“Sino ang Naglagay ng Karunungan sa mga Suson ng Alapaap”?
“KAPAG nakakita kayo ng ulap na lumilitaw sa mga kanluraning bahagi, karaka-rakang sinasabi ninyo, ‘Isang bagyo ang darating,’ at nangyayaring gayon. At kapag nakita ninyo na humihihip ang timugang hangin, sinasabi ninyo, ‘Magkakaroon ng matinding init,’ at ito ay nagaganap.” Ang mga salitang ito ni Jesus, na isinulat ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas, ay mga halimbawa ng pagtaya ng panahon na ginagawa noon sa sinaunang Palestina. (Lucas 12:54, 55) Sa ilang kalagayan, nababasa ng mga tao noon ang mga tanda at nakagagawa sila ng tumpak na maiikling pagtaya.
Sa ngayon, ang mga meteorologo ay gumagamit ng masalimuot na mga instrumento, gaya ng mga satellite na umiikot sa lupa, radar na Doppler, at mahuhusay na computer, upang suriin ang mga direksiyon ng lagay ng panahon sa loob ng mas mahahabang yugto. Ngunit kadalasang mali ang kanilang mga prediksiyon. Bakit?
Maraming salik ang nakahahadlang sa tumpak na tumpak na pagtaya sa lagay ng panahon. Halimbawa, nagiging masalimuot ang mga bagay dahil sa di-inaasahang pagbabago sa temperatura, halumigmig, presyon ng hangin, at bilis at direksiyon ng hangin. Idagdag pa rito ang masalimuot na epekto ng araw, mga ulap, at mga karagatan, na hindi pa lubusang nauunawaan ng mga siyentipiko. Dahil dito, ang pagtaya sa lagay ng panahon ay nananatiling isang di-eksaktong siyensiya.
Ang limitadong kaalaman ng tao sa panahon ay nagpapaalaala sa atin ng mga tanong ni Job: “Sino ang nagsilang sa mga patak ng hamog? Kaninong tiyan nanggaling ang yelo? . . . Mailalakas mo ba ang iyong tinig sa ulap, upang matakpan ka ng dumadaluyong na tubig? . . . Sino ang naglagay ng karunungan sa mga suson ng alapaap, o sino ang nagbigay ng unawa sa kababalaghan sa himpapawid? Sino ang talagang makabibilang sa mga alapaap sa karunungan, o sa mga banga ng tubig sa langit—sino ang makapagtatagilid sa mga ito?”—Job 38:28-37.
Ang sagot sa lahat ng tanong na ito ay, Walang sinumang tao kundi ang Diyos na Jehova. Oo, gaano man karunong ang mga tao, lubhang nakahihigit ang karunungan ng ating Maylalang. Tunay na pag-ibig sa kaniyang bahagi na ipinaaabot niya ang kaniyang karunungan sa atin sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya, upang magtagumpay tayo sa ating landas.—Kawikaan 5:1, 2.