Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako
Joppe—Bantog na Daungan Noong Una
ANG sinaunang Israel ay may mahabang, mabuhanging baybay-dagat. Gayunman ang mga Israelita ay hindi nakilala bilang isang natatanging mga taong mahilig sa karagatan. Ang kalikasan ng kanilang baybay-dagat ay maaaring isang dahilan.
Yaon ay halos patu-patuloy na mga pangpang at mga napatambak na buhangin, mga buhanging tinangay sa dagat ng Ilog Nilo.a Kung sakaling nakapaglayag ka na buhat sa hangganan ng Ehipto, kaipala’y hindi ka nakasumpong ng isang tunay na mahalagang daungang katutubo sa gawing timog ng Bundok Carmelo.
Subalit humigit-kumulang sa bandang kalagitnaan ng baybaying-dagat ng Israel, marahil nakita mo sa isang burol ang lunsod ng Joppe. Gaya ng ipinakikita ng larawan, isang kabatuhan sa may dalampasigan ang nagporma ng isang munting wawa. Bagaman ang daungan na naging resulta ay hindi kasinghusay niyaong nasa gawing norte sa Acre (Ptolemaïs), dahil doon ay napabantog ang Joppe. (Gawa 21:7) Hanggang itayo ni Herodes na Dakila ang artipisyal na daungan ng Caesarea, ang Joppe ang pinakamagaling na lugar sa baybaying-dagat na daungan ng mga barko. Ito’y nagbibigay-linaw sa mga ilang pagtukoy ng Bibliya tungkol sa Joppe.
Nang nag-aalok ng tulong kay Solomon sa pagtatayo ng templo, sinabi ni Hiram na hari ng Tiro: “Aming dadalhin sa iyo ang [mga punungkahoy buhat sa Lebanon] ilang mga balsa sa dagat hanggang sa Joppe, at iyong iaahon sa Jerusalem.” (2 Cronica 2:1, 11, 16) Ang mga balsang ito ay marahil doon inilunsad buhat sa Fenicia sa mga puwerto ng Tiro o Sidon. (Isaias 23:1, 2; Ezekiel 27:8, 9) Pagkatapos dumaan sa Carmelo, ang mga balsang punong-sedro ay sumadsad sa Joppe. Mula roon ang mga sedro ay maaaring dalhin na sa Jerusalem, 55 kilometro sa silangan/timog-silangan. Ang Joppe ang siya ring daungang puwerto ng mga tablang sedro nang muling itayo ng mga Judio ang templo nang sila’y umuwi na pagkatapos ng kanilang pagkabihag.—Ezra 3:7.
Marahil ang mga manggagawang tumitingin sa mga tabla ay naglayag sakay ng mga barko ng Fenicia, katulad ng scale model. Sa iyong pag-aaral nito, alalahanin na pagkatapos atasan ni Jehova si Jonas na magtungo sa Nineve, ang propeta ay tumakas sa kabilang direksiyon. “[Si Jonas] ay dumating sa wakas sa Joppe at nakasumpong siya ng barkong patungo sa Tarsis. Kaya’t binayaran niya ang upa at siya’y lumulan, upang yumaong kasama nila sa Tarsis mula sa harap ni Jehova.”—Jonas 1:1-3.
Maliwanag, si Jonas ay sumakay sa ganitong uri ng mahusay na barkong pangkargada, na nakapagbiyahe naman ng mahabang pagbibiyahe mula sa Joppe hanggang sa Tarsis (malamang na ito ang sinaunang Espanya). Marahil ay mayroon itong mataas na pakurbang prowa, at malapit dito ay may nakabiting isang sinipeteng bato. Ang mga pasahero, mga manggagaod, at mga ilang kargada ay maaaring nakalagay sa kubyerta, na hindi ipinakita sa model na ito. Nasa ibaba ng kubyerta ang isa pang lugar, na kung saan nakapaglalagay ng higit pang kargada at doon natutulog si Jonas. Ang barko ay yari sa matitibay na mga tablang enebro at may isang sedrong albor na sumusuporta sa isang malaking layag na linen. Pansinin sa bawat tabi ang hanay ng mahahabang gaod (marahil yari sa ensina na galing sa Bashan). Ngayon ay gunigunihin na ang barko’y nasa gitna ng dagat at nanganganib sa isang malakas na bagyo. Pakinggan ang mga marinero na nagsusumamo sa kanilang mga diyos na sila’y tulungan hanggang sa wakas ay napilitan sila na ihagis si Jonas sa dagat upang sila sa sarili nila ay huwag mapahamak.—Ezekiel 27:5-9; Jonas 1:4-15.
Ang Joppe noong unang siglo ay pinaka-tahanan sa isang kongregasyon ng mga Kristiyano, na ang ilan ay marahil naging mga manggagawa sa piyer o mga dating marino. Ang isang miyembro ng kongregasyong ito sa di-natatahimik na daungang ito ay ang babaing Judio na si Dorcas (Tabitha). “Siya’y sumagana sa mabubuting gawa at pagkakawanggawa na kaniyang isinasagawa.” Noong taóng 36 C.E., si Dorcas ay nagkasakit at namatay, at marami ang nagsipanangis, palibhasa’y naaalaala nila ang kaniyang maraming mabubuting gawa. Ang ginawa ng mga kapuwa Kristiyano ay sinundo si apostol Pedro sa Lydda (modernong Lod, malapit sa paliparan ng Tel Aviv) at siya’y dinala sa Joppe. Binuhay ni Pedro ang minamahal na kapatid na babaing ito, isang himala na “napabantog sa buong Joppe, at marami ang naging mananampalataya.”—Gawa 9:36-42.
Si Pedro ay lumagi sa Joppe nang sandaling panahon sa bahay ng isang nagngangalang Simon, isang manluluto ng balat. Dito ang apostol ay nagkaroon ng isang pangitain na nag-udyok sa kaniya na magsama ng mga ilang kapatid sa kongregasyon sa Joppe sa may hilaga sa daan sa baybaying-dagat sa bagong puwerto ng Caesarea. Doon si Pedro ay nangaral at siyang nagbautismo sa Romanong punong-hukbo na si Cornelio, ang unang di-tuling Gentil na naging isang pinahiran-ng-espiritung Kristiyano. (Gawa 9:43–10:48) Anong laking kagalakan ng pagkakatuwaan ang tiyak na naganap sa Joppe nang mangagbalik na ang mga kapatid na dala ang balita tungkol sa mahalagang pangyayaring ito sa kasaysayang Kristiyano!
Sa ngayon maraming manlalakbay ang nagliliwaliw sa Joppe, na isang bahagi ng modernong Tel Aviv-Jaffa, at dagling nagbabalik sa kanilang alaala ang mga pangyayari sa Bibliya na naganap sa napabantog na puwertong ito.
[Talababa]
a Dagling makikita mo ang mabuhanging baybaying-dagat na ito sa satelayt na larawan sa pabalat ng 1989 Calendar of Jehovah’s Witnesses. Taglay ng kalendaryong ito ang isa ring malaki-laking larawan ng tanawin ng Joppe sa itaas.
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.