KALABAN
[sa Ingles, adversary].
Isang kaaway na sumasalansang o kumokontra; isang katunggali. Ang salitang Hebreo para sa “kalaban” (tsar) ay nagmula sa salitang-ugat na nangangahulugang “ligaligin; kapootan.” (Bil 25:18; Aw 129:1) Ang salitang Griego naman na an·tiʹdi·kos ay pangunahin nang tumutukoy sa isang “kalaban sa batas” sa isang legal na usapin (Luc 12:58; 18:3), ngunit maaari rin itong tumukoy sa ibang mga kalaban, o mga kaaway, gaya sa 1 Pedro 5:8.
Ang pinakabalakyot na Kalaban, si Satanas na Diyablo, ay gumawa ng paraan upang ang ibang mga tao at mga anghel (tingnan ang DEMONYO) ay sumama sa kaniyang pagsalansang sa Diyos at sa tao. Unang ipinakita ni Satanas ang kaniyang pagsalansang sa hardin ng Eden. Sa pamamagitan ng malupit at pailalim na pagkilos, inakay niya si Eva at pagkatapos ay si Adan sa isang landasin ng paghihimagsik na nagdulot ng kasalanan at kamatayan sa buong sangkatauhan. Sa mga korte ng langit, ipinakita ni Satanas ang kaniyang pananalansang, anupat pinaratangan niya si Jehova ng panunuhol kay Job kapalit ng pagkamatapat nito, isang paratang na naging isang pansansinukob na usapin.—Job 1:6-11; 2:1-5; tingnan ang SATANAS.
Sa lahat ng yugto ng panahon, ang mga mananamba ni Jehova ay nagbabata ng katulad na pagsalansang mula sa Kalaban sa pamamagitan ng mga alipores nito. Halimbawa, nang bumalik ang nalabi ng bayan ng Diyos mula sa Babilonya, may mga nagtangkang humadlang sa muling pagtatayo ng templo at ng pader ng lunsod. (Ezr 4:1; Ne 4:11) Ang ubod-samang si Haman, taglay ang espiritu ng Diyablo, ay naging isang balakyot na kalaban ng mga Judio noong mga araw ni Reyna Esther. (Es 7:6) Sa ngayon, ang mga Kristiyano ay kailangang maging alisto, maingat, mapagbantay, at puspusang makipaglaban ukol sa pananampalataya laban sa mga pakana ng Kalaban. (Efe 6:11, 12; Jud 3) Ipinayo ni Pedro: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila. Ngunit manindigan kayo laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya.” (1Pe 5:8, 9) Sa dakong huli, magtatagumpay ang kapangyarihan ni Jehova laban sa lahat ng mga sumasalansang.—Jer 30:16; Mik 5:9.
Noon, kapag ang bayan ng Diyos ay di-tapat, pinahihintulutan niyang dambungin at talunin sila ng kanilang mga kalaban. (Aw 89:42; Pan 1:5, 7, 10, 17; 2:17; 4:12) Gayunman, mali ang naging konklusyon ng mga kaaway hinggil sa mga tagumpay na ito, anupat inangkin nila ang karangalan sa kanilang mga tagumpay at pinuri nila ang kanilang mga diyos o kaya’y nadama nilang hindi sila pagsusulitin sa paraan ng pakikitungo nila sa bayan ni Jehova. (Deu 32:27; Jer 50:7) Dahil dito, kinailangan ni Jehova na pagpakumbabain ang mapagmapuri at naghahambog na mga kalabang ito (Isa 1:24; 26:11; 59:18; Na 1:2); at ginawa niya ito alang-alang sa kaniyang banal na pangalan.—Isa 64:2; Eze 36:21-24.