita ng taktika at pagpipigil-sa-sarili, anupat mapagpasakop sa kaniyang asawang si Ahasuero, kahit na noong mapasapanganib ang buhay ng kaniyang bayan. Nanahimik si Esther nang ito ang matalinong gawin subalit nagsalita nang walang-takot nang ito’y kailangan at angkop ang panahon. (Esther 2:10; 7:3-6) Tinanggap niya ang payo ng kaniyang maygulang na pinsan, si Mardokeo. (Esther 4:12-16) Nagpakita siya ng pag-ibig at katapatan sa kaniyang bayan.

Panlabas na Anyo

11. Ano ang dapat nating tandaan may kinalaman sa panlabas na anyo?

11 Ano ang susi sa angkop na pagkababae? Isang ina ang nagsabi: “Ang alindog ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan; ngunit ang babaing natatakot kay Jehova ang siyang nagdadala ng kapurihan sa kaniyang sarili.” (Kawikaan 31:30) Kaya mahalaga ang mapagpitagang pagkatakot sa Diyos, at ang maibiging-kabaitan, kaigayahan, kahinhinan, at mahinahong dila ay may higit na maidaragdag sa pagkababae kaysa sa pisikal na kagandahan.​—Kawikaan 31:26.

12, 13. (a) Nakalulungkot, ano ang katangian ng pananalita ng marami? (b) Ano ang ibig sabihin ng Kawikaan 11:22?

12 Nakalulungkot, maraming lalaki at babae ang hindi nagbubuka ng kanilang mga bibig nang may karunungan, ni nasa kanilang dila ang maibiging-kabaitan. Ang kanilang pananalita ay mapang-abuso, mapanlibak, magaspang, at walang pakundangan. Inaakala ng ilang lalaki na ang malalaswang salita ay tanda ng pagkalalaki, at may-kamangmangang ginagaya sila ng ilang babae. Subalit, kung ang isang babae ay maganda nga subalit salat naman sa katinuan at mahilig makipagtalo, mapanlibak, o arogante, talaga bang matatawag siyang maganda sa tunay na diwa nito, anupat tunay na babae? “Kung paano ang hiyas na ginto sa nguso ng baboy, ganoon ang isang babaing maganda ngunit nagtatakwil sa katinuan.”​—Kawikaan 11:22.

13 Ang kagandahan na sinamahan ng malaswang pananalita, panlilibak, o kawalan ng katinuan ay hindi babagay sa anumang anyo ng pagkababae na maaaring ipakita ng isang tao. Sa katunayan, kahit ang isang taong kaakit-akit sa pisikal ay maaaring magtinging pangit dahil sa gayong di-makadiyos na paggawi. Madali nating matanto na ang pisikal na anyo ng lalaki o babae ay hindi makatutumbas o makapagmamatuwid sa ganang sarili sa mga silakbo ng galit, hiyawan, o mapang-abusong pananalita. Ang lahat ng mga Kristiyano ay maaari at dapat na gawing kaakit-akit ang kanilang sarili sa Diyos at sa kanilang kapuwa-tao sa pamamagitan ng kanilang salig-sa-Bibliyang pananalita at paggawi.​—Efeso 4:31.

14. Anong uri ng panggayak ang pinupuri sa 1 Pedro 3:3-5, at ano ang nadarama ninyo tungkol dito?

14 Bagaman ang tunay na pagkababae at pagkalalaki ay nasasalig sa espirituwal na mga katangian, ang pisikal na tikas at anyo, pati na ang damit natin at ang ayos nito, ay nagsasalita hinggil sa atin. Tiyak na nasa isip ni apostol Pedro ang ilang unang-siglong mga istilo ng pananamit at pag-aayos, nang siya’y magpayo sa Kristiyanong mga babae: “Huwag hayaan na ang inyong panggayak ay maging yaong panlabas na pagtitirintas ng buhok at ang pagsusuot ng mga gintong palamuti o ang pagbibihis ng mga panlabas na kasuutan, kundi hayaang ito ay maging ang lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu, na may napakalaking halaga sa mga mata ng Diyos. Sapagkat noong una, gayundin naggagayak ng kanilang mga sarili ang mga babaing banal na umaasa sa Diyos, na nagpapasakop sa kanilang sariling mga asawang lalaki.”​—1 Pedro 3:3-5.

15. Ano ang dapat na pagsikapang ipamalas ng Kristiyanong mga babae sa kanilang damit?

15 Sa 1 Timoteo 2:9, 10, masusumpungan natin ang komento ni Pablo tungkol sa damit na pambabae: “Nais kong gayakan ng mga babae ang kanilang mga sarili ng damit na mabuti ang pagkakaayos, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip . . . sa paraan na naaangkop sa mga babae na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos, alalaong baga, sa pamamagitan ng mabubuting gawa.” Doon ay idiniin niya ang pangangailangan ng kahinhinan at damit na mabuti ang pagkakaayos na kababanaagan ng katinuan ng pag-iisip.

16, 17. (a) Paano naging mali ang paggamit ng maraming lalaki at babae ngayon sa kasuutan? (b) Ano ang dapat nating mahinuha mula sa payo na nasa Deuteronomio 22:5?

16 Kung ang isang lalaki o babae, batang lalaki o batang babae, ay gagawi o mananamit sa paraang nakapupukaw sa sekso, hindi ito nagdaragdag sa kaniyang tunay na pagkalalaki o pagkababae, at tiyak na hindi ito nagpaparangal sa Diyos. Maraming tao sa sanlibutan ang labis na nagpaparangya ng seksuwalidad ng pagkalalaki o pagkababae sa kanilang pananamit at paggawi. Sinisikap naman ng iba na palabuin ang pagkakaiba ng mga sekso dahil sa imoral na mga layunin. Laking pasasalamat nating mga Kristiyano na isinisiwalat ng Bibliya ang kaisipan ng Diyos! Sinabi ni Jehova sa sinaunang Israel: “Ang kagayakan ng isang matipunong lalaki ay hindi dapat na isuot sa isang babae, ni magsuot man ang isang matipunong lalaki ng manta ng isang babae; sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.”​—Deuteronomio 22:5.

17 Hinggil dito, malamang na masisiyahan kayong repasuhin ang sinabi ng Ang Bantayan ng Agosto 15, 1988, sa pahina 17: “Ang isyu ay hindi kung ang isang istilo ay labis na sumusunod sa uso kundi kung iyon baga ay angkop para sa isang taong nag-aangkin na siya’y isang ministro ng Diyos. (Roma 12:2; 2 Corinto 6:3) Ang labis-labis na di-pormal o hapit na hapit na mga damit ay maaaring makabawas sa pagkaepektibo ng ating mensahe. Ang mga istilo na tahasan at kusang pinagtitinging babae ang mga lalaki o pinagtitinging lalaki ang mga babae ay tiyak na di-nararapat. (Ihambing ang Deuteronomio 22:5.) Kung sa bagay, ang lokal na mga kaugalian ay maaaring nagkakaiba-iba, ayon sa lagay ng panahon, mga kahilingan ng hanapbuhay, at iba pa, kung kaya ang kongregasyong Kristiyano ay hindi naman nagtatakda ng tiyakang mga alituntunin na sumasaklaw sa pambuong daigdig na kapatiran.”

18. Anu-anong hakbang ang maaari nating kunin sa pagkakapit ng payo ng Bibliya tungkol sa damit at pag-aayos?

18 Tunay na isang timbang at angkop na payo! Nakalulungkot, ang ilang Kristiyano, lalaki at babae, ay nagsusunud-sunuran sa anumang itinataguyod ng sanlibutang ito sa pananamit o pag-aayos nang hindi isinasaalang-alang ang maaaring maging epekto nito kay Jehova at sa Kristiyanong kongregasyon. Makabubuting suriin ng bawat isa sa atin ang ating sarili upang tingnan kung tayo ay naiimpluwensiyahan ng kaisipan ng sanlibutan. O maaari nating lapitan ang isang iginagalang, makaranasang kapatid na lalaki o babae at humingi ng komento hinggil sa anumang pagbabagong dapat nating gawin sa istilo ng pananamit at pagkatapos ay taimtim na pagtimbang-timbangin ang mga mungkahi.

Mga Kristiyanong Lalaki at Babae​—Tunay na mga Lalaki at Babae

19. Anong di-kanais-nais na impluwensiya ang kailangan nating paglabanan?

19 Ang diyos ng sanlibutang ito ay si Satanas, at ang kaniyang impluwensiya ay makikita sa kalituhan may kinalaman sa mga sekso, at ito’y hindi lamang sa pananamit. (2 Corinto 4:4) Sa ilang lupain ay maraming babae ang nakikipagkompetensiya sa mga lalaki tungkol sa pagkaulo, anupat ipinagwawalang-bahala ang mga simulain ng Bibliya. Sa kabilang dako naman, maraming lalaki ang basta na lamang nagpapabaya sa kanilang mga pananagutan sa pagkaulo, gaya ng ginawa ni Adan. May iba na nagsisikap pa man ding palitan ang kanilang seksuwal na papel sa buhay. (Roma 1:26, 27) Hindi nagtatakda ang Bibliya ng anumang kahaliling istilo-ng-buhay na sinasang-ayunan ng Diyos. At ang sinumang nalilito, bago naging mga Kristiyano, sa kanilang papel sa buhay o seksuwal na kahiligan ay makapagtitiwala na magiging sa ikabubuti nila magpakailanman kung sila’y mamumuhay ayon sa pamantayan ng Diyos, isang pamantayan na tiyak na pahahalagahan ng lahat ng umaabot sa kasakdalan bilang tao.

20. Ano ang dapat na maging epekto ng Galacia 5:22, 23 sa ating pangmalas sa pagkalalaki at sa pagkababae?

20 Ipinakikita ng mga Kasulatan na ang Kristiyanong mga lalaki at babae ay kailangang maglinang at magpamalas ng mga bunga ng espiritu ng Diyos​—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili. (Galacia 5:22, 23) Dahil sa kaniyang dakilang karunungan, pinapangyari ng Diyos na mapasulong ng mga lalaki ang kanilang pagkalalaki, at ng mga babae ang kanilang pagkababae, sa pamamagitan ng paglinang ng mga katangiang iyon. Ang isang lalaking nagpapakita ng bunga ng espiritu ay hindi mahirap igalang, at ang isang babaing gumagawa nito ay hindi mahirap mahalin.

21, 22. (a) Anong parisan ang inilaan ni Jesus hinggil sa istilo ng pamumuhay? (b) Paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang pagkalalaki?

21 Ang pinakadakilang lalaki na nabuhay kailanman ay si Jesu-Kristo, at dapat na tularan ng mga Kristiyano ang kaniyang istilo ng pamumuhay. (1 Pedro 2:21-23) Gaya ng ginawa ni Jesus, kapuwa ang mga lalaki at babae ay dapat na mapatunayang matapat sa Diyos at masunurin sa Kaniyang Salita. Nagpamalas si Jesus ng kahanga-hangang mga katangian ng pag-ibig, pagkamagiliw, at awa. Bilang tunay na mga Kristiyano, inaasahang tutularan natin siya upang mapatunayan na tayo ay mga alagad niya.​—Juan 13:35.

22 Si Jesu-Kristo ay isang tunay na lalaki, at makikita natin ang kaniyang katangian ng pagkalalaki habang pinag-aaralan natin ang kaniyang talambuhay na nakasaad sa mga Kasulatan. Hindi siya nag-asawa kailanman, subalit ipinakikita ng Bibliya na nagtamasa siya ng timbang na pakikisama sa mga babae. (Lucas 10:38, 39) Ang kaniyang kaugnayan sa mga lalaki at mga babae ay laging wagas at marangal. Siya ang sakdal na modelo ng pagkalalaki. Hindi niya pinayagan ang sinuman​—lalaki, babae, o masuwaying anghel​—na agawin sa kaniya ang kaniyang makadiyos na pagkalalaki at katapatan kay Jehova. Hindi siya nag-atubiling tanggapin ang kaniyang mga pananagutan, at ginawa niya ito nang walang pagrereklamo.​—Mateo 26:39.

23. Hinggil sa papel ng mga sekso, paanong maliwanag na pinagpala ang mga tunay na Kristiyano?

23 Anong laking kaluguran na mapabilang sa bayan ni Jehova at makasama ang mga lalaki at babae, gayundin ang mga bata, na ang inuuna sa buhay ay ang ibigin at sundin ang Diyos na Jehova! Tayo’y hindi labis na hinihigpitan dahil sa ating pagsunod sa Salita ng Diyos. Sa halip, tayo’y napalalaya mula sa sanlibutang ito at sa mga daan nito na sumisira sa kagandahan, sa layunin, at sa magkaibang mga papel ng mga sekso. Maaari nating matamasa ang tunay na kaligayahan na nagmumula sa pagtupad sa ating bigay-Diyos na katayuan sa buhay, tayo man ay lalaki o babae. Oo, kaylaki ng ating pasasalamat sa Diyos na Jehova, ang Maylalang, dahil sa lahat ng kaniyang maibiging paglalaan alang-alang sa atin at dahil sa nilikha niya tayo na lalaki at babae!

Paano Mo Sasagutin?

◻ Anong wastong papel ng mga lalaki at mga babae ang inilalarawan ng Bibliya?

◻ Paano naging pilipit ang pagkakilala sa pagkalalaki bago ang Baha, at paanong ito at ang saloobin tungkol sa pagkababae ay pinilipit sa ating panahon?

◻ Anong payo ng Bibliya tungkol sa hitsura ang sisikapin ninyong ikapit?

◻ Paano mapatutunayan ng mga Kristiyanong lalaki at babae na sila’y tunay na mga lalaki at mga babae?

[Larawan sa pahina 17]

Bagaman maganda siya, si Esther ay lalo nang naaalaala dahil sa kaniyang kahinhinan at tahimik at mahinahong saloobin

[Larawan sa pahina 18]

Bigyan ng makatuwirang pansin ang pag-aayos samantalang binibigyan ng higit na pansin ang panloob na kagandahan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share