Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 3/1 p. 10-15
  • Ang Katapatan ni Job—Bakit Totoong Pambihira?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Katapatan ni Job—Bakit Totoong Pambihira?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Limitadong Kaalaman ni Job
  • Ang Usapin Tungkol sa Katapatan ni Job
  • Isa Pang Anyo ng Pag-atake
  • Ang Pagtatanggol ni Job at Pagtutuwid sa Kaniya
  • “Mananatili Akong Tapat”
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
  • Nagbata si Job—Tayo Rin!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Pinarangalan ni Job ang Pangalan ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Aklat ng Bibliya Bilang 18—Job
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 3/1 p. 10-15

Ang Katapatan ni Job​—Bakit Totoong Pambihira?

“Hanggang sa ako’y mamatay ay hindi ko aalisin sa akin ang aking pagtatapat!”​—JOB 27:5.

1. Sino si Job, at paano natin nalalaman na siya ay isang tunay na tao?

SI Job ay isang kilalang tao sa kasaysayan. Siya’y hindi lamang totoong mayaman kundi siya’y iginagalang din noon bilang isang mahabaging hukom at tagapanguna. Sinasabi ng Bibliya na siya’y “naging ang pinakadakila sa lahat ng taga-Silangan.” (Job 1:3; 29:12-25) Siya’y nakilala, pati si Noe at si Daniel, bilang isang taong napakamatuwid. (Ezekiel 14:14, 20) Tinutukoy din ng Bibliya si Job bilang isang halimbawa para sundin ng mga Kristiyano, at sa gayo’y ipinakikita na siya’y isang tunay na tao sa kasaysayan.​—Santiago 5:11.

2. Paano natin matitiyak kung kailan sinubok ni Satanas si Job?

2 Si Job ay nanirahan sa lupain ng Uz, na ngayo’y ang Arabia. Bagaman hindi Israelita, si Job ay isang mananamba kay Jehova, na itinawag-pansin ni Jehova kay Satanas. Ang sinabi ng Diyos na “walang gaya niya sa lupa, isang lalaking walang kapintasan at matuwid” ay nagsisiwalat na walang ibang tanyag na lingkod ang Diyos na nabubuhay noong panahong iyon. (Job 1:8) Samakatuwid, ang pagsubok kay Job ni Satanas ay naganap samantalang ang kaniyang malalayo nang mga pininsan, ang mga Israelita, ay alipin sa Ehipto​—noong mga taon pagkatapos na mamatay ang napatanyag sa katapatan na si Jose noong 1657 B.C.E. at bago pa pumasok si Moises sa kaniyang landasin ng katapatan.

3. Sino ang sumulat sa aklat ng Job, at bakit niya nakuha ang impormasyon?

3 Maliwanag na si Moises ang sumulat ng aklat ng Job. Ngunit paano kaya napag-alaman niya ang pagsubok kay Job? Bueno, pagkatapos na si Moises ay napilitang umalis sa Ehipto noong 1553 B.C.E. siya’y nanirahan sa Midian, hindi kalayuan sa lupain ng Uz. (Exodo 2:15-25; Gawa 7:23-30) Noon, si Job ay nasa katapusang 140 mga taon ng buhay na ipinagkaloob sa kaniya ni Jehova. (Job 42:16) Nang malaunan, na ang mga Israelita ay malapit na sa Uz nang matatapos na ang kanilang paglalakbay sa ilang, tiyak na nabalitaan ni Moises ang huling mga taon ng buhay ni Job at ang kaniyang kamatayan.

Ang Limitadong Kaalaman ni Job

4. (a) Ano ang maliwanag na pinanggalingan ng kaalaman ni Job tungkol kay Jehova, at bakit tiyak na nakipagtalastasan siya sa mga inapo ni Abraham at ni Isaac? (b) Paano ngang si Job ay isang tao na nakilala sa katapatan?

4 Nang subukin si Job, ang kaniyang kaalaman sa Diyos at sa kaniyang mga layunin ay limitado, sapagkat wala pang bahagi ng Bibliya na nasusulat noon. Gayunman, tiyak na napag-alaman ni Job ang tungkol sa pakikitungo ni Jehova kina Abraham, Isaac, Jacob, at Jose. Ito’y dahilan sa si Job ay maliwanag na isang inapo ng kapatid ni Abraham na si Nahor, sa pamamagitan ng panganay ni Nahor na si Uz. Isa pa, ang kapatid ni Uz ay si Bethuel, ang ama ng asawa ni Isaac na si Rebeca at lolo sa tuhod ni Jose. (Genesis 22:20-23) Tiyak na minahalaga ni Job ang anumang kaalaman niya tungkol sa pakikipagtalastasan ni Jehova kay Abraham at sa kaniyang mga inapo, at siya’y sabik na makalugod kay Jehova. Kaya naman si Job ay naging isang tao na may pambihirang katapatan, isang taong walang kapintasan at lubusang nakatalaga kay Jehova.

5. Ano, lalo na, ang dahilan kung bakit pambihira ang katapatan ni Job?

5 Noong bago pa lamang kamamatay ni Jose sa Ehipto, ang katapatan ni Job ay naging paksa ng tunggalian ni Jehovang Diyos at ni Satanas sa di-nakikitang kalangitan. Gayunman walang kaalaman si Job tungkol sa tunggaliang ito na nakasentro sa kaniyang katapatan. At ang kaniyang kawalang-alam, lalo na, sa kung bakit siya’y nagdurusa ang dahilan kung bakit pambihira ang katapatan ni Job. Sa kapakinabangan ng lahat ng mga lingkod ng Diyos kung kaya ipinasulat ni Jehova kay Moises ang detalye ng tunggalian may kinalaman sa katapatan ni Job.

Ang Usapin Tungkol sa Katapatan ni Job

6. (a) Paanong isang pagtitipon sa langit ang nagsiwalat na mayroong usapin ang Diyos at si Satanas? (b) Kailan nagsimula ang usaping ito, at ano ba ang usaping ito?

6 Sa aklat ng Job ay ipinasisilip sa atin ang kalangitan at nakikita natin ang isang pulong ng mga anghel na naganap sa harap ng Diyos na Jehova sa langit. Doon ay ipinaalaala ni Jehova kay Satanas, na naroroon din, na “walang gaya [ni Job] sa lupa, isang lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at humihiwalay sa kasamaan.” (Job 1:8) Maliwanag, may usapin noon na tungkol sa katapatan ni Job. Subalit ito’y hindi bago. Ang usapin ay ipinahiwatig ng italikod ni Satanas sa Diyos sina Adan at Eva, at, sa katunayan, nagsabi: ‘Bigyan lamang ako ng pagkakataon ay maitatalikod ko ang sinuman buhat sa paglilingkod sa iyo.’​—Genesis 3:1-6.

7. Anong mga mungkahi ang napilitan si Satanas na ibigay tungkol sa katapatan ni Job, at paano hinamon ng Diyablo ang Diyos?

7 Ngayon, na nagaganap ang opisyal na pagtitipong ito sa langit, si Satanas ay obligado na nagbigay ng paliwanag tungkol sa katapatan ni Job. “Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Diyos?” ang tanong niya. “Hindi baga kinulong mo siya ng bakod at pati kaniyang sambahayan at lahat ng kaniyang pag-aari? . . . Ngunit, para mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay,” ang hamon ni Satanas, “at galawin ang lahat na taglay niya at tingnan mo kung hindi ka niya itatakwil nang mukhaan.”​—Job 1:9-11.

8. (a) Paano tumugon si Jehova sa hamon ni Satanas? (b) Anong kakila-kilabot na mga dagok ang pinasapit ni Satanas kay Job?

8 Tinanggap ni Jehova ang hamon ni Satanas. Lubusang nagtitiwala siya sa katapatan ni Job at ang sagot kay Satanas: “Narito! Lahat ng mayroon siya ay nasa iyong kamay. Siya lamang ang huwag mong pagbubuhatan ng iyong kamay!” (Job 1:12) Dagling kumilos si Satanas laban kay Job. Tinangay ng mga tulisang Sabeo ang 1,000 mga baka at 500 mga asno, at pinagpapatay ang lahat ng kanilang mga bataan maliban sa isa. Pagkatapos ay nagpadala si Satanas ng apoy buhat sa langit upang supukin ang 7,000 mga tupa ni Job pati na ang kanilang mga tagapag-alaga, maliban sa isa. Pagkatapos ay pinapangyari ni Satanas na tatlong pangkat ng mga Caldeo ang tumangay sa 3,000 kamelyo ni Job at pinatay ang lahat ng mga tagapag-alaga maliban sa isa. Sa wakas, si Satanas ay nagpasapit ng malakas na hangin na tumama sa bahay na kung saan may kapistahan ang sampung anak ni Job, at namatay silang lahat. Pagkatapos, sunud-sunod, ang mga nakaligtas sa mga kapahamakang ito ay nagbigay-alam kay Job ng nakasisindak na balita.​—Job 1:13-19.

9. Ano ang dahilan kung kaya ang mga kapahamakan ni Job ay lalo nang mahirap na tiisin, gayunman ay ano ang tugon ni Job?

9 Anong kalunus-lunos na mga kapahamakan! Kahit na alam ni Job kung sino ang nagpangyari nito, ito’y mahirap na tiisin. Ngunit hindi gayon para sa kaniya! Hindi niya alam na siya ang sentro ng isang usapin sa langit at siya’y ginagamit ni Jehova upang ipakita na mayroong mga tao na mananatili sa kanilang katapatan sa kabila ng lahat ng pagdurusa na maaaring pasapitin sa kanila ni Satanas. Gayunman, palibhasa’y nagdadalamhati at marahil iniisip na sa paanuman ang Diyos ay may bahagi sa kaniyang kasawian, si Job ay nagsabi: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis. Patuloy na purihin ang pangalan ni Jehova.” Oo, “sa lahat na ito ay hindi nagkasala si Job o inisip man niya na ginawan siya ng masama ng Diyos.”​—Job 1:20-22.

10. (a) Ano pa ang hiniling ni Satanas na payagan siyang gawin kay Job, at bakit pumayag si Jehova na ipagkaloob ito? (b) Ano ngayon ang nangyari kay Job nang siya’y malagay na sa gayong abang kalagayan?

10 Anong laking kahihiyan para kay Satanas, sa isa pang pagtitipon ng mga anghel, naipaalaala ni Jehova tungkol kay Job: “Gayunman ay namamalagi siya sa kaniyang pagtatapat”! Subalit si Satanas ay hindi umurong. Ngayon ay naghahamon siya na kung siya’y bibigyan ng pagkakataon na pagbuhatan ng kamay si Job, mukhaang itatakwil ni Job ang Diyos. Palibhasa’y nagtitiwala sa katapatan ni Job kahit sa sukdulang ito, si Jehova ay pumayag, ngunit pinagsabihan si Satanas na ingatan ang buhay ni Job. Kaya’t ang ginawa ni Satanas ay ‘pinasibulan si Job ng masamang bukol mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa puyo ng kaniyang ulo.’ (Job 2:1-8) Si Job ay napauwi sa isang napakaabang karima-rimarim na kalagayan kung kaya’t nilayuan siya ng kaniyang mga kamag-anak at mga kaibigan, at tinuya siya ng kaniyang mga dating kakilala.​—Job 12:4; 17:6; 19:13-19; 30:1, 10-12.

11. Ano pang dagok ang pinagtiisan ni Job, at ano ang dahilan kung bakit masasabing pambihira ang katapatan ni Job sa kabila ng lahat ng kaniyang pinagtiisan?

11 Pagkatapos ay may isa pang dagok! Nanghina ang pananampalataya ng asawa ni Job. Ang sabi nito sa kaniya: “Mamamalagi ka ba sa iyong katapatan? Itakwil mo ang Diyos at mamatay ka!” Subalit sinabi ni Job sa kaniya: “Gaya ng isang babaing hangal, ganiyan ka nagsasalita. Ang mabuti ba lamang ang tatanggapin natin sa tunay na Diyos at tayo’y hindi rin tatanggap ng masama?” Sinasabi ng ulat, “Sa lahat na ito ay hindi nagkasala si Job ng kaniyang mga labi.” (Job 2:9, 10) At pagka naalaala mo na ang dahilan para sa kaniyang pagdurusa ay hindi alam ni Job, tunay na pambihira ang kaniyang katapatan!

Isa Pang Anyo ng Pag-atake

12. (a) Sino yaong mga lalaki na naparoon upang umaliw kay Job? (b) Paano ginamit ni Satanas ang mga lalaking ito upang subukin pa si Job?

12 Ngunit si Satanas ay hindi pa nagkasiya riyan. Siya’y nagbangon ng tatlong lalaking kunwari’y marurunong at kilala nilang personal si Job o kaya’y kanilang nabalitaan ang kaniyang kabantugan bilang “ang pinakadakila sa lahat ng mga taga-Silangan.” Maliwanag na sila’y makapupong may edad kaysa kay Job. (Job 1:3; 15:10; 32:6) Dalawa sa kanila ang malayo nang mga kamag-anak. Si Elipaz na Temanita ay isang inapo ni Abraham kay Teman, isang apo ni Esau, at si Bildad na Suhita ay isang inapo ng anak ni Abraham na si Sua. (Job 2:11; Genesis 36:15; 25:2) Si Sophar naman ay hindi tiyak ang pinanggalingang angkan. Tila nga ang tatlong ito ay naparoon upang umaliw kay Job, subalit ang totoo’y ginagamit sila ni Satanas upang sirain ang katapatan ni Job. Kung paanong ang pulitikal na mga tagapag-usisa na nagkukunwaring mga kaibigan ay nagtagumpay ng pagsira sa katapatan ng mga preso at ibinaling sila laban sa kanilang sariling mga pamahalaan, si Satanas ay umasa na si Job ay ibabaling laban sa kaniyang Diyos ng kaniyang “mga mang-aaliw.”​—Job 16:2, 3.

13. (a) Ano ang ginawa ng mga bisita ni Job nang sila’y dumating? (b) Nang magsimula ang pag-uusap, ano ang kinalabasan niyaon?

13 Nang sila’y dumating, ang tatlong bisita ay pitong araw at pitong gabi na nagmasid kay Job sa kaniyang matinding hirap at labis na kahihiyan. (Job 2:12, 13) Si Elipaz, ang pinakamatanda marahil, ang naunang nagsalita, na ipinahiwatig ang takbo at temang paksa na ang kinalabasan ay isang tatlong-round na debate. Ang karamihan ng sinabi ni Elipaz, pati ng kaniyang mga kasama, ay mga paratang. Pagkatapos na bawat isa ng kaniyang mga tagapagparatang ay magsalita, si Job naman ay sumasagot, ibinubuwal ang kanilang mga argumento. Si Sophar ay hindi sumali sa ikatlong round ng debate, marahil inaakala niya na wala na siyang maidaragdag doon. Kaya si Sophar ay gumawa ng dalawa lamang pagpapahayag, samantalang si Elipaz at si Bildad ay gumawa ng tig-tatatlo.

14. Anong uri ng mga argumento ang ginamit ng tatlo laban kay Job, at paano ginamitan ni Satanas si Jesus ng nakakatulad na taktika?

14 Ang mga pahayag ni Elipaz ay mas mahahaba, at medyo malambot ang kaniyang pangungusap. Ang pangungusap ni Bildad ay mas masasakit, at ang kay Sophar ay lalo pang higit na gayon. Tuso ang pagkadisenyo ng kanilang mga argumento upang magtagumpay ang layunin ni Satanas na sirain ang katapatan ni Job. Malimit na ang sinasabi nila’y totoo naman, ngunit mali ang konteksto at ang pagkakapit. Ganoon ding taktika ang ginamit ni Satanas kay Jesus. Siya’y sumipi ng isang kasulatan na nagsasabing iingatan ng anghel ni Jehova ang kaniyang lingkod buhat sa kapahamakan, pagkatapos ay sinabihan ni Satanas si Jesus na patunayang siya’y anak ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapatihulog niya buhat sa templo. (Mateo 4:5-7; Awit 91:11, 12) Si Job, sa loob ng isang mahaba-habang panahon, ay napaharap sa ganoon ding pangangatuwiran ni Satanas.

15. Ano ang ikinatuwiran ni Elipaz na pinanggagalingan ng mga kapahamakan ni Job?

15 Sa kaniyang pambungad na pahayag, ikinatuwiran ni Elipaz na ang mga kapahamakan ni Job ay parusa ng Diyos sa kaniyang mga kasalanan. “Sino nga bang walang sala ang napahamak?” ang tanong niya. “Ayon sa aking nakita na, silang nagpapakana ng masama at silang naghahasik ng kapahamakan ang aani rin niyaon.” (Job 4:7, 8) Pagkatapos, sinabi ni Elipaz na hindi nagtitiwala ang Diyos sa kaniyang mga lingkod. “Sa kaniyang mga lingkod siya’y walang tiwala,” ang sabi ni Elipaz, “at ang kaniyang [mga anghel] ay inaari niyang mangmang. Gaano pa kaya sila na nagsisitahan sa mga bahay na putik.”​—Job 4:18, 19.

16. Paano pinasundan ni Bildad ang paratang ni Elipaz, at anong maling paghahalimbawa ang ginamit niya?

16 Pinasundan ni Bildad ang berbalang paratang. “Kung ikaw ay malinis at matuwid,” aniya, “walang pagsalang ngayon [ang Diyos] ay gigising dahil sa iyo at kaniya ngang isasauli ang iyong matuwid na tahanang dako.” Binanggit ni Bildad na ang papiro at tambo ay natutuyo at namamatay kung walang tubig at totoo naman ang kaniyang sinabi na “lahat ng mga lumilimot sa Diyos” ay magkakaganoon din. Subalit anong laking kamalian na ang paghahalimbawang ito ay ikapit niya kay Job at sabihin pa, “Ang mismong pag-asa ng isang apostata ay mabibigo”!​—Job 8:6, 11-13.

17. Ano ang lalong matinding pangungusap ni Sophar?

17 Ang pangungusap ni Sophar ay mas lalong matindi. ‘Oh magsalita sana ang Diyos at sabihin sa iyo ang kaniyang iniisip!’ ang sa katunayan, sinasabi niya. ‘Alam ng Diyos ang iyong ginawa. Mas magaan ang ipinaparusa niya sa iyo kaysa nararapat. Iwaksi mo ang lahat mong kasalanan pati lahat mong kasamaan, at ikaw ay matitiwasay at magkakaroon ng maraming kaibigan.’​—Job 11:4-6, 14-20.

18. Sa pangalawang round ng debate, paano ipinagpatuloy ng tatlo ang kanilang pag-atake kay Job?

18 Sa pangalawang round ng debate, si Elipaz ay patuloy ng pag-atake sa katapatan ni Job. ‘Aba, kahit mga anghel ay hindi pinagtitiwalaan ng Diyos, gaano pa ang kagaya mo! Ang isang taong balakyot ay laging napapaharap sa suliranin.’ (Job 15:14-16, 20) Si Bildad, na pinagalit na ng katigasan ni Job sa pagsalungat sa kanilang mga argumento, sa katunayan, ay nagsasabi: ‘Ang ilaw mo ay papatayin. Lahat ng alaala ng iyong buhay ay mapapawi. Ganiyan ang nangyayari sa mga nakalilimot sa Diyos.’ (Job 18:5, 12, 13, 17-21) Si Sophar, na nagpapahiwatig tungkol sa nakalipas na kaunlaran ni Job, ay nagtatanong: ‘Hindi mo ba alam na ang kagalakan ng masama ay pansandalian, at ang pagsasaya ng apostata ay sandali lamang? Binibilad ng langit ang kasamaan ng mga balakyot.’​—Job 20:4, 5, 26-29.

19. (a) Ayon kay Elipaz, anong halaga ang ibinibigay ng Diyos sa katapatan ng tao? (b) Paano tinapos ni Bildad ang pag-atake kay Job?

19 Bilang pasimula ng ikatlong round ng debate, si Elipaz ay nagtanong: ‘May halaga kaya sa Diyos ang sinumang tao? Kahit na kung ikaw ay walang kapintasan, iyon ba ay makabubuti sa Diyos? Manumbalik ka sa Diyos,’ aniya, ‘at ituwid mo ang iyong pamumuhay. Kung magkagayon ay tatanggapin ka uli.’ (Job 22:2, 3, 21-23) Tinatapos ni Bildad ang berbalang pag-atake. ‘Sino sa lupa ang makapangangalandakan na siya’y malinis?’ ang tanong niya. ‘Totoong maningning ang Diyos na kahit na ang buwan at mga bituin ay walang-wala sa kaniya. Gaano pa nga kaya ang tao, na mistulang isang uod lamang sa kaniyang paningin!’​—Job 25:2-6.

Ang Pagtatanggol ni Job at Pagtutuwid sa Kaniya

20. (a) Paano sinagot ni Job ang argumento na ang pagdurusa ay parusang buhat sa Diyos para sa mga kasalanan? (b) Ano ang determinasyon ni Job, at paano natin nalalaman na ang kaniyang katapatan ay talagang mahalaga sa Diyos?

20 Sa kabila ng kaniyang kakila-kilabot na pagdurusa, saglit man ay hindi napadala si Job sa magdarayang mga argumento ng mga umuusig sa kaniya. Kung ang pagdurusa ay parusa buhat sa Diyos para sa mga kasalanan, ang tanong niya, “bakit nga ang mga balakyot ay patuloy na nabubuhay, sila’y tumatanda, at totoong yumayaman?” (Job 21:7-13) At salungat sa sinasabi ng mga tagapagparatang kay Job, minamahalaga ni Jehova ang mga nananatili sa katapatan at sa ganoo’y nagsisilbing kasagutan sa pangungutya ni Satanas na kaniyang maitatalikod ang sinuman sa paglilingkod sa Diyos. (Kawikaan 27:11; Awit 41:12) May pagtitiwala si Job sa kaniyang sariling katapatan, at ang bulalas: “Hanggang sa ako’y mamatay ay hindi ko aalisin sa akin ang aking pagtatapat!” (Job 27:5) Hindi, siya’y hindi gumawa ng anuman na karapat-dapat sa kapahamakan na sumapit sa kaniya.

21. Ano ang sinabi ni Elihu sa nagkunwaring mga mang-aaliw ni Job, at anong kailangang pagtutuwid ang ginawa niya kay Job?

21 Ang binatang si Elihu ay matamang nakikinig sa bawat salita ng mahabang debateng ito. Ngayon ay nagsasalita siya, sinasabi sa nagkunwaring mga mang-aaliw ni Job na anumang sinabi nila ay hindi nagpapatunay na si Job ay isang makasalanan. (Job 32:11, 12) Pagkatapos, si Elihu ay bumaling kay Job at ang sabi: “Ang iyong mga salita ay patuloy na naririnig ko, ‘Ako’y malinis at walang pagsalansang; ako’y walang sala, ni may kasamaan man sa akin. Narito! Siya’y nakasumpong ng kadahilanan laban sa akin, kaniyang itinuring ako na isang kaaway niya.’ . . . Dito ay nagkamali ka.” (Job 33:8-13; 6:29; 13:24, 27; 19:6-8) Oo, si Job ay totoong nabahala tungkol sa pagbabangong-puri sa kaniyang sarili. Gayunman, kailanman ay hindi niya sinumpa ang Diyos ni nawalan man siya ng pagtitiwala na gagawin ng Diyos ang matuwid.

22. (a) Pagkatapos makapakinig kay Jehova, ano ang tugon ni Job? (b) Ano ang hiniling ng Diyos sa nagkunwaring mga mang-aaliw ni Job, at ano ang kinalabasan para kay Job?

22 Isang bagyo ang nagsimula habang tinatapos ni Elihu ang kaniyang pahayag, at si Jehova mismo ang nagsalita buhat sa ipuipo: “Sino ito na nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salita na walang kawawaan? Bigkisan mo ang iyong mga balakang . . . Tatanungin kita, at sagutin mo ako.” Pagkatapos na makapakinig kay Jehova, kinilala ni Job na siya ay nagsalita nang padalus-dalos, na walang lubos na kaalaman, at nagsisi “sa alabok at mga abo.” Pagkatapos ay nagsalita si Jehova laban kay Elipaz at sa kaniyang dalawang kasama, sinabi kay Job na siya’y magsilbing tagapamagitan para sa kanila. Nang magkagayo’y nanumbalik sa dati si Job, at nagkaanak uli ng pitong lalaki at tatlong magagandang babae at nagkaroon siya ng makadobleng dami ng mga hayop. Siya’y nabuhay ng 140 mga taon pa, at sa wakas si Job ay namatay na “matanda na at nalubos ang mga araw.”​—Job 38:1-4; 42:1-17.

23. Paano tayo dapat maapektuhan ng katapatan ni Job?

23 Tunay, si Job ay isang tao na may pambihirang katapatan! Siya’y walang paraan ng pagkaalam na siya pala’y tudlaan ng balakyot na hamon ni Satanas. Ito ang lalo pang nagpapatingkad sa kaniyang katapatan sapagkat kahit na ang paniwala niya’y sa Diyos galing ang lahat ng kaniyang pagdurusa, gayunman ay hindi niya itinakwil o isinumpa ang Diyos. Anong inam na aral ito para sa atin, yamang alam natin ang pinanggagalingan ng mga pagsubok sa ating katapatan! Tunay na dapat tayong maudyukan na tularan ang halimbawa ni Job at magpatuloy sa gawain ni Jehova anuman ang gawin sa atin ng Kaaway ng Diyos.

Masasagot Mo Ba?

◻ Anong mga bagay ang dahilan at totoong pambihira ang katapatan ni Job?

◻ Sino ang dumalaw kay Job, at ano ang inaasahan ni Satanas na matagumpay na magagawa nila?

◻ Anong mga argumento ang ibinangon ng tatlo laban kay Job?

◻ Anong pagtatanggol ang ginawa ni Job, subalit paano siya itinuwid?

◻ Ano ang kinalabasan, at paano tayo dapat na maapektuhan nito?

[Larawan sa pahina 13]

Nagsugo si Satanas ng tatlong “mang-aaliw” upang italikod si Job sa Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share