GOZAN
Isang pangalan na waring ikinapit kapuwa sa isang lugar at sa isang ilog. Sa 2 Hari 19:12 at Isaias 37:12, lumilitaw na ang Gozan ay sumasaklaw sa isang lugar na mas malaki kaysa sa isang lunsod, sapagkat ang mga tumatahan dito ay nakatalang kabilang sa “mga bansa” na nilupig ng mga Asiryano. Maliwanag na dahil sa pagkakahawig ng mga salita, maraming iskolar ang naniniwala na ang Gozan ay maaaring katumbas ng Gauzanitis, isang distrito ng Mesopotamia na tinukoy ni Ptolemy at itinuturing bilang ang “Guzana” na binanggit sa mga rekord ng Asirya. Ang sinaunang Guzana ay karaniwang iniuugnay sa makabagong Tell Halaf sa mataas na Ilog Khabur, mga 590 km (367 mi) sa SHS ng Dagat ng Galilea.
Sa 2 Hari 17:6 at 18:11 ang ilang salin ay kababasahan ng “Habor, na ilog ng Gozan” (AS, RS), sa halip na “Habor sa [o, sa tabi ng] ilog ng Gozan” (NW, Yg), sa gayon ay itinuturing ding isang lugar ang Gozan sa mga tekstong ito. Ngunit ang salin na “Habor, na ilog ng Gozan,” ay hindi kasuwato ng 1 Cronica 5:26. Sa tekstong ito, ang Habor ay itinalang nasa pagitan ng Hala at Hara; at ang Hara, hindi ang Habor, ang nakatala bago ang Gozan. Ipinahihiwatig nito na ang Habor at ang “ilog ng Gozan” (AS) ay hindi magkasingkahulugan. Kaya nga, yaong mga tumutukoy sa Gozan bilang isang lugar sa lahat ng paglitaw nito ay napipilitang tanggihan ang pagtukoy ng Mga Cronica. Gayunman, yamang sa Hebreo ay maaaring isalin nang pare-pareho ang “ilog ng Gozan” sa tatlong tekstong iyon, may dahilan upang maniwala na sa kapaligiran ng isang ilog na tinatawag na Gozan pinamayan ng hari ng Asirya ang ilan sa itinapong mga Israelita ng hilagang kaharian. Sinasabi ng ilan na posibleng ang Qezel Owzan ng HK Iran ang “ilog ng Gozan.” Nagsisimula ito sa kabundukan sa TS ng Lawa ng Urmia (sa dating lupain ng mga Medo) at sa dakong huli ay bumubuhos bilang ang Sefid Rud o Ilog na Puti (ang pangalang itinawag sa mababang bahagi nito) patungo sa TK bahagi ng Dagat Caspian. Ayon sa isa pang pangmalas, ang Gozan ay isang ilog ng Mesopotamia.