Natatandaan Mo Ba?
Iyo bang maingat na napag-isipan ang kamakailang mga labas ng Ang Bantayan? Kung gayon, marahil ay mawiwili kang alalahanin ang mga sumusunod:
◻ Ano ang “tanda na nangangahulugang kabutihan” na isinasaayos ni Jehova para sa mga tagasunod-yapak ni Jesus? (Awit 86:17)
Iyon ay “ang kagalakan ng banal na espiritu” na nagpalakas sa sinaunang mga Kristiyano upang matiis ang iba’t ibang anyo ng pag-uusig na napapaharap sa kanila. (I Tesalonica 1:6) Gayon din sa ngayon, at si Jehova, ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog,” ay nalulugod na “magbigay ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya.” (Santiago 1:17; Lucas 11:13) Kaya ang kagalakan ng banal na espiritu ang gumagawa para sa mga tagasunod ni Jesus ng “isang tanda na nangangahulugang kabutihan.”—12/15, pahina 18-19.
◻ Bakit mahalaga para sa atin na tanggapin ang pangmalas ng Diyos sa pagsisinungaling?
Ang Awit 5:6 ay nagsasabi na “lilipulin [ng Diyos] ang mga nagsasalita ng kasinungalingan.” Sa Apocalipsis 21:8 ay sinasabi pa rin na ang patutunguhan ng lahat ng sinungaling ay “ang ikalawang kamatayan.” Samakatuwid, ang pagtanggap sa pangmalas ng Diyos sa pagsisinungaling ay nagbibigay sa atin ng matibay na dahilan na magsalita ng katotohanan at sa gayo’y tanggapin ang kaniyang kaloob na buhay.—12/15, pahina 23.
◻ Ano ang bumubuo ng anyo ng pagsamba ng mga Samaritano? (Juan 4:20)
Ang mga Samaritano, sa kanilang haluang pagsamba, ay walang tinatanggap bilang kasulatan kundi ang unang limang aklat ni Moises, ang Pentateuch. Noong mga ikaapat na siglo B.C.E., sila’y nagtayo ng templo sa Bundok Gerizim, na kakompetensiya ng templo ng Diyos sa Jerusalem. Bagaman nawasak ang templo ng mga Samaritano, hanggang sa araw na ito, sila’y gumaganap ng taunang selebrasyon ng Paskuwa sa Gerizim.—1/1, pahina 25.
◻ Ang mga Kristiyano ba ay kinakailangang magtaguyod ng mga batas sa antipolusyon o paglilinis?
Nang siya’y nasa lupa, hindi naman sinikap ni Jesus na lutasin ang lahat ng panlipunang mga suliranin noong kaniyang kaarawan. Pagka sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyanikong Kaharian ay ipinatupad ni Jehova sa buong globo ang kaniyang matuwid na mga simulain, ang mga suliranin tungkol sa kapaligiran ay malulutas na magpakailanman. Kaya, ang mga Saksi ni Jehova ay may timbang na pangmalas. Ang pag-ibig sa kapuwa ang nagpapakilos sa kanila na magpakita ng paggalang sa ari-arian ng iba, subalit matuwid na inuuna nila ang pangangaral ng balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:33)—1/1, pahina 31.
◻ Sa anu-anong paraan nagsilbing isang tagapagdala ng liwanag si Jesus? (Juan 8:12)
Itinalaga ni Jesus ang sarili sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Lucas 4:43; Juan 18:37) Kaniya ring ibinunyag ang mga kasinungalingang relihiyoso at sa gayo’y nagbigay ng espirituwal na kalayaan para sa mga nasa relihiyosong pagkabilanggo. (Mateo 15:3-9) Higit sa lahat, siya’y nagpatunay na liwanag ng sanlibutan sa pamamagitan ng paghahandog ng kaniyang sakdal na buhay tao bilang isang pantubos. (Mateo 20:28; Juan 3:16)—1/15, pahina 10-11.
◻ Ano ang ilang mga dahilan kung bakit dapat tayong pasakop sa Diyos na Jehova?
Si Jehova ang Pansansinukob na Soberano, kaya naman tayo’y kailangang pasakop sa kaniya. Gayundin, yamang si Jehova ay makapangyarihan-sa-lahat, walang sinumang makapagtatagumpay ng pagsalansang sa kaniya, kaya hindi natin maipagwawalang-bahala ang ating pagpapasakop sa kaniya. Lahat ng matalinong mga nilalang ay nilikha upang magsilbi sa layunin ng kanilang Maylikha, at ito’y nagbibigay sa lahat ng obligasyon na pasakop sa Diyos sa lahat ng bagay.—2/1, pahina 10-11.
◻ Ano ang tumulong kay Jose na mapaglabanan ang pakikiapid sa asawa ni Potipar?
Si Jose ay may makapangyarihang puwersa na nagpapakilos sa kaniyang isip. Siya’y palaisip sa kaniyang kaugnayan kay Jehova at naunawaan na ang pakikiapid ay isang kasalanan hindi lamang laban sa kaniyang asawang lalaki kundi, higit pa, laban sa Diyos.—2/15, pahina 21.
◻ Ano ba ang tinutukoy ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Ako . . . ang katotohanan”? (Juan 14:6)
Si Jesus ay hindi lamang nagsalita at nagturo ng katotohanan; kaniyang ginawa iyon at siya ang halimbawa niyaon. Sa gayon, ang pagka-Kristiyano ay hindi lamang isang idea; ito ay isang paraan ng pamumuhay.—3/1, pahina 15.
◻ Anong nakaaaliw na aral ang nasa Awit 51?
Ang awit na ito ay tumutulong sa atin na matanto na kung tayo’y matitisod at mahuhulog sa pagkakasala ngunit tunay na nagsisisi, ang ating maibiging Ama sa langit ay makikinig sa paghingi natin ng awa at ililigtas tayo sa kawalang-pag-asa. Gayunman, ang unang-unang dapat na tandaan ay yaong upasala na dulot niyaon sa pangalan ni Jehova.—3/15, pahina 18.
◻ Ano ba ang isinasagisag ng bautismo sa tubig?
Ang bautismo ay isang panlabas na sagisag ng pag-aalay ng isang tao sa Diyos na Jehova. Ang paglulubog sa ilalim ng tubig ay nagpapakita na yaong mga binabautismuhan ay namamatay na sa isang pamumuhay na nakasentro sa kanilang sarili. Ang pag-ahon sa tubig ay sumasagisag sa bagay na sila ngayon ay buháy na ukol sa paggawa ng kalooban ng Diyos, na ito ang inuuna sa kanilang buhay. (Mateo 16:24)—4/1, pahina 5-6.