IKALIMANG KABANATA
Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol
1, 2. Kanino hihingi ng tulong ang mga magulang sa pagpapalaki sa kanilang mga anak?
“ANG mga anak ay isang mana mula kay Jehova,” ang bulalas ng isang nagpapahalagang magulang mga 3,000 taon ang nakalilipas. (Awit 127:3) Tunay, ang kagalakan ng pagiging magulang ay isang napakahalagang gantimpala mula sa Diyos, isang gantimpalang bukás para sa karamihan ng mga may asawa. Gayunman, agad napagtatanto ng mga may anak na kasabay ng kagalakan, ang pagiging magulang ay may kaakibat ding pananagutan.
2 Lalo na sa ngayon, ang pagpapalaki sa mga anak ay isang napakabigat na tungkulin. Gayunman, napagtagumpayan na ito ng marami, at itinuturo ng kinasihang salmista ang paraan, sa pagsasabing: “Malibang si Jehova ang nagtatayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagpapagal ng mga nagtayo nito.” (Awit 127:1) Habang sinusunod mong mabuti ang mga tagubilin ni Jehova, lalo kang nagiging mabuting magulang. Sabi ng Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.” (Kawikaan 3:5) Handa ka bang makinig sa mga payo ni Jehova habang sinisimulan mo ang iyong 20-taóng proyekto ng pagpapalaki sa anak?
PAGTANGGAP SA PANGMALAS NG BIBLIYA
3. Anong pananagutan ang taglay ng mga ama sa pagpapalaki ng mga anak?
3 Sa maraming tahanan sa buong daigdig, itinuturing ng mga lalaki na ang pagsasanay sa anak ay tungkulin lamang ng babae. Totoo, tinutukoy ng Salita ng Diyos na ang papel ng ama ay bilang pangunahing tagapaghanapbuhay. Gayunman, sinasabi rin nito na siya’y may pananagutan din sa tahanan. Sabi ng Bibliya: “Ihanda mo ang iyong gawain sa labas, at ihanda ito para sa iyong sarili sa bukid. Pagkatapos ay dapat mo ring itayo ang iyong sambahayan.” (Kawikaan 24:27) Sa pananaw ng Diyos, ang mga ama at mga ina ay magkatuwang sa pagsasanay ng anak.—Kawikaan 1:8, 9.
4. Bakit hindi natin dapat malasin na mas nakahihigit ang mga anak na lalaki kaysa sa mga babae?
4 Papaano mo minamalas ang iyong mga anak? Sinasabi ng ulat na sa Asia ay “hindi ikinatutuwa ang mga sanggol na babae.” Ang pag-ayaw sa mga batang babae ay iniulat na umiiral pa rin sa Latin Amerika, maging sa “mga may-kabatirang pamilya.” Ngunit ang totoo, ang mga batang babae ay hindi segunda-klaseng mga anak. Si Jacob, isang kilalang ama noong sinaunang panahon, ay naglarawan sa lahat ng kaniyang mga anak, kasali na ang sinumang anak na babae na ipinanganak hanggang sa panahong iyon, bilang “mga anak na ipinagkaloob ng Diyos [sa akin].” (Genesis 33:1-5; 37:35) Gayundin naman, pinagpala ni Jesus ang lahat “ng maliliit na bata” (lalaki at babae) na dinala sa kaniya. (Mateo 19:13-15) Makatitiyak tayo na taglay niya ang pangmalas ni Jehova.—Deuteronomio 16:14.
5. Ano ang mga dapat isaalang-alang na uugit sa pagpapasiya ng mag-asawa sa magiging laki ng kanilang pamilya?
5 Inaasahan ba sa inyong komunidad na ang isang babae ay dapat manganak ng marami hangga’t maaari? Nararapat lamang na ipaubaya sa mag-asawa ang pagpapasiya kung ilan ang gusto nilang maging anak. Papaano kung walang kakayahan ang mga magulang na pakanin, paramtan, at pag-aralin ang maraming anak? Walang-alinlangan, nararapat lamang na isaalang-alang ito ng mag-asawa kapag pinagpapasiyahan ang magiging laki ng kanilang pamilya. May ilang mag-asawa na ipinagkakatiwala sa mga kamag-anak ang pananagutan ng pagpapalaki sa ilan nilang mga anak dahil sa kawalan ng kakayahang masuportahan ang lahat. Kanais-nais ba ang kagawiang ito? Hindi. At hindi ito nag-aalis ng obligasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sabi ng Bibliya: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Ang mga responsableng mag-asawa ay nagsisikap na isaplano ang magiging laki ng kanilang “sambahayan” nang sa gayon ay ‘nakapaglalaan para doon sa mga sariling kanila.’ Maaari ba silang magkontrol sa pag-aanak upang magawa ito? Iyan ay personal na desisyon din, at kung napagpasiyahan ng mag-asawa na gawin ito, ang pagpili ng kontraseptibo ay isa ring personal na bagay. “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:5) Gayunman, salungat sa mga simulain ng Bibliya ang pangkontrol sa pag-aanak na nagsasangkot sa anumang paraan ng pagpapalaglag. Ang Diyos na Jehova “ang pinagmumulan ng buhay.” (Awit 36:9) Kung gayon, ang pagkitil ng buhay matapos na ito’y ipaglihi ay pagpapakita ng matinding paglapastangan kay Jehova at para na ring sinadya ang pagpatay.—Exodo 21:22, 23; Awit 139:16; Jeremias 1:5.
SAPATAN ANG PANGANGAILANGAN NG IYONG ANAK
6. Kailan dapat magsimula ang pagsasanay sa anak?
6 Sabi ng Kawikaan 22:6: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran.” Ang pagsasanay sa mga anak ay isa pang pangunahing tungkulin ng mga magulang. Kung gayon, kailan dapat magsimula ang pagsasanay na iyan? Sa napakaagang panahon. Binanggit ni apostol Pablo na si Timoteo ay sinanay “mula sa pagkasanggol.” (2 Timoteo 3:15) Ang salitang Griego na ginamit dito ay maaaring tumukoy sa isang maliit na sanggol o maging sa isang di pa naipanganganak na bata. (Lucas 1:41, 44; Gawa 7:18-20) Kaya nga, tumanggap si Timoteo ng pagsasanay nang siya’y napakabata pa—at siya namang tama. Ang pagkasanggol ang pinakatamang panahon upang pasimulan ang pagsasanay sa bata. Ang maliit na sanggol man ay nauuhaw sa kaalaman.
7. (a) Bakit mahalaga na ang kapuwa mag-asawa ay magkaroon ng malapít na kaugnayan sa sanggol? (b) Anong kaugnayan ang umiral sa pagitan ni Jehova at ng kaniyang bugtong na Anak?
7 “Nang una kong mapagmasdan ang aking anak,” sabi ng isang ina, “nadama ko agad ang pagmamahal sa kaniya.” Gayundin ang karamihan sa mga ina. Ang madamdaming ugnayang iyan ng pagkagiliw sa pagitan ng mag-ina ay tumitindi habang sila’y gumugugol ng panahon na magkasama pagkatapos ng pagsisilang. Ang pagpapasuso ay nakatutulong sa ugnayang iyan. (Ihambing ang 1 Tesalonica 2:7.) Ang paghaplos at pakikipag-usap ng ina sa kaniyang anak ay napakahalaga upang masapatan ang emosyonal na pangangailangan ng sanggol. (Ihambing ang Isaias 66:12.) Ngunit kumusta naman ang ama? Siya man ay dapat magkaroon ng malapit na kaugnayan sa kaniyang kasisilang na anak. Si Jehova mismo ay isang halimbawa nito. Sa aklat ng Kawikaan, natututuhan natin ang kaugnayan ni Jehova sa kaniyang bugtong na Anak, na ipinakikilala sa pagsasabi: “Si Jehova mismo ang gumawa sa akin bilang pasimula ng kaniyang lakad . . . Ako ang naging isa na tanging kinagigiliwan niya sa araw-araw.” (Kawikaan 8:22, 30; Juan 1:14) Sa gayunding paraan, pinagyayaman ng isang mabuting ama ang isang mainit, mapagmahal na kaugnayan sa kaniyang anak sa pagpapasimula pa lamang ng buhay ng bata. “Busugin mo sila sa pagmamahal,” sabi ng isang magulang. “Walang batang namatay kailanman dahil sa mga yakap at halik.”
8. Anong pangganyak sa kaisipan ang dapat ibigay ng mga magulang sa mga sanggol sa pinakamaagang panahon hangga’t maaari?
8 Ngunit higit pa ang kailangan ng mga sanggol. Mula sa sandali ng pagsilang, ang kanilang utak ay handa nang tumanggap at mag-imbak ng impormasyon, at ang mga magulang ang pangunahing pinagmumulan nito. Kuning halimbawa ang wika. Sinasabi ng mga mananaliksik na ang kakayahan ng isang bata na makapagsalita at makabasa ay “ipinalalagay na may malaking kaugnayan sa paraan ng maagang ugnayan nila ng kaniyang mga magulang.” Kausapin at basahan ang iyong anak mula sa pagkasanggol patuloy. Di-magtatagal at gagayahin ka niya, at sa madaling panahon tuturuan mo na siyang bumasa. Malamang, makababasa na siya bago pa man pumasok sa paaralan. Iyan ay lalo nang makatutulong kung kayo ay nakatira sa isang bansang kakaunti ang mga guro at siksikan ang mga silid-aralan.
9. Anong pinakamahalagang tunguhin ang dapat tandaan ng mga magulang?
9 Ang pinakapangunahing tungkulin ng Kristiyanong mga magulang ay ang masapatan ang espirituwal na pangangailangan ng kanilang anak. (Tingnan ang Deuteronomio 8:3.) Taglay ang anong tunguhin? Ang matulungan ang kanilang anak upang magkaroon ng tulad-Kristong personalidad, sa ibang pananalita, upang magbihis ng “bagong personalidad.” (Efeso 4:24) Sa paggawa nito ay kakailanganin nila ang wastong materyales sa pagtatayo at wastong paraan ng pagtatayo.
IKINTAL ANG KATOTOHANAN SA IYONG ANAK
10. Anong mga katangian ang dapat taglayin ng mga anak?
10 Ang kalidad ng isang gusali sa kalakhan ay depende sa uri ng materyales na ginamit sa pagtatayo. Sinabi ni apostol Pablo na ang pinakamagaling na materyales sa pagtatayo ng Kristiyanong personalidad ay “ginto, pilak, mahahalagang bato.” (1 Corinto 3:10-12) Ang mga ito’y sumasagisag sa mga katangiang gaya ng pananampalataya, karunungan, kaunawaan, katapatan, paggalang, at maibiging pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang mga batas. (Awit 19:7-11; Kawikaan 2:1-6; 3:13, 14) Papaano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak mula sa kamusmusan upang taglayin ang mga katangiang ito? Sa pamamagitan ng pagsunod sa isang kaayusan na binalangkas noong unang panahon.
11. Papaano tinulungan ng mga magulang na Israelita ang kanilang mga anak sa pagkakaroon ng maka-Diyos na personalidad?
11 Di pa natatagalan bago pumasok sa Lupang Pangako ang bansang Israel, sinabihan ni Jehova ang mga magulang na Israelita: “Ang mga salitang ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay dapat na mapatunayang nasa iyong puso; at dapat mong ikintal ang mga ito sa isipan ng iyong anak at salitain ang mga ito kapag ikaw ay nauupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” (Deuteronomio 6:6, 7) Oo, ang mga magulang ay dapat na maging mga halimbawa, kasama, kausap, at guro.
12. Bakit mahalaga na maging mabuting halimbawa ang mga magulang?
12 Maging halimbawa. Una, sinabi ni Jehova: “Ang mga salitang ito . . . ay dapat na mapatunayang nasa iyong puso.” Saka, idinagdag niya: “Dapat mong ikintal ang mga ito sa isipan ng iyong anak.” Kaya ang maka-Diyos na mga katangiang ito ay dapat na nasa puso muna ng magulang. Dapat na ibigin ng magulang ang katotohanan at mamuhay alinsunod doon. Sa gayong paraan lamang niya maaabot ang puso ng anak. (Kawikaan 20:7) Bakit? Sapagkat ang mga bata ay higit na naiimpluwensiyahan sa kanilang nakikita kaysa sa kanilang naririnig.—Lucas 6:40; 1 Corinto 11:1.
13. Sa pagbibigay ng atensiyon sa kanilang mga anak, papaano matutularan ng mga Kristiyanong magulang ang halimbawa ni Jesus?
13 Maging kasama. Sinabi ni Jehova sa mga magulang sa Israel: ‘Makipag-usap sa iyong mga anak kapag ikaw ay nauupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan.’ Ito’y nangangahulugan ng paggugol ng panahon na kasama ng mga anak gaano man kaabalá ang mga magulang. Maliwanag na nadama ni Jesus na nararapat pag-ukulan ng kaniyang panahon ang mga bata. Sa huling mga araw ng kaniyang ministeryo, “ang mga tao ay nagpasimulang magdala sa kaniya ng maliliit na bata upang mahipo niya ang mga ito.” Ano ang reaksiyon ni Jesus? “Kinuha niya ang mga bata sa kaniyang mga bisig at pinasimulang pagpalain sila.” (Marcos 10:13, 16) Gunigunihin lamang, palapít na nang palapít ang mga huling sandali ng buhay ni Jesus. Magkagayon man, nagbigay pa rin siya ng kaniyang panahon at atensiyon sa mga batang ito. Anong inam na aral!
14. Bakit kapaki-pakinabang sa mga magulang na gumugol ng panahon kasama ng kanilang anak?
14 Maging kausap. Ang paggugol ng panahon na kasama ng iyong anak ay tutulong sa iyo na makipag-usap sa kaniya. Habang lagi kang nakikipag-usap, lalo mong nauunawaan kung papaano nahuhutok ang kaniyang personalidad. Gayunman, tandaan mo na ang pakikipag-usap ay higit pa sa basta pagsasalita lamang. “Kinailangan kong paunlarin ang sining ng pakikinig,” sabi ng isang ina sa Brazil, “pakikinig nang taimtim mula sa puso.” Nagbunga ang kaniyang pagtitiyaga nang magsimulang ipagtapat sa kaniya ng kaniyang anak na lalaki ang kaniyang nadarama.
15. Ano ang laging dapat na isaisip kung tungkol sa paglilibang?
15 Kailangan ng mga anak ang “panahon upang tumawa . . . at panahon upang maglulukso,” panahon para maglibang. (Eclesiastes 3:1, 4; Zacarias 8:5) Nagiging kapaki-pakinabang ang paglilibang kapag ito’y magkasamang ginagawa ng mga magulang at mga anak. Nakalulungkot sabihin na ang paglilibang sa maraming tahanan ay ang panonood ng telebisyon. Bagaman ang ilang programa sa telebisyon ay maaaring nakawiwili, marami rito ang sumisira ng mabubuting asal, at ang panonood ng telebisyon ay nakapipigil sa pag-uusap ng pamilya. Kung gayon, bakit hindi gumawa ng ilang bagay na kapaki-pakinabang kasama ng iyong mga anak? Umawit, maglaro, makisalamuha sa mga kaibigan, pumasyal sa mga nakawiwiling lugar. Ang ganitong mga gawain ay nagbibigay-daan sa pag-uusap.
16. Ano ang dapat ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak tungkol kay Jehova, at papaano nila ito dapat isagawa?
16 Maging guro. “Dapat mong ikintal [ang mga salitang ito] sa iyong anak,” sabi ni Jehova. Sinasabi sa iyo ng konteksto kung ano ang ituturo at kung papaano ito ituturo. Una, “dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong puwersa ng lakas mo.” (Deuteronomio 6:5) Pagkatapos, “ang mga salitang ito . . . ay dapat mong ikintal.” Magturo sa layuning mapaunlad ang buong-kaluluwang pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang mga batas. (Ihambing ang Hebreo 8:10.) Ang salitang “ikintal” ay nangangahulugang ituro sa pamamagitan ng pagpapaulit-ulit. Kaya si Jehova, sa diwa, ay nagsasabi sa iyo na ang pangunahing paraan upang matulungan ang iyong mga anak na magtaglay ng maka-Diyos na personalidad ay ang ipakipag-usap ang tungkol sa kaniya nang patuluyan. Kabilang dito ang pagkakaroon ng regular na pakikipag-aral ng Bibliya sa kanila.
Mga magulang, maging mga halimbawa, mga kasama, mga kausap, at mga guro
17. Ano ang baka kailanganing paunlarin ng mga magulang sa kanilang anak? Bakit?
17 Ang karamihan sa mga magulang ay nakaaalam na ang paglalagay ng impormasyon sa puso ng bata ay hindi madali. Hinimok ni apostol Pedro ang kapuwa niya mga Kristiyano: “Gaya ng mga sanggol na bagong-silang, magkaroon kayo ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita.” (1 Pedro 2:2) Ang pananalitang “magkaroon ng pananabik” ay nagpapahiwatig na marami ang hindi likas na nakadarama ng pagkagutom sa espirituwal na pagkain. Baka kailanganin ng mga magulang na gumawa ng paraan upang mapaunlad ng kanilang anak ang pananabik na iyan.
18. Pinasisigla ang mga magulang na tularan ang anu-anong paraan ng pagtuturo ni Jesus?
18 Naabot ni Jesus ang puso sa pamamagitan ng paggamit ng mga ilustrasyon. (Marcos 13:34; Lucas 10:29-37) Ang paraan ng pagtuturong ito ay lalo nang mabisa sa mga bata. Ituro ang mga simulain ng Bibliya sa pamamagitan ng paggamit ng buháy na buháy, kawili-wiling mga kuwento, marahil yaong masusumpungan sa publikasyong Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.a Isali mo ang mga bata. Hayaan mong magamit nila ang kanilang pagkamalikhain sa pagguhit ng larawan at pagsasadula ng mga pangyayari sa Bibliya. Gumamit din si Jesus ng mga tanong. (Mateo 17:24-27) Tularan mo ang kaniyang paraan sa panahon ng inyong pampamilyang pag-aaral. Sa halip na basta sabihin lamang ang isang batas ng Diyos, itanong mo ang gaya ng, Bakit ibinigay ni Jehova sa atin ang batas na ito? Ano ang mangyayari kung susundin natin ito? Ano ang mangyayari kung hindi natin ito susundin? Ang ganitong mga tanong ay tutulong sa bata na mangatuwiran at makitang ang mga batas ng Diyos ay praktikal at mabuti.—Deuteronomio 10:13.
19. Kung susundin ng mga magulang ang mga simulain ng Bibliya sa pakikitungo sa kanilang mga anak, anong malalaking bentaha ang tatamasahin ng mga anak?
19 Sa pamamagitan ng pagiging isang halimbawa, kasama, kausap, at guro, matutulungan mo ang iyong anak mula sa mga taon ng kaniyang kamusmusan na magkaroon ng malapít na personal na kaugnayan sa Diyos na Jehova. Ang kaugnayang ito ay magpapasigla sa iyong anak na maging maligaya bilang Kristiyano. Magsisikap siya na mamuhay ayon sa kaniyang pananampalataya kahit mapaharap sa panggigipit ng mga kaedad at sa mga tukso. Palagi mo siyang tulungan na pagyamanin ang napakahalagang kaugnayang ito.—Kawikaan 27:11.
KAILANGANG-KAILANGAN ANG DISIPLINA
20. Ano ang disiplina, at papaano ito dapat isagawa?
20 Ang disiplina ay pagsasanay na nagtutuwid ng isip at puso. Palagi nang kailangan ito ng mga anak. Pinapayuhan ni Pablo ang mga ama na “patuloy na palakihin [ang kanilang mga anak] sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ang mga magulang ay dapat na dumisiplina taglay ang pag-ibig, gaya ng ginagawa mismo ni Jehova. (Hebreo 12:4-11) Ang disiplinang nakasalig sa pag-ibig ay maaaring isagawa sa pamamagitan ng pangangatuwiran. Kaya naman, tayo’y sinabihang “makinig sa disiplina.” (Kawikaan 8:33) Papaano dapat ibigay ang disiplina?
21. Anong mga simulain ang dapat tandaan ng mga magulang kapag dinidisiplina ang kanilang mga anak?
21 Inaakala ng ilang magulang na ang pagdidisiplina sa kanilang mga anak ay basta na lamang ang sigawán sila, pagalitan, o insultuhin pa nga. Gayunman, tungkol sa paksa ring ito, nagbabala si Pablo: “Kayo, mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak.” (Efeso 6:4) Lahat ng Kristiyano ay hinihimok na maging “banayad sa lahat . . . nagtuturo nang may kahinahunan doon sa mga hindi nakahilig sa pagsang-ayon.” (2 Timoteo 2:24, 25) Ang mga Kristiyanong magulang, bagaman kinikilala ang pangangailangang maging matatag, ay hindi nakalilimot sa mga salitang ito kapag dumidisiplina sa kanilang mga anak. Gayunman, kung minsan ay hindi sapat ang pangangatuwiran lamang, at maaaring mangailangan ng ilang anyo ng pagpaparusa.—Kawikaan 22:15.
22. Kung kailangang parusahan ang isang bata, ano ang dapat na sikaping ipaunawa sa kaniya?
22 Ang iba’t ibang bata ay nangangailangan ng iba’t ibang uri ng disiplina. Ang ilan ay hindi “naitutuwid ng mga salita lamang.” Para sa kanila, ang manaka-nakang pagpaparusa dahil sa pagsuway ay maaaring makapagligtas-buhay. (Kawikaan 17:10; 23:13, 14; 29:19) Gayunman, dapat maunawaan ng bata kung bakit siya pinarurusahan. “Ang pamalo at saway ay nagbibigay ng karunungan.” (Kawikaan 29:15; Job 6:24) Bukod doon, may mga limitasyon ang pagpaparusa. “Kailangan kong lapatan ka ng parusa sa wastong antas,” sabi ni Jehova sa kaniyang bayan. (Jeremias 46:28b) Ang Bibliya kailanman ay hindi sumasang-ayon sa nanggagalaiting paghagupit o malalakas na pagpalo, na nag-iiwan ng pasâ at sugat pa nga sa anak.—Kawikaan 16:32.
23. Ano ang dapat maunawaan ng isang anak kapag siya’y pinarurusahan ng kaniyang mga magulang?
23 Nang babalaan ni Jehova ang kaniyang bayan na sila’y didisiplinahin niya, sinabi muna niya: “Huwag kang matakot . . . sapagkat ako’y sasaiyo.” (Jeremias 46:28a) Gayundin naman, ang disiplina ng magulang, sa anumang wastong paraan, ay hindi dapat mag-iwan sa bata ng damdamin na siya’y hindi na mahal. (Colosas 3:21) Sa halip, dapat madama ng bata na ang disiplina ay inilapat dahil ang magulang ay ‘sumasakaniya,’ anupat nasa panig niya.
INGATANG HUWAG MASAKTAN ANG IYONG ANAK
24, 25. Ano ang isang nagbabantang panganib na doo’y kailangang ipagsanggalang ang mga anak sa panahong ito?
24 Maraming mga nasa hustong gulang na ang muling umaalaala sa kanilang kabataan bilang isang nakatutuwang panahon. Naaalaala nila ang panatag na damdamin ng pagiging ligtas, ang katiyakan na sila’y pangangalagaan ng kanilang mga magulang anuman ang mangyari. Ibig ng mga magulang na ganiyan ang madama ng kanilang mga anak, subalit sa lumulubhang daigdig sa ngayon, higit na mahirap kaysa rati na maingatang ligtas ang mga anak.
25 Ang isang nagbabantang panganib na naging palasak nitong nakalipas na mga taon ay ang seksuwal na pagmomolestiya sa mga bata. Sa Malaysia, dumami nang apat na ulit ang pagmomolestiya sa bata sa nakalipas na sampung taon. Sa Alemanya, mga 300,000 bata ang seksuwal na inaabuso taun-taon, samantalang sa isang bansa sa Timog Amerika, ayon sa isang masusing pag-aaral, ang tinatayang taunang dami nito ay umabot sa nakagugulat na bilang na 9,000,000! Nakalulunos isipin, karamihan sa mga batang ito ay minolestiya sa kanilang sariling tahanan ng mga taong kilala nila at pinagkakatiwalaan. Subalit ang mga anak ay dapat magkaroon ng matibay na depensa mula sa kanilang mga magulang. Papaano nagiging sanggalang ang mga magulang?
26. Ano ang ilang paraan upang mapanatiling ligtas ang mga bata, at papaano naipagsasanggalang ng kaalaman ang isang anak?
26 Yamang ipinakikita ng karanasan na ang mga batang walang gaanong nalalaman tungkol sa sekso ang lalo nang napakadaling salakayin ng mga molestiyador ng bata, ang isang pangunahing hakbang upang makaiwas ay ang turuan ang mga bata, kahit siya’y musmos pa. Ang kaalaman ay nagiging sanggalang “sa daan ng kasamaan, sa taong nagsasalita ng masasamang bagay.” (Kawikaan 2:10-12) Anong kaalaman? Kaalaman sa mga simulain ng Bibliya, kung ano ang tama at mali sa moral. Kaalaman din na ang ilang may-edad na ay gumagawa ng masasamang bagay at na ang mga kabataan ay hindi kailangang sumunod kapag may mga taong nagmumungkahi ng di-angkop na mga pagkilos. (Ihambing ang Daniel 1:4, 8; 3:16-18.) Huwag mong limitahan ang gayong pagtuturo sa minsanang pag-uusap. Para sa karamihan ng mga batang musmos, kailangang ulit-ulitin ang isang leksiyon bago ito lubusang matandaan. Habang lumalaki ang mga bata, maibiging igagalang ng ama ang pribadong karapatan ng kaniyang anak na babae at igagalang naman ng ina ang sa anak na lalaki—anupat napatitibay ang pang-unawa ng anak sa kung ano ang wasto. At, mangyari pa, ang isa sa pinakamabuting sanggalang laban sa pang-aabuso ay ang mabuting pangangasiwa ninyo bilang mga magulang.
HANAPIN ANG BANAL NA PATNUBAY
27, 28. Sino ang pinakadakilang Pinagmumulan ng tulong kapag kinakaharap nila ang hamon ng pagpapalaki sa anak?
27 Tunay, ang pagsasanay sa anak mula sa pagkasanggol ay isang hamon, subalit ang sumasampalatayang mga magulang ay hindi kailangang humarap sa hamon nang nag-iisa. Noong panahon ng mga Hukom, nang mapag-alaman ng isang lalaking nagngangalang Manoa na siya’y magiging isang ama, humiling siya kay Jehova ng patnubay sa pagpapalaki sa kaniyang anak. Sinagot ni Jehova ang kaniyang mga panalangin.—Hukom 13:8, 12, 24.
28 Gayundin sa ngayon, sa pagpapalaki ng mga sumasampalatayang magulang sa kanilang mga anak, maaari rin silang makipag-usap kay Jehova sa panalangin. Ang pagiging magulang ay mahirap na tungkulin, ngunit may mga dakilang gantimpala. Isang mag-asawang Kristiyano sa Hawaii ang nagsabi: “Mayroon kang 12 taon upang tapusin ang iyong tungkulin bago ang mapanganib na mga taóng iyon ng pagiging tin-edyer. Ngunit kung ikaw ay nagsikap na mabuti sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, panahon na ito upang anihin ang kagalakan at kapayapaan kapag sila’y nagpasiyang maglingkod kay Jehova mula sa puso.” (Kawikaan 23:15, 16) Kapag nagpasiya ng ganiyan ang iyong anak, ikaw man ay mauudyukang bumulalas: “Ang mga anak ay isang mana mula kay Jehova.”
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.