Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 11/1 p. 4-7
  • Ang Pagpapabago sa Kalikasan ng Tao

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagpapabago sa Kalikasan ng Tao
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Ugat ng Suliranin
  • Nabago ang Kalikasan ng Tao!
  • “Ang Diyablo ng Kasulatan”
  • Pagsasauli sa Dati
  • “Ang Salita ng Diyos ay Buháy at Mabisa ang Lakas”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Bakit Tayo Tumatanda at Namamatay?
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Isang Kaaway ng Buhay na Walang-Hanggan
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Kalikasan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 11/1 p. 4-7

Ang Pagpapabago sa Kalikasan ng Tao

“ANG mga tao ay hindi nabubuhay lamang sa pamamagitan ng pagbaka sa kasamaan,” ang sabi ng pilosopong si Sir Isaiah Berlin. “Sila’y nabubuhay sa pamamagitan ng positibong mga tunguhin, indibiduwal at maramihan.” Ngunit ilan ang makasusumpong ng gayong “positibong mga tunguhin”? Kadalasan ang kalikasan ng tao ay nahihilig sa mga bagay na negatibo at nagpapahamak.

Sa Britanya, halimbawa, ang mga mararahas na krimen ay biglang dumami kamakailan hanggang sa 11 porsiyento. “Ang aming trabaho,” ang sabi ng pangulong ministro ng Britanya, “ay ang sikaping makasumpong ng mga bagay na makapipigil upang ang dakilang mga sibilisasyon ay makapagpatuloy.” Subalit ang mga batas ba at ang makapulitikang mga panggigipit, gaano mang kabuti ang layunin, ay tunay na makapagpapabago sa hilig ng mga tao na gumawa ng masama? Ang bagay na umiiral ang mga karahasan at dumarami sa kabila ng mga ginagawang batas, at kahit na sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng batas, ay nagpapaliwanag nga ng ganang sarili. Higit pa kaysa batas na pumipigil ang kinakailangan. Ang mismong kalikasan ng mga tao ay kailangang mabago.

Ang Bibliya, sa paghaharap ng isang tunay, praktikal na pangmalas sa buhay, ay nagbibigay ng larawan ng masasamang asal ng tao. Halimbawa, si apostol Pablo ay sumulat sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano sa Galacia tungkol sa “imoral, marurumi, at mahahalay na mga pagkilos . . . Ang mga tao ay nagiging mga magkakaaway at sila’y nagbabaka-baka; sila’y nagiging mapanibughuin, magagalitin, at . . . nananaghili, naglalasing, walang patumangga sa mga katuwaan, at gumagawa ng iba pang mga bagay na katulad nito.” Sang-ayon sa Today’s English Version, na sinipi rito, lahat ng napakababang-uring mga gawaing ito “ang ginagawa ng kalikasan ng tao.”​—Galacia 5:19-21.

Ang Ugat ng Suliranin

Gayunman, ang Today’s English Version ay isang malayang pagkasalin at ang pananalitang “ang ginagawa ng kalikasan ng tao” ay isa lamang pakahulugan sa aktuwal na sinabi ni Pablo. Ang salitang Griego na ginamit ni Pablo, na sarx, ay nangangahulugan na “laman,” hindi “kalikasan ng tao.” Sa dahilang ito, ang tinutukoy rito ng literal na mga salin ay “ang mga gawa ng laman” upang ang sinabi ni Pablo ay wastong maisalin sa ating modernong wika.a

Ang ulat ng Bibliya tungkol sa pagpasok ng kasalanan sa sangkatauhan ay malinaw at simple​—sa katunayan, napakasimple kung kaya’t karamihan ay hindi naniniwala rito. Ganito ang pagkalarawan doon ni Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Dito ang tinutukoy ni Pablo ay ang Genesis, ang unang aklat ng Bibliya, at ang pagkalalang sa unang tao, si Adan, at ang kaniyang asawa, si Eva. Ang kanilang kusang pagsuway ay kilalang-kilala. Dahil doon, sila’y hinatulan ng kamatayan. Ang kanilang supling ay nagmana ng kanilang di-kasakdalan at namatay rin naman. Kaya mula noon, “lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” Sa pangunahing dahilang ito, ang kalikasan ng tao sa ngayon ay isang malabong larawan ng orihinal na paglalang ng Diyos nang ang tao’y lalangin na sakdal.​—Roma 3:23; Genesis, kabanata 2 at 3.

Nabago ang Kalikasan ng Tao!

Gayunman, posible na madaig ang marami sa pinakamasasamang ugali ng tao. Oo, sinasabi ng Bibliya na maaari nating baguhin ang ating kalikasan sa diwa na pagbabago ng ating personalidad. Sa papaano? Sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos.​—Roma 8:9.

Sa liham ni Pablo sa mga kapuwa Kristiyano sa Colosas, ganito ang pagkasabi niya: “Hubarin ang matandang pagkatao, pati ang mga gawain nito, at magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.” Kabilang sa mga gawain ng matandang pagkatao binanggit niya ang ilan sa mga ugali na humihila sa mga tao upang mahilig sa mga bagay na nagpapahamak: nakapipinsalang pagnanasa, poot, galit, at kasamaan.​—Colosas 3:5-10.

Sa pagsulat ng nakakatulad din niyan sa mga Kristiyano sa Efeso, muling binabanggit ni Pablo ang pangangailangan ng isang “bagong pagkatao,” na kaniyang sinasabi sa kanila na “nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.” Binubuo niya ang kaniyang pagtalakay sa pagsasabing: “Lahat ng malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw at masamang bibig ay alisin ninyo kasama ang lahat ng kasamaan. Subalit maging mabait kayo sa isa’t isa, malumanay sa kaawaan.”​—Efeso 4:24, 31, 32.

Ang mga salita ba ni Pablo ay makatotohanan? Maaari nga bang baguhin ang mga pagkatao? Bueno, may patotoo na ang mga sinaunang Kristiyano ay gumawa ng malaking pagbabago sa kanilang buhay. Bilang isang grupo ng mga tao, sila’y nanatiling hiwalay sa sanlibutan na nakapalibot sa kanila. Si Justin Martyr, isang historyador noong panahon ng sinaunang mga Kristiyano, ay sumulat: “Kami na nagkakapootan at nagpupuksaan sa isa’t isa, at, dahilan sa pagkakaiba ng mga ugali, ay tumatangging makipamuhay sa mga taong may naiibang angkan, ngayon, sapol nang pumarito si Kristo, ay namumuhay na may pakikipag-ugnayan sa kanila, at idinadalangin ang aming mga kaaway, at sinisikap na hikayatin yaong mga napopoot sa amin nang walang dahilan na mamuhay nang naaayon sa sakdal na mga alituntunin ni Kristo.”

Kumusta naman sa ngayon? Posible pa ba na gumawa ng gayong malaking mga pagbabago sa kalikasan ng isang tao? Oo! Maraming libu-libong mga halimbawa ang nagpapatunay na nagaganap pa rin ang malalaking pagbabago. Ang sumusunod ay isa lamang sa mga iyan.

Si Stephen ay lumaki sa isa sa mga sentro ng industriya sa Inglatera. Ang kaniyang ama ay isang ateista. Sa gulang na 12 taon, si Stephen ay hinatulan na makulong ng tatlong taon sa isang repormatoryo. Kaniyang ipinagtapat na siya’y nagkasala ng 64 na kaso ng pagnanakaw! Hindi nagtagal at siya’y nawalan ng paggalang sa anumang autoridad, at samantalang siya’y lumalaki, naging lalong malubha ang kaniyang ginagawang mga krimen. Kasali na roon ang pagdaraya, paglalasing at panggugulo, at pag-atake sa pulis, at dahil sa huling kasalanang ito si Stephen ay nakulong. Siya’y naging labis na marahas. “Walang krimen na hindi magagawa ng isang masamang tao kung ang kaniyang mga pangangailangan ay totoong malaki,” ang sabi niya.

Ano kaya ang makapagpapabago sa gayong isang pusakal na kriminal? Sa wakas ay pumayag si Stephen na tanggapin ang tulong ng kaniyang kapatid na naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos na mag-aral ng Bibliya nang maikling panahon, sinimulan ni Stephen na magbihis ng isang “bagong pagkatao.” Ang mga pagbabagong kaniyang ginawa ay tunay na malaki. Ngayon, limang taon ang nakalipas, siya ay maligaya sa kaniyang pagkapag-asawa at isang responsableng miyembro ng isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, na kung saan siya’y isang ministeryal na lingkod.

Samakatuwid ang kalikasan ng tao ay maaaring mabago sa indibiduwal na mga kaso. Ngunit ang mga kahinaan ba ng tao ang tanging dahilan ng ‘pagkapariwara ng sibilisasyon’ sa ngayon?

“Ang Diyablo ng Kasulatan”

Si apostol Pablo ay sumulat ng isang di-karaniwang hula tungkol sa “mga huling araw.” na ito. Ang kaniyang mga salita ay makikita sa kasamang kahon sa itaas. Pansinin na ang lumalalang karahasan at kasamaan ay nagdadala ng “mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan.” Ang kalikasan ba ng tao ang tanging may kagagawan ng lahat ng ito?​—2 Timoteo 3:1.

Hindi, mayroon pang isang bagay, isang nagbabantang puwersa ng kasamaan na nagpapaandar sa mga kahinaan ng tao. Kung papaano nahihirapan ang mga tao na maniwalang ang tao’y nagmana ng kasalanan, sila’y nahihirapan din naman na tanggapin na may isang kapangyarihan na nakatataas sa tao na may layuning maimpluwensiyahan siya. Ngunit ang Bibliya’y nagsasabi na ang gayong kapangyarihan ay umiiral: si Satanas na Diyablo.

Ang salitang “Diyablo” (ibig sabihin, “maninirang-puri”) ay lumilitaw ng 33 beses sa Bibliya, at ang “Satanas” (ibig sabihin, “mananalansang”) ay 52 beses. Karamihan ng mga pantukoy na ito ay tumutukoy sa iisang balakyot na espiritung persona. Gayunman, ang iba’y nagtatatuwa na may umiiral na isang personal na Satanas, anupa’t mas gusto nilang sabihin: “Ang kalikasan ng tao na may likas na hilig magkasala ay ang diyablo ng Kasulatan.”b Gayunman, kapansin-pansin na sa hula tungkol sa tapat na lingkod ni Jehova na si Job, ginagamit ng tekstong Hebreo ang pananalitang has·Sa·tanʹ, ang Satanas at sa Lucas 4:2, mababasa natin na ang Diyablo (Griego, ho di·aʹbo·los) ang tumukso kay Jesus. (Job 1:6) Sa kapuwa pagkakataong ito, isang partikular na persona ang tinutukoy ayon sa gramatika nito. Ang kalikasan ng tao ay hindi pumapasok.

Si apostol Pablo ay nagsususog sa ating kaunawan ng kung gaano ang kapangyarihan ni Satanas nang, sa pagsulat sa mga taga-Efeso, siya’y bumabanggit ng tungkol sa “pansanlibutang mga tagapamahala ng kadilimang ito, . . . ang mga hukbo ng balakyot na mga espiritu sa mga dakong kalangitan.” (Efeso 6:12) Kasama ni Satanas na Diyablo, ang “pansanlibutang mga tagapamahala” na iyon ay mga demonyo, di-nakikitang mga balakyot na espiritu. Sila ang “dumaraya sa buong tinatahanang lupa,” na pinagsasamantalahan ang makasalanang kalagayan ng tao hangga’t magagawa nila. (Apocalipsis 12:9) Kaya naman matindi ang paghimok ni Pablo sa bawat Kristiyano na ‘tumayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.’ Siya ang pangunahing sanhi ng pagsamâ ng sangkatauhan na ating nakikita sa palibot natin.​—Efeso 6:11.

Pagsasauli sa Dati

Si Pedro, na kapanahon ni Pablo, ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay hindi naman mananatili magpakailanman upang magsamantala sa tao. Kaniyang sinasabi: “Mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Oo, hindi na magtatagal ngayon, ang kasamaan sa lahat ng anyo nito ay hindi na magiging bahagi ng kalikasan ng tao. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay lilipulin. (Roma 16:20; Apocalipsis 20:1-3) At pagkatapos, totoong-totoo, sa kalikasan ng tao ay masisinag “ang kaluwalhatian ng Diyos,” at ang buhay na walang-hanggan ang tiyak na pag-asang kakamtin ng sangkatauhan.​—Roma 3:23.

“Nasasabi ko sa tuwina at laging sasabihin ko,” wika ng pangulong Amerikano na si Thomas Jefferson, “na ang masigasig na pagbabasa ng Banal na Aklat ay lilikha ng lalong mabubuting mamamayan . . . Ang Bibliya ang gumagawa ng pinakamabubuting tao sa daigdig.” Gaya nga ng nakita na natin, ang ating kalikasan ay maaaring baguhin kung ang mabisang mensahe ng Bibliya ay bibigyan natin ng pagkakataong maimpluwensiyahan ang ating buhay. (Roma 12:2) Tayo’y makapagpapasiya na magsumikap na yakapin ang mga bagay na mararangal at mabubuti. At upang tayo’y palakasin sa ating pagsisikap na higit na mapasulong ang ating sarili, tayo’y makapagpapasiya na makisama sa mga taong taimtim na naghahangad na gawin din iyan. (Hebreo 10:24, 25) Ang mga Saksi ni Jehova ay handang tumulong sa iyo sa lahat ng paraang maaari. Bakit hindi makipag-ugnayan sa kanila ngayon!

[Mga talababa]

a Ihambing: New World Translation of the Holy Scriptures; The Holy Bible, ni Robert Young; The Emphasised Bible, ni Joseph B. Rotherham; The Holy Bible in Modern English, ni Ferrar Fenton; The Modern Reader’s Bible, ni Richard G. Moulton.

b Ang isang opisyal na pangungusap tungkol sa paniniwala ng Christadelphianism, isang sekta ng Sangkakristiyanuhan.

[Kahon sa pahina 6]

ANG “MGA HULING ARAW”​—Inilarawan ng Bibliya

“Ngunit alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagpakunwari, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang-na-loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, di-marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan, mga traidor, matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos, may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit itinatakuwil ang kapangyarihan niyaon; at sa mga ito ay lumayo ka.”​—2 Timoteo 3:1-5.

[Larawan sa pahina 7]

Di na magtatagal, sa kalikasan ng tao ay lubusang masisinag ang kaluwalhatian ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share