“Gumawi Kayo Ayon sa Asal na Karapatdapat sa Mabuting Balita”
“Lamang ay gumawi kayo ayon sa asal na karapatdapat sa mabuting balita tungkol sa Kristo.”—FILIPOS 1:27.
1. Dahil sa isang okasyon kamakailan sa New York City anong mga salitang paghanga ang nanggaling sa mayor? (Roma 13:3)
MAHIGIT na 1,000 Saksi” ang dumating sa City Hall sa timugang Manhattan noong Setyembre 29, 1988, ang pag-uulat ng The New York Times. Sila’y naparoon bilang pagsuporta sa isang panukalang pagtatayo na iniharap para sa isang pagdinig sa harap ng Board Estimate ng siyudad. Bagaman ang panukalang humingi ng permiso upang payagan ang pagtatayo ng isang bagong gusaling tirahan sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ay tinanggihan, “pinuri naman [ng mayor] ang mga Saksi bilang ‘labis na pagkalilinis’ at kaniyang sinabi na sila’y ‘talagang kahanga-hanga.’”
2. Sa paano naiiba ang asal ng mga Saksi, at bakit?
2 Karaniwan ngayon, pagka mahigit na isang libong katao ang nyagsama-sama upang ipakita ang pagsuporta sa isang kapakanang di-popular, ano ba ang maaasahan? Pagtutulakan, pagsisigawan, pagpapakita ng mismong lakas at malimit ay karahasan. Bakit nga naiiba ang mga Saksi? Ang dahilan ay sapagkat natatanto nila na sa lahat ng panahon sa kanilang paggawi ay nababanaag ang kanilang paniniwala. Kanilang tinatandaang mabuti ang payo ng Kasulatan: “Ingatan ninyong mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na kanilang ipinaninira sa inyo na parang kayo’y mga manggagawa ng masama, dahilan sa inyong mabuting gawa na kanilang nakikita ay luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat.”—1 Pedro 2:12.
Ang Mainam na Asal ay Lumuluwalhati kay Jehova
3. Anong bahagi ang ginaganap ng ating asal sa pagpaparangal kay Jehova?
3 Ang pagluwalhati sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng mainam na paggawi ay maliwanag na bahagi ng ating pananagutang Kristiyano. (Mateo 5:16) Ang mainam na paggawi, mangyari pa, ay binubuo ng maraming bagay—halimbawa, ang pagiging mapagtapat, kasipagan, at mabuting moral. Gayunman, ang mga katangiang ito ay kadalasan pinahahalagahan lamang ng mga taong nakakakilala sa ating mainam o yaong mga palagiang pinakikitunguhan natin, tulad baga ng ating mga kaibigan, kamag-anak, among pinagtatrabahuhan, kamanggagawa, at mga guro. Kumusta naman yaong lubhang karamihan ng mga tao na paminsan-minsan lamang nating nakakaharap? Dito lalo nang napapatampok ang ating asal. Sapagkat tulad ng isang kaakit-akit na pambalot na nagpapagandang lalo sa isang mahalagang regalo, ang magandang asal ay lalong nagpapaganda sa ating nais ihandog. Anumang iba pang maiinam na mga katangiang Kristiyano ang taglay natin o gaano mang kapuri-puri ang ating mga layunin, walang gaanong kabutihan ang maidudulot nito kung ang atin namang asal ay pangit. Kaya’t paano nga ang ating asal ay makapagpaparangal kay Jehova?
4. Sa anong mga pitak ng ating buhay dapat tayong magbigay ng pansin sa ating asal?
4 “Lamang ay gumawi kayo ayon sa asal na karapatdapat sa mabuting balita,” ang sabi ni Pablo. (Filipos 1:27) Mangyari pa, dito nasasangkot ang ating pangmadlang ministeryo. Subalit ang ating paggawi at asal sa ating dako ng pagsamba, sa ating pamayanan, sa trabaho, sa paaralan, oo, sa bawat pitak ng ating buhay, ay mayroon ding tuwirang kaugnayan sa pagkaepektibo ng ating ministeryo. “Sa anumang paraan ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang huwag mapulaan ang aming ministeryo,” ang isinulat ni Pablo. (2 Corinto 6:3) Paano natin matitiyak na ating ikinakapit ang payong iyan? Ano ang magagawa natin upang matulungan ang isa’t isa, lalo na ang mga kabataan natin, upang magpakita ng asal Kristiyano sa lahat ng panahon?
Sa Kingdom Hall
5. Ano ang dapat nating malaman pagka tayo’y nasa Kingdom Hall?
5 Ang Kingdom Hall ang dako ng ating pagsamba. Tayo’y naroroon sa paanyaya ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Sa diwang iyan, tayo’y mga panauhin sa bahay ni Jehova. (Awit 15:1; Mateo 18:20) Ikaw ba’y isang mabuting panauhin pagka naroroon ka sa Kingdom Hall? Upang maging gayon, tayo’y kailangang magpakita ng kaukulang konsiderasyon at paggalang hindi lamang sa nag-aanyaya sa atin kundi pati sa mga ibang panauhin. Ano ba ang kasangkot diyan?
6. (a) Ang pagiging palaging huli sa mga pulong ay nagpapakita ng kawalan ng ano? (b) Ano ang maaaring gawin upang malunasan ang suliranin?
6 Unang-una, nariyan ang pagdating natin na nasa oras. Aaminin natin na hindi laging madaling gawin iyan. Ang iba’y malayo ang tirahan; ang iba nama’y may pamilya at mga anak na dapat ihanda. Tunay na kapuri-puri ang pagsisikap na kanilang ginagawa upang makadalo nang palagian sa mga pulong Kristiyano. Gayunman, napansin na ang iba’y nahulog sa ugali na pagdating nang huli sa mga pulong. Ano ba ang magagawa nila upang malunasan ito? Dapat munang malaman ng isa na ang nakaugalian nang pagiging huli sa mga pulong Kristiyano ay hindi naman laging nagpapahiwatig ng kawalan ng pagpapahalaga sa mga pulong. Ang iba na malimit huli ay waring nasisiyahan naman sa mga pulong gaya rin ng sinuman—minsang sila’y naroroon na. Bagkus, ang suliranin ay baka dahil sa di-mabuting pagpaplano at kakulangan ng konsiderasyon sa mga kapuwa Kristiyano. Ang isa sa mga dahilan kung bakit sa ati’y ipinapayo na ‘huwag pabayaan ang ating pagkakatipong sama-sama’ ay upang ating “mapukaw ang bawa’t isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa.” (Hebreo 10:24, 25) Mahirap na ating magawa iyan kung, sa tuwina, tayo’y darating nang huli at sa gayo’y lilikha ng pagkaabala o pagkagambala. Upang huwag mahuli, ayon sa mungkahi ng mga sanay na, sikapin nating dumating nang mas maaga imbis na dumating tayo roon na tama lamang sa oras. Kailangan ba ninyong magsanay upang masunod ang mungkahing ito?
7. Ipaliwanag kung ano ang kaugnayan ng pakikinig at ng magandang asal?
7 Kahilingan ng magandang asal na tayo’y makinig sa mga tao pagka sila’y nagsasalita sa atin. (Kawikaan 4:1, 20) Ito’y kapit din sa mga pulong Kristiyano, na kung saan mga ministro ng Diyos ang nagsasalita upang bigyan tayo ng ilang espirituwal na kaloob na magpapatibay-loob sa atin. Tunay na isang pagpapakita ng napakapangit na asal kung tayo’y maiidlip doon, paulit-ulit na makikipagbulungan sa ating katabi, ngunguya-nguya ng pepsin o kendi, magbabasa ng ibang materyal, o gagawa ng iba pang mga bagay sa panahon ng pulong. Ang kabataang si Elihu ay hindi lamang matiyagang nakaupo sa panahon ng mahabang pagpapahayag ni Job at ng tatlong kasamahan kundi “matamang nakinig” din sa kanilang sinasabi at “patuloy na nagbubuhos ng [kaniyang] pansin” sa kanila. (Job 32:11, 12) Ang magandang asal Kristiyano ay magtutulak sa atin na magpakita ng wastong paggalang sa tagapagsalita at sa kaniyang salig-Bibliyang mensahe sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng ating di-nababahaging pansin at pagtangkilik.
8. Paano natin ipinakikita na tayo’y magkakapuwa alagad ni Jesu-Kristo?
8 Bago at pagkatapos ng mga pulong, kasali sa asal Kristiyano ang ating pagpapakita na tayo’y interesado sa mga iba na naroroon sa Kingdom Hall. Napansin ni Pablo na ang pinahirang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano “ay hindi na mga banyaga at mga dayuhan, kundi . . . mga kaanib sa sambahayan ng Diyos.” (Efeso 2:19) Iyo bang tinatrato ang iyong mga kapuwa Saksi bilang mga banyaga at mga dayuhan o bilang mga miyembro ng iisang sambahayan? Isang palakaibigang pagbati, isang mainit na pagkamay, isang masayang ngiti—pawang maliliit na bagay, marahil nga, subalit ang mga ito’y bahagi ng katunayan na tayo’y mga magkakapuwa alagad ni Jesu-Kristo. Kung tayo’y gumagawa ng gayon pagka ating nakakaharap ang mga banyaga, hindi baga dapat nating gawin ang gayon “lalo na sa mga kapananampalataya natin”?—Galacia 6:10.
9. Paano matuturuan ang mga bata na magpakita ng interes sa mga tao bukod sa kanilang mga kaedad?
9 Ang mga bata ba ay matuturuan na magpakita ng ganitong uri ng interes sa mga tao bukod sa kanilang mga kaedad? May mga adulto na nag-aakalang dapat humayo ang mga bata at makipaglaro sa kanilang mga kababatang kaibigan pagkatapos na maupo nang isang oras o dalawa sa pakikinig kung nasa mga pulong. Subalit ang Kingdom Hall ay hindi dako para sa paglalaro. (Eclesiastes 3:1, 17) Nang isang apat-at-kalahating-taóng-gulang na batang lalaki ang tanungin ng kaniyang guro kung ilan ang kaniyang mga kapatid, siya’y tumugon: “Napakarami po kaya’t hindi ko mabilang na lahat.” Pagkatapos, nang tanungin siya ng kaniyang mga magulang tungkol dito, ganito ang sabi ng bata: “Hindi ko po alam kung ilan ang aking mga kapatid. Pag ako’y nasa Kingdom Hall sila’y napakarami.” Sa kaniya, lahat ng dumadalo ay kaniyang mga kapatid.
Sa Ating Pangmadlang Ministeryo
10. Anong tagubilin ni Jesus ang tutulong sa atin na ‘gumawi ayon sa asal na karapatdapat sa mabuting balita’ samantalang tayo’y nagsasagawa ng ating ministeryo?
10 Sa ‘paggawi ayon sa asal na karapatdapat sa mabuting balita’ ay natural na mapasangkot ang ating pangmadlang ministeryo. Isaisip natin na ang ating taglay ay isang mapayapang mensahe, at ito’y dapat mabanaag sa ating asal. (Efeso 6:15) Ang tagubilin ni Jesus ay: “Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ang sambahayan; at kung karapatdapat ang sambahayan, ang kapayapaang hiniling ninyong dumoon ay hayaang dumoon.” Sa pagiging masigla, palakaibigan, at magalang, ipinababatid natin sa maybahay na sumasapuso natin ang kaniyang tunay na kapakanan. Subalit, kung minsan, ang taong nakakaharap natin sa bahay-bahay ay marahil hindi palakaibigan, at marahas. Tayo ba’y dapat magambala at kumilos sa katulad ding paraan? Pansinin na nagpatuloy si Jesus na sabihin: “Ngunit kung hindi karapatdapat [ang maybahay], hayaang mabalik sa inyo ang kapayapaan ninyo.” (Mateo 10:12, 13) Ang ating iginagawi sa pagbabahay-bahay ay dapat sa tuwina nababagay sa “ministeryo ng pakikipagkasundo.”—2 Corinto 5:18.
11. Paanong ang ayos ng ating damit at personal na hitsura ay may epekto sa ating tungkulin bilang mga ministro ng Diyos?
11 Ang ating asal ay nangungusap tungkol sa atin sa mga iba pa ring paraan. Halimbawa, ang atin bagang personal na hitsura ay nababagay sa ating ginagampanang tungkulin bilang isang ministro ng Salita ng Diyos? Kumusta naman ang ating mga gamit—bag ng aklat, Bibliya, at literatura sa Bibliya? Isang kolumnista ng pahayagan ang nagbigay ng ganitong payo sa mga negosyante: “Manamit para sa negosyo, hindi para sa isang party, di-sinasadyang pagsasalu-salo o panonood ng isports.” Bakit? Sapagkat ang iyong damit at personal na hitsura “ay isang sosyal na shorthand na nagbibigay sa nakapalibot na populasyon ng impormasyon tungkol sa kung sino ka at kung ano ka at kung saan ka naaangkop sa kaayusan ng mga bagay-bagay.” Kaya naman pagka tayo’y gumaganap ng ating ministeryal na “trabaho,” ang ating damit at hitsura ay hindi dapat maging busalsal ni nanlilimahid, ni marangya man o maluho, kundi sa tuwina “karapatdapat sa mabuting balita.”—Ihambing ang 1 Timoteo 2:9, 10.
12. Paanong maipakikita ang magandang asal kung tungkol sa paggalang sa mga karapatan at ari-arian ng maybahay?
12 Bagaman tayo’y dapat na “laging handa na magtanggol” sa mabuting balita, ang magandang asal Kristiyano ay humihiling na gawin natin iyon “nang may kahinahunan at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Kasali na riyan ang paggalang sa mga karapatan at ari-arian ng maybahay. Atin bang isinasaplano ang ating aktibidad at dumadalaw tayo sa isang makatuwirang oras? Tayo ba’y listo upang mapansin kung tayo’y nakaiistorbo sa isang kinakailangang trabaho o gawaing-bahay? Tayo ba’y may magandang loob sa paggamit ng mga pangungusap na halimbawa’y “Puwede po ba?” “Pakisuyo,” at “Salamat po”? Atin bang kinakausap ang maybahay, o tayo’y dominante ng pakikipag-usap dahil sa nangangamba tayo na baka hindi natin matapos ang inihanda nating sasabihin?
13. Maglahad ng halimbawa kung paano ang magandang asal sa ministeryo ay kalimitan nagdadala ng mabubuting resulta?
13 Ang magandang asal, lakip na ang taimtim na pagmamalasakit sa iba, ay kalimitan nagbubukas ng daan para sa isang mainam na pagpapatotoo. Kaya naman ang magandang-asal na mga bata ay malimit nakatatawag ng pansin at interes ng mga maybahay na kung saan marahil ay hindi nagkakagayon kung para sa mga maygulang na. Isang 13-anyos na Saksi sa Mexico ang nakatagpo ng isang batang babae na ibig makipag-aral. Gayunman, sinabi ng batang babae na kaniyang gagawin iyon nang hindi nalalaman ng kaniyang ama. Subalit naisip ng kabataang mamamahayag na, sa ganitong kaso, dahil sa kailangang igalang ang ama, siya mismo’y dapat humingi ng pahintulot sa ama. Kaya’t siya’y nagmungkahi na makikipag-usap siya sa ama at nang magkagayo’y sinabi niya rito na ang kanilang pag-aaralan ay napakahalaga. Nang makita na totoong seryoso ang batang kapatid at dahil sa pagpapahalaga sa ginawa ng batang ito na tuwirang paglapit sa kaniya, sinabi ng ama: “Kung ang inyong pag-aaralan ay totoong mahalaga, kung gayo’y dapat mag-aral ang aking buong pamilya.” Ang resulta ay na nakapagsimula ng isang pakikipag-aral sa Bibliya sa buong pamilya ang 13-anyos na batang ito, at doo’y kasali pati ang isang anak na lalaki at pati ang kaniyang maybahay at lahat ng iba pang mga anak na malalaki na.
Ang Magandang Asal ay Nagsisimula sa Tahanan
14. Saan nagsisimula ang magandang asal, at anong salik ang gumaganap ng mahalagang bahagi?
14 Ang magandang asal ng mga kabataang Saksi ay malimit na isang mainam na patotoo sa pagsasanay na kanilang pinatutunayang tinanggap nila sa tahanan. Oo, sa ating asal ay maaaninag ang ating paraan ng pamumuhay. Sa dahilang ito, bagaman salungat sa maaaring iniisip ng iba, ang magandang asal ay dapat magkaroon ng mahalagang dako sa tahanan. Dito, gaya rin sa mga ibang pitak ng buhay pampamilya, ang halimbawa na ipinakikita ng mga magulang ang pangunahing mahalaga. (2 Timoteo 1:5) Ang pagsasabi sa mga anak na, “Gawin ninyo ang sinasabi ko sa inyo, hindi ang ginagawa ko” ay tunay na hindi siyang paraan ng pagtuturo sa kanila ng magandang asal. Ang di-mabilang na mga detalye ng magandang asal ay natututuhan, hindi lamang sa pamamagitan ng berbalang pagtuturo, kundi sa pamamagitan ng pagmamasid at panggagaya. “Ang mga magulang ay hindi lamang siyang ultimong mga tagapagturo; sila rin naman ang mga modelo, sapagkat ang ating mga anak ay natututo sa pamamagitan ng panggagaya sa ating mga paraan,” ito’y ayon sa obserbasyon ni Beverley Feldman, autor ng Kids Who Succeed. Ano bang asal ang nakikita sa inyo ng inyong mga anak?
15. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak upang mapaunlad ang habambuhay na kinaugaliang magandang asal?
15 “Mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak” ang payo ng Bibliya. (Efeso 6:4) Nakapagpapagalit at nakasisiphayo sa mga anak na pagsabihang sila’y dapat magpakabait at maging makonsiderasyon, ngunit kanila namang nakikita na ang kanilang mga magulang ay nagtatalo, nagtsitsismis, kumikilos nang magaspang, o madaling mayamot. Sila ba’y masisisi kung sila’y kumikilos na katulad din nito? Sa kabilang dako, ang teksto ay nagsasabi pa: “Kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” At kasali riyan ang mga pinakatampok ng magandang asal, tulad halimbawa ng pagsasabing, “Hello,” “Pakisuyo,” “Salamat po,” at “Ikinalulungkot ko po,” na nagpapakita ng paggalang sa nakatatanda, at ibinabahagi mo sa iba ang mga bagay na mayroon ka. (Levitico 19:32; Roma 16:3-7) Ang mga katangiang ito na natutuhan sa tahanan sa panahon ng pagkabata ay pakikinabangan habambuhay.—Kawikaan 22:6.
16. Anong mga pagsisikap ang kailangan, at ano ang resulta?
16 Kaya’t ang mga magulang at mga anak ay parehong dapat sumunod sa magandang asal bilang bahagi ng kanilang araw-araw na rutina imbis na maghintay pa hanggang sa pagsapit ng isang natatanging okasyon. Sa paggawa ng gayon, ang mga magulang ay dapat na matiyaga at matiisin sa mga pagkakamali na marahil ay magagawa ng mga anak. Subalit ipaalam ninyo sa kanila na totoong pinahahalagahan mo ang kanilang mainam na paggawi, at dagling purihin ninyo sila sa pagsulong na nagawa nila. Mangyari pa, ito’y nangangailangan ng malaking pagsisikap ninyo. Subalit hindi ba sinasabi ng Kasulatan na ang pagtuturo ng maka-Diyos na mga simulain sa mga anak ay dapat na gawin “pagka kayo’y nauupo sa inyong bahay at pagka kayo’y lumalakad sa daan at pagka kayo’y nahihiga at pagka kayo’y bumabangon”? (Deuteronomio 6:7) Ang paggawa ng gayon ay lumilikha ng isang masaya at kapaki-pakinabang na pagsasamahan sa tahanan, na malaki ang nagagawa sa pagsasanay sa inyong mga anak habang sila’y lumalaki upang maging mga taong maygulang na matulungin, mapag-asikaso, at may magandang asal. Kung magkagayo’y kapurihan at karangalan ang idudulot nila sa inyo at sa kanilang Maylikha, ang Diyos na Jehova.
Isang Bayang Magandang-Asal
17. Ano ang napapansin sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova?
17 Ang “mahigit na 1,000 Saksi” na nagkakatipon doon sa labas ng City Hall sa New York City nang hapong iyon ng Setyembre ay nagpapakita lamang sa munting paraan ng kung paano gumagawi nang palagian ang mga Saksi ni Jehova. Sa isang lugar naman, unang-unang pagparoon ng isang lalaki sa isang Kingdom Hall at siya’y nagsabi pagkatapos: “Mas maraming mga taong tunay na nangagmamahalan, di-magkakakilala, ang nakilala ko sa isang araw kaysa mga nakilala ko sa simbahan na aking kinalakhan.” Ang resulta? “Maliwanag na natagpuan ko na ang katotohanan,” ang sabi niya. Binago ng lalaking ito ang takbo ng kaniyang buhay, at pitong buwan ang nakalipas siya ay nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova at nabautismuhan.—Ihambing ang 1 Corinto 14:25.
18. Paano naaapektuhan ang mga tagalabas ng magandang asal ng mga Saksi ni Jehova?
18 Ang pamantayan ng asal at paggawi ng mga Saksi sa kanilang nasyonal at internasyonal na mga kombensiyon ay nagiging paksa ng maraming pangungusap na pumupuri sa kanila. Sa isa sa gayong okasyon kamakailan sa Hapon, isang giya sa isang bus sa pagliliwaliw ang nagsabi: “Habang kayo ay nagsisibaba sa bus, bawat isa sa inyo, kasali na ang mga bata, ay hindi nakakalimot ng pagsasabi sa akin, ‘Maraming-marami pong salamat.’ Iyan ay totoong nakapagpapaligaya sa akin!” Sa isa pang kombensiyon, ang attendant sa isang kalapit na istasyon ng tren ang nagsabi sa isang Saksi: “Isang napakagulong kapahamakan ang nangyari nang isang nakaraang pagtitipon ng 12,000 katao ang ginanap sa Osaka Castle Hall.” Subalit isinusog pa niya: “Kayo ay talagang maayos, at kami ay nagiginhawahan. Pakisuyong ihatid ang aming pasasalamat sa kung sinuman ang namamanihala.”
19. Ano ang dapat na ipasiyang gawin tungkol sa asal ng bawat isa sa atin?
19 Ano ba ang ipinakikita ng ganiyang mga komento? Na ang mga Saksi ni Jehova bilang isang kabuuan ay ‘gumagawi ayon sa asal na karapatdapat sa mabuting balita.’ Kumusta naman ang bawat isa sa atin? Bilang mga anak na umaasa sa isang maibiging ama, harinawang lahat tayo, bata at matanda, ay umasa sa ating makalangit na Ama, si Jehova, upang tayo’y maturuan na maging isang bayang may magandang asal, kahit na nasa daigdig ng mga pangit ang asal.—Deuteronomio 8:5; Kawikaan 3:11, 12.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit ang magandang asal ay kailangan bilang bahagi ng mainam na paggawi?
◻ Anong magandang asal ang angkop sa ating dako ng pagsamba?
◻ Paano maipakikita sa larangan ng ministeryo ang magandang asal?
◻ Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak upang mapaunlad ang magandang asal?
◻ Anong mataas na pamantayan ng asal ang dapat pagsikapang maitaguyod?