RETAMA, PUNONG
[sa Heb., roʹthem; sa Ingles, broom tree].
Ang punong retama (Retama raetam) sa katunayan ay isang palumpong sa disyerto na mula sa pamilya ng mga gisantes. Ang katumbas na pangalang Arabe (ratam) ay nakatutulong upang makilala ang halaman at ipinakikita niyaon na ang saling “punong enebro” sa King James Version ay hindi tama.
Ang palumpong na ito ay isa sa pinakamaraming halaman sa ilang ng Juda, sa Peninsula ng Sinai, at gayundin sa iba pang bahagi ng Arabia, at matatagpuan ito sa mga bangin, sa mga dakong mabato, sa mga gilid ng burol, at maging sa kahabaan ng mga hantad na buhanginan ng disyertong mga lugar, kung saan ito nag-uugat nang malalim upang makasipsip ng halumigmig. Tumataas ito nang mula 1 hanggang 4 na m (3 hanggang 13 piye), marami itong sangang payat at tulad-patpat at dahong makikitid at tuwid. Kapag namumulaklak, napakagandang tingnan ng maliliit na kumpol ng maririkit na bulaklak nito na iba’t iba ang kulay, mula sa kulay puti hanggang kulay-rosas, samantalang nalalatagan ng mga iyon ang tigang na mga gilid ng burol. Maliwanag na ang pangalang Hebreo para sa halamang ito (roʹthem) ay nagmula sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “kumapit,” marahil ay tumutukoy sa kakayahan nitong pigilin ang pagguho ng mga burol ng buhangin. Ayon kay Pliny, ang malalambot na sanga nito ay ginagamit na pamigkis.—Natural History, XXIV, XL, 65.
Nang tumakas si Elias patungo sa ilang upang maiwasan ang poot ni Jezebel, sinasabi ng ulat sa 1 Hari 19:4, 5 na siya ay “umupo sa ilalim ng isang punong retama” at pagkatapos ay natulog doon. Bagaman ang maliliit na punong retama ay makapaglalaan lamang ng kaunting lilim mula sa nakapapasong araw sa ilang, ang mas malalaking puno ay makapagbibigay ng nakagiginhawang lilim. Ang pandisyertong palumpong na ito ay nagsilbi ring panggatong. Ang kahoy ng punong retama ay mahusay na uling, anupat nagbabaga nang napakainit.
Dahil mapait at nakakasuka ang mga ugat ng punong retama, iminumungkahi ng ilan na ang pagtukoy ni Job (30:4) sa mga ito bilang pagkain ng mga taong nagugutom sa tiwangwang na ilang ay tumutukoy marahil sa isang nakakaing parasitikong halaman (Cynomorium coccineum) na tumutubong gaya ng isang halamang-singaw sa mga ugat na ito. Bagaman maaaring ganito ang kalagayan, posible rin na may isa pang uri ng halamang ito na umiral noong mga araw ni Job (mahigit na 3,000 taon na ang nakararaan) bukod sa kasalukuyang puting punong retama (Retama raetam) na tumutubo sa ngayon. Sa paghaharap ng isa pang pangmalas may kinalaman sa Job 30:4, sumulat si N. Hareuveni: “Yamang ang mga ugat ng retama ay talagang hindi nakakain sa anumang anyo nito, di-tulad ng mga dahon ng saltplant, maliwanag na ang tinutukoy ni Job ay ang mga ugat ng puting retama na ginawang isang bagay na maititinda upang may maibili ng tinapay. Ang mga kabataang lalaking ito na lumilibak kay Job ay gumawa ng mga baga mula sa mga ugat ng puting retama upang ipagbili sa pamilihan.” (Tree and Shrub in Our Biblical Heritage, Kiryat Ono, Israel, 1984, p. 31) Kasuwato nito, iminumungkahi ng ilan na ang paglalagay ng tuldok-patinig sa salitang Hebreo na isinaling “kanilang pagkain” ay dapat baguhin upang ang salitang Hebreo ay kabasahan ng “upang mapainit sila.”