-
Ezra, Aklat ngKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Manunulat. Bilang isang saserdote, iskolar, dalubhasang tagakopya, at taong ‘naghanda ng kaniyang puso upang magturo sa Israel ng tuntunin at katarungan’ at upang magtuwid ng mga bagay na depektibo sa isinasagawang pagsamba kay Jehova ng nakabalik na mga Israelita, si Ezra ay lubos na kuwalipikado na isulat ang aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Ang maharlikang kapangyarihan na iginawad sa kaniya ng hari ng Persia ay magbibigay sa kaniya ng karagdagang dahilan at awtoridad upang gumawa ng kinakailangang pananaliksik, at makatuwiran lamang para sa isang taong tulad niya na sumulat ng isang rekord ng mahalagang bahaging ito ng kasaysayan ng kaniyang bansa. (Ezr 7:6, 10, 25, 26) Samakatuwid, ang aklat ay matapat sa paggamit nito ng unang panauhan para sa manunulat mula kabanata 7, talata 27, hanggang kabanata 9. Sumasang-ayon ang karamihan ng mga iskolar na ang aklat ng Ezra ay isang pagpapatuloy ng kasaysayan mula sa bahaging hinintuan ng Mga Cronica, gaya ng makikita sa paghahambing ng 2 Cronica 36:22, 23 sa Ezra 1:1-3. Muli, ipinakikita nito na ang manunulat ay si Ezra. Kinikilala rin sa tradisyong Judio na si Ezra ang manunulat ng aklat.
-
-
Ezra, Aklat ngKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Panahon at Tagpo. Ang aklat ng Ezra ay isinulat noong mga 460 B.C.E., kasabay ng mga aklat ng Mga Cronica. Nagsimula si Ezra sa pamamagitan ng paglalahad sa batas ni Ciro na isauli ang mga Judio mula sa Babilonya. Noong unang taon ni Ciro, ipinroklama ng Persianong haring ito ang pagsasauli. (Ezr 1:1) Ang Juda at Jerusalem ay naiwang walang tumatahan, noong taglagas ng 607 B.C.E., nang yaong mga itinira ni Nabucodonosor ay lumipat sa Ehipto. Ang ika-70 taon ng pagkatiwangwang ng Jerusalem, na siyang huling sabbath na ipinatupad sa lupain, ay magwawakas sa taglagas ng 537 B.C.E. Malamang na ang batas ni Ciro ay inilabas noong huling bahagi ng 538 B.C.E. o noong maagang bahagi ng 537 salig sa dalawang kadahilanan. Ang pagkatiwangwang ay kailangang umabot hanggang sa matapos ang ika-70 taon, at ang pinalayang mga Israelita ay hindi aasahang maglalakbay sa maulang taglamig, na siyang mangyayari kung ang batas ay ibinigay ilang buwan ang kaagahan. Malamang na inilabas ito noong maagang bahagi ng tagsibol ng 537 B.C.E. upang bigyan ang mga Judio ng pagkakataong makapaglakbay habang panahon ng tagtuyo, makarating sa Jerusalem, at maitayo ang altar sa unang araw ng ikapitong buwan (Tisri) ng taóng 537 B.C.E., na Setyembre 29 ayon sa kalendaryong Gregorian.—Ezr 3:2-6.
-