Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 2/8 p. 26-27
  • Ang Baha—Katotohanan o Alamat?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Baha—Katotohanan o Alamat?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kapani-paniwalang mga Detalye
  • Tiniyak ang Katotohanan Nito
  • Ang Kuwento Tungkol kay Noe at sa Malaking Baha—Alamat Lang Ba?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Si Noe at ang Baha—Isang Tunay na Pangyayari, Hindi Kathang-Isip
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Hinahatulan ng Pananampalataya ni Noe ang Sanlibutan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Ang Talâ ni Noe—May Kahulugan Ba Ito Para sa Atin?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 2/8 p. 26-27

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ang Baha​—Katotohanan o Alamat?

‘At lahat ng hayop ay pumasok nang dala-dalawa kay Noe sa loob ng arka.’​—Genesis 7:8, 9.

SINO ang hindi nakarinig tungkol sa Baha noong panahon ni Noe? Marahil ay alam mo na ang salaysay mula sa iyong pagkabata. Ang totoo, kung pupunta ka sa isang aklatan sa inyong lugar upang suriin ang tungkol sa Baha, masusumpungan mo ang mas maraming aklat na isinulat para sa mga bata tungkol sa paksang ito kaysa para sa mga adulto. Kaya, maaaring maipasiya mo na ang ulat tungkol sa Baha ay isang pambatang kuwento lamang. Inaakala ng marami na ang ulat tungkol sa Baha ni Noe, kasama ng iba pa sa Bibliya, ay isang alamat lamang o, sa pinakamabuti, isang kapupulutan ng aral na ginawa ng tao.

Nakagugulat naman, maging ang ilan na isinasalig ang kanilang relihiyosong mga paniwala sa Bibliya ay nag-aalinlangan kung talaga nga bang naganap ang Baha. Minsa’y sinabi ng Katolikong pari na si Edward J. McLean na ang kuwento tungkol kay Noe ay nilayong bigyang-kahulugan, hindi bilang isang kasaysayan, kundi bilang “isang anyo ng talinghaga o panitikan.”

Gayunman, ang salaysay ba tungkol sa Baha na nasa Bibliya ay isa lamang talinghaga, na hindi kailanman ituturing na literal? Pinahihintulutan ba ng Bibliya ang gayong pangmalas?

Kapani-paniwalang mga Detalye

Isaalang-alang muna ang ulat na isinulat ni Moises sa aklat ng Genesis. Doon, masusumpungan natin ang espesipikong taon, buwan, at araw nang magpasimula ang baha, nang sumadsad ang arka, at nang matuyo ang lupa. (Genesis 7:11; 8:4, 13, 14) Bagaman ang espesipikong mga petsa ay hindi laging nakaulat saanman sa Genesis, ang mga petsang ito ay nagdiriin ng totoong bagay na itinuring ni Moises ang Baha bilang isang tunay na pangyayari. Ihambing ang katotohanang sinabi ng Bibliya sa klasikong pambukas na mga pananalita ng maraming alamat, “Noong unang panahon . . .”

Bilang isa pang halimbawa, isaalang-alang ang arka mismo. Inilalarawan ng Bibliya ang isang sasakyang pantubig na halos 437 talampakan ang haba, na ang ratio ng haba-pataas ay 10 sa 1 at ang ratio ng haba-palapad ay 6 sa 1. (Genesis 6:15) Ngayon, si Noe ay hindi naman tagagawa ng barko. At tandaan, mahigit nang 4,000 taon ang nakalilipas! Subalit, ang arka ay itinayo na ang sukat ay tamang-tama para sa gamit nito bilang isang sasakyang lumulutang. Sa katunayan, natuklasan ng makabagong mga arkitekto sa mga barko ang parehong mga ratio na angkop para sa pagiging matibay ng kayarian nito at matatag sa dagat. Bagaman hindi binanggit ng Bibliya ang eksaktong haba ng panahon na ginugol ni Noe sa paggawa ng arka, malamang na gumugol ng 50 hanggang 60 taon sa pagtatayo nito ayon sa ulat. (Genesis 5:32; 7:6) Ang mga salik na ito’y talagang may pagkakaiba sa kilalang mga salaysay na masusumpungan sa Epiko ng Babilonya ng Gilgamesh. Inilalarawan ng epiko ang isang pagkalaki-laki, hindi magandang tingnang kahon na mga 60 metro ang sukat sa magkabila na itinayo sa loob lamang ng pitong araw. Hindi tulad ng alamat ng Babilonya, ang ulat ng Delubyo sa Bibliya ay lumilikha ng pagtitiwala sa kawastuan nito.

Maliban pa sa ulat ng Genesis, binabanggit ng Kasulatan si Noe o ang pangglobong Baha nang sampung ulit. Ipinakikita ba ng mga reperensiyang ito na minalas ng kinasihang mga manunulat ang Baha na isang tunay na kasaysayan o isang alamat?

Tiniyak ang Katotohanan Nito

Sa Kasulatan, lumitaw si Noe sa dalawang talaangkanan ng bansang Israel, na ang ikalawa ay nagtapos kay Jesu-Kristo. (1 Cronica 1:4; Lucas 3:36) Sina Ezra at Lucas, ang tagatipon ng mga talaangkanang ito, ay kapuwa bihasang mga mananalaysay at tiyak na naniwala na tunay na tao si Noe.

Sa ibang bahagi ng Bibliya, itinala si Noe kasama ng iba pang makasaysayang mga tao, na binabanggit bilang isang taong matuwid at may pananampalataya. (Ezekiel 14:14, 20; Hebreo 11:7) Makatuwiran ba para sa mga manunulat ng Bibliya na ilakip ang isang maalamat na tauhan bilang isang halimbawa upang tularan? Hindi, sapagkat madali nitong aakayin ang mga nagbabasa ng Bibliya na mabuo sa kanilang isip na ang pananampalataya ay hindi kayang abutin ng mga tao at maaari lamang itong maipakita ng mga tauhan sa aklat ng kuwento. Si Noe at ang iba pang mga lalaki at babae na may pananampalataya ay itinala sapagkat sila’y mga tao na may mga kahinaan at mga damdaming tulad natin.​—Hebreo 12:1; ihambing ang Santiago 5:17.

Sa nalalabing mga reperensiya sa Kasulatan, binanggit si Noe at ang Baha sa konteksto tungkol sa pagpuksa ng Diyos sa salinlahi ng mga taong walang pananampalataya na nakapalibot kay Noe. Pansinin ang pagtukoy ni Jesus sa Delubyo, na nakaulat sa Lucas 17:26, 27: “Kung paanong naganap nang mga araw ni Noe, magiging gayundin sa mga araw ng Anak ng tao: sila ay kumakain, sila ay umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa, ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na iyon nang pumasok si Noe sa daong, at dumating ang baha at pinuksa silang lahat.”

Nasaksihan ni Jesu-Kristo ang pangyayari na kaniyang inilarawan, yamang siya’y umiral sa langit bago pa ang kaniyang buhay sa lupa. (Juan 8:58) Kung ang Delubyo ay isang alamat lamang, kung gayon maaaring ang sinasabi ni Jesus tungkol sa kaniyang pagkanaririto sa hinaharap ay kunwari lamang o kaya’y hindi siya nagsasabi ng totoo. Alinman sa mga konklusyong ito ay hindi katugma ng iba pang bahagi ng Kasulatan. (1 Pedro 2:22; 2 Pedro 3:3-7) Kaya, si Jesu-Kristo, bilang resulta ng pansariling obserbasyon, ay naniniwala na ang ulat ng Bibliya tungkol sa pangglobong Baha ay tunay na kasaysayan. Para sa tunay na mga Kristiyano, tiyak na ito’y lubusang di-mapag-aalinlanganang katibayan na ang Baha noong panahon ni Noe ay totoo, hindi alamat.

[Picture Credit Line sa pahina 26]

L. Chapons/Illustrirte Familien-Bibel nach der deutsche Uebersetzung Dr. Martin Luthers

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share