Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Gatas”
  • Gatas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gatas
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pulandit ng Gatas na Naging Isang Kutsarang Pinulbos na Gatas
    Gumising!—1999
  • Ang Gatas ng Ina
    May Nagdisenyo Ba Nito?
  • Keso
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Gatas”

GATAS

Ang fluidong nanggagaling sa mga babaing mamalya na nagsisilbing pagkain ng kanilang maliliit na anak. Ginagamit din ito bilang pagkain ng mga tao sa pangkalahatan. (Gen 18:8; Huk 4:19; 5:25) Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “gatas” ay kadalasang tumutukoy sa sariwang gatas at karaniwa’y naiiba sa mga kulta, keso, at mantikilya. (Deu 32:14; 2Sa 17:29; Job 10:10; Kaw 27:27) Gayunman, hindi nito tinutukoy kung ang gatas ay nanggaling sa baka, tupa, o kambing. (Eze 25:4; 1Co 9:7) Ang maasim o kurtadong gatas ay kadalasang hinahaluan ng pulot-pukyutan at itinuturing na isang nakarerepreskong inumin. Nagdala si David ng “sampung bahagi ng gatas” (“keso,” Vg) sa “pinuno ng sanlibo” noong maghatid siya ng pagkain sa kaniyang mga kapatid na nasa kampo ng hukbo. Ang mga bahaging ito ay maaaring nasa anyong keso na gawa sa sariwang gatas. “Sampung hiwa ng malambot na keso” naman ang sinasabi ng Rotherham.​—1Sa 17:17, 18.

Bakit ipinagbawal ng Kautusan na pakuluan ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina?

Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ipinagbawal na pakuluan ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina. (Deu 14:21) Makalawang ulit na binanggit ang pagbabawal na ito may kaugnayan sa pagbibigay ng isang tao ng kaniyang mga unang bunga kay Jehova.​—Exo 23:19; 34:26.

Ipinapalagay ng iba na ang kaugaliang ito ay may kaugnayan sa mga pagano, sa idolatriya, o sa mahika. Ngunit sa kasalukuyan, hindi matibay ang ebidensiyang sumusuporta sa pangmalas na ito.

Ang isa pang mungkahi ay na idiniriin ng batas na may wasto at nararapat na kaayusan ng mga bagay-bagay na dapat sundin. Inilaan ng Diyos ang gatas ng ina upang mapakain ang kaniyang anak. Kung gagamitin iyon upang doon pakuluan ang kaniyang anak bago ito kainin, ikapapahamak ito ng batang kambing at magiging kabaligtaran ito ng iniisip ng Diyos nang ilaan niya ang gatas na iyon.

Ang ikatlong posibilidad ay na ibinigay ang utos na ito upang pumukaw ng pagkahabag. Magiging kasuwato ito ng iba pang mga utos na nagbabawal sa paghahain ng isang hayop kung hindi pa ito nakakapiling ng kaniyang ina nang pitong araw (Lev 22:27), pagpatay sa isang hayop at sa anak nito sa iisang araw (Lev 22:28), o pagkuha kapuwa sa ina at sa mga itlog o supling nito mula sa isang pugad (Deu 22:6, 7).

Sa Hula. Inihula hinggil kay Emmanuel: “Dahil sa kasaganaan ng gatas na makukuha ay kakain siya ng mantikilya; sapagkat mantikilya at pulot-pukyutan ang kakainin ng lahat ng naiwan sa gitna ng lupain.” Ang kalagayang ito ay magiging resulta ng pagwasak ng mga Asiryano sa Juda. Bunga ng pagkawasak na ito, masasakal ang dating sakahang lupain dahil sa dami ng mga panirang damo. Kaya naman, sa kalakhang bahagi, yaong mga naiwan sa lupain ay mapipilitang mabuhay sa pagkain ng mga produktong galing sa gatas at pulot-pukyutang ligáw. Palibhasa’y maraming pastulan doon, ang mga hayop na matitirang buháy ay makalilikha ng saganang gatas para sa lubhang lumiit na populasyon.​—Isa 7:20-25; ihambing ang 37:30-33.

Makatalinghagang Paggamit. Madalas tukuyin ang gatas sa isang makasagisag o makatalinghagang paraan. (Gen 49:12; Sol 5:12; Pan 4:7) Ang yaman ng mga bansa at mga bayan ay tinatawag na gatas. (Isa 60:16) Paulit-ulit na inilalarawan ang Lupang Pangako bilang “inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,” anupat nagpapahiwatig ng kasaganaan, pagkamabunga, at pag-unlad dahil sa pagpapala ni Jehova. (Exo 3:8; Deu 6:3; Jos 5:6; Jer 11:5; Eze 20:6; Joe 3:18) Sa Awit ni Solomon, tinukoy ng pastol ang kaniyang minamahal na Shulamita bilang may pulut-pukyutan at gatas sa ilalim ng dila nito, anupat maliwanag na nangangahulugang bumibigkas ang dila nito ng mga salitang kaiga-igaya.​—Sol 4:11.

Yamang ang gatas ay tumutulong sa pisikal na paglaki tungo sa pagkamaygulang, ang panimulang doktrinang Kristiyano ay inihahalintulad sa “gatas” para sa mga sanggol sa espirituwal, na magpapalakas sa kanila upang sila’y lumaki hanggang sa kaya na nilang tumanggap ng “matigas na pagkain,” ang mas malalalim na espirituwal na katotohanan. (1Co 3:2; Heb 5:12-14) Sa pakikipag-usap sa mga Kristiyano, sinabi ng apostol na si Pedro: “Gaya ng mga sanggol na bagong-silang, magkaroon kayo ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita.” Sa anong layunin? Upang patuloy silang lumaki, hindi lamang tungo sa pagkamaygulang kundi “tungo sa kaligtasan,” samakatuwid nga, tiyakin para sa kanilang sarili ang pagtawag at pagpili sa kanila. (1Pe 2:2; 2Pe 1:10) Sa Isaias 55:1, tinatawagan ng Diyos ang mga nauuhaw sa espirituwal na bumili ng espirituwal na “gatas” na ito na tumutulong sa paglaki, anupat sa pamamagitan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan ay maaari nila itong matamo nang “walang salapi at walang bayad.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share