Hinahatulan Mo ba ang Sanlibutan sa Pamamagitan ng Iyong Pananampalataya?
“Sa pananampalataya si Noe . . . ay gumawa ng isang daong sa ikaliligtas ng kaniyang sambahayan; at sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay kaniyang hinatulan ang sanlibutan.”—HEBREO 11:7.
1, 2. Ano ang maaari nating matutuhan sa pagsusuri ng buhay ni Noe?
SI Jehova ay nagkaloob kay Noe at sa kaniyang sambahayan—wawalo lamang sila—ng pribilehiyo na sila lamang ang mga tao na makaligtas sa Baha. Ang buhay ng lahat ng iba pang mga tao na nabuhay noong panahon ni Noe ay biglang natapos nang pangyarihin ng Diyos na sila’y malunod sa baha na nagsilbing libingan nila. Yamang si Noe ang sa gayo’y ating kauna-unahang ninuno, tayo’y dapat kumilala ng malaking utang na loob sa kaniya dahil sa kaniyang pananampalataya.
2 Malaki ang ating matututuhan sa pagsusuri sa buhay ni Noe. Sinasabi sa atin ng Kasulatan kung bakit siya’y pinagkalooban ng Diyos ng kaligtasan samantalang Kaniyang pinuksa ang mga tao na kabilang sa salinlahi ni Noe. Ang banal na ulat ding ito ang malinaw na nagpapakitang ang ating salinlahi ay nakaharap sa isang nakakatulad na paghuhukom ng Diyos. Tungkol dito, sinabi ni Jesus: “Magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.” (Mateo 24:21) Sa pamamagitan ng pagtulad sa pananampalataya ni Noe, tayo’y maaaring magkaroon ng tiyak na pag-asang makaligtas sa napipintong pagkapuksa ng kasalukuyang balakyot na sistemang ito.—Roma 15:4; ihambing ang Hebreo 13:7.
3. Bakit pinapangyari ni Jehova ang Baha?
3 Sa loob ng 1,656 na mga taon mula sa paglalang kay Adan hanggang sa Delubyo, kakaunti-kaunting mga tao ang mahilig na gumawa ng mabuti. Ang moralidad ay umurong nang totoong napakababa. “Nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay lubhang laganap sa ibabaw ng lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay pawang kasamaan na lamang palagi.” (Genesis 6:5) Ang karahasan, paghahangad ng kalayawan, at ang naglipanang nagkatawang-taong mga anghel na nag-asawa sa mga babae at nagkaroon ng mga supling na higante ang ilan sa mga bagay na humantong sa pagsasagawa sa inihatol ng Diyos sa sinaunang sanlibutang iyon ng sangkatauhan. Kay Noe, sinabi ni Jehova: “Ang wakas ng lahat ng laman ay sumapit na sa harapan ko, sapagkat ang lupain ay nalipos ng karahasan dahilan sa kanila.” Ang pagkamatiisin ng Maylikha, na “Hukom ng buong lupa,” ay sumagad na.—Genesis 6:13; 18:25.
Si Noe ay Lumakad na Kasama ng Diyos
4. (a) Ano ang pagkakilala ni Jehova kay Noe at bakit? (b) Bagaman ang pagpuksa sa balakyot na sanlibutang iyon ang hinihiling ng katarungan ng Diyos, papaano ipinakita ang kaniyang pag-ibig alang-alang kay Noe at sa kaniyang pamilya?
4 Anong laki ng pagkakaiba ni Noe sa mga tao noong kaniyang kaarawan! Siya’y “nakasumpong ng biyaya sa paningin ni Jehova. . . . Si Noe ay isang taong matuwid. Kaniyang pinatunayang siya’y walang kapintasan sa gitna ng mga tao noong kaniyang kapanahunan. Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Genesis 6:8, 9) Papaanong lumakad si Noe na kasama o kaalinsabay ng Diyos? Sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid na mga bagay na tulad baga ng pangangaral bilang isang tagapagtaguyod ng katuwiran at pagtatayo ng daong na taglay ang pananampalataya at pagkamasunurin. Sa gayon, bagaman ang sinaunang sanlibutang iyon ay pinuksa dahilan sa lubos na kalikuan, “iningatan [ng Diyos] si Noe, na mángangaral ng katuwiran, kasama ng pito pa nang gunawin niya ang isang sanlibutan ng mga taong masasama.” (2 Pedro 2:5) Oo, ang ating mapagmahal at makatarungang Diyos, si Jehova, ay hindi pumuksa ng mga matuwid kasama ng mga balakyot. Kaniyang itinagubilin kay Noe na magtayo ng isang napakalaking daong para sa ikaliligtas ng kaniyang sarili, ng kaniyang sambahayan, at ng maraming mga hayop, pawang para sa pagkakaroon dito sa lupa ng mga mananahanan pagkatapos ng Delubyo. At “ganoong-ganoon ang ginawa” ni Noe.—Genesis 6:22.
5. Papaano inilalarawan ng Kasulatan ang katuwiran at pananampalataya ni Noe?
5 Nang matapos ang daong, sinabi ng Diyos kay Noe: “Humayo kayo, ikaw at lahat ng iyong sambahayan, tungo sa loob ng daong, sapagkat ikaw ang siya kong nakitang matuwid sa aking harapan sa gitna ng lahing ito.” Ganito ang kabuuang ibinigay ni Pablo tungkol diyan: “Sa pananampalataya si Noe, nang paunawaan ng Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, dala ng banal na takot ay gumawa ng isang daong sa ikaliligtas ng kaniyang sambahayan; at sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay kaniyang hinatulan ang sanlibutan, at siya’y naging tagapagmana ng katuwiran na ayon sa pananampalataya.”—Genesis 7:1; Hebreo 11:7.
6. Papaano hinatulan ni Noe ang sanlibutan noong kaniyang kaarawan sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya?
6 Si Noe ay may namumukod na pananampalataya. Siya’y naniwala sa sinabi ng Diyos tungkol sa paglipol sa salinlahing iyon. Si Noe ay may magaling na pagkatakot na hindi mapalugdan si Jehova at masunuring gumawa siya ng daong sang-ayon sa mga ipinag-utos ng Diyos. Isa pa, bilang isang mangangaral ng katuwiran, ibinalita ni Noe sa iba ang tungkol sa napipintong pagkapuksa. Bagaman sila’y hindi nakinig sa kaniyang mga sinalita, siya ay tumanggi na padala sa balakyot na sanlibutang iyon na ‘siya’y pigain upang mahubog na katulad niyaon.’ (Roma 12:2, Phillips) Bagkus, sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya, hinatulan ni Noe ang sanlibutan sa kabalakyutan niyaon at ipinakita na yaon ay karapat-dapat sa pagkapuksa. Ang kaniyang pagkamasunurin at matuwid na mga gawa ay nagpakilala na ang iba bukod sa kaniya at sa kaniyang sambahayan ay nakaligtas sana kung sila’y pumayag na baguhin ang kanilang istilo ng pamumuhay. Oo, pinatunayan ni Noe, na sa kabila ng mga kagipitang dulot ng kaniyang sariling di-sakdal na laman, ng balakyot na sanlibutan sa paligid niya, at ng Diyablo, ang isang tao ay maaari pa ring mamuhay nang nakalulugod sa Diyos.
Kung Bakit Pupuksain ng Diyos ang Sistemang Ito
7. Papaano natin nalalaman na tayo’y nabubuhay sa mga huling araw?
7 Sa bawat sampung taon ng ika-20 siglong ito ay nasasaksihan na patuloy na lumulubog sa kabalakyutan ang sanlibutan. Lalong higit na totoo ito sapol nang pasimula ng Digmaang Pandaigdig I. Ang sangkatauhan ay babad na babad na sa mga bagay na gaya halimbawa ng imoralidad sa sekso, krimen, karahasan, digmaan, pagkakapootan, kasakiman, at tiwaling paggamit sa dugo na anupa’t ang mga umiibig sa matuwid ay nagtatanong kung posible kayang lalong lumalala ang mga kalagayan. Subalit, inihula ng Bibliya ang patuloy na pagsamâ ng ating salinlahi hanggang sa sukdulan, at nagbibigay ng isa pang patotoo na tayo ay nasa “mga huling araw” na. —2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:34.
8. Ano ba ang sabi ng iba tungkol sa pagkadama ng pagkakasala?
8 Sa ngayon, ang isip ng lubhang karamihan ng mga tao ay manhid na kung tungkol sa kasalanan. Mahigit na 40 taon ang lumipas, ganito ang obserbasyon ni Papa Pio XII: “Ang kasalanan sa siglong ito ay ang pagkawala ng lahat ng pagkadama ng pagkakasala.” Ang kasalukuyang salinlahi ay ayaw kumilala sa kasalanan at sa pagkadama ng pagkakasala. Sa kaniyang aklat na Whatever Became of Sin? si Dr. Karl Menninger ay nagsabi: “Ang mismong salitang ‘kasalanan’. . . ay halos pumanaw na—ang salita, kasama pati ang paniwala tungkol dito. Bakit? Wala na bang nagkakasala ngayon?” Marami ang nawalan ng kakayahan na makilala ang tama sa mali. Subalit tayo’y hindi nagtataka rito, sapagkat ang ganiyang mga pangyayari ay inihula ni Jesus nang kaniyang tinatalakay ‘ang tanda ng kaniyang pagkanaririto’ sa “panahon ng kawakasan.”—Mateo 24:3; Daniel 12:4.
Ang Pamarisan ng Paghatol ay Katulad Noong Kaarawan ni Noe
9. Papaano pinaghambing ni Jesus ang kaarawan ni Noe at ang magaganap naman sa panahon ng Kaniyang pagkanaririto?
9 Pinaghambing ni Jesus ang mga pangyayari noong kaarawan ni Noe at ang mga pangyayaring magaganap naman sa panahon ng Kaniyang pagkanaririto na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian, pasimula noong 1914. Sinabi niya: “Kung papaano ang mga araw ni Noe, gayundin ang pagkanaririto ng Anak ng tao [si Jesus]. Sapagkat gaya ng mga araw bago bumaha, sila’y nagsisikain at nagsisiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at pinag-aasawa naman ang mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong; at hindi nila pinansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, gayundin ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Mateo 24:37-39.
10. Papaanong ang mga tao sa pangkalahatan ay hindi nagbibigay-pansin sa makahulugang mga pangyayari na kaugnay ng pagkanaririto ni Kristo?
10 Oo, tulad din noong panahon ni Noe, ang mga tao sa ngayon ay hindi nagbibigay-pansin. Palibhasa’y abalang-abala sila sa araw-araw na pamumuhay at sa mapag-imbot na mga gawain, hindi nila matanggap na ang kasalukuyang mga kalagayan ay ibang-iba nga buhat sa mga kalagayan noong nakalipas at eksaktung-eksakto sa sinabi ni Jesus na magiging palatandaan ng panahon ng kawakasan. Sa loob ng marami nang taon, sa isang modernong-panahong salinlahi ay sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na ang pagkanaririto ni Jesus bilang Mesiyanikong Hari sa langit ay nagsimula noong 1914 at tumatakbong kasabay ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Karamihan ng mga tao ay nang-iismid sa mensahe ng Kaharian, subalit ito man ay inihula rin nang si apostol Pedro ay sumulat: “Alamin nga ninyo ito, na sa mga huling araw ay magsisiparito ang mga manunuya na may pagtuya, na magsisilakad ayon sa kani-kanilang pita at magsasabi: ‘Nasaan ang kaniyang ipinangakong pagkanaririto? Aba, mula ng araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, lahat ng bagay ay nagpapatuloy na kagayang-kagaya ng pasimula ng paglalang.’”—2 Pedro 3:3, 4.
11. Bakit ang kasalukuyang salinlahi ay walang maidadahilan pagsapit ng malaking kapighatian?
11 Gayunman, ang kasalukuyang salinlahi ay walang maidadahilan pagsapit ng malaking kapighatian. Bakit? Sapagkat sa Bibliya ay may sinaunang mga banal na pamarisan ng paghatol tungkol sa gagawin ng Diyos sa ating kaarawan. (Judas 5-7) Ang hula sa Bibliya na kasalukuyang natutupad sa harap na harap mismo ng kanilang mga mata ay lubusang nagpapakita kung tayo’y nasaan na sa agos ng panahon. Nasasaksihan din naman ng salinlahing ito ang ginagawang pangangaral ng mga Saksi ni Jehova at ang kanilang rekord ng pag-iingat ng katapatan na katulad niyaong kay Noe.
12. Sa pinakadiwa, papaano pinaghahambing ni Pedro ang pagkapahamak ng sanlibutan noong kaarawan ni Noe at ang darating sa ‘mga langit at lupa ngayon’?
12 Ipinaliliwanag ni Pedro kung ano ang mangyayari sa mga taong hindi nagbibigay-pansin sa mga bagay na ito. Katulad ni Jesus, tinutukoy ng apostol ang mga pangyayari noong kaarawan ni Noe, na nagsasabi: “Ayon sa ibig nila, hindi nila pansin, na may sangkalangitan mula noong unang panahon at isang lupang nakatindig nang masinsinan buhat sa tubig at nasa gitna ng tubig sa pamamagitan ng salita ng Diyos; at sa pamamagitan din nito ang sanlibutan noon ay napahamak nang apawan ng tubig. Ngunit sa pamamagitan ng gayunding salita ang mga langit at ang lupa ngayon ay iningatan para sa apoy at inilalaan para sa araw ng paghuhukom at paglipol sa mga taong masasama.”—2 Pedro 3:5-7.
13. Dahil sa napipintong napakahalagang pangyayari, anong payo ni Pedro ang dapat pakinggan?
13 Ngayong ang tiyak na paghuhukom na ito ng Diyos ay nasa harap na harap na natin, tayo’y huwag padaya o padala sa takot sa mga manlilibak. Hindi kailangang tayo’y mapatulad sa kanilang kahihinatnan. Ang payo ni Pedro: “Yamang lahat ng bagay na ito ay mapupugnaw nang ganito, nararapat na kayo ay maging anong uri ng mga tao sa banal na pamumuhay at mga gawang kabanalan, samantalang inyong hinihintay at laging isinasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova, na dahil dito ang mga langit na nagniningas sa apoy ay mapupugnaw at ang mga elemento ay matutunaw sa matinding init! Ngunit mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:11-13.
Tularan ang Pananampalataya ni Noe Upang Kayo’y Makaligtas
14. Anong mga tanong ang makatutulong sa atin na suriin ang ating sarili?
14 Sa ngayon, tayo’y nakaharap sa ganoon ding mga hamon na gaya ng napaharap kay Noe at sa kaniyang pamilya sa pagiging mga kandidato sa kaligtasan at pananatiling gayon. Katulad ni Noe, ang mga Saksi ni Jehova ay humahatol sa sanlibutan sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya na nilalakipan ng mabubuting gawa. Subalit bawat isa sa atin ay makapagtatanong sa kaniyang sarili: ‘Kumusta naman ako? Kung sakaling ang malaking kapighatian ay dumating bukas, ako kaya ay hahatulan ng Diyos na karapat-dapat sa kaligtasan? Katulad ni Noe, na ‘nagpatunay na siya’y walang-kapintasan sa gitna ng mga tao noong kaniyang kapanahunan,’ ako ba ay may lakas-ng-loob na maging iba sa sanlibutan? O mahirap bang masabi ang pagkakaiba ko sa isang taong makasanlibutan dahilan sa paraan ng aking pagkilos, pagsasalita, o pananamit?’ (Genesis 6:9) Sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:16; ihambing ang 1 Juan 4:4-6.
15. (a) Sang-ayon sa 1 Pedro 4:3, 4, papaano natin dapat malasin ang ating dating makasanlibutang kaisipan at asal? (b) Ano ang dapat nating gawin kung tayo’y pinipintasan ng dating makasanlibutang mga kaibigan?
15 Ipinayo ni Pedro: “Sapat na ang nakaraang panahon nang gawin ninyo ang kalooban ng mga bansa nang kayo’y lumakad sa kalibugan, sa masasamang pita, sa pagmamalabis sa alak, sa mga kalayawan, sa mga paligsahan ng pag-inom, at sa labag-kautusan na mga idolatriya. Dahil sa hindi na kayo ngayon nakikitakbong kasama nila sa ganitong takbuhin sa pusali ng pagpapakasamâ, sila’y labis na nagtataka at patuloy na nagsasalita nang masama tungkol sa inyo.” (1 Pedro 4:3, 4) Ang inyong dating makasanlibutang mga kaibigan ay baka nagsasalita nang masama tungkol sa inyo sapagkat kayo ay lumalakad nang kaalinsabay ng Diyos at hindi na nakikitakbo sa kanila. Subalit, katulad ni Noe, mahahatulan ninyo sila sa pamamagitan ng inyong pananampalataya at mabubuting gawa na ginawa nang may kahinhinan.—Mikas 6:8.
16. Papaano itinuring ng Diyos si Noe, at anong mga tanong ang maaaring makatulong sa atin na suriin ang ating mga kaisipan at asal?
16 Si Noe ay itinuring ng Diyos na isang taong matuwid. Ang tapat na patriarkang iyan ay “nakasumpong ng biyaya sa paningin ni Jehova.” (Genesis 6:8) Sa pagsusuri ng iyong kaisipan at asal sa liwanag ng mga pamantayan ng Diyos, iyo bang nadarama na kaniyang sinasang-ayunan ang iyong ginagawa, ang mga lugar na iyong pinupuntahan? Kung minsan ba’y nanonood ka rin ng mabababang uring panoorin, na usung-uso ngayon? Ang salita ng Diyos ay nagsasabi na ang dapat nating pag-isipan ay ang mga bagay na malilinis, kapaki-pakinabang, at nakapagpapatibay. (Filipos 4:8) Ikaw ba ay masigasig na nag-aaral ng Salita ng Diyos upang ‘masanay ang iyong mga pang-unawa na makakilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama’? (Hebreo 5:14) Iyo bang tinatanggihan ang masasamang kasama at ang minamahalaga mo’y ang pakikihalubilo sa mga kapananampalataya kay Jehova sa mga pulong Kristiyano at sa mga iba pang okasyon?—1 Corinto 15:33; Hebreo 10:24, 25; Santiago 4:4.
17. Bilang mga Saksi ni Jehova, papaano natin matutularan si Noe?
17 Pagkatapos mag-ulat tungkol sa pagkayari ng daong, ang Kasulatan ay nagsasabi: “At ganoon ginawa ni Noe ayon sa lahat ng iniutos sa kaniya ng Diyos. Ganoong-ganoon ang ginawa niya.” (Genesis 6:22) Ang maka-Diyos na taong iyan ay masipag din naman ng pangangaral bilang saksi ni Jehova. Katulad ni Noe, ikaw ay maaaring maging isang masugid na tagapagtaguyod ng mabuti bilang isang regular na mángangaral ng katuwiran. Magtiyaga ka sa pagbibigay-babala tungkol sa katapusan ng balakyot na sanlibutang ito, kahit na kakaunti ang nakikinig. Gumawa kang kaisa ng iyong mga kapananampalataya upang matapos ang gawaing paggawa ng mga alagad bago dumating ang wakas.—Mateo 28:19, 20.
18. Ano ang batayan ni Jehova ng pagpapasiya sa kung sino ang ililigtas sa malaking kapighatian?
18 Batay sa ganoon ding matuwid at makatarungang pamantayan na kaniyang sinunod noong kaarawan ni Noe, ngayon ay pinagpapasiyahan na ng Diyos kung sino ang ililigtas at kung sino ang pupuksain sa panahon ng malaking kapighatian. Ang kasalukuyang gawaing pagbubukud-bukod ay inihalintulad ni Jesus sa pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing. (Mateo 25:31-46) Ang mga taong nakasentro ang buhay sa mapag-imbot na mga hangarin at gawain ay hindi nagnanais na matapos ang matandang sanlibutan at sila’y hindi ililigtas. Subalit yaong mga umiiwas sa pagkasangkot sa karumihan ng sanlibutang ito, na nananatiling may matibay na pananampalataya sa Diyos, at patuloy na nangangaral ng balita ng Kaharian, nagbibigay-babala tungkol sa napipintong paghuhukom ni Jehova, ay magtatamasa ng biyaya ng Diyos bilang mga makaliligtas. Sinabi ni Jesus: “Kung magkagayo’y dalawang lalaki ang sasabukid, ang isa’y kukunin at ang isa’y iiwan; dalawang babae ang nagsisigiling sa isang gilingan, ang isa’y kukunin at ang isa’y iiwan.”—Mateo 24:40, 41; 2 Tesalonica 1:6-9; Apocalipsis 22:12-15.
Manahin ang mga Pagpapala Gaya ni Noe
19. Anong pagtitipon ang inihula ni Isaias at ni Mikas para sa mga huling araw?
19 Sa magkatulad na mga hula, ang mga propeta ng Diyos na sina Isaias at Mikas ay kapuwa humula ng mga bagay na magaganap sa mga huling araw. Kanilang nakita nang patiuna ang mga bagay na ating nakikitang natutupad sa ngayon—isang agos ng matuwid-pusong mga tao na nagsisilabas sa matandang sanlibutan at umaakyat sa simbolikong bundok ng tunay na pagsamba. Ang mga iba ay kanilang inaanyayahan: “Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.” (Isaias 2:2, 3; Mikas 4:1, 2) Ikaw ba ay lumalakad na kasama ng maligayang pulutong na ito?
20. Anong mga pagpapala ang tatamasahin niyaong mga humahatol sa sanlibutan sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya?
20 Si Isaias at si Mikas ay bumanggit din ng mga pagpapalang tatamasahin ng mga taong humahatol sa sanlibutan sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. Ang tunay na kapayapaan at katarungan ay iiral sa gitna nila, at sila’y hindi na mag-aaral pa man ng tungkol sa digmaan. Sila’y magkakaroon ng tiyak na pag-asang magtamo ng mana kay Jehova at “uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos.” Subalit bawat tao ay kailangang gumawa ng matatag na pasiya, sapagkat ipinakikita ni Mikas na dalawang daan ang posibleng lakaran, na nagsasabi: “Lahat ng bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos; ngunit kami, sa ganang amin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na aming Diyos hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga’y magpakailanman.”—Mikas 4:3-5; Isaias 2:4.
21. Papaano maaaring makabahagi ka sa dakilang pagpapala na buhay na walang-hanggan sa lupa?
21 Malinaw na ipinakikita ng Kasulatan kung ano ang kinakailangan upang makaligtas sa malaking kapighatian: isang matibay na pananampalataya. Si Noe ay may ganoong pananampalataya, ngunit ikaw ba’y mayroon din nito? Kung mayroon, katulad niya, ikaw ay magiging “tagapagmana ng katuwiran na ayon sa pananampalataya.” (Hebreo 11:7) Si Noe ay nakaligtas sa itinakda-ng-Diyos na pagpuksa na sumapit sa kaniyang salinlahi. Siya’y hindi lamang nabuhay nang may 350 taon pagkatapos ng Baha kundi siya’y muling bubuhayin taglay ang pagkakataong mabuhay sa lupa magpakailanman. Anong dakilang pagpapala! (Hebreo 11:13-16) Ikaw ay maaaring makabahagi sa pagpapalang iyan kasama ni Noe, ng kaniyang pamilya, at ng milyun-milyon pang mga iba na umiibig sa katuwiran. Papaano? Sa pamamagitan ng pagtitiis hanggang wakas at paghatol sa sanlibutan sa pamamagitan ng iyong pananampalataya.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit ang pag-aaral ng buhay ni Noe ay mahalaga para sa mga Kristiyano?
◻ Ano ang hindi binibigyang-pansin ng mga tao ng salinlahing ito, na hahantong sa kanilang pagkapuksa?
◻ Tulad ni Noe, papaano natin hahatulan ang sanlibutang ito?
◻ Papaano tayo makatutulad kay Noe bilang isang mángangaral ng katuwiran?