Mga “Dead Sea Scroll”—Walang-Katulad na Kayamanan
SA MAY paanan ng Wadi Qumran, sa hilagang-kanlurang panig ng Dagat na Patay, ay naroon ang ilang sinaunang mga kaguhuan. Malaon nang itinuring na mga labí ng isang kutang Romano, anupa’t ang mga ito ay hindi gaanong pinag-ukulan ng pansin ng mga arkeologo. Gayunman, ang pagkatuklas sa Dead Sea Scroll ng Isaias noong 1947, ay nag-udyok na muling isaalang-alang ang lugar na iyon.
Hindi nagtagal at nakilala ng mga iskolar ang mga gusali bilang pag-aari ng isang relihiyosong pamayanan ng mga Judio. Ang agad na palagay ay na sa mga yungib na naroon sa mga talampas na karatig itinago ng mga taong ito ang mga balumbon. Subalit noong bandang huli ay waring hindi iyon kapani-paniwala.
Isang Walang-Katulad na Tuklas
Ang mga Bedouino ay listo sa kahalagahan ng mga manuskrito na natagpuan na nila. Kaya, noong 1952, nang isang matandang lalaki ang nagkuwento na bilang isang kabataan kaniyang itinaboy ang isang sugatang partridge (isang uri ng ibon) hanggang sa di na iyon nakita nang pumasok sa isang butas sa batuhan, na kung saan kaniyang natagpuan ang ilang tapayan at isang sinaunang lamparang de-langis, nagsimula na naman ang isang bagong paghahanap.
Nagawa pa rin ng matandang lalaki na makilala ang bunganga ng yungib na nasa pagitan ng malalalim na bitak ng napakatarik na dalisdis. Napatunayan na iyon ay isang gawang-taong yungib, ngayo’y kilala bilang Yungib 4. Doon ang mga Bedouino ay nakatagpo ng mga piraso ng mga manuskrito mga isang metro sa ibaba ng noo’y taas ng sahig. Wala isa man sa mga piraso ang naimbak sa mga tapayan, kaya ang karamihan ay matindi ang pagkabulok, nangitim na, at napakalutong. Nang sumapit ang panahon mga 40,000 piraso ang nabawi, na kumakatawan sa halos 400 manuskrito. Lahat ng aklat ng Kasulatang Hebreo, maliban sa Esther, ay may kumakatawan sa isandaang manuskrito ng Bibliya. Karamihan ng materyal na nakuha sa Yungib 4 ay hindi pa nailalathala.
Isa sa pinakamahalagang manuskrito ay ang mga aklat ng Samuel, kinopya sa iisang rolyo. Ang tekstong Hebreo nito, na naingatan sa 47 hanay buhat sa marahil 57, ay katulad na katulad ng ginagamit ng mga tagapagsalin ng bersiyon ng Griegong Septuagint. Mayroon din namang mga piraso sa Griego ng Septuagint mula sa Levitico at Bilang na ang petsa’y noon pang unang siglo B.C.E. Ang manuskritong Levitico ay gumagamit ng IAO, para sa Hebreong יהוה, ang banal na pangalan ng Diyos, sa halip na ang Griegong Kyʹri·os, “Panginoon.”a
Sa isang pirasong galing sa Deuteronomio, kasali sa tekstong Hebreo ang bahaging sa Deu kabanatang 32, talatang 43, na matatagpuan sa Septuagint at sinipi sa Hebreo 1:6: “At magpatirapa sa kaniya ang lahat ng anghel ng Diyos.” Ito ang unang pagkakataon na ang talatang ito’y natagpuan sa anumang manuskritong Hebreo, nagsisiwalat ng isang teksto na halatang batay sa saling Griego. Ang mga iskolar sa gayon ay nagtamo ng bagong unawa sa teksto ng Septuagint, na totoong malimit sipiin sa Kasulatang Griegong Kristiyano.
Isang balumbon ng Exodo ang inilagay sa petsang ikatlong kapat na bahagi ng ikatlong siglo B.C.E., isa ng Samuel ay sa katapusan naman ng siglo ring iyon, at isang balumbon ng Jeremias ay sa pagitan ng 225 at 175 B.C.E. Sapat na materyal mula noong ikatlo hanggang unang siglo B.C.E. ang natuklasan na tumunton ng mga pagbabago sa istilo ng pagkasulat at sa indibiduwal na mga letra ng mga abakadang Hebreo at Aramaiko, na lubhang mahalaga sa pagpepetsa sa mga manuskrito.
Ang Sorpresa ng Yungib 11
Sa wakas, ang buong lugar sa palibot ng Qumran ay lubusang nasaliksik, kapuwa ng lokal na mga Bedouino at ng mga arkeologo. Gayunman, isang araw noong 1956, may mga Bedouino na nakapansin na may mga paniki na lumalabas sa mga bitak sa mga dalisdis sa gawing hilaga ng Yungib 1. Sila’y umakyat nang pataas at nakasumpong ng isa pang yungib, na ang pasukan ay may nakabara. Dalawang tonelada ng gumuhong mga batuhan ang kinailangang alisin upang mapahantad iyon. Ang mga natuklasan sa loob ay nakapanggigilalas—dalawang kumpletong manuskrito at limang malalaking bahagi pa ng mga iba.
Ang pinakamahalagang tuklas ay isang magandang balumbon ng Mga Awit. Ang kakapalan ng katad ay nagpapahiwatig na marahil iyon ay balat ng baka imbis na balat ng kambing. Iyon ay may kabuuang limang pilyego, apat na hiwa-hiwalay na mga pahina, at apat na piraso na anupa’t may haba iyon na mahigit na 4 na metro. Bagaman ang ibabaw ng balumbong ito ay naingatang mabuti, ang gilid ng ibaba ay malaki na ang pagkabulok. Ang petsa nito ay mula sa unang kalahati ng unang siglo C.E. at taglay nito ang mga bahagi ng 41 awit. Ang Tetragammaton ay isinulat mga 105 beses sa sinaunang paleo-Hebreong karakter, anupa’t ito’y litaw na litaw sa gitna ng kuwadradong mga letrang Hebreo ng konteksto.
Isa pang manuskrito, ng Levitico, ay isinulat na lahat sa sinaunang mga letrang Hebreo, ngunit kung bakit nga ganito ay hindi pa ipinaliliwanag nang husto. Iyon ang pinakamahabang dokumentong umiiral na gumagamit ng ganitong porma ng pagsulat, na siyang ginamit nang ang mga Judio ay ipatapon sa Babilonya nang katapusan ng ikapitong siglo B.C.E.
Isang kopya ng isang Targum, isang Aramaikong pagpapakahulugan (paraphrase) ng aklat ng Job, ang natuklasan din. Ito’y kabilang sa pinakamaaagang mga Targum na isinulat. Maraming mga komentaryo sa mga iba pang aklat ng Bibliya ang natagpuan din sa iba’t ibang mga yungib. Papaanong ang mga scroll na ito ay napatago nang mahigpit sa mga yungib na ito?
Gaya ng binanggit na, ang iba nito ay baka itinago ng mga tagaroon sa komunidad ng Qumran. Subalit batay sa ebidensiya, waring malaki ang posibilidad na marami ang inilagay roon ng mga Judio na tumatakas sa lumulusob na mga hukbong Romano sa Judea noong taóng 68 C.E., bago naganap ang pangwakas na pagkapuksa ng Jerusalem makalipas ang dalawang taon. Ang ilang ng Judea ay isang ligtas na dakong mapagtataguan ng mahalagang mga manuskrito hindi lamang sa mga yungib na malapit sa Qumran kundi sa mga dakong maraming milya ang layo sa hilaga, sa palibot ng Jerico, at sa timog, malapit sa Masada. Anong laki ng pasasalamat natin na ang mga ito ay naingatan! Nagbibigay ito ng higit pang patotoo na di-nagbabago ang kinasihang Salita ni Jehova. Tunay, “kung tungkol sa salita ng ating Diyos, ito’y lalagi hanggang sa panahong walang-takda.”—Isaias 40:8.
[Talababa]
a Tingnan ang Reference Bible, Apendise 1C (5) at ang talababa sa Levitico 3:12, na kung saan ang manuskritong ito ay nakikilala bilang 4Q LXX Levb.
[Kahon sa pahina 13]
MARAMI PA BA ANG MALAPIT NANG DUMATING?
Bagaman natuklasan mga ilang dekada na ang nakalipas, marami pa sa mga piraso ng Dead Sea Scroll ang hindi pa napapalathala. Ganito ang ginawang pamimintas ng The New York Times ng Disyembre 23, 1990: “Maging ang kanilang mga kinuhang larawan ay ayaw ilabas ng isang makaangkang grupo ng mga iskolar na umiiwas sa kanilang mga kasamahan at tumatangging ilathala ang karamihan ng materyal na nasa kanila.” Gayunman, iniulat ng pahayagan na may ginawang pagbabago kamakailan sa mga bumubuo ng patnugutang ito, na maaaring isang hakbang tungo sa pagsira sa “pagkamakaangkan na may kaugnayan sa mga balumbon . . . , at ang daigdig ay makaaalam pa nang higit tungkol sa isang pambihirang panahon sa kasaysayan.”
[Picture Credit Line sa pahina 12]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.