Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 3/1 p. 9-13
  • Nakaalay—Kanino?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakaalay—Kanino?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Nakaalay na Bansa
  • Ang Pagpapahalaga ay Umaakay sa Pag-aalay
  • Gawing Pangmadla ang Iyong Pag-aalay
  • Pagtupad sa Ating Pag-aalay sa “Araw-Araw”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Bakit Dapat Mong Ialay ang Iyong Sarili kay Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Bakit Dapat Kang Mag-alay at Magpabautismo?
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Handa Ka Na Bang Mag-alay kay Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 3/1 p. 9-13

Nakaalay​—Kanino?

“Lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin at maging masunurin.”​—EXODO 24:7.

1, 2. (a) Sa ano deboto ang ilang tao? (b) Ang pag-aalay ba ay limitado lamang sa mga bagay na may kaugnayan sa relihiyon?

NOONG Pebrero 1945, ang mga piloto ng Zero-fighter ng Yatabe Flying Corps ng Hapón ay nagkakatipon sa isang awditoryum. Ang bawat isa’y binigyan ng isang papel na pagsusulatan kung magboboluntaryo siyang maging miyembro ng kamikaze attack force. “Inisip ko na ito’y pagtawag sa akin upang isakripisyo ang aking sarili sa panahon ng pambansang krisis,” sabi ng isang opisyal na naroroon noon. “Palibhasa’y nadala ng damdamin na ilaan ang aking sarili, inihandog ko ang aking sarili para sa misyon.” Siya’y sinanay na magpaandar at magpalipad ng Ohka (isang suicide na pandigmang eroplano) at ibagsak ito sa pandigmang bapor ng kalaban. Gayunman, tapos na ang digmaan bago siya nagkaroon ng pagkakataon na gawin ito at sa gayon ay mamatay para sa kaniyang bansa at sa kaniyang emperador. Nang matalo ang Hapón sa digmaan, ang kaniyang pananalig sa emperador ay gumuho.

2 Noon, marami sa Hapón ang deboto sa emperador, na pinaniniwalaan nilang isang buháy na diyos. Sa ibang lupain, may iba pang pinag-uukulan ng debosyon noon at maging sa ngayon. Milyun-milyon ang deboto kay Maria, Buddha, o iba pang mga diyos​—na karaniwang isinasagisag ng mga idolo. Palibhasa’y nadadala ng maaalab na talumpati, ang ilan ay nagsisilid ng kanilang pinaghirapang salapi sa mga bulsa ng mga ebanghelisador sa TV bilang buong-pusong pagsuporta na katumbas ng kanilang debosyon. Pagkatapos ng digmaan, ang nabigong mga Hapones ay humanap ng isang bagong bagay na mapag-uukulan ng kanilang buhay. Para sa ilan, ang bagay na iyan ay ang pagtatrabaho. Sa Silangan man o sa Kanluran, marami ang nagtatalaga ng kanilang sarili sa pagkakamal ng kayamanan. Isinesentro ng mga kabataan ang kanilang buhay sa mga manunugtog, anupat tinutularan ang istilo ng kanilang buhay. Napakarami sa ngayon ang naging mananamba ng sarili, na iniuukol ang kanilang debosyon sa kanilang sariling mga pagnanasa. (Filipos 3:19; 2 Timoteo 3:2) Ngunit ang gayon bang mga bagay o mga tao ay tunay na karapat-dapat sa buong-kaluluwang debosyon ng isang tao?

3. Papaano napatunayang walang-kapararakan ang ilang pinag-uukulan ng debosyon?

3 Kapag napaharap sa katotohanan, karaniwan nang nasisiphayo ang mga mananamba sa idolo. Ang debosyon sa mga idolo ay nagbubunga ng pagkabigo kapag napagtanto ng mga mananamba na ang kanilang mga idolo ay “gawa [lamang] ng mga kamay ng tao.” (Awit 115:4) Kapag nabubunyag ang mga iskandalong nagsasangkot sa prominenteng mga ebanghelista, ang taimtim na mga tao ay nabibigo. Nang maglaho ang “parang-bulang” ekonomya, nagulo ang isip ng mga manggagawa nang makita nilang sila’y nasa listahan ng mga aalisin sa trabaho. Ang kamakailang mga resesyon ay nagdulot ng matinding dagok sa mga mananamba ni Mammon. Ang nápaláng mga utang sa pag-asang makapagkamal ng maraming salapi ay naging isang pabigat anupat napakahirap nang mabayaran pa. (Mateo 6:24, talababa sa Ingles) Kapag namatay o nalaos na ang iniidolong mga bituing mang-aawit ng rock at iba pang artista, ang kanilang mga mananamba ay naiwang napabayaan. At yaong tumahak sa isang landasin ng pagbibigay-kasiyahan-sa-sarili ay madalas na umaani ng mapapait na bunga.​—Galacia 6:7.

4. Ano ang nag-uudyok sa mga tao upang mag-alay ng kanilang buhay sa walang-kapararakang mga bagay?

4 Ano ang nag-udyok sa mga taong ito upang ialay ang mga sarili sa gayong walang-kapararakang mga bagay? Sa kalakhang bahagi, iyon ay ang espiritu ng sanlibutan sa ilalim ni Satanas na Diyablo. (Efeso 2:2, 3) Ang impluwensiya ng espiritung ito ay makikita sa iba’t ibang paraan. Ang isang tao ay maaaring kontrolado ng tradisyon ng pamilya na ipinamana ng kaniyang mga ninuno. Ang edukasyon at paraan ng pagpapalaki ay maaaring lubusang makaimpluwensiya sa pag-iisip. Ang kapaligiran ng pinagtatrabahuhan ay maaaring magtulak sa “mga mandirigma ng korporasyon” sa labis-labis na pagtatrabaho anupat maaaring magsapanganib ng kanilang buhay. Ang pagnanasa na magkaroon pa nang higit at higit ay bunga ng materyalistikong saloobin ng sanlibutan. Nagiging masama ang puso ng marami, anupat inuudyukan silang iukol ang mga sarili sa kanilang sakim na mga pagnanasa. Hindi na nila sinusuri kung ang mga pagsusumikap na ito ay karapat-dapat sa kanilang debosyon.

Isang Nakaalay na Bansa

5. Anong pag-aalay kay Jehova ang ginawa mahigit na 3,500 taon na ang nakalipas?

5 Mahigit na 3,500 taon ang nakalipas, isang bansa ng mga tao ang nakasumpong ng isang totoong karapat-dapat pag-ukulan ng debosyon. Inialay nila ang kanilang sarili sa soberanong Diyos, si Jehova. Bilang isang grupo, ang bansang Israel ay nagpahayag ng kanilang pag-aalay sa Diyos sa ilang ng Sinai.

6. Ano ang dapat na naging kahulugan ng pangalan ng Diyos para sa mga Israelita?

6 Ano ang nag-udyok sa mga Israelita upang kumilos sa ganitong paraan? Nang sila’y mga alipin pa sa Ehipto, inatasan ni Jehova si Moises na pangunahan sila sa paglaya. Itinanong ni Moises kung papaano niya ipakikilala ang Diyos na nagsugo sa kaniya, at inihayag ng Diyos ang sarili bilang “Patutunayan kong maging kung ano ang patutunayan kong maging.” Inutusan niya si Moises na sabihin sa mga anak ni Israel: “Ang patutunayan kong maging ang nagsugo sa akin sa inyo.” (Exodo 3:13, 14) Ipinahihiwatig ng pangungusap na ito na si Jehova ay nagiging kung ano ang kinakailangan upang maganap ang kaniyang mga layunin. Itatanghal niya ang kaniyang sarili bilang ang Tagatupad ng mga pangako sa isang paraang hindi kailanman nakilala ng mga ninuno ng mga Israelita.​—Exodo 6:2, 3.

7, 8. Anu-anong katibayan ang taglay ng mga Israelita na si Jehova ay isang Diyos na karapat-dapat sa kanilang debosyon?

7 Nasaksihan ng mga Israelita ang dinanas na Sampung Salot ng lupain ng Ehipto at ng mamamayan nito. (Awit 78:44-51) Pagkatapos, malamang na mahigit na tatlong milyon sa kanila, kasama na ang mga babae at mga bata, ang nagbalót at lumisan sa lupain ng Goshen sa isang gabi lamang, na sa ganang sarili ay isang kahanga-hangang gawa. (Exodo 12:37, 38) Sumunod, sa Dagat na Pula, inihayag ni Jehova ang kaniyang sarili bilang “isang tulad-lalaking mandirigma” nang iligtas niya ang kaniyang bayan sa hukbong militar ng Faraon sa pamamagitan ng paghahati sa dagat upang makatawid ang mga Israelita at pagkatapos ay pagsalikupin ito upang lunurin ang tumutugis na mga Ehipsiyo. Bilang resulta, “Nakita rin ng Israel ang dakilang kamay ni Jehova na ginamit niya laban sa mga Ehipsiyo; at ang bayan ay nagsimulang matakot kay Jehova at sumampalataya kay Jehova.”​—Exodo 14:31; 15:3; Awit 136:10-15.

8 Sa wari’y kulang pa ang katibayan para sa kahulugan ng pangalan ng Diyos, anupat ang mga Israelita ay nagbulung-bulungan laban kay Jehova at sa kaniyang kinatawan na si Moises hinggil sa kakulangan ng pagkain at tubig. Nagpadala si Jehova ng mga pugò, nagpaulan ng manna, at pinapangyaring bumalong ang tubig mula sa isang malaking bato sa Meribah. (Exodo 16:2-5, 12-15, 31; 17:2-7) Iniligtas din ni Jehova ang mga Israelita sa pagsalakay ng mga Amalekita. (Exodo 17:8-13) Hindi na matatanggihan pa ng mga Israelita ang ipinahayag ni Jehova kay Moises nang dakong huli: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, na nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapatawad sa kamalian at paglabag at kasalanan.” (Exodo 34:6, 7) Oo, pinatunayan ni Jehova ang kaniyang sarili na karapat-dapat pag-ukulan ng kanilang debosyon.

9. Bakit binigyan ni Jehova ang mga Israelita ng pagkakataong ipahayag ang kanilang pag-aalay na paglingkuran siya, at papaano sila tumugon?

9 Bagaman may karapatan si Jehova na siyang magmay-ari sa mga Israelita dahil sa tinubos niya sila upang makalabas sa Ehipto, siya, bilang mabait at maawaing Diyos, ay nagbigay sa kanila ng pagkakataong kusang-loob na ipahayag ang kanilang pagnanais na maglingkod sa kaniya. (Deuteronomio 7:7, 8; 30:15-20) Iniharap din niya ang mga kondisyon para sa tipan sa pagitan niya at ng mga Israelita. (Exodo 19:3-8; 20:1–23:33) Nang sabihin ni Moises ang mga kondisyong ito, ang mga Israelita ay nagpahayag: “Lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin at maging masunurin.” (Exodo 24:3-7) Mula sa kanilang malayang kalooban, sila’y naging isang bansang nakaalay sa Soberanong Panginoon na si Jehova.

Ang Pagpapahalaga ay Umaakay sa Pag-aalay

10. Saan dapat nakasalig ang ating pag-aalay kay Jehova?

10 Si Jehova, ang Maylalang, ay patuloy na naging karapat-dapat sa ating buong-kaluluwang debosyon. (Malakias 3:6; Mateo 22:37; Apocalipsis 4:11) Gayunman, ang ating pag-aalay ay hindi dapat nakasalig sa basta paniniwala lamang, bugso ng damdamin, o dahil sa pamimilit ng iba​—maging ng mga magulang. Dapat na nakasalig iyon sa tumpak na kaalaman sa katotohanan tungkol kay Jehova at sa pagpapahalaga sa nagawa na ni Jehova para sa atin. (Roma 10:2; Colosas 1:9, 10; 1 Timoteo 2:4) Kung papaanong binigyan ni Jehova ang mga Israelita ng pagkakataon na kusang ipahayag ang kanilang pag-aalay, binibigyan din naman niya tayo ng pagkakataon na kusang ialay ang ating sarili at gawing pangmadla ang pag-aalay na iyan.​—1 Pedro 3:21.

11. Ano ang isiniwalat ng ating pag-aaral ng Bibliya may kinalaman kay Jehova?

11 Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, nakikilala natin ang Diyos bilang isang persona. Ang kaniyang Salita ay tumutulong sa atin na makita ang kaniyang mga katangian gaya ng maaaninag sa paglalang. (Awit 19:1-4) Nakikita natin sa kaniyang Salita na siya’y hindi isang mahiwagang Trinidad anupat hindi maunawaan. Hindi siya natatalo sa mga digmaan at sa gayon ay hindi kailangang itakwil ang kaniyang pagka-Diyos. (Exodo 15:11; 1 Corinto 8:5, 6; Apocalipsis 11:17, 18) Dahil sa natupad na niya ang kaniyang mga pangako, pinaaalalahanan tayo kung ano ang ibig sabihin ng kaniyang magandang pangalan na Jehova. Siya ang Dakilang Tagapaglayon. (Genesis 2:4, talababa sa Ingles; Awit 83:18; Isaias 46:9-11) Sa pag-aaral ng Bibliya, maliwanag na nauunawaan natin kung gaano siya katapat at mapagkakatiwalaan.​—Deuteronomio 7:9; Awit 19:7, 9; 111:7.

12. (a) Ano ang nakaaakit sa atin kay Jehova? (b) Papaanong ang mga karanasan sa tunay na buhay na nakaulat sa Bibliya ay nag-uudyok sa isa na naising maglingkod kay Jehova? (c) Ano ang iyong nadarama hinggil sa paglilingkod kay Jehova?

12 Ang lalo nang nakaakit sa atin kay Jehova ay ang kaniyang maibiging personalidad. Inilalarawan ng Bibliya kung gaano siya naging maibigin, mapagpatawad, at maawain sa pakikitungo sa mga tao. Isip-isipin kung papaano niya pinasagana si Job pagkatapos na buong wagas na ingatan ni Job ang kaniyang katapatan. Itinatampok ng karanasan ni Job na “si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11; Job 42:12-17) Isip-isipin kung papaano nakitungo si Jehova kay David nang magkasala ito ng pakikiapid at pagpaslang. Oo, si Jehova ay handang magpatawad maging sa mabibigat na kasalanan kapag ang nagkasala ay lumalapit sa kaniya taglay ang “isang pusong wasak at luray.” (Awit 51:3-11, 17) Isip-isipin ang paraan ni Jehova ng pakikitungo kay Saulo ng Tarso, na nang pasimula ay isang determinadong mang-uusig ng bayan ng Diyos. Ang mga halimbawang ito ay nagtatampok ng kaawaan at bukas-palad na pagnanais ng Diyos na gamitin ang mga nagsisisi. (1 Corinto 15:9; 1 Timoteo 1:15, 16) Nadama ni Pablo na kaya niyang itayâ ang kaniyang buhay mismo sa paglilingkod sa maibiging Diyos na ito. (Roma 14:8) Ganito rin ba ang iyong nadarama?

13. Anong dakilang kapahayagan ng pag-ibig sa bahagi ni Jehova ang nagtutulak sa mga may pusong matuwid upang ialay ang kanilang sarili sa kaniya?

13 Para sa mga Israelita, si Jehova ay naglaan ng kaligtasan mula sa pagkaalipin sa Ehipto, at siya’y naghanda ng isang paraan upang iligtas tayo mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan​—ang haing pantubos ni Jesu-Kristo. (Juan 3:16) Sabi ni Pablo: “Inirerekomenda ng Diyos ang kaniyang sariling pag-ibig sa atin sa bagay na, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” (Roma 5:8) Ang maibiging kaayusang ito ang nagtulak sa mga may pusong matuwid upang ialay ang kanilang sarili kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. “Sapagkat ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nagtutulak sa amin, sapagkat ito ang aming inihatol, na ang isang tao ay namatay para sa lahat; kung gayon nga, ang lahat ay namatay; at namatay siya para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang mga sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila at ibinangon.”​—2 Corinto 5:14, 15; Roma 8:35-39.

14. Sapat na ba ang basta kaalaman lamang tungkol sa mga pakikitungo ni Jehova upang maudyukan tayo na ialay ang ating buhay sa kaniya? Ipaliwanag.

14 Datapuwâ, ang pagkakaroon ng kaalaman hinggil sa personalidad ni Jehova at sa kaniyang pakikitungo sa sangkatauhan ay hindi sapat. Dapat linangin ang personal na pagpapahalaga kay Jehova. Papaano iyan magagawa? Sa pamamagitan ng pagkakapit ng Salita ng Diyos sa ating buhay at sa pagkaranas na talagang mabisa ang mga simulaing masusumpungan dito. (Isaias 48:17) Kailangan nating madamang tayo’y nailigtas na ni Jehova mula sa lusak ng balakyot na sanlibutang ito na nasa ilalim ng pamamahala ni Satanas. (Ihambing ang 1 Corinto 6:11.) Sa ating pagpupunyaging gawin kung ano ang tama, natututo tayong umasa kay Jehova, at nararanasan natin sa ating sarili na si Jehova ang buháy na Diyos, ang “Dumirinig ng Panalangin.” (Awit 62:8; 65:2) Di-nagtatagal at nadarama nating napakalapit natin sa kaniya at naipagtatapat na natin sa kaniya ang nasa kaibuturan ng ating puso. Ang init ng pagmamahal kay Jehova ay nag-iibayo sa ating damdamin. Ito ay walang-pagsalang aakay sa atin upang ialay ang ating buhay sa kaniya.

15. Ano ang nag-udyok sa isang lalaki, na dati’y nakaalay sa trabaho, na maglingkod kay Jehova?

15 Marami ang nakakilala na sa maibiging Diyos na ito, na si Jehova, at nag-alay na ng kanilang buhay sa paglilingkod sa kaniya. Kuning halimbawa ang isang elektrisyan na may maunlad na negosyo. May mga pagkakataon na nagsisimula siyang magtrabaho sa umaga at nagtatrabaho sa buong maghapon hanggang gabi, anupat umuuwi ng alas singko ng sumunod na umaga. Pagkapahinga ng mga isang oras, pupunta naman siya sa isa pang trabaho. “Nakaalay ako sa aking trabaho,” nagugunita niya. Nang magsimulang makipag-aral ng Bibliya ang kaniyang asawa, sumali siya. Sabi niya: “Lahat ng diyos na aking nakilala hanggang sa oras na iyon ay naghihintay lamang na mapaglingkuran, walang ginagawa para sa ating kapakinabangan. Subalit si Jehova ay nagkusa at isinugo sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak taglay ang personal na pagsasakripisyo.” (1 Juan 4:10, 19) Sa loob ng sampung buwan, ang lalaking ito ay nakaalay na kay Jehova. Pagkatapos nito, hinarap niyang lubusan ang paglilingkod sa buháy na Diyos. Pumasok siya sa buong-panahong ministeryo at naudyukang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Siya, gaya ng mga apostol, ay ‘nag-iwan ng lahat ng bagay at sumunod kay Jesus.’ (Mateo 19:27) Pagkalipas ng dalawang buwan, siya at ang kaniyang asawa ay tinawag upang maglingkod sa sangay ng Watch Tower Bible and Tract Society sa bansang tinitirhan nila, upang makatulong siya sa gawaing elektrikal. Sa mahigit na 20 taon, siya’y naglilingkod pa rin sa sangay, na ginagawa ang trabahong gustung-gusto niya​—hindi para sa kaniyang sarili kundi para kay Jehova.

Gawing Pangmadla ang Iyong Pag-aalay

16. Anu-ano ang ilang hakbangin na kukunin ng isa sa pag-aalay kay Jehova?

16 Pagkatapos ng ilang panahong pag-aaral ng Bibliya, kapuwa ang mga bata’t matatanda ay magpapahalaga kay Jehova at sa nagawa na niya para sa kanila. Ito’y dapat na magtulak sa kanila na ibigay ang kanilang sarili sa Diyos. Maaaring isa ka sa mga ito. Papaano mo maiaalay ang iyong sarili kay Jehova? Pagkatapos na makakuha ng tumpak na kaalaman mula sa Bibliya, dapat na kumilos ka ayon sa kaalamang iyan at manampalataya kay Jehova at kay Jesu-Kristo. (Juan 17:3) Magsisi at talikuran ang anumang dating makasalanang landasin. (Gawa 3:19) Pagkatapos ay darating ka sa hakbangin ng pag-aalay, anupat ipinahahayag iyon sa taimtim na mga salita ng panalangin kay Jehova. Ang panalanging ito ay walang-pagsalang mag-iiwan ng namamalaging impresyon sa iyong isipan, dahil sa ito ang magiging pasimula ng isang bagong pakikipag-ugnayan kay Jehova.

17. (a) Bakit nirerepaso ng matatanda ang inihandang mga tanong sa mga kaaalay lamang? (b) Anong mahalagang hakbangin ang dapat kunin karaka-raka pagkatapos ng pag-aalay ng isa, at sa anong layunin?

17 Kung papaanong ipinaliwanag ni Moises sa mga Israelita ang mga kondisyon ng pagpasok nila sa isang tipan ng pakikipag-ugnayan kay Jehova, tinutulungan din naman ng matatanda sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova yaong kaaalay lamang upang suriin kung ano talaga ang nasasangkot. Gumagamit sila ng inihandang mga tanong upang tiyakin na ang bawat isa’y lubos na nakauunawa sa saligang mga turo ng Bibliya at nakababatid ng kung ano ang kaakibat ng pagiging isang Saksi ni Jehova. Pagkatapos, ang isang seremonya upang gawing pangmadla ang pag-aalay ay naaangkop lamang. Natural, ang isang kaaalay ay sabik na ipaalam sa iba na siya’y nakasapit na sa pinagpalang pakikipag-ugnayang ito kay Jehova. (Ihambing ang Jeremias 9:24.) Ito’y angkop na isinasagawa sa pamamagitan ng bautismo sa tubig bilang sagisag ng pag-aalay. Ang paglubog sa tubig at pag-ahon pagkatapos ay sumasagisag na siya’y namatay na sa kaniyang dating makasariling landasin ng buhay at ibinangon sa isang bagong paraan ng pamumuhay, alalaong baga’y ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Hindi ito isang sakramento, ni isang ritwal na gaya ng misogi na seremonya ng Shinto na doo’y nililinis di-umano ang isang tao sa pamamagitan ng tubig.a Sa halip, ang bautismo ay isang pangmadlang pagpapahayag ng pag-aalay na nagawa na sa panalangin.

18. Bakit tayo nakatitiyak na ang ating pag-aalay ay hindi mawawalan ng kabuluhan?

18 Ang dakilang okasyong ito ay isang di-malilimot na karanasan, na nagpapaalaala sa baguhang lingkod ng Diyos ng namamalaging pakikipag-ugnayan kay Jehova na taglay niya ngayon. Di-gaya ng pag-aalay na ginawa ng piloto ng kamikaze sa kaniyang bansa at sa emperador, ang pag-aalay na ito kay Jehova ay hindi mawawalan ng kabuluhan, sapagkat siya ang walang-hanggang makapangyarihan-sa-lahat na Diyos na tumutupad sa lahat ng kaniyang ipinanukalang gawin. Siya, at tanging siya lamang, ang karapat-dapat sa ating buong-kaluluwang debosyon.​—Isaias 55:9-11.

19. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

19 Gayunman, higit pa ang nasasangkot sa pag-aalay. Halimbawa, papaano naaapektuhan ng pag-aalay ang ating pang-araw-araw na pamumuhay? Ito’y tatalakayin sa susunod na artikulo.

[Talababa]

a Tingnan Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 194-5.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Bakit ang pag-aalay gaya ng nakikita sa sanlibutan ay nagwakas sa pagkasiphayo?

◻ Ano ang nag-udyok sa mga Israelita na ialay ang kanilang sarili kay Jehova?

◻ Ano ang nag-uudyok sa atin na ialay ang ating sarili kay Jehova sa ngayon?

◻ Papaano natin iniaalay ang ating sarili sa Diyos?

◻ Ano ang kahulugan ng bautismo sa tubig?

[Larawan sa pahina 10]

Inialay ng Israel sa Sinai ang sarili nito kay Jehova

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share