JOSEB-BASEBET
Ang pangulo ng tatlong pinakanamumukod-tanging makapangyarihang lalaki ni David. (2Sa 23:8) Sa 1 Cronica 11:11 ay tinatawag siyang Jasobeam, malamang na ang mas wastong anyo. Mayroon pang ibang naging mga suliranin ng eskriba sa teksto sa 2 Samuel 23:8, anupat kinailangang iwasto ang malabong Hebreo sa tekstong Masoretiko (na lumilitaw na kababasahan ng, “Siya ay si Adino na Eznita”) upang ito ay kabasahan ng “Iwinawasiwas niya ang kaniyang sibat.” (NW) Kahawig nito ang mababasa sa iba pang makabagong mga salin. (AT; RS; Mo; Ro, tlb; JB) Kaya ang Samuel ay ginawang kasuwato ng aklat ng Mga Cronica at ng kayarian ng bahaging ito ng materyal. Ang tinatalakay rito ay ang “tatlo”, ngunit magiging apat na kung ipapasok pa ang pangalan na Adino. Karagdagan pa, bawat isa sa tatlong makapangyarihang lalaki ay pinapurihan sa isa sa mga gawa niya na iniukol sa kaniya, kaya kung ang pananaig sa 800 ay iuukol pa sa iba, walang gawa na maipatutungkol dito kay Joseb-basebet (Jasobeam).—Tingnan ang JASOBEAM Blg. 2.
May posibilidad na ang gawa na ipinatungkol kay Joseb-basebet sa 2 Samuel 23:8 ay hindi kapareho niyaong binanggit sa 1 Cronica 11:11. Maaaring ito ang dahilan kung bakit ang ulat ng Samuel ay bumabanggit ng 800 pinatay, samantalang ang ulat ng Mga Cronica ay tumutukoy sa 300 pinatay.