Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 2/15 p. 10-15
  • Mula sa Seder Hanggang sa Kaligtasan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mula sa Seder Hanggang sa Kaligtasan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paskuwa​—Kapistahan ng Kaligtasan
  • Higit Pa Kaysa Isang Kordero ng Paskuwa
  • Dugong Nagliligtas-Buhay
  • Aling Kaligtasan at Saan?
  • Sa “Itinakdang Panahon”
  • ‘Ito ay Magiging Pinakaalaala sa Inyo’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Ano ang Paskuwa?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Paskuwa
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 2/15 p. 10-15

Mula sa Seder Hanggang sa Kaligtasan

“Aking kukunin ang saro ng dakilang kaligtasan, at tatawag ako sa pangalan ni Jehova.”​—AWIT 116:13.

1. Anong paboritong awit sa lahat ng panahon ang maaaring makaapekto sa iyong hinaharap?

PAPAANO mo tatamasahin ang kasiyahan sa isang awit na may kinalaman sa pagtatamo mo ng isang mahaba, maligayang kinabukasan? Ang totoo, ang gayong awit ay isang paborito sa lahat ng panahon. Subalit, ikaw ay nasa isang lalong mainam na katayuan kaysa marami upang makaunawa at masiyahan sa makahulugang awit na ito. Ang tawag dito ng mga Judio ay Hallel (Papuri). Ito’y binubuo ng mga Awit 113 hanggang 118, at tayo’y hinihimok na umawit ng “Hallelujah,” o “Purihin si Jah.”

2. Papaano ginagamit ang awit na ito, at papaano may kaugnayan ito sa Seder?

2 Inaawit ng mga Judio ang Hallel sa kanilang serbisyo sa Paskuwa, na pag-aawitang maliwanag na sinimulan noong ang Diyos ay may templo na kung saan naghahain ng mga hayop. Sa ngayon, ito’y inaawit sa mga tahanang Judio pagka ginaganap ang serbisyo sa Paskuwa at ang hapunan na tinatawag na Seder. Subalit kakaunti na umaawit nito sa kanilang Seder ang nakauunawa ng tunay na kahulugan ng Awit 116:13: “Aking kukunin ang saro ng dakilang kaligtasan, at tatawag ako sa pangalan ni Jehova.” Bakit nga ba ang kaligtasan ay iniuugnay sa Paskuwa, at maaari kaya na ang iyong kaligtasan ay nasasangkot?

Paskuwa​—Kapistahan ng Kaligtasan

3. Ano ba ang kasaysayan ng Seder?

3 Alalahanin na ang mga Israelita ay alipin sa Ehipto sa ilalim ng isang mapang-aping Faraon. Sa wakas, ibinangon ni Jehova si Moises upang manguna sa Kaniyang bayan tungo sa kalayaan. Pagkatapos na ang Ehipto’y pasapitan ng Diyos ng siyam na salot, ipinatalastas ni Moises ang ikasampu. Ang panganay sa bawat sambahayang Ehipsiyo ay papaslangin ni Jehova. (Exodo 11:1-10) Subalit, ang mga Israelita ay maliligtas. Papaano? Sila’y kailangang pumatay ng isang tupa, ipahid ang dugo niyaon sa dalawang haligi ng pinto at sa itaas ng pintuan, at sila’y mamamalagi sa loob samantalang kumakain ng kordero, tinapay na walang lebadura, at mapapait na gulay. Samantalang nagaganap ang Seder na iyon, ang Diyos ay ‘lalampas’ at ang kanilang mga panganay ay hindi papaslangin.​—Exodo 12:1-13.

4, 5. Papaanong ang Paskuwa ay nagbunga ng kaligtasan para sa marami? (Awit 106:7-10)

4 Bilang pagtugon sa sampung salot na ito, sinabi ni Faraon kay Moises: “Kayo’y bumangon, umalis kayo sa gitna ng aking bayan, kayo at sampu ng mga anak ni Israel, at kayo’y yumaon, maglingkod kay Jehova.” (Exodo 12:29-32) Pagkatapos na ang mga Hebreo at “isang haluang karamihan” ng mga may simpatiya sa kanila ay lumisan, si Faraon ay nagbago ng kaniyang isip at sila’y hinabol. Nang magkagayo’y makahimalang tinulungan ng Diyos ang kaniyang bayan upang makaligtas sa Mapulang Dagat, na kung saan si Faraon at ang kaniyang tumutugis na mga kawal ay nangamatay.​—Exodo 12:38; 14:5-28; Awit 78:51-53; 136:13-15.

5 Sinabi ni Moises sa Israel sa Mapulang Dagat: “Huwag kayong matakot. Tumayo kayong panatag at tingnan ang pagliligtas ni Jehova, na gagawin niya sa inyo sa araw na ito.” Nang malaunan ay nagsiawit sila: “Si Jah ay aking lakas at aking kapangyarihan, yamang siya’y nagsisilbing aking kaligtasan. Ito’y aking Diyos, at siya’y aking pupurihin.” (Exodo 14:13; 15:2) Oo, ang katubusan ng Israel, kapuwa buhat sa ikasampung salot at buhat sa Mapulang Dagat, ay isang pagliligtas. Mainam ang pagkalarawan ng salmista kay Jehova bilang isang Diyos na “gumagawa ng dakilang pagliligtas sa gitna ng lupa.”​—Awit 68:6, 20; 74:12-14; 78:12, 13, 22.

6, 7. Bakit itinatag ang Paskuwa, ngunit bakit ngayo’y ginaganap na may mga pagkakaiba sa unang Paskuwa?

6 Kailangang ganapin ng mga Hebreo ang Paskuwa bilang alaala ng pagkaligtas nila. Sinabi ng Diyos: “Ang araw na ito’y magiging sa inyo’y isang alaala, at inyong ipagdiriwang na pinakapista kay Jehova sa panahon ng inyong sali’t saling-lahi.” (Exodo 12:14) Sa bawat hapunan ng Paskuwa, o Seder, sa kaniyang pamilya’y ipaaalaala ng ama ang pagliligtas na iyon. Iniutos ni Jehova: “Pagka sinabi sa inyo ng inyong mga anak, ‘Ano po ba ang kahulugan sa inyo ng paglilingkod na ito?’ kung magkagayo’y inyong sasabihin, ‘Iyan ang hain ng paskuwa kay Jehova, na kaniyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto nang kaniyang salutin ang mga Ehipsiyo, ngunit kaniyang iniligtas ang aming mga sambahayan.’ ”​—Exodo 12:25-27.

7 Yamang hanggang sa araw na ito ay ginaganap pa ng mga Judio ang Paskuwa Seder pinatutunayan niyan na totoo ang pangyayaring iyan. Ngunit ang ilan sa kanilang mga kaugalian, ay may pagkakaiba sa iniutos ng Diyos. Sinasabi ng The Origins of the Seder: “Sa Bibliya ay malawak na tinatalakay ang Paskuwa at ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura; gayunman, ang mga paglalarawang ito ay hindi katumbas ng mga pagdiriwang noong bandang huli ng kapistahang iyan. Kapuna-puna, sa Bibliya ang pinakasentro ng pagdiriwang ay ang hain ng paskuwa, na sa modernong literatura ay hindi na siyang pinakasentro.” Ang isang pangunahing dahilan ay sapagkat ang mga Judio’y wala nang templo para sa mga paghahain ng hayop.

8. Anong pantanging dahilan mayroon tayo para sa pagsasaalang-alang sa Paskuwa?

8 May kapakinabangang mapag-aaralan ng mga Kristiyano ang lahat ng mga kapistahan na ibinigay ng Diyos sa sinaunang Israel,a subalit para sa ngayon ang ilang mga aspekto ng Paskuwa ang karapat-dapat na pag-ukulan natin ng pantanging pansin. Si Jesus, isang Judio, ay gumanap ng Paskuwa. Noong huling okasyon na ganapin niya iyan, kaniyang binalangkas ang tanging banal na selebrasyon para sa mga Kristiyano​—ang Hapunan ng Panginoon, ang alaala ng kamatayan ni Jesus. Samakatuwid ang selebrasyong Kristiyanong ito ay kaugnay ng Paskuwa.

Higit Pa Kaysa Isang Kordero ng Paskuwa

9, 10. Papaanong ang kordero ng Paskuwa ay isang pantangi, o pambihira, na hain?

9 Sinasabi sa atin ng Hebreo 10:1 na ‘ang Kautusan ay isang anino ng mabubuting bagay na darating.’ Ang Cyclopœdia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, ni M’Clintock at Strong, ay nagsasabi: “Walang ibang anino ng mabubuting bagay na darating na nasa kautusan ang nakahihigit kaysa kapistahan ng Paskuwa.” Higit sa lahat ang kordero ng Paskuwa ay may kahulugan na lalong higit na malawak kaysa seremonyang nagpapaalaala kung papaano iniligtas ng Diyos ang mga panganay at pagkatapos lahat ng mga Hebreo na inilabas sa Ehipto.

10 Ang korderong iyan ay pambihira dahil sa maraming bagay. Halimbawa, maraming mga haing hayop ng Kautusang Mosaiko ang inihahain ng isa lamang indibiduwal kung tungkol sa personal na mga kasalanan o nagawang pagkakasala, at mga bahagi ng mga hayop ang sinusunog noon sa dambana. (Levitico 4:22-35) May bahagi ng karne buhat sa handog tungkol sa kapayapaan na ibinibigay sa naghahandog na saserdote o sa mga iba pang saserdote. (Levitico 7:11-38) Gayunman, ang paskal, o pam-Paskuwa, na kordero ay hindi ginagamit sa dambana, at ito’y inihahandog ng isang grupo ng mga tao, kadalasan isang pamilya, na siyang magsisikain nito.​—Exodo 12:4, 8-11.

11. Ano ang pangmalas ni Jehova tungkol sa kordero ng Paskuwa, at sa ano lumarawan iyon? (Bilang 9:13)

11 Ganiyan na lang ang pagpapahalaga ni Jehova sa kordero ng Paskuwa na anupa’t “aking hain” ang tawag niya roon. (Exodo 23:18; 34:25) Sang-ayon sa mga iskolar “ang hain kung paskuwa ang siyang hain ni Jehova na pinakamagaling.” Hindi maikakaila na ang korderong ito ay nagsilbing larawan, o tipo, ng hain ni Jesus. Batid natin ito sapagkat si Jesus ay tinawag ni apostol Pablo na “ating Paskuwa [na] naihain na.” (1 Corinto 5:7) Si Jesus ay ipinakilala bilang “ang Kordero ng Diyos” at “ang Kordero na pinatay.”​—Juan 1:29; Apocalipsis 5:12; Gawa 8:32.

Dugong Nagliligtas-Buhay

12. Anong bahagi ang ginampanan ng dugo ng kordero sa unang Paskuwa?

12 Sa Ehipto ang dugo ng kordero ay nagsilbing pinakasentro ng kaligtasan. Nang patayin ni Jehova ang mga panganay, Siya’y lumampas sa mga bahay na kung saan ang mga haligi ng pinto ay pinahiran ng dugo. Isa pa, yamang ang mga Hebreo ay hindi namatayan ng kanilang mga panganay at sa ganoo’y nagdalamhati, sila’y nasa katayuan na tumawid sa Mapulang Dagat tungo sa kalayaan.

13, 14. Papaanong nagliligtas-buhay ang dugo ni Jesus at kailangan para sa kaligtasan? (Efeso 1:13)

13 Ang dugo ay kasangkot din sa kaligtasan sa ngayon​—ang itinigis na dugo ni Jesus. Nang “ang paskuwa, ang kapistahan ng mga Judio, ay malapit na” noong 32 C.E., sinabi ni Jesus sa isang lubhang karamihan: “Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang-hanggan, at siya’y aking bubuhaying-muli sa huling araw; sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.” (Juan 6:4, 54, 55) Ang sasaisip ng lahat ng kaniyang mga tagapakinig na Judio ay ang napipintong Paskuwa at na dugo ng isang kordero ang ginamit sa Ehipto.

14 Noon ay hindi ang mga emblemang ginagamit sa Hapunan ng Panginoon ang tinatalakay ni Jesus. Ang bagong selebrasyong iyan para sa mga Kristiyano ay hindi itinatag kundi pagkalipas pa noon ng isang taon, kaya maging ang mga apostol man na nakapakinig kay Jesus noong 32 C.E. ay walang alam na anuman tungkol doon. Gayunman, ipinakikita noon ni Jesus na ang kaniyang dugo ay kailangan para sa walang-hanggang kaligtasan. Ipinaliwanag ni Pablo: “Sa pamamagitan niya’y may katubusan tayo dahil sa pagtubos sa pamamagitan ng dugo ng isang iyon, oo, ang kapatawaran ng ating mga pagkakasala, ayon sa kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na kagandahang-loob.” (Efeso 1:7) Tangi lamang sa pamamagitan ng pagpapatawad sa atin salig sa dugo ni Jesus maaari tayong mabuhay magpakailanman.

Aling Kaligtasan at Saan?

15. Para sa mga Hebreo sa Ehipto, anong kaligtasan at mga pribilehiyo ang naging posible, at ano ang hindi naging posible? (1 Corinto 10:1-5)

15 Isa lamang limitadong kaligtasan ang naging posible sa sinaunang Ehipto. Walang sinumang lumisan sa Ehipto ang umasang bibigyan ng walang-hanggang buhay pagkatapos ng Exodo. Totoo, inatasan ng Diyos ang mga Levita upang maging mga saserdote para sa bansa, at ang ilan sa mga nasa tribo ni Juda ay naging pansamantalang mga hari, subalit lahat na ito ay nangamatay. (Gawa 2:29; Hebreo 7:11, 23, 27) Bagaman ang “haluang karamihan” na lumisan sa Ehipto ay wala ng mga pribilehiyong iyon, sila, kasama ng mga Hebreo, ay makaaasang sasapit sa Lupang Pangako at magtatamasa ng isang normal na buhay na kalakip ang pagsamba sa Diyos. Gayunman, ang mga lingkod ni Jehova bago ng panahong Kristiyano ay may saligan para sa pag-asang, sa takdang panahon, sila’y magtatamo ng walang-hanggang buhay sa lupa, na kung saan nilayon ng Diyos na mamuhay ang tao. Ito’y kasuwato ng pangako ni Jesus na nasa Juan 6:54.

16. Anong uri ng kaligtasan ang maaaring asahan ng sinaunang mga lingkod ng Diyos?

16 Ginamit ng Diyos ang ilan sa kaniyang sinaunang mga lingkod upang sumulat ng kinasihang mga pananalita tungkol sa pagkalalang sa lupa upang tahanan at tungkol sa mga matuwid na mabubuhay magpakailanman dito. (Awit 37:9-11; Kawikaan 2:21, 22; Isaias 45:18) Ngunit, papaanong ang mga tunay na mananamba ay magkakamit ng gayong kaligtasan kung sila’y mamatay? Sa pamamagitan ng muling pagbuhay sa kanila sa lupa. Halimbawa, si Job ay nagpahayag ng pag-asa na siya’y aalalahanin at tatawagin upang muling mabuhay. (Job 14:13-15; Daniel 12:13) Maliwanag, ang isang anyo ng kaligtasan ay ang pagtatamasa ng buhay na walang-hanggan sa lupa.​—Mateo 11:11.

17. Ipinakikita ng Bibliya na ang iba’y maaaring magtamo ng anong naiibang kaligtasan?

17 Tinutukoy rin ng Bibliya ang kaligtasan sa buhay sa langit, na kung saan naparoon si Jesu-Kristo pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli. “Siya’y nasa kanan ng Diyos, sapagkat siya’y umakyat sa langit; at ipinasakop sa kaniya ang mga anghel at mga kapamahalaan at mga kapangyarihan.” (1 Pedro 3:18, 22; Efeso 1:20-22; Hebreo 9:24) Ngunit hindi si Jesus lamang ang taong dadalhin sa langit. Itinalaga ng Diyos na siya’y kukuha rin sa lupa ng isang maliit na bilang ng mga iba pa. Sinabi ni Jesus sa mga apostol: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. . . . Ako’y pupunta roon upang maghanda ng dako para sa inyo. At, kung ako’y pumaroon at maipaghanda ko na kayo ng dako, ako’y muling paririto at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon kayo man ay dumoon din.”​—Juan 14:2, 3.

18. Tayo ngayon ay may anong dahilan upang magtutok ng pansin sa kaligtasan sa makalangit na buhay?

18 Ang kaligtasan sa makalangit na buhay kasama ni Jesus ay tunay na lalong dakila kaysa limitadong kaligtasan na may kaugnayan sa unang Paskuwa. (2 Timoteo 2:10) Noon ay gabi ng huling tunay na Seder, o hapunan ng Paskuwa, nang itatag ni Jesus ang bagong selebrasyon para sa kaniyang mga tagasunod, na nakatutok-pansin sa kaligtasan sa makalangit na buhay. Sinabi niya sa mga apostol: “Patuloy na gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.” (Lucas 22:19) Bago natin isaalang-alang kung papaano dapat ganapin ng mga Kristiyano ang selebrasyong ito, isaalang-alang natin ang tungkol sa kung kailan natin dapat gawin iyan.

Sa “Itinakdang Panahon”

19. Bakit makatuwiran na pag-ugnayin ang Paskuwa at ang Hapunan ng Panginoon?

19 Sinabi ni Jesus: “Pinakahahangad kong kanin na kasalo kayo ang kordero ng paskuwang ito bago ako maghirap.” (Lucas 22:15) Pagkatapos ay kaniyang binalangkas ang Hapunan ng Panginoon, na patuloy na gaganapin ng kaniyang mga tagasunod bilang alaala ng kaniyang kamatayan. (Lucas 22:19, 20) Ang Paskuwa ay ginaganap noon minsan isang taon. Samakatuwid, makatuwiran na ang Hapunan ng Panginoon ay ganapin taun-taon. Kailan? Makatuwiran, sa tagsibol ng panahon ng Paskuwa. Iyan ay mangangahulugang kung saan pumatak ang Nisan 14 (kalendaryong Judio), imbis na laging ganapin sa Biyernes dahilan sa iyan ang araw ng sanlinggo ng kamatayan ni Jesus.

20. Bakit ang mga Saksi ni Jehova’y interesado sa Nisan 14?

20 Samakatuwid ang Nisan 14 ang petsa na nasa isip ni Pablo nang kaniyang isulat: “Tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, patuloy na inihahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya.” (1 Corinto 11:26) Sa sumunod na dalawang siglo, maraming Kristiyano ang nanghawakan sa Nisan 14, at sila’y nakilala bilang mga Quartodecimans, hango sa Latin para sa “ika-14.” Sina M’Clintock at Strong ay nag-uulat: “Ang mga simbahan ng Asia Minor ay nagdiwang ng kamatayan ng Panginoon sa araw na katumbas ng ika-14 ng buwan ng Nisan, na sa araw na iyan, sang-ayon sa opinyon ng buong sinaunang Iglesiya, naganap ang pagpapako sa krus.” Sa ngayon, ang Hapunan ng Panginoon ay ginaganap ng mga Saksi ni Jehova sa taun-taon sa petsang katumbas ng Nisan 14. Subalit, pinansin ng iba na ito ay maaaring iba sa petsa ng pagdaraos ng mga Judio ng kanilang Paskuwa. Bakit?

21. Kailan kailangang ihandog na hain ang kordero ng Paskuwa, ngunit ano ba ang ginagawa sa ngayon ng mga Judio?

21 Ang araw ng mga Judio ay nagsisimula sa paglubog ng araw (mga alas-seis) hanggang sa susunod na paglubog ng araw. Iniutos ng Diyos na ang kordero ng Paskuwa ay patayin sa Nisan 14 “sa pagitan ng dalawang gabi.” (Exodo 12:6) Kailan iyon? Ang modernong mga Judio ay nakakapit sa paniniwala ng mga rabbi na ang kordero’y kailangang patayin malapit sa katapusan ng Nisan 14, sa pagitan ng panahon na ang araw ay nagsisimulang bumaba na (mga alas-tres) at ng aktuwal na paglubog ng araw. Kaya naman, ang kanilang Seder ay ginaganap nila pagkatapos lumubog ang araw, na nagsimula na ang Nisan 15.​—Marcos 1:32.

22. Ano ang isang dahilan kung bakit ang petsa para sa Memoryal ay maaaring naiiba sa petsa ng pagdiriwang ng mga Judio ng kanilang Paskuwa? (Marcos 14:17; Juan 13:30)

22 Gayunman, tayo’y may mabuting dahilan na magkaroon ng naiibang pagkaunawa sa pananalita. Ang Deuteronomio 16:6 ay malinaw ang pagkasabi sa mga Israelita na “patayin ang hain sa paskuwa, sa gabi, sa paglubog ng araw.” (Judiong bersiyon ng Tanakh) Ipinakikita nito na ang “sa pagitan ng dalawang gabi” ay tumutukoy sa panahon ng pagtatakipsilim, mula sa paglubog ng araw (na nagsisimula sa Nisan 14) hanggang sa aktuwal na pagdidilim. Ang sinaunang mga Judiong Karaiteb ay may ganitong pagkaunawa, gaya rin ng mga Samaritanoc hanggang sa araw na ito. Ang ating pagtanggap na ang kordero ng Paskuwa ay inihain at kinain “sa takdang panahon niyaon” sa Nisan 14, hindi sa Nisan 15, ang isang dahilan kung bakit ang ating petsa ng Memoryal ay naiiba kung minsan sa petsang Judio.​—Bilang 9:2-5.

23. Bakit may mga buwan na idinaragdag sa kalendaryong Hebreo, at papaano ito pinagtutugma-tugma ng modernong-panahong mga Judio?

23 Ang isa pang dahilan kung bakit ang ating petsa ay maaaring naiiba sa petsa ng mga Judio ay dahil sa sila’y gumagamit ng isang kalendaryong determinado na bago pa man, na isang sistemang hindi piho kundi noong ikaapat na siglo C.E. Sa paggamit nito, kanilang naitatakda ang mga petsa para sa Nisan 1 o para sa mga kapistahan mga dekada o mga siglo patiuna. Isa pa, ang sinaunang kalendaryong lunar ay kinailangan na magkaroon ng ika-13 buwan na idaragdag manakanaka upang ang kalendaryo’y makasuwato ng mga lagay ng panahon. Ang kasalukuyang kalendaryong Judio ay nagdaragdag ng buwan na ito sa pihong mga punto; sa isang 19-na-taóng siklo, ito’y idinaragdag sa mga taóng 3, 6, 8, 11, 14, 17, at 19.

24, 25. (a) Noong panahon ni Jesus, papaano nagtatakda ng mga buwan at tinitiyak ang pangangailangan ng mga ekstrang buwan? (b) Papaano itinatatag ng mga Saksi ni Jehova ang petsa para sa Hapunan ng Panginoon?

24 Gayunman, sinasabi ni Emil Schürer na “nang panahon ni Jesus [ang mga Judio] ay wala pang pihong kalendaryo, ngunit salig sa pulos praktikal na obserbasyon, kanilang sinisimulan ang bawat bagong buwan (month) sa paglitaw ng bagong buwan (moon), at sa katulad na paraan salig sa obserbasyon” sila’y nagdaragdag ng isang buwan ayon sa kinakailangan. “Kung . . . napansin sa may pagtatapos ng santaon na ang Paskuwa’y papatak bago sumapit ang vernal equinox [mga Marso 21], itinatakda ang pagsisingit ng isang buwan bago ang Nisan.” (The History of the Jewish People in the Age of Jesus Christ, Tomo 1) Sa gayo’y natural ang pagpasok ng ekstrang buwan, hindi idinaragdag nang sapilitan.

25 Ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang nagtatatag ng petsa para sa Hapunan ng Panginoon ayon sa sinaunang paraan. Ang Nisan 1 ay inaalam kung kailan pagka ang bagong buwan na pinakamalapit sa spring equinox ay malamang na matanaw sa paglubog ng araw sa Jerusalem. Mula rito ay bibilang ng 14 na araw at matitiyak mo kung anong petsa papatak ang Nisan 14, na karaniwan nang tumatama sa araw ng kabilugan ng buwan. (Tingnan Ang Bantayan ng Disyembre 15, 1977, pahina 766-8.) Batay sa paraang ito sa Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova sa buong globo ay pinatalastasan na ang selebrasyon ng Memoryal sa taóng ito ay pagkalubog ng araw sa Abril 10.

26. Ano pang mga bagay tungkol sa Hapunan ng Panginoon ang nararapat na ating bigyang-pansin?

26 Ang petsang ito ay katumbas ng Nisan 14, na noon ginanap ni Jesus ang huling tunay na Paskuwa. Gayunman, sa selebrasyon ng Memoryal ay napapatampok ang kaligtasan na higit pa sa ipinagugunita ng Judiong Seder. Lahat tayo ay kailangang makaunawa kung ano ang nagaganap sa panahon ng Hapunan ng Panginoon, kung ano ang kahulugan nito, at kung papaano nasasangkot ang ating kaligtasan.

[Mga talababa]

a Tingnan Ang Bantayan ng Agosto 15, 1980, pahina 9-28.

b Sila’y tinutukoy nina M’Clintock at Strong bilang “isa sa pinakamatatanda at pinakapambihirang mga sekta ng sinagogang Judio, na ang naiibang doktrina ay ang mahigpit na pagsunod nang letra-por-letra sa nasusulat na kautusan.”

c “Sa gabi nila pinapatay ang hayop . . . Pagsapit ng hatinggabi ang karne ay kinakain ng bawat pamilya . . . At pagkatapos ang natirang karne at mga butu-buto ay sinusunog bago mag-umaga . . . Ang ilang mga iskolar ay nagsabi na ang relihiyong Samaritano ay maaaring may malapit na pagkakahawig sa relihiyon na nasa Bibliya bago binago iyon ng mga rabbi ng Judaismo.”​—The Origins of the Seder.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Bakit ang Paskuwa ay angkop na iniuugnay sa kaligtasan?

◻ Papaanong ang inihandog ni Jesus na hain ay nakagagawa ng higit pa kaysa nagawa ng kordero ng Paskuwa?

◻ Anong kaligtasan ang maaaring makamit sa pamamagitan ni Jesus?

◻ Papaano itinatatag ng mga Saksi ni Jehova ang wastong panahon para sa Hapunan ng Panginoon?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share