TIMNA
1. Babae ng anak ni Esau na si Elipaz at ina ni Amalek. (Gen 36:10-12) Sa talaangkanan sa 1 Cronica 1:36, doon ay unang binanggit nang isa-isa ang limang anak ng anak ni Esau na si Elipaz. Sumunod ay idinagdag, “si Timna at si Amalek.” Nagkomento si Propesor C. F. Keil tungkol dito: “Ang pagdaragdag ng dalawang pangalan na Timna at Amalek sa Cronica, sa gayon, ay lumilitaw na isa lamang pagpapaikli, na maaaring ipinahintulot ng awtor na gawin niya, yamang mula sa Genesis ay kilala na ng kaniyang mga mambabasa ang kaapu-apuhan ni Esau. Gayundin, maaaring nahadlangan ng pangalang Timna, dahil sa anyo nito (isang anyong pambabae), ang ideya ng ilang makabagong manunuri na si Timna ay isa ring anak na lalaki ni Elipaz.” (Commentary on the Old Testament, 1973, Tomo III, First Chronicles, p. 53) Kaya nga, ang anim na anak ni Elipaz ay itinala, ngunit may kalakip na pagbanggit na ang isa sa kanila, si Amalek, ay mula sa babae ni Elipaz na si Timna. Dapat tandaan na ang Amalek ay naging isang bansa na napopoot sa bayan ng Diyos at may kinalaman sa kaniya ay sinabi ni Jehova: “Si Jehova ay makikipagdigma sa Amalek sa sali’t salinlahi.” (Exo 17:8-16) Kaya ibinibigay ng mga ulat, kapuwa sa Genesis at sa Mga Cronica, ang detalyeng ito may kinalaman sa pinanggalingan ng Amalek. Ang Timna na ito ay posibleng siya ring Blg. 2.
2. Isang anak ni Seir na Horita, samakatuwid ay kapatid na babae ni Lotan at ng iba pang mga anak ni Seir. (Gen 36:20-22; 1Cr 1:39) Posibleng siya rin ang Blg. 1.
3. Ang unang pangalang masusumpungan sa talaan ng 11 “shik ni Esau,” o Edom. (Gen 36:40-43; 1Cr 1:51-54) Sa pangmalas ng maraming tagapagsalin, ang Timna at ang iba pang mga pangalang nakatala ay personal na mga pangalan. (AS, KJ, JB, NW, RS) Gayunman, karaniwan nang kinikilala na ang pananalitang “ayon sa kanilang mga pamilya, ayon sa kanilang mga dako, ayon sa kanilang mga pangalan” ay nagpapahiwatig na isang tribo o isang lugar ang tinutukoy. Kaya naman mas pinili ng ilang bersiyon ang mga pananalitang gaya ng “pinuno ng Timna.” (JP, AT) Sa katunayan, sa Genesis 36:41, sa talaan ding iyon, ay lumilitaw ang pangalan ng isang babae, Oholibama, anupat nagpapahintulot na maging pangalan ng isang babae ang Timna. Iniugnay nina Eusebius at Jerome ang Timna sa isang dakong Edomita na tinatawag na “Thamna,” na umiral noong mga araw nila. (Onomasticon, 96, 24-27) Gayunman, sa kasalukuyan ay hindi alam ang lokasyon ng gayong pook na ipinangalan kay Timna.