BEER-SHEBA
[Balon ng Sumpa; o, Balon ng Pito].
Ang kinaroroonan ng isang balon at, nang maglaon, ng isang lunsod sa timugang Juda. Ito ay nasa pagitan ng Baybayin ng Mediteraneo at ng timugang dulo ng Dagat na Patay, mga 45 km (28 mi) sa TK ng Hebron, at halos gayunding distansiya sa TS ng Gaza.
Ang Beer-sheba ang kumakatawan sa pinakatimugang dako kapag inilalarawan ang kahabaan ng Lupang Pangako, gaya sa kasabihang “mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba” (Huk 20:1), o, kung sa kasalungat na direksiyon, “mula sa Beer-sheba hanggang sa Dan.” (1Cr 21:2; 2Cr 30:5) Pagkatapos na mahati ang bansa sa dalawang kaharian, patuloy na ginamit ang Beer-sheba upang tumukoy sa pinakadulong timog ng kaharian ng Juda sa mga pananalitang “mula sa Geba hanggang sa Beer-sheba” (2Ha 23:8) at “mula sa Beer-sheba hanggang sa bulubunduking pook ng Efraim” (kung saan nagsisimula ang nasasakupan ng hilagang kaharian ng Israel). (2Cr 19:4) Noong mga panahon pagkaraan ng pagkatapon, ang pananalitang ito ay ginamit sa isang mas limitadong paraan upang tumukoy sa lugar na pinanirahan ng nakabalik na mga lalaki ng Juda, samakatuwid nga, mula sa Beer-sheba “hanggang sa libis ng Hinom.”—Ne 11:27, 30.
Ang totoo, may iba pang mga bayan ng Lupang Pangako na nasa dakong T ng Beer-sheba, kung paanong mayroon ding mga bayan ng Israel sa H ng Dan. Gayunman, kapuwa ang Dan at Beer-sheba ay nasa likas na mga hanggahan ng lupain. Sa kaso ng Beer-sheba, ito ay nasa ibaba ng kabundukan ng Juda na kahangga ng disyerto. Karagdagan pa, isa ito sa mga pangunahing lunsod ng Juda (kasama ang Jerusalem at Hebron), hindi lamang dahil mayroon itong mahusay na suplay ng tubig kung ihahambing sa nakapalibot na rehiyon, anupat angkop itong pagsakahan at panginainan ng mga bakahan at mga kawan, kundi dahil din sa nagsasalubong doon ang mahahalagang lansangan mula sa iba’t ibang direksiyon. Mula sa Ehipto, isang sinaunang ruta ang paahon sa may “Daan ng mga Balon” at dumaraan sa Kades-barnea patungong Beer-sheba, anupat sinasalubong ito ng isa pang daan kung saan naglalakbay ang mga pulutong na nakasakay sa kamelyo mula sa “Mga Kaharian ng mga Espesya” ng Peninsula ng Arabia, na patungong Filistia o Juda. Mula sa Ezion-geber, sa pinakaulo ng Gulpo ng ʽAqaba, isa pang paahong ruta ang dumaraan sa Araba at pagkatapos ay lumiliko sa K, paakyat sa Sampahan ng Akrabim patungong Beer-sheba. Sa Gaza, sa Kapatagan ng Filistia, isang daan na sanga ng lansangang-bayan ang patungong TS sa Beer-sheba. At, upang maidugtong ito sa iba pang bahagi ng Juda, isang daan ang nagmumula sa Beer-sheba patungo sa HS, anupat umaahon sa talampas paakyat sa kabundukan ng Juda papuntang Jerusalem at sa mga lugar na nasa mas dako pang H.—Gen 22:19.
Ang lugar na ito ay unang binanggit may kaugnayan kay Hagar, na gumala-gala kasama ang kaniyang anak na si Ismael “sa ilang ng Beer-sheba” nang paalisin siya ni Abraham. (Gen 21:14) Sa pag-aakalang mamamatay sa uhaw ang kaniyang anak, lumayo siya kay Ismael, ngunit narinig ng Diyos ang bata at inakay si Hagar sa isang balon. (Gen 21:19) Maaaring ito ay isang balon na hinukay ni Abraham mas maaga rito, ngunit nang panahong iyon ay hindi pa napapangalanan, kung ibabatay sa sumusunod na ulat. Inagaw sa dahas ng ilang Filisteo ang isang balon sa lugar na ito, na waring lingid sa kaalaman ni Abimelec na hari ng Gerar. Siya at si Picol na pinuno ng kaniyang hukbo ay lumapit kay Abraham upang mag-alok ng isang tipan ng kapayapaan. Nang pagsabihan ni Abraham si Abimelec dahil sa karahasan ng mga lingkod nito sa pag-agaw sa balon, ipinaliwanag ni Abimelec na wala siyang nalalaman tungkol doon. Kasunod nito ay nakipagtipan siya kay Abraham, at tinanggap niya ang pitong babaing kordero mula kay Abraham bilang katibayan ng pagmamay-ari ni Abraham sa balon. ‘Iyan ang dahilan kung bakit tinawag ni Abraham na Beer-sheba ang dakong iyon, sapagkat doon sila kapuwa nanumpa.’ (Gen 21:31) Pagkatapos ay nagtanim si Abraham doon ng isang puno ng tamarisko at tumawag siya sa “pangalan ni Jehova na Diyos na namamalagi nang walang takda.” (Gen 21:33) Sa Beer-sheba nanggaling si Abraham nang pumaroon siya sa Moria upang ihandog si Isaac bilang isang hain, at bumalik siya roon upang manahanan.—Gen 22:19.
Nang mamatay si Abraham, tinabunan ng mga Filisteo ang mga balon na hinukay niya, ngunit noong manirahan doon si Isaac nang maglaon, sinimulan niya muling hukayin ang mga iyon at tawagin ang mga iyon ayon sa mga pangalang ibinigay ng kaniyang ama. (Gen 26:18) Palibhasa’y inaaway ng mga Filisteo, nagpalipat-lipat siya ng lugar hanggang sa makasumpong siya ng sapat na dako sa Rehobot, at nang maglaon ay umahon siya patungo sa Beer-sheba. (Gen 26:22, 23) Habang ang mga lingkod ni Isaac ay naghuhukay ng balon sa Beer-sheba, si Abimelec, posibleng isa pang hari ng Gerar (na may pangalan o titulo na kapareho niyaong sa hari na nakipagtipan kay Abraham, o marahil ay siya rin mismo), ay pumaroon kay Isaac kasama si Picol na pinuno ng kaniyang hukbo upang mag-alok ng isang tipan ng kapayapaan. Pagkatapos nilang magpiging at mag-inuman, bumangon sila nang maaga sa kinaumagahan at nagsumpaan. Nang araw ring iyon ay binukalan ng tubig ang balon, at tinawag ito ni Isaac sa pangalang Siba, nangangahulugang “Sumpa; o, Pito” at tumutukoy sa isang panata o kapahayagan na sinumpaan sa pamamagitan ng pitong bagay. (Gen 26:31-33; tingnan ang SIBA.) Sa paggamit ni Isaac ng “Siba” (isa pang anyo ng pangalang Sheba), lumilitaw na pinanatili niya ang pangalang Beer-sheba na ibinigay ni Abraham sa lugar na iyon. Posibleng ito rin ang balon na hinukay noon ni Abraham at muling hinukay ng mga tauhan ni Isaac, gaya ng ipinakikita sa Genesis 26:18 na nabanggit na. Noong mga taóng naninirahan doon si Isaac, pinagpala niya si Jacob sa halip na si Esau at pinapunta niya ito sa Haran upang kumuha ng mapapangasawa mula sa mga anak na babae ni Laban na kapatid ng kaniyang ina. (Gen 28:1, 2, 10) Nang maglaon, si Jacob, na kilala na noon bilang Israel, ay naghandog ng mga hain sa Diyos ni Isaac sa Beer-sheba noong patungo siya sa Ehipto upang makapiling si Jose na kaniyang anak.—Gen 46:1-5.
Sa paglipas ng mahigit na 250 taon hanggang noong hati-hatiin ang Canaan sa 12 tribo ng Israel, nagkaroon ng isang lunsod sa Beer-sheba (Jos 15:21, 28), na iniatas sa tribo ni Simeon bilang isang nakapaloob na lunsod sa teritoryo ng Juda. (Jos 19:1, 2) Dito nanungkulan ang mga anak ni Samuel bilang mga hukom. (1Sa 8:1, 2) Nang tumakas si Elias dahil sa poot ni Reyna Jezebel, iniwan niya sa Beer-sheba ang kaniyang tagapaglingkod at naglakbay siya patimog at tumawid ng Negeb patungong Horeb. (1Ha 19:3) Si Zibia, ang ina ni Haring Jehoas ng Juda, ay nagmula sa lugar na ito. (2Ha 12:1) Binanggit ang Beer-sheba bilang ang pinakadulong dako kung saan natapos ang pagrerehistro ni David sa taong-bayan ng buong Israel (2Sa 24:2, 7) at ang lugar kung saan nagsimula ang mga reporma ni Jehosapat sa pagsamba. (2Cr 19:4) Mariing ipinahihiwatig ng mga pagtukoy ni Amos sa Beer-sheba noong kaniyang mga araw na noon ay isa itong dako ng maruruming relihiyosong gawain (Am 5:5; 8:14), marahil sa paanuman ay nauugnay sa idolatrosong hilagang kaharian. May mga pigurin ng diyosang si Astarte na nahukay roon, gaya rin sa maraming iba pang lugar sa Israel. Mula noong panahong iyon, maliban sa maikling pagbanggit na muling pinanirahan ang lunsod at ang mga sakop na bayan nito pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya (Ne 11:27), ang pangalang ito ay hindi na lumitaw sa rekord ng Bibliya.
Ang lunsod na umiral noong panahon ng mga hari ay itinuturing na siya ring Tell es-Sabaʽ (Tel Beʼer Shevaʽ), 4 na km (2.5 mi) sa S ng makabagong-panahong Beʼer Shevaʽ. Sinasabi ng sekular na mga manunulat noong ikaapat na siglo C.E. na ang Beer-sheba noon ay isang malaking nayon o bayan at isang garison ng mga Romano. Sa ngayon, isa pa rin itong bayan na nasa salubungang-daan at isang mahalagang pamilihan. Bagaman ang lunas ng Beer-sheba ay tuyong lupain, anupat tumatanggap lamang ng mga 15 hanggang 20 sentimetro (6 hanggang 8 pulgada) ng ulan bawat taon, ang lupa nito ay mabunga, at may maiinam na sakahan sa lugar na ito. May ilang balon na masusumpungan doon, na ang pinakamalaki ay halos 4 na m (13 piye) ang diyametro, anupat ang bandang ibaba nito ay inuka sa mga 5 m (16 na piye) na solidong bato.