Mga Magulang, Makasumpong Kayo ng Kaluguran sa Inyong mga Anak
“Magsasaya ang iyong ama at ang iyong ina.”—KAWIKAAN 23:25.
1. Ano ang magpapangyari na ang mga magulang ay makasumpong ng kaluguran sa kanilang mga anak?
ANONG inam na makita ang isang murang usbong na lumago at maging isang matayog na punungkahoy na naglalaan ng kagandahan at lilim—lalo na kung kayo ang nagtanim at nag-alaga nito! Gayundin naman, ang mga magulang na nag-aalaga ng mga anak na lumalaking may-gulang na mga lingkod ng Diyos ay nakasusumpong ng malaking kaluguran sa kanila, gaya ng sabi ng kawikaan sa Bibliya: “Ang ama ng matuwid ay walang pagsalang magagalak; siyang nagkakaanak ng pantas ay magsasaya rin naman sa kaniya. Magsasaya ang iyong ama at ang iyong ina, at siyang nagsilang sa iyo ay magagalak.”—Kawikaan 23:24, 25.
2, 3. (a) Paano maiiwasan ng mga magulang ang pamimighati at kapaitan? (b) Ano ang kailangan kapuwa ng mga murang usbong at ng mga anak upang maging pinagmumulan ng kaluguran?
2 Gayunman, ang isang bata ay hindi kusang nagiging “matuwid” at “pantas.” Malaking pagsisikap ang kailangan upang mahadlangan ang mga kabataan buhat sa pagiging isang pinagmumulan ng “pamimighati” at “kapaitan,” kung paanong nasasangkot ang pagpapagal upang ang isang murang usbong ay maging isang matayog na punungkahoy. (Kawikaan 17:21, 25) Halimbawa, ang mga suhay na tulos ay huhubog sa isang murang usbong upang lumaking tuwid at matatag. Mahalaga ang regular na suplay ng tubig, at baka kailanganing ipagsanggalang ang murang usbong mula sa mga peste. Sa wakas, gaganda ang punungkahoy kung ito ay pinupungusan.
3 Isinisiwalat ng Salita ng Diyos na kailangan ng mga anak ang mga bagay tulad ng maka-Diyos na pagsasanay, pagdidilig ng tubig ng katotohanan sa Bibliya, proteksiyon laban sa moral na pang-aabuso, at maibiging disiplina upang pungusin ang di-kanais-nais na mga ugali. Upang mailaan ang mga pangangailangang ito, ang mga ama ay lalo nang pinapayuhan na palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ano ang nasasangkot dito?
Idiniriin ang mga Salita ni Jehova
4. Ano ang pananagutan ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ano ang kailangan upang matupad nila iyon?
4 Ang “pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova” ay nangangahulugan ng pagtutuwid ng ating kaisipan upang makasuwato ng layunin ni Jehova. Kung gayon, kailangang ikintal ng mga magulang sa pag-iisip ng kanilang maliliit na anak ang kaisipan ni Jehova sa mga bagay-bagay. At kailangan din nilang tularan ang halimbawa ng Diyos sa paglalaan ng madamaying disiplina, o nakapagtutuwid na pagsasanay. (Awit 103:10, 11; Kawikaan 3:11, 12) Subalit bago magawa ito ng mga magulang, sila mismo ay kailangang makaunawa sa mga salita ni Jehova, gaya ng paalaala ni Moises na propeta ng Diyos sa sinaunang mga Israelita: “Ang mga salitang ito [mula kay Jehova] na aking iniuutos sa iyo ngayon ay kailangang mapatunayang nasa iyong puso.”—Deuteronomio 6:6.
5. Kailan at paano dapat na turuan ng Israelitang mga magulang ang kanilang mga anak, at ano ang kahulugan ng “itimo”?
5 Ang regular na pag-aaral ng Bibliya, pagbubulay-bulay, at panalangin ay nagsasangkap sa mga magulang upang gawin ang sumunod na iniutos ni Moises: “Dapat mong itimo [ang mga salita ni Jehova] sa iyong anak at salitain ang mga ito kapag ikaw ay nauupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa daan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” Ang Hebreong salita na isinaling “itimo” ay nangangahulugang “ulitin,” “sabihin nang paulit-ulit,” “itatak nang malinaw.” Pansinin kung paano idiniin nang higit ni Moises ang pangangailangang unahin ang mga salita ni Jehova: “Dapat mong itali ang mga ito bilang isang tanda sa iyong kamay, at ang mga ito ay magsisilbing pinakatali sa pagitan ng iyong mga mata; at dapat mong isulat ang mga ito sa mga poste ng pintuan ng iyong bahay at sa iyong mga pintuang daan.” Maliwanag, kahilingan ni Jehova na mag-ukol ang mga magulang ng regular at maibiging atensiyon sa kanilang mga anak!—Deuteronomio 6:7-9.
6. Ano ang dapat na itimo ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ano ang kapakinabangan?
6 Ano ang “mga salitang ito” ni Jehova na dapat itimo ng mga magulang sa kanilang mga anak? Katatapos lamang ulitin ni Moises ang karaniwang tinatawag na Sampung Utos, kasali na ang mga utos na huwag papatay, huwag mangangalunya, huwag magnanakaw, huwag magbibigay ng bulaang patotoo, at huwag mag-iimbot. Ang gayong moral na mga kahilingan, gayundin ang utos na “ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang lahat ng iyong matinding puwersa,” ang siyang lalo nang ititimo ng Israelitang mga magulang sa kanilang mga kabataan. (Deuteronomio 5:6-21; 6:1-5) Hindi ba kayo sasang-ayon na ito ang uri ng turo na kailangan ng mga anak sa ngayon?
7. (a) Sa ano inihalintulad ng Bibliya ang mga anak? (b) Ano ngayon ang susuriin natin?
7 Sinabihan ang isang amang Israelita: “Ang iyong asawang babae ay magiging gaya ng isang namumungang punong ubas sa kaloob-loobang mga bahagi ng iyong bahay. Ang iyong mga anak ay magiging gaya ng mga pasanga ng mga puno ng olibo sa palibot ng iyong mesa.” (Awit 128:3) Subalit, upang makasumpong ang mga magulang ng kaluguran sa kanilang “mga murang usbong” sa halip na makaranas ng pamimighati, kailangan nilang magpakita araw-araw ng personal na interes sa kanilang mga anak. (Kawikaan 10:1; 13:24; 29:15, 17) Suriin natin kung paano maaaring sanayin, diligin sa espirituwal, ipagsanggalang, at maibiging disiplinahin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa paraan na sila’y makasusumpong ng tunay na kaluguran sa kanila.
Sinasanay Mula sa Pagkasanggol
8. (a) Sino ang nagsilbing mga tulos ng pagsasanay para kay Timoteo? (b) Kailan nagsimula ang pagsasanay, at ano ang resulta?
8 Isaalang-alang si Timoteo, na nagtamo ng suhay mula sa, wika nga, dalawang matibay-ang-pagkakabaon na tulos ng pagsasanay—ang kaniyang ina at ang kaniyang lola. Yamang ang ama ni Timoteo ay isang Griego at maliwanag na isang di-nananampalataya, ang kaniyang Judiong ina, si Eunice, at ang ina nito, si Loida, ang siyang nagsanay sa bata ‘mula sa pagkasanggol sa banal na mga kasulatan.’ (2 Timoteo 1:5; 3:15; Gawa 16:1) Ang kanilang pagsisikap na ituro kay Timoteo—kahit nang siya’y sanggol pa—ang “kamangha-manghang mga bagay na ginagawa [ni Jehova]” ay saganang ginantimpalaan. (Awit 78:1, 3, 4) Si Timoteo ay naging misyonero sa malalayong lupain, marahil nang siya’y tin-edyer pa lamang, at nagkaroon siya ng prominenteng bahagi sa pagpapatibay sa mga unang kongregasyong Kristiyano.—Gawa 16:2-5; 1 Corinto 4:17; Filipos 2:19-23.
9. Paano matututuhan ng mga kabataan na iwasan ang mga silo ng materyalismo?
9 Mga magulang, anong uri kayo ng tulos ng pagsasanay? Halimbawa, ibig ba ninyong magkaroon ang inyong mga anak ng timbang na pangmalas sa materyal na mga bagay? Kung gayo’y dapat kayong magpakita ng tamang halimbawa sa pamamagitan ng hindi paghahangad ng lahat ng pinakabagong kasangkapan o iba pang bagay na hindi naman ninyo talagang kailangan. Kung pipiliin ninyong unahin ang materyal na mga kapakinabangan, huwag kayong magtaka kapag ginaya kayo ng inyong mga anak. (Mateo 6:24; 1 Timoteo 6:9, 10) Sa katunayan, kung hindi tuwid ang mga tulos ng pagsasanay, paano lalaki nang tuwid ang murang usbong?
10. Kaninong patnubay ang dapat na laging hingin ng mga magulang, at anong saloobin ang dapat nilang taglayin?
10 Ang mga magulang na nakasusumpong ng kaluguran sa kanilang mga anak ay palaging hihingi ng tulong ng Diyos sa pagsasanay sa kanila, anupat sa tuwina’y isinasaalang-alang kung ano ang pinakamabuti para sa espirituwal na kapakanan ng kanilang mga anak. Ganito ang inilahad ng isang inang may apat na anak: “Bago pa man isilang ang aming mga anak, regular kaming nananalangin kay Jehova na tulungan kaming maging mabubuting magulang, na kami’y patnubayan ng kaniyang Salita, at maikapit iyon sa aming buhay.” Sinabi pa niya: “Ang sawikaing ‘Si Jehova muna’ ay hindi lamang isang pangkaraniwang kasabihan kundi ang siyang paraan ng aming pamumuhay.”—Hukom 13:8.
Regular na Suplay ng “Tubig”
11. Ano ang kailangan kapuwa ng mga murang usbong at ng mga anak upang lumago?
11 Lalo nang kailangan ng mga murang usbong ang isang regular na suplay ng tubig, gaya ng ipinakikita kung gaano kalusog ang mga punungkahoy na nasa tabi ng isang ilog. (Ihambing ang Apocalipsis 22:1, 2.) Ang mga musmos din naman ay susulong sa espirituwal kung sila’y regular na pinaglalaanan ng tubig ng katotohanan sa Bibliya. Subalit kailangang isaalang-alang ng mga magulang ang kakayahan ng kanilang anak na magtuon ng pansin sa isang bagay. Marahil ang malimit ngunit maiikling sesyon sa pagtuturo ay mas mabisa kaysa sa madalang ngunit mahahaba. Huwag maliitin ang kahalagahan ng gayong maiikling sesyon. Ang paggugol ng panahon nang magkasama ay napakahalaga sa paglikha ng buklod sa pagitan ng magulang at anak, isang kaugnayan na paulit-ulit na pinasisigla ng Kasulatan.—Deuteronomio 6:6-9; 11:18-21; Kawikaan 22:6.
12. Ano ang kahalagahan ng pananalanging kasama ng mga bata?
12 Ang isa sa mga sesyon kasama ng mga bata ay maaaring sa pagtatapos ng maghapon. Ganito ang nagunita ng isang kabataan: “Ang aking mga magulang ay umuupo sa tabi ng aming kama gabi-gabi at makikinig habang binibigkas namin ang aming sariling panalangin.” Hinggil sa kahalagahan ng paggawa nito, ganito ang sabi ng isa pa: “Dahil diyan ay nakaugalian ko ang manalangin kay Jehova gabi-gabi bago ako matulog.” Kapag araw-araw na naririnig ng mga anak ang kanilang mga magulang na nagsasalita tungkol kay Jehova at nananalangin sa kaniya, siya ay nagiging isang tunay na persona sa kanila. Ganito naman ang sabi ng isang kabataang lalaki: “Naipipikit ko ang aking mga mata sa pananalangin kay Jehova at nakikita ko ang katauhan ng isang tunay na lolo. Tinulungan ako ng aking mga magulang na maunawaang si Jehova ay gumaganap ng bahagi sa lahat ng aming ginagawa at sinasabi.”
13. Ano ang maaaring kalakip sa regular na panahon ng pagtuturo?
13 Upang matulungan ang mga munting bata na maunawaan ang tubig ng katotohanan sa Bibliya, maaaring ilakip ng mga magulang sa regular na panahon ng pagtuturo ang maraming praktikal na bagay. Ganito ang sabi ng mga magulang ng dalawang hindi pa tumutuntong sa pagkatin-edyer: “Ang dalawang bata ay sinimulang sanayin na maupong tahimik sa Kingdom Hall mga ilang linggo pa lamang pagkasilang nila.” Inilarawan ng isang ama kung ano ang ginawa ng kaniyang pamilya: “Itinala namin ang lahat ng aklat sa Bibliya sa mga index card at nagsanay na ayusin ang mga ito nang sunud-sunod, anupat lahat kami ay may kani-kaniyang pagkakataon. Laging nasasabik ang mga bata sa paggawa nito.” Sa maraming pamilya ay kasali ang maikling yugto ng pagtuturo alinman bago o pagkatapos kumain. Ganito ang sabi ng isang ama: “Ang hapunan ay isang mainam na panahon para sa amin upang talakayin ang pang-araw-araw na teksto.”
14. (a) Sa anong kapaki-pakinabang sa espirituwal na mga gawain maaaring makibahagi kasama ng mga bata? (b) Anong potensiyal sa pagkatuto ang taglay ng mga anak?
14 Nasisiyahan din ang mga bata sa pakikinig sa buháy na buháy na mga salaysay sa Bibliya sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.a “Nang nasa murang edad pa ang mga bata,” sabi ng isang mag-asawa, “sasaklawin ang isang leksiyon sa aklat na Mga Kuwento sa Bibliya, at pagkatapos ang mga bata ay magsusuot ng kostiyum at gagampanan ang mga papel sa anyo ng isang munting dula. Gustung-gusto nila ito at madalas na iginigiit na gumawa ng mahigit sa isang kuwento bawat pag-aaral.” Huwag maliitin ang potensiyal ng inyong mga anak na matuto! May mga batang apat na taong gulang na nakapagsaulo ng buong mga kabanata ng aklat na Mga Kuwento sa Bibliya at natuto pa man ding bumasa ng Bibliya! Natandaan ng isang kabataan na noong siya’y mga tatlo at kalahating taong gulang, paulit-ulit niyang binibigkas nang may kamalian ang “hudisyal na mga pasiya,” ngunit pinasisigla siya ng kaniyang ama na patuloy na magsanay.
15. Anong mga bagay ang maaaring ilakip sa pakikipag-usap sa mga anak, at ano ang ebidensiya na mahalaga ang gayong mga pag-uusap?
15 Ang mga sesyon kasama ng inyong maliliit na anak ay maaari ring gamitin upang ihanda sila sa pamamahagi sa iba ng tubig ng katotohanan, tulad sa pagkokomento sa mga pulong. (Hebreo 10:24, 25) “Sa mga panahon ng aming pagsasanay, kailangang magkomento ako sa sariling pananalita,” naalala ng isang kabataan. “Hindi ako pinapayagang magbasa lamang nang hindi nakauunawa.” Karagdagan, maaaring sanayin ang mga anak na magkaroon ng makabuluhang bahagi sa ministeryo sa larangan. Ganito ang paliwanag ng isang babaing pinalaki ng mga magulang na may takot sa Diyos: “Kailanman ay hindi kami naging mga saling-pusa na sumasama lamang sa aming mga magulang sa kanilang gawain. Alam namin na mayroon kaming bahagi, kahit na iyon ay pagtimbre lamang sa pinto at pag-iiwan ng pulyeto. Sa pamamagitan ng masusing paghahanda bago ang mga gawain sa bawat dulo ng sanlinggo, alam namin kung ano ang sasabihin. Hindi kami kailanman gumising sa umaga ng isang Sabado na nagtatanong kung sasama kami sa ministeryo. Alam namin na sasama kami.”
16. Bakit mahalaga ang pagiging regular sa pagdaraos ng pampamilyang pag-aaral kasama ng mga anak?
16 Ang pangangailangan sa regular na paglalaan sa mga bata ng tubig ng katotohanan sa Bibliya ay totoong dapat na ipakadiin, na nangangahulugang napakahalaga ang lingguhang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Sinabi ng isang amang may dalawang anak na “ang isang pangunahing salik sa pag-inis sa mga anak ay yaong pagiging pabagu-bago.” (Efeso 6:4) Sinabi niya: “Pumili kaming mag-asawa ng araw at oras at palagiang idinaos ang pampamilyang pag-aaral sa iskedyul na iyon. Hindi nagtagal bago nasanay ang mga bata sa oras na iyon.” Mahalaga ang lahat ng gayong pagsasanay mula sa pagkasanggol, kasuwato ng bukambibig na, ‘Ayon sa pagkahubog ng murang sanga, ganoon lumalaki ang puno.’
17. Ano ang kasinghalaga ng paglalaan sa mga bata ng katotohanan sa Bibliya?
17 Napakahalaga ang paglalaan sa mga bata ng katotohanan sa Bibliya, ngunit gayundin kahalaga ang halimbawa ng mga magulang. Nakikita ba ng inyong mga anak na kayo’y nag-aaral, regular na dumadalo sa mga pulong, nakikibahagi sa ministeryo sa larangan, oo, nakasusumpong ng kaluguran sa paggawa ng kalooban ni Jehova? (Awit 40:8) Napakahalaga na nakikita nila. Kapansin-pansin, ganito ang sabi ng isang anak na babae tungkol sa kaniyang ina, na nagtiis sa pagsalansang ng kaniyang asawa at nakapagpalaki ng anim na mga anak na naging tapat na mga Saksi: “Ang lubhang hinangaan namin ay ang sariling halimbawa ni Inay—mas malakas mangusap iyon kaysa sa mga salita.”
Paglalaan ng Proteksiyon sa Maliliit na Anak
18. (a) Paano mailalaan ng mga magulang sa mga anak ang proteksiyon na kailangan nila? (b) Anong uri ng pagtuturo ang natamo ng maliliit na anak sa Israel tungkol sa mga sangkap ng katawan sa pag-aanak?
18 Kung paanong laging nangangailangan ang mga murang usbong ng proteksiyon mula sa mapanganib na mga peste, sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay, nangangailangan ng proteksiyon ang maliliit na anak mula sa “mga taong balakyot.” (2 Timoteo 3:1-5, 13) Paano mailalaan ng mga magulang ang proteksiyong ito? Sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na magtamo ng banal na karunungan! (Eclesiastes 7:12) Iniutos ni Jehova sa mga Israelita—kasali na ang kanilang “maliliit na anak”—na makinig habang binabasa ang kaniyang Batas, na dito’y kalakip ang pagpapakilala ng wasto at di-wastong seksuwal na paggawi. (Deuteronomio 31:12; Levitico 18:6-24) Paulit-ulit na binanggit ang tungkol sa mga bahagi ng katawan sa pag-aanak, pati na ang “testicles” (bayag) at “ari.” (Levitico 15:1-3, 16; 21:20; 22:24; Bilang 25:8; Deuteronomio 23:10) Dahil sa labis na kasamaan ng sanlibutan sa ngayon, kailangang malaman ng mga bata ang wasto at di-wastong paggamit ng gayong mga bahagi ng katawan na kabilang sa mga nilalang na tinawag ng Diyos na “napakabuti.”—Genesis 1:31; 1 Corinto 12:21-24.
19. Ano ang angkop na pagtuturo sa mga bata tungkol sa pribadong mga bahagi ng kanilang katawan?
19 Dapat sana ay magkasamang ipakikilala sa bata ng mga magulang, o ng bawat mayor-de-edad na tagapag-alaga, ang mga pribadong bahagi ng katawan nito. Pagkatapos ay ipaliliwanag nila na ang mga bahaging ito ay hindi dapat hipuin ng ibang tao. Yamang madalas na sinusubukan ng mga mapang-abuso sa bata kung paano tumutugon ang mga bata sa mga tusong mungkahi sa sekso, dapat na turuan ang anak na tumangging matatag at magsabi, “Isusumbong kita!” Ituro sa inyong mga anak na dapat na lagi nilang isumbong ang sinuman na nagtatangkang hipuin sila sa paraang naaasiwa sila, kahit na takutin pa sila.
Ilaan ang Maibiging Disiplina
20. (a) Paanong ang disiplina ay katulad ng pagputol ng mga sanga? (b) Ano ang epekto sa simula ng disiplina, ngunit ano ang resulta?
20 Nakikinabang ang mga bata sa maibiging disiplina, gaya ng isang punungkahoy na pinupungusan. (Kawikaan 1:8, 9; 4:13; 13:1) Kapag pinutol ang di-kanais-nais na mga sanga, sumisigla ang pag-usbong ng iba. Kaya kung ang inyong mga anak ay nagtutuon ng higit na pansin sa materyal na mga pag-aari o nahihilig sa masasamang kasama o di-mabuting libangan, ang mga maling hilig na ito ay tulad ng mga sanga na kailangang putulin. Kung aalisin ang mga ito, matutulungan ang inyong mga anak na sumulong sa espirituwal na landasin. Sa simula ay waring hindi kalugud-lugod ang gayong disiplina, kung paanong maaaring masaktan ang isang punungkahoy na pinupungusan. Ngunit ang mainam na resulta ng disiplina ay ang panibagong paglago sa direksiyon na ibig ninyong tahakin ng inyong anak.—Hebreo 12:5-11.
21, 22. (a) Ano ang nagpapakita na hindi nakalulugod ang paglalapat ni ang pagtanggap ng disiplina? (b) Bakit hindi dapat ipagkait ng mga magulang ang paglalapat ng disiplina?
21 Talagang maliwanag na hindi nakalulugod na maglapat o tumanggap ng disiplina. “Malaki ang panahong ginugugol ng aking anak na lalaki kasama ang isang kabataan na ayon sa matatanda ay hindi mabuting kasama,” sabi ng isang ama. “Dapat sana’y kumilos ako agad. Bagaman hindi nasangkot ang aking anak sa tahasang masamang gawa, matagal bago naituwid ang kaniyang pag-iisip.” Sinabi ng anak: “Nang ako’y ilayo sa aking pinakamatalik na kaibigan, nanlumo ako.” Subalit idinugtong niya: “Iyon ay mabuting desisyon, dahil di-nagtagal siya ay natiwalag.”
22 “Ang mga saway ng disiplina ay daan ng buhay,” sabi ng Salita ng Diyos. Kaya gaano man kahirap ilapat ang disiplina, huwag ipagkait iyon sa inyong mga anak. (Kawikaan 6:23; 23:13; 29:17) Pagsapit ng panahon, pasasalamatan nila ang pagtutuwid ninyo sa kanila. “Natatandaan kong galit na galit ako sa aking mga magulang nang ako’y disiplinahin,” nagunita ng isang kabataan. “Ngayon ay lalo akong magagalit kung hindi ako dinisiplina nang gayon ng aking mga magulang.”
Sulit ang Gantimpala sa Pagsisikap
23. Bakit sulit ang lahat ng pagsisikap na mag-ukol ng maibiging atensiyon sa mga kabataan?
23 Walang alinlangan, ang mga anak na kinalulugdan ng mga magulang, gayundin ng iba, ay bunga ng saganang maibiging atensiyon sa araw-araw. Gayunman, lahat ng pagsisikap na iniukol sa kanila—maging sila man ay likas o espirituwal na mga anak—ay sulit sa gantimpala na maaaring tamasahin. Ipinakita ito ng may edad nang si apostol Juan nang isulat niya: “Wala na akong mas dakila pang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.”—3 Juan 4.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang kailangan kapuwa ng mga murang usbong at ng mga anak upang maging kapuri-puri?
◻ Paano, sa diwa, magsisilbing mabibisang tulos ng pagsasanay ang mga magulang?
◻ Ano ang maaaring ilakip sa mga sesyon ng pagtuturo sa mga bata, at ano ang dapat na matutuhan nilang tanggihan?
◻ Paano kapaki-pakinabang sa isang anak ang disiplina, gaya ng isang punungkahoy na pinupungusan?
[Picture Credit Line sa pahina 10]
Sa kagandahang-loob ng Green Chimney’s Farm