Matapat na Paglilingkuran Kasama ng Organisasyon ni Jehova
“Sa isa na matapat ay kikilos ka sa katapatan.”—2 SAMUEL 22:26.
1, 2. Ano ang ilang halimbawa ng pagkamatapat na maaaring nakikita nating lahat sa kongregasyon?
MALALIM na ang gabi ay naghahanda pa ng pahayag ang isang matanda para sa isang pagpupulong Kristiyano. Ibig niyang huminto at magrelaks; sa halip, patuloy siyang gumagawa, anupat humahanap ng maka-Kasulatang mga halimbawa at ilustrasyon na aantig sa puso at magpapatibay-loob sa kawan. Sa gabi ng pagpupulong, nagpapahinga na sana sa tahanan ang dalawang pagod na pagod na magulang sa kongregasyon ding iyon; sa halip, matiyaga nilang inihahanda ang kanilang mga anak at dadalo sa pulong. Pagkatapos ng pulong, tinatalakay ng isang grupo ng mga Kristiyano ang bahagi ng matanda. Natutukso ang isang kapatid na babae na banggiting ang kapatid ding iyon ay minsang nakasakit sa kaniyang damdamin; sa halip, masigla niyang binabanggit ang isa sa mga punto na sinabi nito. Nakikita ba ninyo ang isang katangian na ipinamamalas sa lahat ng tagpong ito?
2 Ang katangiang iyon ay ang pagkamatapat. Matapat na gumagawa ang matanda upang paglingkuran ang kawan ng Diyos; matapat na dumadalo ang mga magulang sa mga pulong ng kongregasyon; matapat na sinusuportahan ng kapatid na babae ang matatanda. (Hebreo 10:24, 25; 13:17; 1 Pedro 5:2) Oo, sa lahat ng pitak ng buhay, nakikita nating determinado ang bayan ng Diyos na maglingkod nang buong katapatan kasama ng organisasyon ni Jehova.
3. Bakit gayon na lamang kahalaga na tayo’y manatiling matapat sa makalupang organisasyon ni Jehova?
3 Kapag minamasdan ni Jehova ang masamang sanlibutang ito, kakaunti lamang ang nakikita niyang matapat. (Mikas 7:2) Tiyak na nagagalak ang kaniyang puso kapag nakikita niya ang pagkamatapat ng kaniyang bayan! Oo, ang inyong pagkamatapat ay nakalulugod sa kaniya. Subalit ikinagagalit ito ni Satanas, ang orihinal na rebelde, at nagpapatunay na siya’y isang sinungaling. (Kawikaan 27:11; Juan 8:44) Asahan na sisikapin ni Satanas na sirain ang inyong pagkamatapat kay Jehova at sa Kaniyang makalupang organisasyon. Isaalang-alang natin ang ilang paraan ni Satanas sa paggawa nito. Sa gayo’y higit nating malalaman kung paano tayo makapananatiling matapat hanggang sa wakas.—2 Corinto 2:11.
Makasisira ng Pagkamatapat ang Pagtutuon ng Pansin sa Di-kasakdalan
4. (a) Bakit madaling magkaroon ng negatibong pangmalas doon sa mga may awtoridad? (b) Paano napatunayang di-matapat si Kora sa organisasyon ni Jehova?
4 Kapag ang isang kapatid ay humahawak ng responsibilidad, baka mas madaling makita ang kaniyang mga pagkukulang. Tunay na napakadaling punahin ‘ang isang dayami sa mata ng ating kapatid samantalang di-pansinin ang tahilan sa ating sariling mata’! (Mateo 7:1-5) Subalit ang pagtutuon ng pansin sa mga pagkukulang ay magbubunga ng pagiging di-matapat. Upang ilarawan, isaalang-alang ang pagkakaiba nina Kora at David. Malaki ang hawak na responsibilidad ni Kora, at malamang na siya’y naging matapat sa loob ng maraming taon, ngunit siya’y naging ambisyoso. Ikinagalit niya ang awtoridad nina Moises at Aaron, na kaniyang mga pinsang-buo. Bagaman si Moises ang pinakamaamo sa mga tao, maliwanag na sinimulang hanapin ni Kora ang kaniyang mga kapintasan. Malamang na nakita niya ang mga pagkukulang ni Moises. Subalit ang mga pagkukulang na iyon ay hindi nagbibigay-katuwiran sa pagiging di-matapat ni Kora sa organisasyon ni Jehova. Pinuksa siya sa gitna ng kongregasyon.—Bilang 12:3; 16:11, 31-33.
5. Bakit maaaring nakadama si David ng tukso na magrebelde kay Saul?
5 Sa kabilang dako, si David naman ay naglingkod kay Haring Saul. Dating isang mabuting hari, si Saul ay totoong naging balakyot. Kinailangan ni David ng pananampalataya, pagbabata, at maging ng pagiging maparaan upang maligtasan ang mga pagsalakay ng naninibughong si Saul. Gayunman, nang magkaroon si David ng pagkakataong makaganti, sinabi niya na ‘hindi maubos-isipin, sa paningin ni Jehova,’ na siya’y kikilos nang di-matapat sa isa na pinahiran ni Jehova.—1 Samuel 26:11.
6. Kahit na nakikita natin ang mga kahinaan at pagkukulang ng matatanda, ano ang hindi natin dapat gawin kailanman?
6 Kapag ang ilan na nangunguna sa atin ay waring nagkakamali sa pagpapasiya, nagsasalita ng nakasasakit na mga salita, o waring nagpapakita ng paboritismo, irereklamo kaya natin sila, marahil maging sanhi ng mapamintas na saloobin sa kongregasyon? Hindi na ba tayo dadalo sa mga pulong Kristiyano bilang protesta? Tiyak na hindi! Tulad ni David, hindi natin kailanman pahihintulutan na ang mga pagkakamali ng iba ay magpakilos sa atin na maging di-matapat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon!—Awit 119:165.
7. Ano ang ilang tiwaling gawain na nangyari may kinalaman sa templo sa Jerusalem, at ano ang nadama ni Jesus tungkol dito?
7 Ang pinakadakilang halimbawa ng pagkamatapat ng tao ay yaong kay Jesu-Kristo, na makahulang inilarawan bilang ang “isa na matapat” kay Jehova. (Awit 16:10) Ang tiwaling paggamit sa templo sa Jerusalem ay tiyak na nagharap ng hamon sa pagkamatapat. Alam ni Jesus na ang gawain ng mataas na saserdote at ang mga hain ay lumalarawan sa kaniyang sariling ministeryo at sakripisyong kamatayan, at batid niya kung gaano kahalaga na matuto ang mga tao mula rito. Kaya siya’y puno ng matuwid na pagkagalit nang makita niya na ang templo ay naging isang “yungib ng mga magnanakaw.” Taglay ang bigay-Diyos na awtoridad, dalawang ulit siyang gumawa ng hakbang upang linisin iyon.a—Mateo 21:12, 13; Juan 2:15-17.
8. (a) Paano nagpakita si Jesus ng pagkamatapat sa kaayusan sa templo? (b) Paano natin maipakikita na pinahahalagahan natin ang pagsamba kay Jehova kasama ng kaniyang malinis na organisasyon?
8 Gayunpaman, matapat na sinuportahan ni Jesus ang kaayusan sa templo. Mula pa sa pagkabata, dinadaluhan na niya ang mga kapistahan sa templo at malimit na nagtuturo roon. Nagbayad pa man din siya ng buwis sa templo—bagaman hindi naman siya talagang obligadong gawin iyon. (Mateo 17:24-27) Pinapurihan ni Jesus ang dukhang balo dahil sa paglalagay ng “kaniyang buong ikabubuhay” sa kabang-yaman ng templo. Di-nagtagal pagkatapos nito, lubusan nang itinakwil ni Jehova ang templong iyon. Subalit hanggang noon, naging matapat si Jesus doon. (Marcos 12:41-44; Mateo 23:38) Ang makalupang organisasyon ng Diyos sa ngayon ay makapupong higit sa Judiong sistema pati na sa templo nito. Totoo, hindi ito sakdal; kaya nga gumagawa ng mga pagbabago kung minsan. Ngunit hindi ito puno ng katiwalian, ni papalitan man ito ng Diyos na Jehova. Hindi natin kailanman dapat pahintulutan ang anumang nakikita nating di-kasakdalan nito na pasamain ang ating loob o pakilusin tayo na magkaroon ng mapamintas at negatibong saloobin. Sa halip, tularan natin ang pagkamatapat ni Jesu-Kristo.—1 Pedro 2:21.
Ang Ating Sariling Di-kasakdalan
9, 10. (a) Paano sinasamantala ng sistema ng mga bagay ni Satanas ang ating di-kasakdalan upang hikayatin tayong maging di-matapat? (b) Ano ang dapat gawin ng isang nagkasala nang malubha?
9 Sinisikap din ni Satanas na itaguyod ang pagiging di-matapat sa pamamagitan ng pagsasamantala sa ating di-kasakdalan. Sinasamantala ng kaniyang sistema ng mga bagay ang ating mga kahinaan, anupat tinutukso tayong gawin ang mali sa paningin ni Jehova. Nakalulungkot, taun-taon ay libu-libo ang napadadala sa imoralidad. Pinalulubha ng ilan ang ganitong pagiging di-matapat sa pamamagitan ng pagkakaroon ng dobleng pamumuhay, anupat nagpapatuloy sa isang landasin ng kasamaan samantalang nagkukunwaring nananatiling tapat na mga Kristiyano. Bilang tugon sa mga artikulo sa paksang ito sa seryeng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” sa magasing Gumising!, sumulat ang isang kabataang babae: “Ang mga artikulo ay kuwento ng aking buhay.” Palihim, nakipagkaibigan siya sa mga kabataan na walang pag-ibig kay Jehova. Ang resulta? Ganito ang isinulat niya: “Napariwara ako, at nasangkot ako sa imoralidad at kinailangang sawayin. Nasira ang aking kaugnayan kay Jehova, at nawala ang pagtitiwala ng aking mga magulang at ng matatanda.”b
10 Ang kabataang babaing ito ay nagpatulong sa matatanda at nakabalik sa matapat na paglilingkuran kay Jehova. Subalit nakalulungkot, marami ang umani ng masasamang bunga, at ang ilan ay hindi na kailanman bumalik sa kongregasyon. Tunay ngang mas mabuti na maging matapat at tanggihan ang tukso ng balakyot na sanlibutang ito! Bigyang-pansin ang mga babala mula sa mga magasing Bantayan at Gumising! tungkol sa mga bagay tulad ng makasanlibutang mga kasama at nakasasamang paglilibang. Huwag nawa kayong maging di-matapat. Ngunit kung mangyari ito sa inyo, huwag kayong magkunwari. (Awit 26:4) Sa halip, humingi ng tulong. Iyan ang dahilan kung bakit naririyan ang Kristiyanong mga magulang at matatanda.—Santiago 5:14.
11. Bakit mali na malasin na lubhang napakasama ang ating sarili, at anong parisan sa Bibliya ang makatutulong sa atin na ituwid ang ating pangmalas?
11 Ang ating di-kasakdalan ay maaaring magsapanganib sa atin sa iba pang paraan. Ang ilan na naging di-matapat ay huminto na sa pagsisikap na palugdan si Jehova. Tandaan, nakagawa si David ng malulubhang kasalanan. Gayunman, nang maglaon pagkamatay ni David, inalaala siya ni Jehova bilang isang tapat na lingkod. (Hebreo 11:32; 12:1) Bakit? Sapagkat hindi siya huminto sa pagsisikap na palugdan si Jehova. Ganito ang sabi ng Kawikaan 24:16: “Ang matuwid ay maaaring mabuwal kahit nang pitong ulit, at siya’y tiyak na babangon.” Totoo naman, kung makagawa tayo ng maliliit na kasalanan—oo, nang paulit-ulit—dahil sa ilang kahinaan na pinaglalabanan natin, maaari pa rin tayong maging matuwid sa mga mata ni Jehova kung patuloy tayong “babangon”—samakatuwid nga, taimtim na magsisi at bumalik sa landasin ng matapat na paglilingkuran.—Ihambing ang 2 Corinto 2:7.
Mag-ingat sa mga Tusong Anyo ng Pagiging Di-matapat!
12. Sa kaso ng mga Fariseo, paano humantong sa pagiging di-matapat ang isang mahigpit at legalistikong pangmalas?
12 Mayroon ding mga tusong anyo ng pagiging di-matapat. Baka magbalatkayo pa man din ito bilang pagkamatapat! Halimbawa, marahil ay naisip ng mga Fariseo noong panahon ni Jesus na sila’y kitang-kitang matapat.c Ngunit hindi nila nakita ang pagkakaiba sa pagitan ng pagiging matapat at ng pagiging isang mahigpit na tagapagtaguyod ng gawang-taong mga tuntunin, sapagkat sila ay naging matigas at mabagsik sa paghatol. (Ihambing ang Eclesiastes 7:16.) Sa ganito sila sa aktuwal ay di-matapat—sa mga tao na dapat sana’y pinaglilingkuran nila, sa diwa ng Batas na kanilang inaangking itinuturo, at kay Jehova mismo. Sa kabaligtaran, si Jesus ay matapat sa diwa ng Batas, na salig sa pag-ibig. Kaya kaniyang pinatibay at pinasigla ang mga tao, gaya ng mga inihula tungkol sa Mesiyas.—Isaias 42:3; 50:4; 61:1, 2.
13. (a) Paano maaaring maging di-matapat ang Kristiyanong mga magulang? (b) Bakit dapat iwasan ng mga magulang ang maging labis na mabagsik, mapamintas, o negatibo sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak?
13 Ang mga Kristiyanong may isang antas ng awtoridad ay lubhang nakikinabang sa huwaran ni Jesus hinggil dito. Halimbawa, alam ng matapat na mga magulang na dapat nilang disiplinahin ang kanilang mga anak. (Kawikaan 13:24) Subalit tinitiyak nila na hindi nila pinupukaw sa galit ang kanilang maliliit na anak sa pamamagitan ng mabagsik na disiplinang inilalapat kasabay ng galit o sunud-sunod na pagpuna. Ang mga anak na nakadaramang hindi nila kailanman mapalulugdan ang kanilang mga magulang o nakadaramang ang pagsamba ng kanilang mga magulang ay waring ginagawa lamang silang negatibo at mapamintas ay maaaring masiraan ng loob at, bunga nito, humantong sa paghiwalay mula sa tunay na pananampalataya.—Colosas 3:21.
14. Paano mapatutunayang matapat ang mga Kristiyanong pastol sa kawan na kanilang pinaglilingkuran?
14 Gayundin naman, binibigyang-pansin ng Kristiyanong matatanda at naglalakbay na mga tagapangasiwa ang mga suliranin at mga panganib na napapaharap sa kawan. Bilang matapat na mga pastol, nagpapayo sila kung kinakailangan, anupat inaalam muna nila ang buong katotohanan at ang kanilang sinasabi ay maingat na ibinabatay sa Bibliya at sa mga publikasyon ng Samahan. (Awit 119:105; Kawikaan 18:13) Alam din nila na umaasa sa kanila ang mga tupa para sa espirituwal na pampatibay at pagkain. Kaya sinisikap nilang tularan si Jesu-Kristo, ang Mabuting Pastol. Sila’y matapat na naglilingkod sa mga tupa linggu-linggo sa mga pulong Kristiyano—hindi pinapanghihina ang loob nila kundi, sa halip, pinalalakas sila at pinatitibay ang kanilang pananampalataya.—Mateo 20:28; Efeso 4:11, 12; Hebreo 13:20, 21.
15. Paano ipinakita ng ilan noong unang siglo na sila ay may di-wastong katapatan?
15 Ang isa pang tusong anyo ng pagiging di-matapat ay yaong di-wastong katapatan. Ang kahulugan sa Bibliya ng tunay na pagkamatapat ay hindi nagpapahintulot na unahin natin ang katapatan sa ibang bagay kaysa sa ating pagkamatapat sa Diyos na Jehova. Maraming Judio noong unang siglo ang may katigasan ng ulong nangunyapit sa Batas Mosaiko at sa Judiong sistema ng mga bagay. Ngunit sumapit ang panahon ni Jehova upang ibaling ang kaniyang pagpapala mula sa rebelyosong bansang iyan tungo sa bansa ng espirituwal na Israel. Iilan lamang ang naging matapat kay Jehova at umangkop sa mahalagang pagbabagong ito. Maging sa gitna ng mga tunay na Kristiyano, iginiit ng ilang nangungumberte sa Judaismo ang pagbabalik sa “mahihina at malapulubing panimulang mga bagay” ng Batas Mosaiko, na natupad na kay Kristo.—Galacia 4:9; 5:6-12; Filipos 3:2, 3.
16. Paano tumutugon sa mga pagbabago ang matapat na mga lingkod ni Jehova?
16 Sa kabaligtaran, pinatunayan ng bayan ni Jehova sa modernong panahon na sila’y matapat maging sa panahon ng pagbabago. Habang patuloy na nagniningning ang liwanag ng isiniwalat na katotohanan, gumagawa ng mga pagbabago. (Kawikaan 4:18) Kamakailan, tinulungan tayo ng “tapat at maingat na alipin” na dalisayin ang ating pagkaunawa sa pananalitang “salinlahi” na ginamit sa Mateo 24:34 at sa panahon ng paghatol sa “mga tupa” at sa “mga kambing” na binanggit sa Mateo 25:31-46, gayundin ang ating pangmalas sa ilang uri ng paglilingkod sa bayan. (Mateo 24:45) Tiyak na matutuwa ang ilang apostata kung marami sa mga Saksi ni Jehova ang mahigpit na nangunyapit sa mga dating pagkaunawa sa gayong mga paksa at tumangging sumulong. Walang nangyaring gayon. Bakit? Ang bayan ni Jehova ay matapat.
17. Paanong kung minsan ay nailalagay sa pagsubok ng ating mga mahal sa buhay ang ating pagkamatapat?
17 Subalit ang bagay tungkol sa di-wastong katapatan ay maaaring personal na makaapekto sa atin. Kapag ang isang minamahal na kaibigan o maging ang isang kapamilya ay pumili ng isang landasin na lumalabag sa mga simulain ng Bibliya, baka madama natin na nahahati ang ating pagkamatapat. Likas lamang, nakadarama tayo ng pagkamatapat sa ating mga kapamilya. Ngunit hindi natin kailanman dapat unahin ang katapatan sa kanila kaysa sa ating pagkamatapat kay Jehova! (Ihambing ang 1 Samuel 23:16-18.) Ni hindi natin tutulungan ang mga nagkasala na itago ang isang malubhang kasalanan ni pumanig man tayo sa kanila laban sa matatanda na nagsisikap na ‘ibalik sila sa ayos sa espiritu ng kahinahunan.’ (Galacia 6:1) Ang paggawa ng gayon ay pagiging di-matapat kay Jehova, sa kaniyang organisasyon, at sa isang mahal sa buhay. Tutal, ang paghadlang sa kinakailangang disiplina para sa isang nagkasala ay, sa katunayan, pagharang sa isang kapahayagan ng pag-ibig ni Jehova sa kaniya. (Hebreo 12:5-7) Tandaan din na “tapat ang mga sugat na likha ng isang nagmamahal.” (Kawikaan 27:6) Ang tuwiran at maibiging payo na salig sa Salita ng Diyos ay maaaring makasugat sa amor propyo ng isang nagkasalang minamahal, ngunit iyon ay maaaring mapatunayang nagliligtas-buhay sa dakong huli!
Nananatili ang Pagkamatapat sa Kabila ng Pag-uusig
18, 19. (a) Ano ang ibig ni Ahab mula kay Nabot, at bakit tumanggi si Nabot? (b) Sulit ba ang pagkamatapat ni Nabot sa naging kapalit nito? Ipaliwanag.
18 Tuwiran kung minsan ang pagsalakay ni Satanas sa ating pagkamatapat. Isaalang-alang ang kaso ni Nabot. Nang gipitin siya ni Haring Ahab na ipagbili ang kaniyang ubasan, sumagot siya: “Malayong mangyari sa ganang akin, mula sa pangmalas ni Jehova, na ibigay ko sa iyo ang minanang pag-aari ng aking mga ninuno.” (1 Hari 21:3) Hindi naman matigas ang ulo ni Nabot; siya ay matapat lamang. Iniutos ng Batas Mosaiko na hindi dapat ipagbili ng isang Israelita ang minanang pag-aari sa lupain nang panghabang-panahon. (Levitico 25:23-28) Tiyak na alam ni Nabot na maaari siyang ipapatay ng mabalasik na haring ito, sapagkat hinayaan na ni Ahab na ipapatay ng kaniyang asawang si Jezebel ang marami sa mga propeta ni Jehova! Gayunma’y nanatiling matatag si Nabot.—1 Hari 18:4.
19 Kung minsan ay may halagang kapalit ang pagkamatapat. Sa tulong ng ilang “walang-kabuluhang tao,” naisaayos ni Jezebel na mapagbintangan si Nabot ng isang krimeng hindi niya ginawa. Bunga nito, siya at ang kaniyang mga anak ay pinatay. (1 Hari 21:7-16; 2 Hari 9:26) Nangangahulugan ba ito na mali ang pagkamatapat ni Nabot? Hindi! Kabilang si Nabot sa maraming matapat na lalaki at babae na ‘buháy’ ngayon mismo sa alaala ni Jehova, anupat ligtas na natutulog sa libingan hanggang sa panahon ng pagkabuhay-muli.—Lucas 20:38; Gawa 24:15.
20. Paano tayo matutulungan ng pag-asa upang mapanatili ang ating pagkamatapat?
20 Ang gayunding pangako ay nagbibigay-katiyakan sa mga matapat kay Jehova sa ngayon. Batid natin na maaaring malaki ang mawala sa atin sa sanlibutang ito dahil sa ating pagkamatapat. Binayaran ni Jesus ng kaniyang buhay ang kaniyang pagkamatapat, at sinabi niya sa kaniyang mga alagad na gayundin naman ang magiging pagtrato sa kanila. (Juan 15:20) Kung paanong inalalayan siya ng kaniyang pag-asa sa hinaharap, inaalalayan din naman tayo ng ating pag-asa. (Hebreo 12:2) Kaya makapananatili tayong matapat sa harap ng lahat ng uri ng pag-uusig.
21. Anong katiyakan ang ibinibigay ni Jehova sa mga matapat sa kaniya?
21 Totoo, halos kakaunti sa atin ngayon ang dumaranas ng gayong tuwirang pagsalakay sa ating pagkamatapat. Ngunit maaaring humarap sa higit pang pag-uusig ang bayan ng Diyos bago sumapit ang wakas. Paano natin tiyak na mapananatili ang ating pagkamatapat? Sa pamamagitan ng pag-iingat ngayon ng ating pagkamatapat. Binigyan tayo ni Jehova ng isang dakilang atas—ang pangangaral at pagtuturo tungkol sa kaniyang Kaharian. Maging matapat tayo sa pagtupad sa mahalagang gawaing ito. (1 Corinto 15:58) Kung hindi natin hahayaan na sirain ng di-kasakdalan ng tao ang ating pagkamatapat sa organisasyon ni Jehova at kung mag-iingat tayo laban sa mga tusong anyo ng pagiging di-matapat tulad ng di-wastong katapatan, kung gayo’y magiging lalo tayong handa kapag naging mas mahigpit ang pagsubok sa ating pagkamatapat. Sa anumang kalagayan, lagi tayong makatitiyak na si Jehova ay matapat magpakailanman sa kaniyang matapat na mga lingkod. (2 Samuel 22:26) Oo, babantayan niya ang mga matapat sa kaniya!—Awit 97:10.
[Mga talababa]
a Malakas ang loob ni Jesus na tuligsain ang gayong malakas kumitang negosyo. Ayon sa isang istoryador, ang buwis sa templo ay kailangang bayaran sa pamamagitan ng isang espesipikong sinaunang Judiong barya. Kaya maraming panauhin sa templo ang kinakailangang magpapalit ng kanilang salapi upang mabayaran ang buwis. Pinahintulutan ang mga tagapagpalit ng salapi na sumingil ng isang takdang halaga para sa pagpapalit, at malaking halaga ang tinutubo dahil dito.
b Tingnan ang Gumising! ng Disyembre 22, 1993; Enero 8, 1994; at Enero 22, 1994.
c Ang kanilang samahan ay nagmula sa Hasidim, isang grupo na lumitaw noong mga naunang siglo upang labanan ang Griegong impluwensiya. Nakuha ng Hasidim ang pangalan nito sa Hebreong salita na chasi·dhimʹ, na nangangahulugang “mga matapat” o “mga banal.” Marahil ay nadama nila na kumakapit sa kanila sa ilang pantanging paraan ang mga kasulatan na bumabanggit sa “mga matapat” kay Jehova. (Awit 50:5) Sila, at ang mga Fariseo na sumunod sa kanila, ay mga panatiko, sariling-hirang na mga tagapagtanggol ng titik ng Batas.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Paano natin maiiwasang akayin tayo ng di-kasakdalan ng iba upang maging di-matapat?
◻ Sa anu-anong paraan maaaring akayin tayo ng sariling di-kasakdalan upang gumawi nang di-matapat?
◻ Paano natin mapaglalabanan ang hilig na magkaroon ng di-wastong katapatan?
◻ Ano ang tutulong sa atin na mapanatili ang ating pagkamatapat kahit na sa panahon ng pag-uusig?
[Kahon sa pahina 9]
Matapat na Paglilingkuran sa Bethel
“Ang lahat ng bagay ay maganap nawa nang disente at ayon sa kaayusan.” Gayon ang isinulat ni apostol Pablo. (1 Corinto 14:40) Alam ni Pablo na upang makakilos ang isang kongregasyon, kailangan ng “kaayusan,” ng organisasyon. Gayundin sa ngayon, ang matatanda ay kailangang gumawa ng mga pasiya tungkol sa praktikal na mga bagay, tulad ng pag-aatas sa mga miyembro ng kongregasyon sa iba’t ibang lugar sa pag-aaral ng aklat, pagsasaayos ng mga pulong para sa paglilingkod sa larangan, at pagtiyak kung nasasaklaw ang teritoryo. Kung minsan ay naghaharap ng hamon sa pagkamatapat ang gayong mga kaayusan. Ang mga ito ay hindi mga utos na kinasihan ng Diyos, at hindi ito makatutugon sa pagsang-ayon ng bawat indibiduwal.
Nasusumpungan mo bang isang hamon, kung minsan, ang maging matapat sa ilang praktikal na kaayusan sa kongregasyong Kristiyano? Kung gayon, maaaring makatulong sa iyo ang halimbawa sa Bethel. Ang pangalang Bethel, na isang Hebreong salita na nangangahulugang “Bahay ng Diyos,” ay siyang tawag sa lahat ng 104 na sangay ng Samahang Watch Tower, kasali na ang punong-tanggapan sa Estados Unidos.* Ibig ng mga boluntaryong nakatira at nagtatrabaho sa mga gusali ng Bethel na masalamin sa mga lugar na ito ang pagpipitagan at pagkatakot kay Jehova. Kailangan dito ang pagiging matapat ng bawat isa.
Madalas banggitin ng mga panauhin sa Bethel ang tungkol sa kaayusan at kalinisan na nakikita nila roon. Ang mga manggagawa ay organisado at maliligaya; ang kanilang pananalita at pagkilos at maging ang kanilang hitsura ay nagpapaaninaw ng may-gulang at sinanay-sa-Bibliyang budhing Kristiyano. Ang lahat ng miyembro ng isang pamilyang Bethel ay matapat na sumusunod sa mga pamantayan ng Salita ng Diyos.
Bukod dito, naglaan sa kanila ang Lupong Tagapamahala ng isang manwal na pinamagatang Dwelling Together in Unity, na may-kabaitang nagsasaad ng ilang praktikal na kaayusang kailangan upang mainam na gumawang sama-sama ang gayong isang malaking pamilya. (Awit 133:1) Halimbawa, tinatalakay nito ang tungkol sa mga silid, pagkain, kalinisan, pananamit at pag-aayos, at katulad na mga bagay. Matapat na sinusuportahan at sinusunod ng mga miyembro ng pamilyang Bethel ang gayong mga kaayusan, kahit na kapag iba naman ang personal nilang nagugustuhan. Minamalas nila ang manwal na ito, hindi bilang isang kalipunan ng mahigpit na mga batas at tuntunin, kundi bilang isang kalipunan ng kapaki-pakinabang na giya na nilayong magtaguyod ng pagkakaisa at pagkakasuwato. Ang mga tagapangasiwa ay matapat sa pagtataguyod ng salig-sa-Bibliyang mga pamamaraang ito, at ginagamit nila ang mga ito sa isang positibong paraan upang patibayin at pasiglahin ang pamilyang Bethel na gampanan ang kanilang sagradong paglilingkuran sa Bethel.
* Ang mga gusaling ito ng pagawaan, tanggapan, at tirahan ay hindi siyang bumubuo sa dakilang espirituwal na templo, o bahay, ng Diyos. Ang espirituwal na templo ng Diyos ay ang kaniyang kaayusan para sa dalisay na pagsamba. (Mikas 4:1) Dahil dito, hindi ito limitado sa anumang pisikal na gusali sa lupa.
[Kahon sa pahina 10]
Ang Loyalista at ang Legalista
Noong 1916 ay sinabi ng Encyclopædia of Religion and Ethics na “ang pagkakaibang ito ng loyalista at ng legalista ay maaaring masumpungan sa lahat ng panahon at lahat ng dako.” Nagpaliwanag ito: “Nariyan ang legalista na ginagawa ang kung ano ang sinabi sa kaniya, hindi lumalabag sa mga alituntunin; nananampalataya siya sa nasusulat at nababasang salita. Nariyan ang loyalista na gumagawa nito ngunit maaaring . . . asahan sa higit pa, na nagtutuon ng kaniyang buong isip sa kaniyang tungkulin, na hinuhubog ang kaniyang saloobin alinsunod sa diwa ng layuning isasakatuparan.” Pagkaraan, sinabi ng akda ring ito: “Ang pagiging matapat ay makapupong higit kaysa sa pagiging masunurin sa batas. . . . Ang taong matapat ay naiiba sa taong masunurin sa batas bilang isa na naglilingkod nang buong puso at isip . . . Hindi niya pinahihintulutan ang sarili na kusang gumawa ng pagkakasala, pagpapabaya, o ng kawalang-alam.”