Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 9/15 p. 21-23
  • Tunay ba ang Diyos Para sa Iyo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tunay ba ang Diyos Para sa Iyo?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-aralan ang Kasulatan
  • Palagian at Taimtim na Manalangin
  • Pagmasdan ang Sangnilalang
  • Lumakad na Kasama ni Jehova
  • Bakit Dapat Tayong Manalangin Nang Walang Lubay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Kung Papaano Ka Mápapalapít sa Diyos
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Hiel
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kung Paano Natin Makikilala ang Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 9/15 p. 21-23

Tunay ba ang Diyos Para sa Iyo?

KAPAG namimighati ka dahil sa problema, agad ka bang lumalapit sa Diyos sa panalangin? Kung oo, nadarama mo bang nakikipag-usap ka sa isang tunay na persona?

Tungkol sa kaniyang makalangit na Ama, sinabi ni Jesu-Kristo: “Siya na nagsugo sa akin ay tunay.” (Juan 7:28) Oo, ang Diyos na Jehova ay tunay, at ang pananalangin sa kaniya ay gaya ng paglapit sa isang matalik na kaibigan upang humingi ng tulong o payo. Mangyari pa, ang ating mga panalangin ay diringgin ng Diyos kung ito’y nakaaabot sa mga kahilingan sa Kasulatan para sa karapat-dapat tanggaping panalangin. Halimbawa, dapat na buong-kapakumbabaang lumapit tayo sa “Dumirinig ng panalangin” sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.​—Awit 65:2; 138:6; Juan 14:6.

Maaaring isipin ng ilan na dahil sa ang Diyos ay di-nakikita, siya’y hindi isang persona. Para sa kanila, waring mahirap siyang abutin. Maging ang ilang Kristiyano, na nakaalam na ng tungkol sa kahanga-hangang mga katangian ng Diyos, ay nahihirapan pa rin kung minsan na umunawa kung gaano nga siya katotoo. Ito ba’y naranasan mo na rin? Kung oo, ano ang makatutulong upang maging tunay ang Diyos na Jehova para sa iyo?

Pag-aralan ang Kasulatan

Palagian mo bang pinag-aaralan ang Banal na Kasulatan? Habang dinadalasan mo at ibinubuhos mo ang iyong isip sa pag-aaral ng Bibliya, lalong nagiging tunay ang Diyos na Jehova para sa iyo. Sa gayon ay mapatitibay ang iyong pananampalataya, anupat ikaw ay waring ‘nakakakita sa Isa na di-nakikita.’ (Hebreo 11:6, 27) Sa kabilang dako naman, ang bihira o ningas-kugon na pag-aaral ng Bibliya ay malamang na walang mabuting magagawa sa iyong pananampalataya.

Bilang paglalarawan: Ipagpalagay nang sinabihan ka ng iyong doktor na pahiran mo ng gamot ang pabalik-balik na singaw nang dalawang beses maghapon upang gumaling ito. Mawawala kaya ang iyong singaw kung minsan o makalawa lamang sa isang buwan mo ito papahiran ng gamot? Malamang na hindi. Sa katulad na paraan, tayo’y binigyan ng salmista ng isang “reseta” para sa espirituwal na kalusugan. Basahin ang Salita ng Diyos “nang pabulong araw at gabi.” (Awit 1:1, 2) Upang tamasahin ang parami nang paraming pakinabang, kailangan nating sundin ang “reseta”​—ang araw-araw na pagsasaalang-alang ng Salita ng Diyos sa tulong ng mga publikasyong Kristiyano.​—Josue 1:8.

Nais mo bang maging lalong nakapagpapatibay ng pananampalataya ang mga panahon mo sa pag-aaral? Narito ang isang mungkahi: Pagkabasa mo ng isang kabanata sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan o ibang Bibliya na may mga reperensiya, pumili ng isang kawili-wiling talata at tingnan ang reperensiyang kasulatan na sinipi. Mapasusulong nito ang iyong pag-aaral, at tiyak na hahanga ka sa panloob na pagkakasuwato ng Bibliya. Bunga nito, magiging lalong tunay para sa iyo ang Awtor nito, ang Diyos na Jehova.

Magiging pamilyar ka sa mga hula sa Bibliya at sa katuparan ng mga ito kung gagamit ka ng mga reperensiya. Marahil ay pamilyar ka na sa mga pangunahing hula sa Bibliya, gaya niyaong tungkol sa pagwasak sa Jerusalem ng mga taga-Babilonya. Gayunman, ang Bibliya ay naglalaman ng magkakaugnay na mga hula at ng katuparan ng mga ito. Ang ilan sa mga ito ay hindi gaanong popular.

Halimbawa, basahin mo ang hula tungkol sa naging kabayaran sa muling-pagtatayo ng Jerico at saka mo isaalang-alang ang katuparan nito. Sabi sa Josue 6:26: “Ipinabigkas ni Josue ang isang sumpa nang partikular na panahong iyon, na nagsasabi: ‘Sumpain nawa ang tao sa harapan ni Jehova na titindig at itatayo niya ang lunsod na ito, ang Jerico nga. Sa pagkamatay ng kaniyang panganay ay ilatag niya ang pundasyon nito, at sa pagkamatay ng kaniyang bunso ay ilagay niya ang mga pinto nito.’ ” Nagkaroon ito ng katuparan makalipas ang mga 500 taon, sapagkat mababasa natin sa 1 Hari 16:34: “Nang mga araw [ni Haring Ahab], itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang Jerico. Sa pagkamatay ni Abiram na kaniyang panganay ay inilatag niya ang pundasyon nito, at sa pagkamatay ni Segub na kaniyang bunso ay itinayo niya ang mga pinto nito, ayon sa salita ni Jehova na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.”a Tanging isang tunay na Diyos lamang ang maaaring kumasi sa gayong mga hula at tumiyak sa katuparan ng mga ito.

Habang binabasa ang Bibliya, baka matawag ang iyong pansin sa isang punto. Halimbawa, baka itanong mo kung ilang taon kaya ang lumilipas bago matupad ang isang hula. Sa halip na basta magtanong lamang kung kanino, bakit hindi mo pagsikapang alamin mismo sa iyong sarili? Sa paggamit ng mga tsart at mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, buong pagsisikap mong saliksikin ang mga sagot na gaya ng pagsisikap na gagawin mo upang unawain ang isang mapa ng kayamanan. (Kawikaan 2:4, 5) Magkakaroon ng matinding epekto sa iyong pananampalataya ang pagkasumpong mo sa mga sagot at magpapangyari ito upang ang Diyos na Jehova ay maging lalong tunay para sa iyo.

Palagian at Taimtim na Manalangin

Huwag kaliligtaan ang kahalagahan ng panalangin at pananampalataya. Nagbigay ang mga alagad ni Jesus ng ganitong tuwirang kahilingan: “Bigyan mo kami ng higit pang pananampalataya.” (Lucas 17:5) Kung hindi tunay si Jehova para sa iyo, bakit hindi mo ipanalangin sa kaniya ang pangangailangan mo sa higit pang pananampalataya? Buong-tiwalang humingi ka ng tulong sa iyong makalangit na Ama na maging tunay siya para sa iyo.

Kapag naguguluhan ang iyong isip dahil sa isang suliranin, maglaan ng kinakailangang panahon upang taimtim mong masabi ang iyong niloloob sa iyong makalangit na Kaibigan. Nang malapit nang mamatay si Jesus, gayon na lamang katindi ang kaniyang pananalangin. Bagaman hinatulan niya ang mahahabang panalangin ng mga relihiyon na pakitang-tao lamang, ginugol niya ang buong magdamag sa pananalanging mag-isa bago niya piliin ang kaniyang 12 apostol. (Marcos 12:38-​40; Lucas 6:12-​16) May matututuhan din tayo kay Hana, na siyang naging ina ng propetang si Samuel. Palibhasa’y sabik na sabik na magkaanak ng lalaki, “nanalangin siya nang mahaba sa harapan ni Jehova.”​—1 Samuel 1:12.

Ano ang mahalagang aral sa lahat ng ito? Upang makaasa kang sasagutin ang iyong mga panalangin, dapat na manalangin ka nang marubdob, taimtim, walang-lubay​—at, mangyari pa, kasuwato ng kalooban ng Diyos. (Lucas 22:44; Roma 12:12; 1 Tesalonica 5:17; 1 Juan 5:13-​15) Magiging tunay ang Diyos para sa iyo kung gagawin mo ito.

Pagmasdan ang Sangnilalang

Ang personalidad ng isang pintor ay makikita sa kaniyang mga iginuhit. Gayundin naman, ang “di-nakikitang mga katangian” ni Jehova, ang Disenyador at Maylalang ng sansinukob, ay maliwanag na nakikita sa sangnilalang. (Roma 1:20) Kapag maingat nating pinagmamasdan ang mga gawang-kamay ni Jehova, lalo nating nauunawaan ang kaniyang personalidad, at sa gayo’y lalo siyang nagiging tunay para sa atin.

Kung mataman mong pagmamasdan ang mga bagay na nilalang ng Diyos, titindi ang iyong paghanga sa katotohanan ng kaniyang mga katangian. Halimbawa, ang mga impormasyon tungkol sa kakayahang lumipad ng mga ibon ay lalong magpapatingkad sa iyong pagpapahalaga sa karunungan ni Jehova. Kung babasahin mo ang tungkol sa sansinukob, matututuhan mong ang Milky Way pala, na mga 100,000 light-years ang diyametro, ay isa lamang sa bilyun-bilyong galaksi sa buong kalawakan. Hindi ba ikinikintal nito sa iyo ang katotohanan ng karunungan ng Maylalang?

Walang alinlangan, ang karunungan ni Jehova ay tunay! Ngunit ano naman ang kahulugan nito sa iyo? Buweno, tiyak na hindi siya maguguluhan sa mga suliraning ilalapit sa kaniya sa panalangin ng sinuman sa atin. Oo, maging ang bahagyang kaalaman sa paglalang ay magiging dahilan upang si Jehova ay maging lalong tunay para sa iyo.

Lumakad na Kasama ni Jehova

Maaari kayang personal mong maranasan kung gaano katunay si Jehova? Oo, kung ikaw ay gaya ng tapat na patriyarkang si Noe. Palagi niyang sinusunod si Jehova, anupat masasabing: “Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Genesis 6:9) Si Noe ay namuhay na para bang si Jehova ay nasa tabi lamang niya. Ang Diyos ay maaaring maging ganiyan katotoo para sa iyo.

Kung ikaw ay lumalakad na kasama ng Diyos, ikaw ay nagtitiwala sa mga pangako ng Kasulatan at gumagawi kasuwato ng mga ito. Halimbawa, pinaniniwalaan mo ang mga salitang ito ni Jesus: “Patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos], at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito [materyal na mga pangangailangan] ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:25-​33) Totoo naman, hindi laging inilalaan ni Jehova ang iyong pangangailangan sa paraang inaasahan mo. Ngunit, kapag nanalangin ka at pagkatapos ay naranasan mo ang tulong ng Diyos, siya’y magiging tunay para sa iyo na gaya ng isa na nasa tabi mo lamang.

Nagkakaroon ng gayong malapit na kaugnayan kay Jehova habang ang isa’y nagpapatuloy sa paglakad na kasama ng Diyos. Tingnan si Manuela, isang Saksi na nagsasalita ng Kastila, na dumanas ng napakaraming pagsubok. Sabi niya: “Kailanma’t ako’y naguguluhan o nangangailangan, ikinakapit ko ang simulaing nasa Kawikaan 18:10. Tumatakbo ako kay Jehova para humingi ng tulong. Siya’y naging ‘isang matibay na moog’ para sa akin.” Nasabi ito ni Manuela pagkalipas ng 36 na taon ng pagtitiwala kay Jehova at pagkadama ng kaniyang pag-alalay.

Ngayon mo pa lamang ba sinisimulan ang pagtitiwala kay Jehova? Huwag kang masisiraan ng loob kung ang iyong kaugnayan sa kaniya ay hindi pa gaya ng nais mong mangyari. Mamuhay araw-araw bilang isang taong lumalakad na kasama ng Diyos. Habang itinatatag mo ang isang tapat na pamumuhay, tatamasahin mo ang isang mas malapit na kaugnayan kay Jehova.​—Awit 25:14; Kawikaan 3:26, 32.

Ang isa pang paraan ng paglakad na kasama ng Diyos ay ang pagiging abala sa paglilingkuran sa kaniya. Kapag ikaw ay nakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian, ikaw ay nagiging isang kamanggagawa ni Jehova. (1 Corinto 3:9) Ang pagkaalam nito ay tumutulong upang maging tunay na tunay ang Diyos para sa iyo.

Ganito ang paghimok ng salmista: “Igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos.” (Awit 37:5) Huwag kailanman kaliligtaang ihagis sa Diyos ang anumang pasanin o álalahanín na taglay mo. Palagi kang bumaling sa kaniya para sa tulong at patnubay. Kung may-pananalanging nananalig ka sa Diyos na Jehova at palagi kang nagtitiwala sa kaniya nang lubusan, makadarama ka ng katiwasayan sapagkat alam mong hindi niya kaliligtaang kumilos para sa iyong kapakanan. May tiwala ka ba kapag inilalapit mo kay Jehova ang iyong sariling mga álalahanín? Oo magiging gayon nga​—kung ang Diyos ay tunay para sa iyo.

[Talababa]

a Bilang isa pang halimbawa, basahin ang tungkol sa inihulang pagdungis sa altar ni Jeroboam sa 1 Hari 13:1-3. Saka pansinin naman ang katuparang nakaulat sa 2 Hari 23:16-​18.

[Larawan sa pahina 21]

Gawing nakapagpapatibay ng pananampalataya ang mga panahon mo sa pag-aaral

[Larawan sa pahina 22]

Maglaan ng panahon para sa palagian at taimtim na pananalangin

[Mga larawan sa pahina 23]

Pagmasdan kung paano nakikita sa sangnilalang ang mga katangian ng Diyos

[Credit Lines]

Hummingbird: U.S. Fish and Wildlife Service, Washington, D.C./Dean Biggins; mga bituin: Larawan: Copyright IAC/RGO 1991, Dr. D. Malin et al, Isaac Newton Telescope, Roque de los Muchachos Observatory, La Palma, Canary Islands

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share