Mga Tampok sa Bibliya Nehemias 1:1–13:31
Nagtagumpay ang Tunay na Pagsamba
Ang tunay na pagsamba ay nagtatagumpay sa pamamagitan ng pagkilos at walang atubiling pagtitiwala kay Jehova. Iyan ang diwa ng aklat ng Nehemias. Ito ay isang malinaw na paglalahad tungkol sa muling pagtatayo sa pader ng Jerusalem sa ilalim ng lakas-loob na pangunguna ni Nehemias.
Ang aklat ay sumasaklaw ng isang napakahalagang panahon, na sa loob ng panahong ito ang 70 sanlinggong mga taon na hahantong sa paglitaw ng Mesias ay nakatakdang magsimula. (Daniel 9:24-27) Ang pambungad na talata Neh 1:1at ang paglalahad ayon sa unang panauhan ay malinaw na nagpapakilalang si Nehemias ang sumulat nito. Ang aklat na ito ay karugtong ng aklat ni Ezra, at ipinapapatuloy ang paglalahad mga 12 taon pagkalipas ng mga pangyayaring isinulat ni Ezra.
Samantalang binabasa natin ang paglalahad na ito, makikita natin kung paano minaniobra ni Jehova ang mga pangyayari upang maganap ang kaniyang kalooban. Mapapansin din natin kung papaano niya pinalalakas at inaaliw ng kaniyang tapat na mga lingkod.
Ang Nangyari sa Jerusalem
Pakisuyong basahin ang Nehemias 1:1–2:20. Si Nehemias, kamarero sa hari ng Persiya, ay nakabalita na ang mga pader ng Jerusalem ay giba pa at ang mga tao roon ay “nasa napakasamang kalagayan.” Sa matinding pagkabagabag, ang kaniyang puso ay binuksan ni Nehemias kay Jehova sa maalab na panalangin. Ang kaniyang kalungkutan ay napansin ng hari, kayat nabuksan ang daan upang si Nehemias ay maglakbay patungo sa Jerusalem upang tingnan kung paano muling maitatayo ang pader ng lunsod.
◆ 1:1—Ano bang taon ito?
Ito’y ang ika-20 taon ni Haring Artajerjes (Longimanus). (2:1) Yamang ang Chislev (Nobyembre-Disyembre) ay binabanggit una sa Nisan (Marso-Abril) sa paglalahad na ito, marahil ang pagbilang ng mga haring Persiyano sa bawat taon ng kanilang paghahari ay buhat sa taglagas hanggang sa taglagas, o buhat sa panahon na sila’y aktuwal na naghahari sa trono. Ang mapanghahawakang ebidensiya ng kasaysayan at natupad na mga hula sa Bibliya ay nakaturo sa 455 B.C.E. bilang ang taon na pinapatakan ng Nisan ng ika-20 taon ni Artajerjes. Sa gayon, ang paglalahad ni Nehemias ay nagsismula sa taglagas ng 456 B.C.E., at ang utos na muling itayo ang pader ng Jerusalem ay inilabas noong tagsibol ng 455 B.C.E.
◆ 2:4—Ito kaya ay isang panalangin ng kawalang-pag-asa sa huling-huling sandali?
Hindi, sapagkat ang gibang kalagayan ng Jerusalem ang sa tuwina’y diwa ng mga panalangin ni Nehemias “araw at gabi” sa loob ng mga ilang panahon. (1:4, 6) Nang magkaroon ng pagkakataon sa sabihin kay Haring Artajerjes ang tungkol sa kaniyang hangarin na muling itayo ang mga pader ng Jerusalem, si Nehemias ay muling nanalangin, sa gayo’y ginagawa ang sa tuwina’y paulit-ulit niyang ginagawa. Ang resulta ng pagdinig ni Jehova sa kaniyang panalangin ay ang komisyon na muling itayo ang mga pader ng lunsod.
Aral Para sa Atin: Si Nehemias ay kay Jehova umasa ng patnubay. Pagka napaharap sa mabibigat na pagpapasiya, tayo man ay dapat “magtiyaga sa panalangin” at kumilos na kasuwato ng patnubay ni Jehova.—Roma 12:12.
Naitayo ang Pader sa Kabila ng Sabuwatan
Basahin ang 3:1–6:19. Sa pagpapasimula pa lamang ng pagtatayo ng pader, ang mga kaaway ay nangutya na at nanlibak. Nang maglaon, sila’y nagbantang sasalakay. Hindi nasiraan ng loob si Nehemias at ipinayo pa niya sa mga manggagawa: “Si Jehova na dakila at isang kakila-kilabot ang lagi ninyong isaisip.” Kalahati sa mga manggagawa ang nagsilbing bantay na may taglay na mga sibat at mga pana, at iyon namang mga iba ay gumagawa samantalang nakahanda ang kanilang mga armas. Sa kabila ng mga pagbabanta at iba pang mga sabuwatan, natapos ng mga Judio ang pader na iyon sa loob ng 52 araw!
◆ 3:5—Sino ang mga “mahal na tao”?
Sila’y prominenteng mga Judio sa mga mamamayan o dating mga naninirahan sa Tekoa, isang bayan na mga sampung milya (16 km) sa gawing timog ng Jerusalem. Ang mga ‘mahal na taong’ ito ay marahil totoong napakahambog upang magpakumbaba at gumawa sa ilalim ng pamatok ng mga tagapangasiwa na inatasan ni Nehemias.—Ihambing ang Jeremias 27:11.
◆ 4:17—Paano sila gumawa sa pamamagitan ng isang kamay?
Ang mga kantero ay kailangan na gumamit ng dalawang kamay nila para sa pagtatrabaho. Ang kanilang mga armas ay nakasakbat sa kanilang balakang. (4:18) Ang mga tagapasan ay makapaghahawak ng isang armas sa isang kamay at makapagpapasan naman ng anomang pasanin o sukal sa kanilang mga balikat o masusunong nila ito sa kanilang mga ulo.—Genesis 24:15, 45.
◆ 5:7—Bakit mali ang magpautang nang may labis na tubo?
Ito’y isang tuwirang paglabag sa kautusan ni Jehova. (Levitico 25:36; Deuteronomio 23:19) “Ang ikaisang-daan,” kung sisingilin buwan-buwan, ay papatak ng 12 porsiyento bawat taon. (5:11) Ang mga tao ay hirap na hirap na nga dahilan sa taggutom at malaking buwis na hinihingi ng mga Persiyano. (5:3, 4) Gayunman ang mayayaman ay walang-awang sumisingil ng mataas na patubo sa kanilang mga dukhang kapatid.
◆ 6:5—Bakit isang “bukas na liham”?
Ang kompidensiyal na mga liham ay malimit na inilalagay sa maingat ang pagkasaradong mga supot. Kayat ang pagpapadala ni Sambalat ng “isang bukás na liham” ay maaaring may layuning mang-insulto. O, yamang ang pagpaparatang na nasa isang “bukás na liham” ay maaaring basahin ng iba, baka inaasahan niya na masisiraan ng loob si Nehemias kung kayat ito’y lilisan na sa Jerusalem upang pumaroon at pawalang-saysay ang mga paratang sa kaniya. At marahil ay inaasahan din ni Sambalat na malaking ligalig ang lilikhain ng liham na iyon kung kayat ang mga Judio ay hihinto na sa kanilang pagtatrabaho.
Aral Para sa Atin: Hindi natin dapat isipin na ang mabigat na trabaho ay isang insulto sa atin at uurong tayo na gaya ng mga “mahal na tao” sa Tekoa. Bagkus, dapat tayong magpagal na katulad ng karaniwang mga taga-Tekoa na gumawa ng isang dalawahang tungkulin.—Nehemias 3:5, 27.
Muling Pinasigla ang Tunay na Pagsamba
Basahin ang 7:1–10:39. Lahat ng gawain ay ginawa ukol sa iisang layunin: upang ipanumbalik ang tunay na pagsamba. Pagkatapos na maisagawa ang pagsesenso, ang mga tao ay nagtipon upang makinig kay Ezra at sa mga Levita na bumasa at nagpaliwanag ng Kautusan. Pagkatapos na sila’y ‘magtamo ng unawa,’ may kagalakang ginanap nila ang Kapistahan ng mga Kubol. Ang mga tao ay nag-ayuno at ipinahayag ang kanilang mga pagkakasala, at gumawa ng mga hakbang upang ituwid ang mga pagkakamaling iyon.
◆ 7:6—Bakit ang pagkatalang ito ay naiiba kaysa pagkatala ni Ezra?
Nagkakaisa ang kapuwa mga ulat na iyan, maliban sa pagkatala ng mga alipin at mga mang-aawit, na lahat-lahat ay 42,360 ang nagsibalik. (Ezra 2:64, 65; Nehemias 7:66, 67) Subalit may pagkakaiba sa bilang ng mga nagsibalik sa mga ilang sambahayan. Malamang, si Ezra at si Nehemias ay gumamit ng nagkakaibang paraan ng pagtitipon ng kanilang mga ulat. Halimbawa, ang isa ay baka nagtala niyaong mga nagparehistro upang magbalik, samantalang iyong isa naman ay nagtala niyaong mga aktuwal na nagsibalik. Ang mga ibang saserdote, at marahil ang iba pa, ay hindi nakabuo ng ulat ng kanilang pinagmulang angkan. (7:64) Baka ito ang nagpapaliwanag kung bakit ang kabuuan ng mga isahang pagtatala ay hindi bumubuo ng sinabing kabuuang 42,360.
◆ 8:8—Papaanong ‘ibinigay ang kahulugan’ ng Kautusan?
Marahil, bukod sa paggamit ng mabuting pagbigkas at pagdidiin ng mga salita, ang Kautusan ay ipinaliwanag ni Ezra at at ng kaniyang mga katulong at ikinapit ang mga simulain ng Kautusan upang lalong maunawaan ng mga tao. Ang mga lathalain na batay sa Bibliya at ang mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay tumutulong din naman na ‘ibigay ang kahulugan’ ng Salita ng Diyos.
◆ 9:1—Bakit ang mga Israelita ay nagsuot ng damit na magagaspang at nagbuhos ng lupa sa ulo?
Ang pagsusuot ng damit na magagaspang—isang kasuotang may madilim na kulay na hinabi sa balahibo ng kambing—ay isang tanda ng pamimighati. Ang pagbubuhos sa ulo o sa katawan ng lupa o abo ay nagpapahiwatig ng matinding pagdadalamhati o pagpapakaaba. (1 Samuel 4:12; 2 Samuel 13:19) Ginagawa ito ng mga Judio noon upang ipakita ang kanilang kalungkutan at mapagpakumbabang pagtanggap na sila’y mga makasalanan. Ito’y sinusundan ng ‘kontrata’ ng pangungumpisal, “isang kaayusang mapagkakatiwalaan.” (9:38) Gayundin naman, tayo ay kailangang mapagpakumbabang kumilala at mangumpisal ng ating mga kasalanan kung ibig nating ingatan ang ating kaugnayan sa Diyos.—1 Juan 1:6-9.
◆ 10:34—Ang paghahandog ba ng kahoy ay ipinag-utos ng Kautusan?
Hindi, ngunit maraming kahoy ang kailangan para sa apoy sa dambana. Marahil, walang sapat sa dami ng mga Netineo—di-Israelitang mga alipin sa templo na “tagapangahoy”—ang kabilang sa mga nagsibalik. (Josue 9:23, 27) Kaya upang patuloy na magkaroon ng maigagatong na kahoy, nagpalabunutan kung aling tribo ang magdadala niyaon sa isang partikular na panahon.
Aral Para sa Atin: “Ang kagalakan ni Jehova” ang resulta ng pagtatamo ng unawa sa Salita ng Diyos, personal na pagkakapit niyaon, at pagtugon sa patnubay teokratiko. (8:10) Gayundin naman, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapahalaga sa personal na pag-aaral, regular na pagdalo sa mga pulong, at ministeryo sa larangan para manatili ang kagalakan.
Masayang Inagurasyon
Basahin ang 11:1–12:47. Upang ang Jerusalem ay magpatuloy na sentro ng tunay na pagsamba, kailangan nito ang isang lalong malaking populasyon. Bukod sa mga boluntaryo, nagpalabunutan para sa isa sa bawat sampung katao na naninirahan sa labas upang sila’y lumipat sa siyudad. Pagkatapos ay ginanap ang inagurasyon ng pader ng siyudad kasabay ng isang masayang prusisyon. Naghandog ng maraming hain, at ang pagsasaya ng mga tao ay maririnig hanggang sa malayo.
◆ 11:2—Bakit ang mga boluntaryo ay “pinagpala”?
Ang pag-iiwan ng mga minanang ari-arian at paglipat sa Jerusalem ay mangangailangan ng mga ilang gastos at mga kalugihan. Ang mga naninirahan sa siyudad na iyan ay maaari rin naman na nakabilad sa iba’t-ibang panganib. Sa ilalim ng mga ganiyang kalagayan, ituturing ng iba na ang mga boluntaryo ay karapatdapat purihin at nanalangin na pagpalain sila ni Jehova.
◆ 12:27—Kailan ang inagurasyon ng pader?
Ang pader ay natapos noong ika-25 araw ng ikaanim na buwan, Elul, noong 455 B.C.E., at nagdaos ng maligayang mga pagtitipon noong sumunod na buwan. (6:15; 8:2; 9:1) Ang inagurasyon ay marahil sumunod kaagad bilang pinaka-tugatog ng masayang okasyong iyon.
Aral Para sa Atin: Ang espiritu ng pagboboluntaryo at pagpapahayag ng pasalamat kay Jehova sa awit at musika ay nakagagalak. Sa ngayon, sa mga kombensiyon, at sa mga iba pang okasyon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagboboluntaryo ng kanilang mga paglilingkod upang makinabang ang iba at sila’y buong-pusong umaawit ng papuri sa Diyos.
Inalis ang mga Karumaldumal na mga Bagay
Basahin ang 13:1-31. Nang siya’y magbalik galing sa paglalakbay sa palasyo ng hari sa Persiya, ganiyang na lamang ang pagkabahala ni Nehemias dahilan sa mga nangyari nang siya’y umalis. Siya’y agad-agad kumilos upang ituwid ang mga suliranin.
◆ 13:3—Sino ang bumubuo ng “haluang karamihan”?
Ang “haluang karamihan” ay binubuo marahil ng mga taga-ibang bayan na katulad ng mga Moabita, Ammonita, at ng mistisong mga Israelita na naging mga anak sa mga banyaga. (13:1, 2) Ito’y ipinahihiwatig ng bagay na nang maaga pa rito ay pinaalis na ng mga Judio ang kanilang mga asawang banyaga pati ang kanilang mga anak. (Ezra 10:44) Muli na namang nag-asawa ang mga Judio ng mga banyagang babae, kaya kinailangan na ang mga babaing ito at ang kanilang mga naging anak ay paalisin sa komunidad, sa lupain mismo, at sa gayo’y sa mga pribilehiyo ng pagsamba kasama ng bayan ni Jehova.—Nehemias 13:23-31.
Aral Para sa Atin: Ang napalihis na mga Judio ay isang babalang halimbawa sa atin. Kailangan sa tuwina’y mapagbantay tayo laban sa pagsingit sa atin ng materyalismo, kalikuan, at apostasya.
Ulit at ulit, sa aklat ng Nehemias ay idinidiin ang simulain na “maliban si Jehova ang magtayo ng bahay, walang kabuluhan ang ginawang pagpapagal dito ng mga nagtayo.” (Awit 127:1) Ang pinakasaligang aral para sa atin ay na sa lahat ng ating mga aktibidades, magtatagumpay tayo tangi lamang kung taglay natin ang pagpapala ni Jehova. Ang pagpapalang iyan ay depende sa ating pagpapanatiling ang tunay na pagsamba ay nasa unang dako sa ating buhay.