Si Jehova, ang Gumagawa ng Kagila-gilalas na mga Bagay
“Ikaw ay dakila at gumagawa ng kagila-gilalas na mga bagay; ikaw ang Diyos, ikaw lamang mag-isa.”—AWIT 86:10.
1, 2. (a) Papaano naapektuhan ang daigdig ng mga naimbento ng tao? (b) Saan tayo makasusumpong ng pag-asa sa lalong mabubuting bagay?
MARAHIL ay ipagmamalaki ng modernong tao na ang kaniyang mga naimbento ay kagila-gilalas—mga gamit na de koryente, telekomunikasyon, video, ang auto, pagbibiyahe sa eroplanong jet, at teknolohiya ng computer. Ginawa nito ang daigdig na isang pamayanan. Subalit anong nakakikilabot na pamayanan ito! Sa halip na kapayapaan, kaunlaran, at kasaganaan para sa lahat, ang sangkatauhan ay sinasalot ng nakamamatay na mga digmaan, krimen, terorismo, polusyon, mga sakit, at karalitaan. At ang mga armas nuklear na nakakalat sa buong daigdig, bagaman nabawasan, ay maaari pa ring lumipol sa lahi ng tao. Mga tagapagbenta ng kamatayan, ang mga pabrikante ng armas, ay patuloy na nagpapaandar ng pinakamalalaking negosyo sa lupa. Ang mayayaman ay lalo pang yumayaman, at ang mahihirap ay lalo pang naghihirap. Mayroon bang sinuman na makasusumpong ng solusyon?
2 Oo! Sapagkat may Isa na gumagarantiya ng kaligtasan, “isang lalong mataas kaysa mataas,” ang Diyos na Jehova. (Eclesiastes 5:8) Kaniyang kinasihan ang pagsulat ng mga awit, na nagbibigay ng malaking kaaliwan at may karunungang payo para sa mga panahon ng kahirapan. Kabilang na roon ang Awit 86, na may simpleng pamagat: “Isang panalangin ni David.” Ito ay isang panalangin na maaari mong gawing iyong sarili.
Nasa Kagipitan Ngunit Tapat
3. Sa mga panahong ito, anong nakapagpapatibay-loob na halimbawa ang inilaan ni David para sa atin?
3 Ang awit na ito ay isinulat ni David samantalang nasa ilalim ng kagipitan. Tayo sa ngayon, na namumuhay sa “mga huling araw” ng sistema ni Satanas, itong “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan,” ay nakaharap sa nakakatulad na mga pagsubok. (2 Timoteo 3:1; tingnan din ang Mateo 24:9-13.) Tulad natin, si David ay dumanas ng mga kabalisahan at panlulumo dahilan sa mga suliranin na nagpapahirap sa kaniya. Subalit hindi niya pinahintulutan kailanman na ang mga pagsubok na iyon ay magpahina sa kaniyang tapat na pagtitiwala sa kaniyang Maylikha. Siya’y bumulalas: “Ikiling mo, Oh Jehova, ang iyong pakinig. Sagutin mo ako, sapagkat ako ay nasa kagipitan at dukha. Oh ingatan mo ang aking kaluluwa, sapagkat ako ay tapat. Iligtas mo ang iyong lingkod—ikaw ang aking Diyos—na nagtitiwala sa iyo.”—Awit 86:1, 2.
4. Papaano natin dapat ipakita ang ating pagtitiwala?
4 Tayo’y makapagtitiwala, gaya ni David, na “ang Diyos ng buong kaaliwan,” si Jehova, ay magbabaling ng kaniyang pakinig sa lupang ito at pakikinggan ang ating mapagpakumbabang mga panalangin. (2 Corinto 1:3, 4) Sa pagtitiwalang lubusan sa ating Diyos, ating masusunod ang payo ni David: “Ilagak mo kay Jehova mismo ang iyong pasanin, at siya mismo ang aalalay sa iyo. Hindi niya tutulutang gumiray-giray ang matuwid.”—Awit 55:22.
Pagiging Malapít kay Jehova
5. (a) Papaano binaligtad ng ilang maiingat na salin ang mga kamalian ng mga eskribang Judio? (b) Papaano dinarakila si Jehova ng ika-85 at ika-86 na mga awit? (Tingnan ang talababa.)
5 Sa ika-86 na Awit, ginagamit ni David ang pananalitang “Oh Jehova” nang 11 ulit. Anong taimtim ang panalangin ni David at totoong malapít siya kay Jehova! Sa katagalan, ang gayong matalik na paggamit sa pangalan ng Diyos ay kinayamutan ng mga eskribang Judio, lalung-lalo na ng mga Sopherim. Sila’y nagkaroon ng mapamahiing pangamba na gamitin sa maling paraan ang pangalan. Palibhasa’y hindi pinahahalagahan ang bagay na ang tao ay nilalang na kawangis ng Diyos, sila’y tumangging kilalanin ang mga katangian ng Diyos na makikita rin sa mga tao. Kaya sa 7 ng 11 pagkagamit ng banal na pangalan sa tekstong Hebreo sa isang awit na ito, kanilang inihalili ang titulong ’Adho-naiʹ (Panginoon) para sa pangalang YHWH (Jehova). Tayo’y makapagpapasalamat na ang New World Translation of the Holy Scriptures, gayundin ang ilan pang maiingat na salin, ay nagsauli ng banal na pangalan sa nararapat kalagyan niyaon sa Salita ng Diyos. Bilang resulta, ang ating kaugnayan kay Jehova ay idiniriin na gaya ng dapat mangyari.a
6. Sa anu-anong paraan maipakikita natin na ang pangalan ni Jehova ay mahalaga sa atin?
6 Ang panalangin ni David ay nagpapatuloy: “Tulungan mo ako, Oh Jehova, sapagkat sa iyo dumaraing ako buong araw. Pagalakin mo ang kaluluwa ng iyong lingkod, sapagkat sa iyo, Oh Jehova, itinataas ko ang aking mismong kaluluwa.” (Awit 86:3, 4) Pansinin na patuloy na dumaraing si David kay Jehova “buong araw.” Oo nga, malimit na siya’y nananalangin sa buong magdamag, tulad noong siya ay isang takas sa ilang. (Awit 63:6, 7) Gayundin sa ngayon, ang ibang mga Saksi pagka pinagbantaan na hahalayin o gagawan ng iba pang pandarahas ng masasamang-loob ay nananawagan nang malakas kay Jehova. Kung minsan ay nagtataka sila sa maligayang resulta.b Ang pangalan ni Jehova ay mahalaga sa atin, gaya rin kay “Jesu-Kristo, na Anak ni David,” nang siya’y narito sa lupa. Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ipanalangin ang pagbanal sa pangalan ni Jehova at ipinakilala sa kanila ang kinakatawan ng pangalan.—Mateo 1:1; 6:9; Juan 17:6, 25, 26.
7. Anong mga halimbawa mayroon tayo tungkol sa pagtataas ni Jehova sa mismong kaluluwa ng kaniyang mga lingkod, at papaano tayo dapat tumugon?
7 Itinaas ni David ang kaniyang kaluluwa, ang kaniyang buong sarili, kay Jehova. Kaniya ring hinihimok tayo na gawin iyan, na sinasabi sa Awit 37:5: “Ihabilin mo kay Jehova ang iyong lakad, at tumiwala ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos.” Sa gayon ang ating pakiusap kay Jehova na pagalakin ang ating kaluluwa ay hindi pagkakaitan ng sagot. Maraming tapat na mga lingkod ni Jehova ang patuloy na nakasusumpong ng malaking kagalakan sa paglilingkod sa kaniya—sa kabila ng mga kahirapan, pag-uusig, at mga karamdaman. Ang ating mga kapatid sa winasak-ng-digmaang mga lugar sa Aprika, gaya ng Angola, Liberia, Mozambique, at Zaire, ay nagpatuloy na unahin sa kanilang buhay ang paglilingkuran kay Jehova.c Tunay na kaniyang pinapangyaring sila’y magalak sa isang masaganang espirituwal na ani. Kung papaano sila ay nagtiis, kailangang gayundin tayo. (Roma 5:3-5) At samantalang tayo’y nagtitiis, tayo ay binibigyang-katiyakan: “Ang pangitain ay sa itinakdang panahon pa, at nagmamadali tungo sa pagkatapos . . . Hindi na magtatagal.” (Habacuc 2:3) Taglay ang lubos na kompiyansa at pagtitiwala kay Jehova, harinawang tayo rin ay patuloy na ‘magmadali tungo sa pagkatapos.’
Ang Kabutihan ni Jehova
8. Maaari tayong magkaroon ng anong matalik na kaugnayan kay Jehova, at papaano niya ipinakita ang kaniyang kabutihan?
8 Ipinagpapatuloy ni David ang kaniyang mainapoy na pagsusumamo: “Ikaw, Oh Jehova, ay mabuti at handang magpatawad; at sagana sa kagandahang-loob sa lahat ng tumatawag sa iyo. Dinggin mo, Oh Jehova, ang aking dalangin; at pakinggan mo ang tinig ng aking mga hinaing. Sa araw ng aking kagipitan ay tatawag ako sa iyo, sapagkat iyong sasagutin ako.” (Awit 86:5-7) “Oh Jehova”—muli at muli na tayo’y lubhang magagalak sa matalik na kaugnayang ipinahihiwatig ng pananalitang ito! Ito ay isang matalik na kaugnayan na maaaring patuluyang linangin sa pamamagitan ng panalangin. Si David ay nanalangin ng isa pang pagkakataon: “Oh huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan at ang aking mga pagsalansang. Ayon sa iyong kagandahang-loob ay alalahanin mo ako, alang-alang sa iyong kabutihan, Oh Jehova.” (Awit 25:7) Si Jehova ang mismong ulirang halimbawa ng kabutihan—sa paglalaan sa pantubos na ibinigay ni Jesus, sa pagpapakita ng awa sa nagsising mga makasalanan, at sa pagpapakita ng kagandahang-loob sa kaniyang tapat at nagpapahalagang mga Saksi.—Awit 100:3-5; Malakias 3:10.
9. Anong kasiguruhan ang dapat seryosong isaalang-alang ng nagsising mga makasalanan?
9 Tayo ba ay dapat mabahala tungkol sa nakalipas na pagkakamali? Kung ngayon ay gumagawa tayo ng matuwid na mga landas para sa ating mga paa, tayo’y nabibigyang-lakas pagka ating nagugunita ang katiyakang ibinigay ni apostol Pedro sa nagsising mga makasalanan na may “mga panahon ng kaginhawahan” na manggagaling kay Jehova. (Gawa 3:19) Tayo’y manatiling malapít kay Jehova sa panalangin sa pamamagitan ng ating Manunubos, si Jesus, na buong pag-ibig na nagsabi: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagiginhawahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y matuto sa akin, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang-puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” Samantalang ang tapat na mga Saksi ay nananalangin kay Jehova sa ngayon sa mahalagang pangalan ni Jesus, sila’y tunay ngang nakasusumpong ng kaginhawahan.—Mateo 11:28, 29; Juan 15:16.
10. Anong pagdiriin ang ginagawa ng aklat ng Mga Awit sa kagandahang-loob ni Jehova?
10 Ang aklat ng Mga Awit ay tumutukoy sa “kagandahang-loob” ni Jehova nang mahigit na isandaang ulit. Ang gayong kagandahang-loob ay tunay na sagana! Sa unang apat na talata nito, ang ika-118 Awit 118:1-4 ay nananawagan sa mga lingkod ng Diyos na magpasalamat kay Jehova, makaapat na beses inuulit ang “sapagkat ang kaniyang kagandahang-loob ay hanggang sa panahong walang takda.” Ang ika-136 na Awit 136 ay nagdiriin sa mapagmahal na katangian ng “kaniyang kagandahang-loob” nang 26 na ulit. Sa anumang paraan tayo magkasala—at gaya ng sinasabi ng Santiago 3:2, “tayong lahat ay natitisod na madalas”—harinawang tayo’y maging handa na hingin ang pagpapatawad sa atin ni Jehova, nagtitiwala sa kaniyang awa at kagandahang-loob. Ang kaniyang kagandahang-loob ay isang kapahayagan ng kaniyang tapat na pag-ibig sa atin. Kung tayo’y may-katapatang magpapatuloy na gawin ang kalooban ng Diyos, kaniyang ipakikita ang kaniyang tapat na pag-ibig sa pagpapalakas sa atin sa pagharap sa bawat pagsubok.—1 Corinto 10:13.
11. Papaano makatutulong ang pagkilos ng matatanda upang alisin sa isa ang pagkadama ng kasalanan?
11 Maaaring may mga pagkakataon na tayo ay natitisod sa iba. Ang emosyonal o pisikal na pagkaabuso sa panahon ng kabataan ay nag-iwan sa iba ng pagkadama ng kasalanan o ng lubusang kawalang-halaga. Ang gayong biktima ay maaaring manalangin kay Jehova, nagtitiwala na siya’y sasagot. (Awit 55:16, 17) Ang isang may-kabaitang matanda ay maaaring maging interesado na tulungan ang isang iyon na tanggapin ang katunayan na hindi iyon kasalanan ng biktima. Pagkatapos, ang pana-panahong palakaibigang pagtawag sa telepono ng matanda ay makatutulong sa isang iyon hanggang sa wakas ay makayanan na niyang ‘dalhin ang pasan.’—Galacia 6:2, 5.
12. Papaano dumami ang mga kahirapan, subalit papaano natin mapagtatagumpayan ang mga iyan?
12 Marami pang ibang mahihirap na mga kalagayang kailangang paglabanan ng bayan ni Jehova sa ngayon. Pasimula sa Digmaang Pandaigdig I noong 1914, malalaking kalamidad ang nagsimulang bumagabag sa lupang ito. Gaya ng inihula ni Jesus, ang mga ito ay “pasimula ng kahirapan.” Ang mga kahirapan ay dumarami habang tayo’y patuloy na lumalapít “sa dulo ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3, 8) Ang “maikling yugto ng panahon” ng Diyablo ay mabilis na patungo sa kasukdulang wakas. (Apocalipsis 12:12) “Gaya ng umuungal na leon” na naghahanap ng masisila, ang mahigpit na Kalabang iyan ay gumagamit ng lahat ng maaaring gamiting pakana upang ihiwalay tayo sa kawan ng Diyos at mapuksa tayo. (1 Pedro 5:8) Subalit siya’y hindi magtatagumpay! Sapagkat, gaya ni David, ang ating pagtitiwala ay lubusang nakalagak sa ating kaisa-isang Diyos, si Jehova.
13. Papaano mapakikinabangan ng mga magulang at ng kanilang mga anak ang kabutihan ni Jehova?
13 Walang alinlangan, itinanim ni David sa puso ng kaniyang anak na si Solomon ang pangangailangan na umasa sa kabutihan ni Jehova. Kaya naman, naituro ni Solomon sa kaniyang sariling anak: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas. Huwag kang magpakadunong sa iyong sariling mga mata. Matakot ka kay Jehova at humiwalay ka sa kasamaan.” (Kawikaan 3:5-7) Ang mga magulang sa ngayon ay dapat ding magturo sa kanilang maliliit na anak kung papaano mananalangin nang buong pagtitiwala kay Jehova at kung papaano mapagtatagumpayan ang mga pagsalakay ng isang walang-awang sanlibutan—gaya ng panggigipit sa paaralan ng mga kasamahan at mga tukso na gumawa ng imoralidad. Ang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya kasama ng inyong mga anak sa araw-araw ay makapagtitimo sa kanilang murang puso ng tunay na pag-ibig kay Jehova at ng lakip-panalanging pagtitiwala sa kaniya.—Deuteronomio 6:4-9; 11:18, 19.
Ang Walang-Katulad na mga Gawa ni Jehova
14, 15. Ano ang ilan sa walang-katulad na mga gawa ni Jehova?
14 Taglay ang matinding pananalig na sinasabi ni David: “Walang gaya mo sa gitna ng mga diyos, Oh Jehova, at walang anumang gawa na gaya ng iyong mga gawa.” (Awit 86:8) Ang mga gawa ni Jehova ay mas dakila, mas maringal, higit na maharlika, kaysa maguguniguni ng sinumang tao. Ayon sa natatanaw ng modernong siyensiya, ang nilalang na sansinukob—ang pagiging malawak nito, ang pagkakasuwato nito, ang karilagan nito—ay higit na malawak pa kaysa anumang naguguniguni ni David. Gayunman, siya ay napukaw rin na magsabi: “Nagsisiwalat ang mga langit ng kaluwalhatian ng Diyos; at sa mga gawang-kamay niya’y nagbabadya ang kalawakan.”—Awit 19:1.
15 Ang mga gawa ni Jehova ay kamangha-manghang inilalarawan din ng paraan ng kaniyang pagpupuwesto at paghahanda sa lupa, magkaroon ng araw at ng gabi, ng mga pana-panahon, ng panahon ng pagtatanim at pag-aani, at ng napakaraming bagay na nakalulugod para sa ikaliligaya ng tao sa hinaharap. At tunay naman na kamangha-mangha ang mismong pagkalalang at pagkasangkap sa atin, anupat ating tinatamasa ang kapakinabangan sa mga gawa ni Jehova na nakapalibot sa atin!—Genesis 2:7-9; 8:22; Awit 139:14.
16. Ano ang pinakadakilang kapahayagan ng kabutihan ni Jehova, na ang resulta’y ano pang walang-katulad na mga gawa?
16 Pagkatapos na sumuway na sa Diyos ang ating unang mga magulang, na siyang nagdala ng mga kahirapan na sumasalot sa lupa hanggang sa araw na ito, dahil sa pag-ibig ay gumawa si Jehova ng kagilagilalas na gawaing pagsusugo sa lupa sa kaniyang Anak upang maghayag sa Kaharian ng Diyos at mamatay bilang pantubos sa sangkatauhan. At anong laking kababalaghan! Pagkatapos ay binuhay ni Jehova si Kristo upang maging kaniyang halal na Hari. (Mateo 20:28; Gawa 2:32,34) Buhat sa tapat na mga tao ang Diyos ay pumili rin ng “isang bagong nilalang” na maghaharing kasama ni Kristo bilang isang mabuting “bagong langit” sa lipunan ng “isang bagong lupa” na saklaw ang bilyun-bilyung mga taong bubuhaying-muli. (2 Corinto 5:17; Apocalipsis 21:1, 5-7; 1 Corinto 15:22-26) Ang mga gawa ni Jehova sa gayon ay kikilos tungo sa isang maningning na kasukdulan! Tunay nga, ating maibubulalas: “Oh Jehova, . . . saganang-sagana ang iyong kabutihan, na iyong iningatan para sa kanila na natatakot sa iyo!”—Awit 31:17-19.
17. Kung tungkol sa mga gawa ni Jehova, papaano natutupad ngayon ang Awit 86:9?
17 Sa kasalukuyang mga gawa ni Jehova ay kasali ang inilalarawan ni David sa Awit 86:9: “Lahat ng mga bansa na iyong ginawa ay magsisiparito, at sila’y magsisisamba sa harap mo, Oh Jehova, at kanilang luluwalhatiin ang iyong pangalan.” Pagkatapos tawagin buhat sa sangkatauhan ang mga natitira pang kabilang sa kaniyang bagong paglalang, ang “munting kawan” ng mga tagapagmana ng Kaharian, si Jehova ay nagpatuloy pa rin ng pagtitipon buhat sa “lahat ng bansa” ng “isang malaking pulutong” ng “mga ibang tupa,” ang milyun-milyon na nagsasagawa rin ng pananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesus. Ang mga ito ay kaniyang itinatag na isang dinamikong organisasyon, ang tanging pangglobong lipunan ng mga umiibig sa kapayapaan sa lupa ngayon. Sa pagkasaksi nito, ang mga anghel sa langit ay nagpapatirapa sa harap ni Jehova, na nagsasabi: “Sumaating Diyos ang pagpapala at ang kaluwalhatian at ang karunungan at ang pasasalamat at ang karangalan at ang kapangyarihan at ang kalakasan magpakailan-kailanman.” Ang malaking pulutong ay lumuluwalhati rin sa pangalan ni Jehova, na naglilingkod sa kaniya “araw at gabi,” taglay ang pag-asa na makaligtas sa katapusan ng sanlibutang ito at mabuhay magpakailanman sa isang lupang paraiso.—Lucas 12:32; Apocalipsis 7:9-17; Juan 10:16.
Ang Kadakilaan ni Jehova
18. Papaano ipinakilala ni Jehova na siya lamang ‘mag-isa ang Diyos’?
18 Pagkatapos ay itinawag-pansin ni David ang pagka-Diyos ni Jehova, na nagsasabi: “Ikaw ay dakila at gumagawa ng kagila-gilalas na mga bagay; ikaw ang Diyos, ikaw lamang mag-isa.” (Awit 86:10) Mula pa noong una ay ipinakikita na ni Jehova na siya nga, ‘ang Diyos lamang na mag-isa.’ Isang malupit na Faraon ng Ehipto ang tahasang nagharap ng hamon kay Moises: “Sino ba si Jehova, upang sundin ko ang kaniyang tinig na payaunin ang Israel? Hindi ko nakikilala si Jehova sa anumang paraan.” Subalit hindi nagtagal at kaniyang nakilala kung gaano kadakila si Jehova! Ang mga diyos at mga mahikong saserdote ng Ehipto ay hiniya ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa pamamagitan ng pagpapasapit ng nagpapahamak na mga salot, pagpaslang sa mga panganay na anak na lalaki sa Ehipto, at pagpuksa kay Faraon at sa kaniyang pinakamagaling na hukbo sa Dagat na Pula. Tunay, walang katulad si Jehova sa gitna ng mga diyos!—Exodo 5:2; 15:11, 12.
19, 20. (a) Kailan magkakaroon ng pinakadakilang kasukdulan ang awit ng Apocalipsis 15:3, 4? (b) Papaano kahit na ngayon ay maaari tayong makibahagi sa mga gawa ni Jehova?
19 Bilang ang tanging Diyos, si Jehova ay humayo ng paggawa ng kagila-gilalas na mga bagay bilang paghahanda sa pagliligtas sa kaniyang masunuring mga mananamba buhat sa modernong Ehipto—ang sanlibutan ni Satanas. Kaniyang pinapangyari na ang kaniyang banal na mga kahatulan ay maihayag sa buong lupa bilang patotoo sa pamamagitan ng pinakamalawak na kampanya ng pangangaral sa buong kasaysayan, sa gayo’y tinutupad ang hula ni Jesus sa Mateo 24:14. Hindi na magtatagal, darating “ang wakas,” pagka ipinakilala na ni Jehova ang kaniyang kadakilaan sa isang wala pang nakakatulad na paraan sa pamamagitan ng paglipol sa lahat ng kabalakyutan sa lupa. (Awit 145:20) Kung magkagayon ang awit ni Moises at ang awit ng Kordero ay sasapit sa kasukdulan: “Dakila at kagila-gilalas ang iyong mga gawa, Jehovang Diyos, na Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Haring walang-hanggan. Sino nga ang hindi matatakot sa iyo, Oh Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat?”—Apocalipsis 15:3, 4.
20 Harinawang tayo ay maging masigasig sa pagbabalita sa iba tungkol sa kahanga-hangang mga layuning ito ng Diyos. (Ihambing ang Gawa 2:11.) Si Jehova ay patuloy na gagawa ng dakila at kagila-gilalas na mga bagay sa ating kaarawan at hanggang sa hinaharap, gaya ng tatalakayin sa ating susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Isang komentaryo sa Bibliya noong 1874 ang sumisipi kay Andrew A. Bonar na nagsasabi: “Higit, at higit pa, ng pambihirang karakter ng Diyos, ng kaniyang maluwalhating pangalan, ang nahayag malapit sa huling [ika-85] ng Awit 85. Ito ang maaaring dahilan kung bakit sinundan ng isa pa, ‘Isang Panalangin ni David,’ halos punô rin ng katangian ni Jehova. Ang pinakabuod ng [ika-86] na Awit 86 na ito ay ang pangalan ni Jehova.”
b Tingnan ang pahina 28 ng Hunyo 22, 1984, na labas ng Awake! na lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
c Para sa mga detalye, tingnan ang tsart ng “1992 Taon ng Paglilingkod na Ulat ng mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig,” na mapapalathala sa Enero 1, 1993, labas ng Ang Bantayan.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit ang panalangin sa Awit 86 ay dapat nating gawing ating sarili?
◻ Papaano tayo makasusumpong ng matalik na kaugnayan kay Jehova?
◻ Papaano ipinahahayag ni Jehova ang kaniyang kabutihan sa atin?
◻ Ano ang ilan sa walang-katulad na mga gawa ni Jehova?
◻ Papaanong si Jehova lamang ‘mag-isa ang Diyos’ kung tungkol sa kadakilaan?
[Larawan sa pahina 10]
Sa dumarating na “bagong lupa,” ang kagila-gilalas na mga gawa ni Jehova ay patuloy na magpapatotoo sa kaniyang kaluwalhatian at kabutihan