Si Jehova, ang Walang-Itinatanging “Hukom ng Buong Lupa”
“Ang Ama . . . na humahatol nang walang pagtatangi ayon sa gawa ng bawat isa.”—1 PEDRO 1:17.
1, 2. (a) Bakit tayo dapat matakot at maaliw sa kaisipan na si Jehova ang dakilang Hukom? (b) Sa legal na kaso ni Jehova laban sa mga bansa, anong papel ang ginaganap ng kaniyang mga lingkod sa lupa?
SI Jehova ang dakilang “Hukom ng buong lupa.” (Genesis 18:25) Bilang ang Kataas-taasang Diyos ng sansinukob, taglay niya ang buong karapatan na humatol sa kaniyang mga nilalang. Kasama nito ang isang kaisipan ng pagkatakot at ng kaaliwan. Nakapupukaw na ipinahayag ni Moises ang waring pagkabalintunang ito, na nagsasabi: “Si Jehova na inyong Diyos ang Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga panginoon, ang Diyos na dakila, makapangyarihan at kakila-kilabot, na hindi nagtatangi kaninuman ni tumatanggap man ng suhol, humahatol nang matuwid sa ulila at sa babaing balo at kaniyang iniibig ang tagaibang lupa na anupat binibigyan niya ng pagkain at kasuutan.”—Deuteronomio 10:17, 18.
2 Isang lubusang pagkatimbang nga! Isang dakila, makapangyarihan, kakila-kilabot na Diyos, gayunma’y walang-itinatangi at mapagmahal na nagtatanggol sa mga kapakanan ng mga ulila, mga babaing balo, at mga tagaibang lupa. Sino pa ang makapagnanasa ng isang lalong maibiging Hukom kaysa kay Jehova? Sa paglalarawan sa kaniyang sarili na may legal na kaso laban sa mga bansa ng sanlibutan ni Satanas, ang kaniyang mga lingkod sa lupa ay tinatawagan ni Jehova upang maging kaniyang mga saksi. (Isaias 34:8; 43:9-12) Siya’y hindi dumidepende sa kanilang patotoo upang patunayan ang kaniyang pagka-Diyos at matuwid na pagkasoberano. Ngunit kaniyang pinagkakalooban ang kaniyang mga saksi ng pambihirang pribilehiyo na magpatotoo sa harap ng buong sangkatauhan na kanilang kinikilala ang kaniyang pagkakataas-taasan. Ang kaniyang mga saksi ay napasasakop sa kaniyang matuwid na soberanya, at sa pamamagitan ng kanilang ministeryo sa madla, kanilang hinihimok ang iba na sumailalim ng autoridad ng Kataas-taasang Hukom.
Ang Paraan ng Paghatol ni Jehova
3. Papaano masasabi sa kabuuan ang paraan ng paghatol ni Jehova, at papaano ipinaghalimbawa ito sa kaso ni Adan at ni Eva?
3 Noong maagang kasaysayan ng sangkatauhan, si Jehova ang personal na humatol sa ilang nagkasala. Ang mga halimbawa ng kaniyang paraan ng paglilitis sa mga kaso ang nagsilbing parisan para sa kaniyang mga lingkod na sa bandang huli ay gagawa ng paghatol sa gitna ng kaniyang bayan. (Awit 77:11, 12) Ang kaniyang paraan ng paghatol ay ganito masasabi sa kabuuan: katatagan kung kinakailangan, awa kung maaaring ipakita. Sa kaso nina Adan at Eva, na sakdal na mga taong nilalang na kusang naghimagsik, sila’y hindi karapat-dapat pagpakitaan ng awa. Kaya naman, sila’y hinatulan ni Jehova ng kamatayan. Subalit ang kaniyang awa ay ipinakita sa kanilang supling. Ipinagpaliban ni Jehova ang pagpapatupad ng hatol na kamatayan, sa gayo’y pinapayagan sina Adan at Eva na magkaroon ng mga anak. Buong pag-ibig na naglaan siya sa kanilang mga inapo ng pag-asang matubos buhat sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan.—Genesis 3:15; Roma 8:20, 21.
4. Papaano nakitungo si Jehova kay Cain, at bakit tayo may pantanging interes sa kasong ito?
4 Sa paraan ng pakikitungo ni Jehova kay Cain mayroon tayong natatanging interes sapagkat ito ang unang napaulat na kaso tungkol sa isa sa mga di-sakdal na inapo ni Adan at ni Eva, na “ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.” (Roma 7:14) Ito ba’y isinaalang-alang ni Jehova at nakitungo kay Cain sa paraan na naiiba sa Kaniyang pakikitungo sa kaniyang mga magulang? At ang kaso bang ito ay magsisilbing isang aral para sa mga tagapangasiwang Kristiyano sa ngayon? Tingnan natin. Palibhasa’y nahahalata ang masamang ikikilos ni Cain pagka hindi tinanggap nang may pagsang-ayon ang kaniyang hain, maibiging binabalaan siya ni Jehova sa panganib na kinasusuungan niya. Isang matandang kawikaan ang nagsasabi: ‘Ang pag-iwas ay mas mabuti kaysa paglunas.’ Lahat ay ginawa ni Jehova nang paalalahanan niya si Cain laban sa pagpapadaig sa kaniyang makasalanang hilig. Sinikap Niya na tulungan siya na “gumawa ng mabuti.” (Genesis 4:5-7) Ito ang unang paghiling ng Diyos sa isang taong nagkasala upang magsisi. Pagkatapos ipakita ni Cain na siya’y hindi nagsisisi at nakagawa ng isang mabigat na kasalanan, siya’y hinatulan ni Jehova na maging palaboy, anupat pinagaang pa ito sa pamamagitan ng isang utos na nagbabawal sa ibang mga tao na paslangin siya.—Genesis 4:8-15.
5, 6. (a) Papaano pinakitunguhan ni Jehova ang salinlahi bago sumapit ang Baha? (b) Ano ang ginawa ni Jehova bago isinakatuparan ang hatol laban sa mga tao sa Sodoma at Gomora?
5 Bago sumapit ang Baha, nang ‘makita ni Jehova na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, siya’y nalumbay sa kaniyang puso.’ (Genesis 6:5, 6) Siya’y “nalungkot” palibhasa karamihan sa salinlahi bago sumapit ang Baha ay ginamit ang kanilang malayang kalooban sa maling paraan at na kailangang kaniyang isakatuparan ang hatol sa kanila. Gayunman, kaniyang binigyan sila ng sapat na babala, na ginamit si Noe nang maraming taon bilang “isang mángangarál ng katuwiran.” Pagkatapos noon, si Jehova ay wala nang dahilan upang ‘magpigil ng pagpaparusa sa sanlibutan ng mga taong masasama.’—2 Pedro 2:5.
6 Si Jehova ay napilitan din na humawak ng isang legal na kaso laban sa masasamang tao ng Sodoma at Gomora. Subalit pansinin kung papaano niya ginawa iyon. Kaniyang narinig ang “isang sigaw ng pagrereklamo” tungkol sa nakagigitlang asal ng mga taong ito, kahit na lamang sa pamamagitan ng mga panalangin ng matuwid na si Lot. (Genesis 18:20; 2 Pedro 2:7, 8) Subalit bago kumilos, siya’y ‘bumaba’ upang patunayan ang mga pangyayari sa pamamagitan ng kaniyang mga anghel. (Genesis 18:21, 22; 19:1) Siya’y gumugol din ng panahon upang tiyakin kay Abraham na siya ay hindi kikilos sa paraang di-makatarungan.—Genesis 18:23-32.
7. Para sa matatanda na naglilingkod sa mga komite sa paghatol, ano ang kanilang natutuhan buhat sa mga halimbawa ng paraan ni Jehova ng paghatol?
7 Ano ang matututuhan sa ngayon ng matatanda buhat sa mga halimbawang ito? Sa kaso ni Adan at ni Eva, si Jehova ay nagpakita ng pag-ibig at konsiderasyon sa mga taong, bagaman may kaugnayan sa mga nagkasala, ay hindi naman masisisi sa nangyari. Siya’y nagpakita ng awa sa mga inapo ni Adan at ni Eva. Sa kaso ni Cain, nakini-kinita ni Jehova ang panganib na kinasuungan ni Cain at may kabaitang nakipagkatuwiranan sa kaniya, sa pagsisikap na maunahan ang pagkahulog sa kasalanan. Kahit pagkatapos na siya’y palayasin, si Jehova ay makonsiderasyon kay Cain. Isa pa, isinakatuparan ni Jehova ang hatol sa salinlahi bago sumapit ang Baha pagkatapos na magpakita ng matiyagang pagtitiis. Sa harap ng pusakal na kasamaan, si Jehova ay “nasaktan sa kaniyang kalooban.” Kaniyang ikinalungkot na ang mga tao ay naghimagsik laban sa kaniyang matuwid na pamamahala at na siya’y napilitan na hatulan sila bilang masasama. (Genesis 6:6; ihambing ang Ezekiel 18:31; 2 Pedro 3:9.) Sa kaso ng Sodoma at Gomora, si Jehova ay kumilos lamang pagkatapos na mapatunayan ang mga pangyayari. Anong napakainam na mga halimbawa para sa kanila na sa ngayon ay nangangailangang humawak ng legal na mga kaso!
Mga Hukom Noong Panahon ng mga Patriyarka
8. Anong saligang mga batas ni Jehova ang kilala noong panahon ng mga patriyarka?
8 Bagaman lumilitaw na walang nasusulat na kalipunan ng mga batas noong panahong iyon, ang lipunan ng mga patriyarka ay may kaalaman sa saligang mga batas ni Jehova, at ang kaniyang mga lingkod ay obligado na sundin ang mga ito. (Ihambing ang Genesis 26:5.) Sa drama sa Eden ay nakita na kailangan ang pagsunod at pagpapasakop sa soberanya ni Jehova. Sa kaso ni Cain ay nahayag na hindi sang-ayon si Jehova sa pamamaslang. Karaka-raka pagkatapos ng Baha, ang sangkatauhan ay binigyan ng Diyos ng mga batas tungkol sa kabanalan ng buhay, pagpatay, parusang kamatayan, at pagkain ng dugo. (Genesis 9:3-6) Lubusang kinondena ni Jehova ang pangangalunya nang maganap ang pangyayari na kinasangkutan nina Abraham, Sara, at Abimelech, hari ng Gerar, malapit sa Gaza.—Genesis 20:1-7.
9, 10. Anong mga halimbawa ang nagpapakita na may isang sistema ng hukuman na umiral sa lipunan ng mga patriyarka?
9 Noong mga kaarawang iyon ang mga ulo ng pamilya ang nagsilbing mga hukom at humawak ng mga suliranin sa mga batas. Sinabi ni Jehova tungkol kay Abraham: “Siya’y aking kinilala upang siya’y mag-utos sa kaniyang mga anak at sa kaniyang sambahayan pagkamatay niya na maingatan nila ang daan ni Jehova na gumawa ng katuwiran at kahatulan.” (Genesis 18:19) Si Abraham ay nagpakita ng kawalang-imbot at kaunawaan sa paglutas sa isang di-pagkakaintindihan sa pagitan ng kaniyang sariling mga pastol at ng kay Lot. (Genesis 13:7-11) Bilang patriyarkang pinaka-ulo at hukom, kinondena ni Juda ang kaniyang manugang na si Tamar upang batuhin hanggang sa mamatay at sunugin, sa paniwala na ito’y isang mangangalunya. (Genesis 38:11, 24; ihambing ang Josue 7:25.) Subalit, nang kaniyang mapag-alaman ang lahat ng pangyayari, kaniyang sinabi na matuwid pa ito kaysa kaniya. (Genesis 38:25, 26) Napakahalaga nga na maalaman ang lahat ng mga pangyayari bago maggawad ng hatol!
10 Sa aklat ng Job ay may ipinahihiwatig na isang sistema ng hukuman at nagpapakita na kanais-nais ang walang-itinatanging paghatol. (Job 13:8, 10; 31:11; 32:21) Nagugunita pa ni Job ang panahon na siya’y isang iginagalang na hukom na nakaupo sa pintuang bayan upang ipatupad ang hustisya at ipagtanggol ang kapakanan ng babaing balo at ng ulila. (Job 29:7-16) Sa gayon, may patotoo na sa loob ng lipunan ng mga patriyarka, ang “nakatatandang mga lalaki” ang nagsisilbing mga hukom sa gitna ng mga inapo ni Abraham kahit na bago ng Paglabas at ng pagkakaloob ng bigay-Diyos na legal na saligang-batas sa bansang Israel. (Exodo 3:16, 18) Sa katunayan, ang mga kondisyon ng tipang Kautusan ay iniharap ni Moises sa “nakatatandang mga lalaki,” o matatanda, ng Israel, na kumakatawan sa bayan.—Exodo 19:3-7.
Ang Sistema ng Hukuman ng Israel
11, 12. Sang-ayon sa dalawang iskolar ng Bibliya, ano ang pagkakaiba ng sistema ng hukuman ng Israel at ng sa mga ibang bansa?
11 Ang pagpapatupad ng hustisya sa Israel ay may malaking pagkakaiba sa legal na mga pamamaraang sinusunod sa nakapalibot na mga bansa. Walang pagkakaiba ang batas sibil at ang batas kriminal. Kapuwa ito may mga kaugnayan sa mga batas ng moral at ng relihiyon. Ang pagkakasala sa kapuwa ay pagkakasala laban kay Jehova. Sa kaniyang aklat na The People and the Faith of the Bible, sumulat ang autor na si André Chouraqui: “Ang tradisyon sa hukuman ng mga Hebreo ay naiiba sa kaniyang mga kalapit bansa, hindi lamang sa taglay niyaon na katuturan ng mga paglabag at mga parusa kundi sa tunay na kahulugan din naman ng mga batas. . . . Ang Torah [Batas] ay walang pagkakaiba sa araw-araw na pamumuhay; kontrolado nito ang kalikasan at buod ng araw-araw na pamumuhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng bendisyon o sumpa. . . . Sa Israel . . . halos imposible na makita ang malinaw na pagkakaiba sa mga gawain ng hukuman ng bayan. Ang mga ito ay nakukubli sa pagkakaisa ng isang buhay na lubusang nakabaling sa pagtupad sa kalooban ng Diyos na buháy.”
12 Ang natatanging kalagayang ito ang naglagay sa pagpapatupad ng hustisya sa Israel sa isang lalong mataas na antas kaysa sa mga bansang kasabay na umiral. Ang iskolar ng Bibliya na si Roland de Vaux ay sumulat: “Ang batas Israelita, sa kabila ng pagkakahawig nito sa porma at nilalaman, ay may malaking pagkakaiba sa mga sugnay ng Silanganing ‘mga tratado’ at sa mga artikulo ng kanilang ‘mga kodigo’. Ito ay isang relihiyosong batas. . . . Walang kodigong Silanganin ang maihahambing sa batas Israelita, na ang kabuuan ay itinuturing na ang Diyos ang autor. Kung ito ay mayroon, at may kahalo, na etikal at ritwal na mga regulasyon, ito’y dahilan sa saklaw nito ang buong larangan ng banal na Tipan, at dahil sa ang Tipan na ito ang sumasaklaw sa relasyon ng mga tao sa isa’t isa at gayundin sa kanilang relasyon sa Diyos.” Hindi nga kataka-taka na tanungin ni Moises: “Anong dakilang bansa nga na may matuwid na mga palatuntunan at mga kahatulan na gaya ng buong kautusang ito na aking inilalagay sa harap ninyo sa araw na ito?”—Deuteronomio 4:8.
Mga Hukom sa Israel
13. Sa anong mga paraan isang mainam na halimbawa si Moises para sa matatanda sa ngayon?
13 Sa ganiyang mataas na uring sistema ng hukuman, anong uri ng tao ang kailangan na magsilbing hukom? Tungkol sa unang-unang hukom na hinirang sa Israel, sinasabi ng Bibliya: “Ang lalaking si Moises ay totoong pinakamaamo sa lahat ng lalaking nabuhay sa ibabaw ng lupa.” (Bilang 12:3) Siya’y hindi labis na nagtiwala sa kaniyang sarili. (Exodo 4:10) Bagaman kahilingan sa kaniya na hatulan ang bayan, kung minsan siya ay naging kanilang tagapamagitan sa harap ni Jehova, nagmamakaawa sa kaniya na patawarin sila at nag-aalok pa man ding ihandog ang kaniyang sarili alang-alang sa kanila. (Exodo 32:11, 30-32) Sinabi niya sa anyong patula: “Ang aking salita ay bababa na parang hamog, gaya ng ambon sa malambot na damo at gaya ng mahinang ambon sa halaman.” (Deuteronomio 32:2) Hindi niya hinatulan ang bayan sa pamamagitan ng pagsandig sa kaniyang sariling karunungan, kaya sinabi niya: “Pagka sila ay may usapin, iyon ay kailangang dumaan sa akin at aking hahatulan ang isa’t isa, at aking ipakikilala sa kanila ang mga kahatulan ng tunay na Diyos at ang kaniyang mga batas.” (Exodo 18:16) Pagka nag-aalinlangan, ang bagay na iyon ay kaniyang dinadala kay Jehova. (Bilang 9:6-8; 15:32-36; 27:1-11) Si Moises ay isang mainam na halimbawa para sa matatanda na sa ngayon ay ‘nagpapastol sa kawan ng Diyos’ at gumagawa ng mga paghatol. (Gawa 20:28) Harinawang ang kanilang kaugnayan sa kanilang mga kapatid ay mapatunayan ding “gaya ng ambon sa malambot na damo.”
14. Ano ang espirituwal na mga katangian ng mga lalaking hinirang ni Moises bilang mga hukom sa Israel?
14 Nang sumapit ang panahon ay hindi na madala ni Moises nang nag-iisa ang pasanin na pag-aasikaso sa legal na mga kaso para sa bayan. (Exodo 18:13, 18) Tinanggap niya ang mungkahi ng kaniyang biyenang lalaki na patulong. Muli na naman, anong uri ng mga lalaki ang pinili? Ating mababasa: “ ‘Pumili ka buhat sa lahat ng mamamayan ng may kakayahang mga lalaki, natatakot sa Diyos, mapagkakatiwalaang mga lalaki, na mga napopoot sa sakim na pakinabang.’ . . . At pumili si Moises ng may kakayahang mga lalaki sa buong Israel at binigyan sila ng mga katungkulan bilang mga pangulo sa mga mamamayan, mga punò ng lilibuhin, mga punò ng dadaanin, mga punò ng lilimampuin at mga punò ng sasampuin. At kanilang hinatulan ang bayan sa bawat nararapat na okasyon. Ang mabibigat na kaso ay kanilang dinadala kay Moises, ngunit ang bawat maliit na kaso ay sila na ang humahawak bilang mga hukom.”—Exodo 18:21-26.
15. Ano ang mga katangian niyaong mga naglingkod bilang mga hukom sa Israel?
15 Makikita na hindi ang edad ang tanging batayan para sa pagpili ng mga lalaking magsisilbing mga hukom. Sinabi ni Moises: “Kumuha kayo sa inyu-inyong mga tribo ng mga lalaking pantas at matatalino at may karanasan, upang aking mailagay silang mga pangulo ninyo.” (Deuteronomio 1:13) Si Moises ay lubos na may kabatiran sa sinabi ng kabataang si Elihu marami nang taon ang nakalipas: “Hindi ang dakila ang siyang pantas, ni yaong matatanda lamang ang nakauunawa ng kahatulan.” (Job 32:9) Oo, yaong mga hinirang ay kailangang ‘mga lalaking may karanasan.’ Subalit higit sa lahat sila’y kailangang may kakayahan, natatakot sa Diyos, mapagkakatiwalaang mga lalaki, na mga napopoot sa sakim na pakinabang at pantas at matalino. Samakatuwid, waring lumilitaw na ang “mga pangulo” at “mga hukom” na binanggit sa Josue 23:2 at 24:1 ay hindi naiiba sa “nakatatandang mga lalaki” na binanggit sa kaparehong mga talata ngunit pinili sa gitna nila.—Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 549.
Pagpapatupad ng Katarungan
16. Ano ang dapat nating pansinin tungkol sa mga tagubilin na ibinigay ni Moises sa bagong kahihirang na mga hukom?
16 Kung tungkol sa mga tagubilin sa hinirang na mga hukom na ito, sinabi ni Moises: “Aking inutusan ang inyong mga hukom sa panahong iyon, na sinasabi, ‘Pagka inyong dinirinig ang usapin ng inyong mga kapatid, inyong hahatulan ng matuwid ang isang tao at ang kaniyang kapatid o ang kaniyang kasamang taga-ibang lupa. Huwag kayong magtatangi ng tao sa kahatulan. Inyong diringgin ang maliliit na gaya ng malalaki. Huwag kayong matatakot dahilan sa isang tao, sapagkat ang kahatulan ay sa Diyos; at ang usapin na napakahirap sa inyo, ito’y inyong dadalhin sa akin [kay Moises], at aking diringgin iyon.’ ”—Deuteronomio 1:16, 17.
17. Sino ang mga hinirang bilang mga hukom, at anong payo ang ibinigay sa kanila ni Haring Jehosapat?
17 Mangyari pa, ang isang kaso ay maaaring dalhin kay Moises sa panahon lamang na kaniyang ikinabubuhay. Kaya gumawa ng iba pang mga kaayusan upang ang mahihirap na mga kaso ay madala sa mga saserdote, Levita, at sa pantanging hinirang na mga hukom. (Deuteronomio 17:8-12; 1 Cronica 23:1-4; 2 Cronica 19:5, 8) Sa mga hukom na kaniyang inatasan sa mga bayan ng Juda, sinabi ni Haring Jehosapat: “Pag-isipan ninyo ang inyong ginagawa, dahilan sa kayo’y hindi ukol sa tao nagsisihatol kundi ukol kay Jehova . . . Ganito ang inyong gagawin nang may takot kay Jehova sa pagtatapat at may sakdal na puso. At sa bawat legal na usaping darating sa inyo mula sa inyong mga kapatid na nagsisitahan sa kani-kanilang mga bayan, . . . inyong papayuhan sila na huwag silang gagawa ng masama laban kay Jehova at ang kapootan ay huwag dumating laban sa inyo at laban sa inyong mga kapatid. Ganito ninyo gagawin upang kayo’y huwag magkasala.”—2 Cronica 19:6-10.
18. (a) Ano ang ilan sa mga simulain na kailangan noon na sundin ng mga hukom sa Israel? (b) Ano ang kailangang alalahanin noon ng mga hukom, at anong mga kasulatan ang nagpapakita ng resulta kung kanilang kalilimutan ito?
18 Kabilang sa mga simulain na kailangang sundin ng mga hukom sa Israel ay ang sumusunod: magkaparehong katarungan para sa mayayaman at mahihirap (Exodo 23:3, 6; Levitico 19:15); lubusang walang pagtatangi (Deuteronomio 1:17); hindi pagtanggap ng suhol. (Deuteronomio 16:18-20) Palaging tatandaan ng mga hukom na ang kanilang mga hinahatulan ay mga tupa ni Jehova. (Awit 100:3) Ang totoo, isa sa mga dahilan kung bakit tinanggihan ni Jehova ang likas na Israel ay sapagkat hindi humatol nang may katuwiran ang kanilang mga saserdote at mga pastol at naging mabagsik ang pakikitungo nila sa mga mamamayan.—Jeremias 22:3, 5, 25; 23:1, 2; Ezekiel 34:1-4; Malakias 2:8, 9.
19. Ano ba ang kahalagahan sa atin ng pagsusuring ito ng mga pamantayan ni Jehova ng katarungan bago ng Panlahatang Panahon, at ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Si Jehova ay hindi nagbabago. (Malakias 3:6) Ang maikling repasong ito sa paraan na dapat sundin sa pagpapatupad ng kahatulan sa Israel at kung papaano ang pagkamalas ni Jehova sa anumang pagkakait ng katarungan ay mga dahilan upang mag-isip-isip muna ang matatanda na sa ngayon ay may pananagutan sa paggawa ng mga kahatulan. Ang halimbawa ni Jehova bilang Hukom, at ang sistema ng hukuman na kaniyang itinatag sa Israel, ay nagtatag ng mga simulain na nagsilbing parisan sa pagpapatupad ng katarungan sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Ito’y ating tatalakayin sa susunod na artikulo.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Papaano masasabi sa kabuuan ang paraan ng paghatol ni Jehova?
◻ Papaano ipinaghalimbawa ang paraan ni Jehova sa kaniyang pakikitungo kay Cain at sa salinlahi bago sumapit ang Baha?
Sino ang nagsilbing mga hukom noong panahon ng mga patriyarka, at papaano?
◻ Ano ang pagkakaiba ng sistema ng hukuman ng Israel at ng sistema ng mga ibang bansa?
◻ Anong uri ng mga lalaki ang hinirang bilang mga hukom sa Israel, at anong mga simulain ang dapat na sinunod nila?
[Larawan sa pahina 10]
Sa panahon ng mga patriyarka at sa Israel, ang hinirang na nakatatandang mga lalaki ay nagpatupad ng katarungan sa pintuang bayan