LEHABIM
Isang pangalan na lumilitaw sa Genesis 10:13 at 1 Cronica 1:11 na kabilang sa mga inapo ni Ham sa pamamagitan ni Mizraim. Yamang ang pangalang Hebreo ay nasa anyong pangmaramihan, naniniwala ang maraming iskolar na ang tinutukoy ay isang tribo na ang pangalan ay kinuha mula sa isa sa mga anak ni Mizraim. (Gayunman, tingnan ang MIZRAIM.) Ang Lehabim ay karaniwan nang iniuugnay sa mga taga-Libya at sa paanuman ay waring bumuo sa isa sa mga tribo na naninirahan sa Libya noong sinaunang mga panahon. Bagaman mahirap matukoy kung sino sila, malamang na sila rin ang Lu·vimʹ na binanggit sa ibang bahagi ng tekstong Hebreo, gaya sa 2 Cronica 12:3, kung saan ang American Standard Version ay kababasahan ng “Lubim” at ang ibang mga salin ay kababasahan ng “mga taga-Libya.”—Mo; NW; RS.