Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 7/8 p. 26-27
  • Nagkakasundo ba ang Siyensiya at ang Bibliya?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nagkakasundo ba ang Siyensiya at ang Bibliya?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Himala ba ay Hindi Makasiyentipiko?
  • Sumasalungat ba ang Bibliya sa Siyensiya?
  • Kaalaman Mula sa Nakatataas na Pinagmumulan
  • Hanggang Saan Mo Mapagtitiwalaan ang Siyensiya?
    Gumising!—1998
  • Kung Paano Apektado ng Siyensiya ang Buhay Mo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan
    Gumising!—1993
  • Paano Nagsimula ang Uniberso at ang Buhay?
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 7/8 p. 26-27

Ang Pangmalas ng Bibliya

Nagkakasundo ba ang Siyensiya at ang Bibliya?

MULA sa mga eroplano at mga bomba atomika hanggang sa mga selula na henetikong naisasaayos at sa pagko-cloning ng tupa, ang ating ika-20 siglo ay naging panahon na pinangingibabawan ng siyensiya. Napapunta ng mga siyentipiko ang mga tao sa buwan, nalipol ang bulutong, nabago ang agrikultura, at nakagawa sa isang iglap ng komunikasyon sa buong mundo para sa bilyun-bilyong tao. Kaya, hindi nakapagtataka na ang mga tao’y makinig kapag nagsalita ang mga siyentipiko. Subalit ano, kung mayroon man, ang masasabi ng mga siyentipiko tungkol sa Bibliya? At ano naman ang masasabi ng Bibliya sa atin tungkol sa siyensiya?

Ang mga Himala ba ay Hindi Makasiyentipiko?

“Ang mga taong palaisip sa siyensiya ay naniniwala sa ugnayan ng ‘cause-and-effect.’ Inaakala nilang may ganap at likas na paliwanag sa lahat ng bagay,” ang sabi ng isang bagong ensayklopidiya. Tinatanggap din ng mga nag-aaral ng Bibliya ang napatunayang mga simulain ng siyensiya. Gayunman, kinikilala nila na ang Bibliya ay malimit na tumatalakay sa makahimalang mga pangyayari na hindi maipaliwanag sa makasiyentipikong paraan ayon sa kasalukuyang kaalaman. Ang mga halimbawa ay ang paghinto ng araw noong kapanahunan ni Josue at ang paglalakad ni Jesus sa tubig. (Josue 10:12, 13; Mateo 14:23-34) Gayunman, ang mga himalang ito ay inilalahad na bunga ng kapangyarihan ng Diyos na kumikilos sa isang sobrenatural na paraan.

Ang puntong ito ay mahalaga. Kung sinabi ng Bibliya na ang mga tao ay makapaglalakad sa tubig nang walang tulong ng Diyos o na ang waring pagkilos ng araw sa kalangitan ay maaaring mapahinto nang walang dahilan, tila ito’y sumasalungat sa mga totoong bagay ng siyensiya. Gayunman, kapag tinukoy nito ang gayong mga pangyayari na kapangyarihan ng Diyos, hindi ito gaanong sumasalungat sa siyensiya yamang ito’y humahantong sa pagtalakay ng isang bahagi na hindi pa masusundan ng siyensiya.

Sumasalungat ba ang Bibliya sa Siyensiya?

Sa kabilang dako naman, kumusta ang mga halimbawa kung saan binabanggit ng Bibliya ang karaniwang mga pangyayari sa buhay ng mga tao o bahagyang nababanggit ang tungkol sa mga halaman, hayop, o mga pangyayari sa kalikasan? Kapansin-pansin naman, walang napatunayang halimbawa sa Bibliya na sumasalungat sa mga totoong bagay ng siyensiya sa gayong mga kalagayan kapag isinasaalang-alang ang sinasabi ng konteksto.

Halimbawa, malimit na ginagamit ng Bibliya ang matulaing wika na nagpapabanaag ng mga kaisipan ng mga tao na nabuhay sa nakalipas na libu-libong taon. Nang banggitin ng aklat ni Job ang tungkol sa paghampas o pagpanday ni Jehova sa kalangitan na “matibay na gaya ng salaming binubo,” angkop ang pagkakalarawan nito sa kalangitan bilang metal na salamin na nagbabanaag ng larawan. (Job 37:18) Hindi kailangang malasin sa literal na paraan ang ilustrasyon, kung paanong hindi dapat malasin sa literal na paraan ang ilustrasyon tungkol sa lupa na may “pinaglatagan ng pundasyon” o “batong-panulok.”​—Job 38:4-7.

Ito’y mahalaga sapagkat maraming komentarista ang umuunawa rito sa literal na diwa. (Tingnan ang 2 Samuel 22:8; Awit 78:23, 24.) Sila’y naghinuha na ang Bibliya ay nagtuturo ng bagay na gaya ng sumusunod, na sinipi mula sa The Anchor Bible Dictionary.

“Ang lupa na tinitirhan ng tao ay ipinalalagay na bilog, matigas na bagay, marahil manipis subalit bilugan, na lumulutang sa walang-takdang kalawakan ng tubig. Ang katapat ng mas mababang kalipunang ito ng tubig ay ang ikalawang kalipunan, na walang-takda rin, sa kaitaasan, kung saan bumababa ang tubig sa anyong ulan sa pamamagitan ng mga butas at mga daanan na tumatagos sa makalangit na imbakan. Ang buwan, araw, at iba pang makalangit na mga bagay ay nakapirmi sa kurbadong kaanyuan na siyang bumabalantok sa lupa. Ang kaanyuang ito ay ang kilalang ‘arkong bubungan’ (rāqîa‛) na gaya ng inilalarawan ng mga saserdote.”

Maliwanag, ang paglalarawang ito ay hindi sumasang-ayon sa makabagong siyensiya. Subalit ito ba’y walang-kinikilingang pagtasa sa turo ng Bibliya may kinalaman sa kalangitan? Hindi. Sinasabi ng The International Standard Bible Encyclopaedia na ang gayong Hebreong paglalarawan ng uniberso ay “sa katunayan nakasalig ng higit sa mga ideya na laganap sa Europa noong Edad Medya kaysa aktuwal na sinabi ng M[atandang] T[ipan].” Saan nanggaling ang mga ideyang ito noong Edad Medya? Gaya ng ipinaliliwanag ni David C. Lindberg sa The Beginnings of Western Science, ang karamihan nito ay nakasalig sa kosmolohiya ng sinaunang Griegong pilosopo na si Aristotle, na ang mga gawa ay naging saligan ng karamihan ng mga kaalaman noong Edad Medya.

Magiging walang kabuluhan at abala para sa Diyos na ipahayag ang Bibliya sa wikang mauunawaan lamang ng isang siyentipiko sa ika-20 siglo. Sa halip na makasiyentipikong mga pormula, ang Bibliya ay nagtataglay ng maliwanag na mga ilustrasyon na halaw mula sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao na unang sumulat ng mga ito​—buhay na buhay na mga paglalarawan na walang-katapusan ang impluwensiya magpahanggang sa ngayon.​—Job 38:8-38; Isaias 40:12-23.

Kaalaman Mula sa Nakatataas na Pinagmumulan

Gayunman, kapansin-pansin na ang ilang reperensiya sa Bibliya ay lumilitaw na nagpapabanaag ng makasiyentipikong kaalaman na hindi batid ng mga taong nabubuhay noong panahong iyon. Inilalarawan ni Job na “iniuunat [ng Diyos] ang hilagaan sa pagitang walang laman at ibinibitin ang lupa sa wala.” (Job 26:7) Ang ideya na ang lupa ay nakabitin “sa wala” ay malayung-malayo sa mga mitolohiya ng karamihan ng sinaunang mga tao, kung saan kanilang ipinatong ito sa ibabaw ng mga elepante o mga pawikan. Ang Batas Mosaiko ay nagtataglay ng mga kahilingan para sa kalinisan na mas makabago sa medikal na kaalaman nang panahong iyon. Ang mga regulasyon sa pagkukuwarantina ng mga taong pinaghihinalaang may ketong at ang pagbabawal sa paghipo sa mga taong patay ay walang-alinlangang nagligtas sa maraming buhay ng mga Israelita. (Levitico 13; Bilang 19:11-16) Sa kabaligtaran naman, ang mga paraan ng paggamot ng mga Asiryano ay inilarawan bilang “pagsasama ng relihiyon, panghuhula, at paniwala sa mga demonyo” at kasali sa paggamot ang dumi ng aso at ihi ng tao.

Gaya ng maaasahan ng isa mula sa aklat na kinasihan ng Maylalang, ang Bibliya ay nagtataglay ng impormasyong tumpak ayon sa siyensiya na di-hamak na mas makabago, bagaman hindi ito kailanman lipos ng mga makasiyentipikong paliwanag na naging walang-saysay o nakalilito sana para sa sinaunang mga tao. Ang Bibliya ay hindi nagtataglay ng mga bagay na sumasalungat sa kilalang mga totoong bagay sa siyensiya. Sa kabilang dako, ang Bibliya ay nagtataglay ng napakaraming bagay na hindi sumasang-ayon sa di-napatunayang mga teoriya, gaya ng teoriya ng ebolusyon.

[Blurb sa pahina 27]

Ang komento ni Job na ang lupa ay ‘nakabitin sa wala’ ay nagpapakita ng kaalaman na hindi batid ng mga taong kapanahon niya

[Picture Credit Line sa pahina 26]

NASA

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share