Paglakad na may Nagkakaisang Puso
“Turuan mo ako, Oh Jehova . . . Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.”—AWIT 86:11.
1. Papaano ginagantimpalaan ni Jehova ang mga tapat sa kaniya?
‘OH Jehova, ikaw ang Diyos, ikaw lamang mag-isa.’ (Awit 86:8, 10) Pinuri ni David ang Diyos mula sa isang pusong puspos ng pagpapahalaga. Kahit na bago naging hari si David sa buong Israel, siya’y iniligtas ni Jehova buhat kay Saul at sa mga Filisteo. Kaya naman, siya’y nakaawit: “Si Jehova ang aking malaking bato at aking matibay na moog at ang Tagapagligtas sa akin. Sa sinumang tapat ay kikilos ka na may katapatan.” (2 Samuel 22:2, 26) Ang kaniyang tapat na lingkod ay iniligtas ni Jehova sa maraming pagsubok. Mailalagak ni David ang kaniyang pagtitiwala at kompiyansa sa kaniyang tapat na Diyos, subalit siya’y nangangailangan ng patuloy na patnubay. Ngayon ay nanalangin si David sa Diyos: “Turuan mo ako, Oh Jehova, tungkol sa iyong daan.”—Awit 86:11.
2. Papaano gumawa si Jehova ng paglalaan upang tayo’y maturuan niya?
2 Walang hangarin si David na magkaroon ng anumang kinalaman sa makasanlibutang mga idea o mga pilosopya. Ang nais niya ay ‘turuan siya ni Jehova,’ gaya ng sa kalaunan ay ipinahayag ng propeta ng Diyos. (Isaias 54:13) Malamang na si David ay nakapagbubulay-bulay sa siyam lamang na mga aklat ng Bibliya na mayroon noong kaniyang kaarawan. Gayunman, ang gayong mga tagubilin buhat kay Jehova ay mahalaga sa kaniya! Sa pagtuturo sa atin, tayo ngayon ay makapagpipiging sa lahat ng 66 na mga aklat ng Bibliya, at gayundin sa masaganang literatura sa Kaharian na inilaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Tulad ni David manawagan tayo kay Jehova, na ang kaniyang espiritu nawa ay tumulong sa atin na saliksikin “ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya, . . . maging ang malalalim na mga bagay ng Diyos.”—1 Corinto 2:9, 10.
3. Sa anu-anong paraan maaari tayong makinabang sa mga turo ng Bibliya?
3 Taglay ng Bibliya ang sagot sa bawat tanong at suliranin na maaaring bumangon sa ating buhay. “Sapagkat lahat ng bagay na isinulat noong una ay nasulat upang magturo sa atin, na sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Ang pagkuha ng turo buhat kay Jehova ay magpapalakas sa atin upang magtiis sa mga kahirapan, aaliw sa atin sa mga panahon ng panlulumo, at pananatilihing buháy na buháy sa ating mga puso ang pag-asa sa Kaharian. Harinawang makasumpong tayo ng kaluguran sa pagbabasa ng Salita ng Diyos at sa pagbubulay-bulay rito “araw at gabi,” sapagkat ang salig-Bibliyang karunungan ay nagiging “isang punungkahoy ng buhay sa mga nanghahawakan doon, at yaong nanghahawakang mahigpit doon ay tatawaging maligaya.”—Awit 1:1-3; Kawikaan 3:13-18; tingnan din ang Juan 17:3.
4. Tungkol sa ating mga pagkilos, anong halimbawa ang ipinakita sa atin ni Jesus?
4 Tulad ng Anak ng Diyos, si Jesus, tinatawag din na ang “Anak ni David,” ay laging nakatingin kay Jehova para sa pagkakamit ng turo. (Mateo 9:27)a Sinabi niya: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa ganang sarili niya, kundi iyon lamang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na Kaniyang ginagawa ay ito rin ang ginagawa ng Anak sa gayunding paraan.” “Wala akong ginagawa sa ganang sarili ko; kundi kung ano ang itinuro sa akin ng Ama ay gayon ko sinasalita ang mga bagay na ito.” (Juan 5:19; 8:28) Si Jesus ay nag-iwan ng isang modelo upang ating “sunding maingat ang kaniyang mga hakbang.” (1 Pedro 2:21) Isip-isipin lamang! Kung tayo’y mag-aaral na gaya ng ginawa ni Jesus, sa anumang situwasyon ay makakikilos tayo ayon sa nais ni Jehovang ikilos natin. Ang paraan ni Jehova ang laging tamang paraan.
5. Ano ang “katotohanan”?
5 Sumunod ay ipinahayag naman ni David: “Ako ay lalakad sa iyong katotohanan.” (Awit 86:11) Isang libong taon ang nakaraan, sa pagtatanong ni Pilato sa Anak ni David, na si Jesus, siya ay nagsabi: “Ano ang katotohanan?” Ngunit kasasagot lamang ni Jesus sa tanong na iyon, na sinabi kay Pilato: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito,” at isinusog: “Ikaw na rin ang nagsasabi na ako’y isang hari. Ukol dito ako ipinanganak, at dahil dito kung kaya ako naparito sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:33-38) Dito ay niliwanag ni Jesus na ang katotohanan ay nakatutok sa Mesiyanikong Kaharian. Oo, ang buong tema ng Bibliya ay ang pagbanal sa pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng Kahariang iyan.—Ezekiel 38:23; Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 11:15.
6. Sa paglakad sa katotohanan, tayo’y dapat magpakaingat sa ano?
6 Ano ang ibig sabihin ng paglakad sa katotohanan? Ang ibig sabihin ay gawin ang pag-asa sa Kaharian na pangunahing interes natin sa ating buhay. Tayo’y mamuhay ayon sa katotohanan ng Kaharian. Tayo’y kailangang hindi nababahagi sa pag-una muna sa mga kapakanan ng Kaharian, masigasig ayon sa ating mga pagkakataon na magpatotoo sa katotohanan ng Kaharian, gaya ng halimbawa ni Jesus. (Mateo 6:33; Juan 18:37) Tayo’y hindi maaaring lumakad na isang bahagi lamang ng panahon ang ibinibigay sa katotohanan, nag-uukol ng pinakamaliit lamang na magagawa natin sa paglilingkod ngunit pinaluluguran ang ating sarili sa pamamagitan ng pagkahilig naman sa labis-labis na paglilibang o pagpasok sa isang umuubos-panahong karera o “nagpapaalipin . . . sa Kayamanan.” (Mateo 6:24) Tayo’y maaaring maligaw sa isa sa mga daang ito, anupat hindi na natin makita pa ang daang pabalik sa ‘makipot na daang patungo sa buhay.’ Huwag sana tayong lumihis sa daang iyan! (Mateo 7:13, 14) Ang ating Dakilang Instruktor, si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon, ang tumatanglaw sa daan, na nagsasabi: “ ‘Ito ang daan. Dito kayo lumakad, kayo bayan,’ pagka kayo’y pumipihit sa kanan o pagka kayo’y pumipihit sa kaliwa.”—Isaias 30:21.
Isang Nararapat na Pagkatakot
7. Papaano natin ‘mapagkakaisa’ ang ating mga puso?
7 Ang panalangin ni David ay nagpapatuloy sa Aw 86 talatang 11: “Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.” Tulad ni David, nais natin na ang ating mga puso ay maging di-nababahagi, sakdal, sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Ito’y kasuwato ng payo ni Moises: “At ngayon, Oh Israel, ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova mong Diyos kundi matakot ka kay Jehova mong Diyos, upang lumakad ka sa lahat ng kaniyang mga daan at ibigin mo siya at paglingkuran mo si Jehova mong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo; na ganapin mo ang mga utos ni Jehova at ang kaniyang mga palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, sa iyong ikabubuti?” (Deuteronomio 10:12, 13) Tunay, na sa ating ikabubuti na ating buong puso at kaluluwang pinaglilingkuran si Jehova. Sa gayon ating ipinakikita ang nararapat na pagkatakot sa kaniyang maningning na pangalan. Ang literal na kahulugan ng pangalan ni Jehova ay “Kaniyang Pinapangyayaring Matupad,” lalung-lalo na may kaugnayan sa kaganapan ng kaniyang dakilang mga layunin. Ito ay kumakatawan din sa kaniyang kataas-taasang kapangyarihan sa buong sansinukob. Sa paglilingkod udyok ng pagkasindak sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, tayo ay hindi mapapahiwalay sa daang dapat lakaran dahilan sa takot sa taong may kamatayan. Ang ating mga puso ay hindi mababahagi. Bagkus, tayo’y matatakot na gumawa ng anumang bagay na hindi makalulugod kay Jehova, ang Kataas-taasang Hukom at Soberanong Panginoon, na siyang may hawak sa atin mismong mga buhay.—Isaias 12:2; 33:22.
8, 9. (a) Ano ang ibig sabihin ng ‘hindi pagiging bahagi ng sanlibutan’? (b) Anong mga hakbang ang dapat nating gawin sa pagiging “isang panoorin”?
8 Maging sa harap ng pag-uupasala at pag-uusig, susundin natin ang walang-takot na halimbawa ni Jesus sa hindi pakikibahagi sa balakyot na sanlibutang nakapalibot sa atin. (Juan 15:17-21) Hindi ibig sabihin na ang mga alagad ni Jesus ay dapat mamuhay na gaya ng mga ermitanyo o nakakulong sa isang monasteryo. Sinabi ni Jesus sa panalangin sa kaniyang Ama: “Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan. Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. Kung papaanong isinugo mo ako sa sanlibutan, gayon ko sila isinugo sa sanlibutan.” (Juan 17:15-18) Katulad ni Jesus, tayo ay isinusugo upang maghayag ng katotohanan ng Kaharian. Si Jesus ay madaling lapitan. Ang mga tao ay naginhawahan sa kaniyang paraan ng pagtuturo. (Ihambing ang Mateo 7:28, 29; 11:28, 29; Juan 7:46.) Dapat na gayundin tayo.
9 Ang ating kawili-wiling pagkapalakaibigan, nakaaakit na pag-aayos ng sarili at hitsura, magiliw at kaakit-akit na pakikipag-usap, ay dapat magbigay sa atin at sa ating mensahe ng katangian na maging kalugud-lugod sa matuwid-pusong mga tao. Iwasan natin ang pagiging marungis, ang pananamit nang di-mahinhin, ang pakikisama na maaaring humantong sa pagkasangkot sa mga makasanlibutan, at ang may-kaluwagan, walang simulaing pamumuhay na nakikita natin sa sanlibutang nakapalibot sa atin. Sa pagiging “isang panoorin sa sanlibutan, at sa mga anghel, at sa mga tao,” tayo ay gumaganap ng tungkulin 24 na oras araw-araw upang maglingkod at mamuhay bilang ulirang mga Kristiyano. (1 Corinto 4:9; Efeso 5:1-4; Filipos 4:8, 9; Colosas 4:5, 6) Ang ating puso ay kailangang nagkakaisa para sa layuning ito.
10. Papaano inaalaala ni Jehova ang mga may pinagkaisang mga puso sa banal na paglilingkod?
10 Tayo na pinagkaisa ang mga puso sa takot sa pangalan ni Jehova, na nagbubulay-bulay sa kaniyang dakilang mga layunin at pinupuspos ang ating mga buhay ng banal na paglilingkod, ay aalalahanin ni Jehova. “Kung tungkol kay Jehova, ang mga mata niya ay nagsisiyasat sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa kanila na ang puso ay sakdal sa harap niya.” (2 Cronica 16:9) Ang tinutukoy ay ang inihula tungkol sa ating kaarawan, sa Malakias 3:16 ay mababasa: “Nang panahong iyon silang natatakot kay Jehova ay nagsang-usapan sa isa’t isa, bawat isa sa kaniyang kasama, at si Jehova ay patuloy na nagbigay-pansin at nakinig. At isang aklat ng alaala ang sinimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.” Harinawang ang ating mga puso ay pagkaisahin sa mabuting pagkatakot na iyan kay Jehova!
Ang Kagandahang-Loob ni Jehova
11. Papaano ipahahayag ang kagandahang-loob ni Jehova sa mga tapat?
11 Anong taimtim nga ng panalangin ni David! Siya’y nagpapatuloy: “Pupurihin kita, Oh Jehova na aking Diyos, nang aking buong puso, at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailanman, sapagkat dakila ang iyong kagandahang-loob sa akin, at iyong iniligtas ang aking kaluluwa sa Sheol, sa kalalim-laliman nito.” (Awit 86:12, 13) Sa ikalawang pagkakataon sa awit na ito, pinupuri ni David si Jehova sa Kaniyang kagandahang-loob—ang Kaniyang tapat na pag-ibig. Pagkadaki-dakila ang pag-ibig na ito anupat nakapagliligtas ito sa waring imposibleng maligtasang mga kalagayan. Nang siya’y tinutugis ni Saul sa ilang, baka iniisip ni David na gumapang na lamang sa isang sulok upang mamatay na. Para bang siya’y mismong naroroon na sa pinakamababang Sheol—ang kalaliman ng libingan. Subalit iniligtas siya ni Jehova! Sa katulad na paraan, malimit na ang kaniyang modernong-panahong mga lingkod ay dinulutan niya ng ginhawa sa kahanga-hangang mga paraan, at kaniya ring inalalayan ang mga nagpapatuloy sa kanilang katapatan na nagtitiis hanggang kamatayan. Lahat ng mga tapat ay tatanggap ng kanilang gantimpala, kahit na sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli kung kinakailangan.—Ihambing ang Job 1:6-12; 2:1-6, 9, 10; 27:5; 42:10; Kawikaan 27:11; Mateo 24:9, 13; Apocalipsis 2:10.b
12. Papaano naging mga pangahas at mararahas ang mga klero, at ano ang magiging ganti sa kanila?
12 Tungkol sa mga mang-uusig si David ay bumulalas: “Oh Diyos, ang mga pangahas ay bumangon laban sa akin; at ang kapisanan ng mararahas na tao ay umusig sa aking kaluluwa, at hindi ka inilagay sa harap nila.” (Awit 86:14) Sa ngayon, kasali sa mga mang-uusig ang mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan. Ang mga ito ay nagpapanggap na sumasamba sa Diyos ngunit ang kaniyang banal na pangalan ay pinalitan ng titulong “Panginoon” at itinuturo na siya’y isang mahiwagang Trinidad na hindi naman aktuwal na binabanggit saanman sa Bibliya. Anong laking kapangahasan! Karagdagan dito, kanilang hinihikayat ang mga namiminuno na ipagbawal at ibilanggo ang mga Saksi ni Jehova, gaya ng ginagawa sa di-kapani-paniwalang dami ng mga bansa sa buong lupa. Ang nakaabitong mga namumusong na ito sa pangalan ng Diyos ay aani ng ganti sa kanila, kasama ang lahat ng tulad-patutot na bahagi ng Babilonyang Dakila.—Apocalipsis 17:1, 2, 15-18; 19:1-3.
13. Anong mga katangian ang ipinakikita ni Jehova sa pagpapakilala ng kaniyang kabutihan?
13 Bilang masayang pagkakaiba ang panalangin ni David ay nagpapatuloy: “Ngunit ikaw, Oh Jehova, ay isang Diyos na mahabagin at mapagbiyaya, mabagal sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob at katotohanan.” (Awit 86:15) Nasa sukdulan nga ang ganiyang mga katangian ng ating Diyos. Ang mga salitang ito ay muling nagdadala sa atin sa Bundok Sinai nang hilingin ni Moises na makita ang kaluwalhatian ni Jehova. Si Jehova ay tumugon: “Aking pangyayarihin na dumaan sa harap mo ang lahat kong kabutihan, at aking ihahayag ang pangalan ni Jehova sa harap mo.” Subalit kaniyang binigyan ng babala si Moises: “Hindi mo makikita ang aking mukha, sapagkat hindi maaaring makita ako ng tao at mabuhay.” Pagkatapos nito, si Jehova ay bumaba sa alapaap, na naghahayag: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at mapagbiyaya, mabagal sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob at katotohanan.” (Exodo 33:18-20; 34:5, 6) Ang mga salitang ito ay sinipi ni David sa kaniyang panalangin. Ang ganiyang mga katangian ni Jehova ay nangangahulugan ng higit pa sa atin kaysa kung siya’y literal na magpapakita! Buhat sa ating sariling karanasan, hindi ba natin pinahahalagahan ang kabutihan ni Jehova gaya ng ibinabadya ng maiinam na katangiang ito?
“Isang Tanda na Nangangahulugan ng Ikabubuti”
14, 15. Papaano pinangyayari ni Jehova para sa kaniyang mga lingkod ang “isang tanda na nangangahulugan ng ikabubuti”?
14 Muli na namang sumasamo si David sa paghingi ng pagpapala ni Jehova na nagsasabi: “Bumalik ka sa akin at kaawaan mo ako. Ibigay mo ang lakas mo sa iyong lingkod, at iligtas mo ang anak ng iyong aliping babae. Pangyarihin mo sa akin ang isang tanda na nangangahulugan ng ikabubuti, upang makita nila na napopoot sa akin at mangapahiya. Sapagkat ikaw, Oh Jehova, ang tumulong sa akin at umaliw sa akin.” (Awit 86:16, 17) Kinikilala ni David na bilang ‘ang anak ng aliping babae ni Jehova,’ siya man ay pag-aari ni Jehova. Ganiyan din kung tungkol sa lahat sa atin sa ngayon na nag-alay ng ating buhay kay Jehova at mga alipin na naglilingkod sa kaniya. Kailangan natin ang nagliligtas na lakas ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Kaya, tayo’y humiling sa ating Diyos na pangyarihin sa atin ang “isang tanda na nangangahulugan ng ikabubuti.” Sa kabutihan ni Jehova ay saklaw ang maiinam na katangian na ating katatalakay lamang. Batay rito, anong tanda, o palatandaan, ang maaasahan nating ibibigay ni Jehova sa atin?
15 Si Jehova ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog” at bukas-palad, gaya ng tinitiyak sa atin ni Jesus, sa pagbibigay ng “banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya.” (Santiago 1:17; Lucas 11:13) Banal na espiritu—anong pagkahala-halagang regalo buhat kay Jehova na walang katumbas! Sa pamamagitan ng banal na espiritu, si Jehova ay nagbibigay ng kagalakan ng puso, kahit na sa panahon ng pag-uusig. Sa gayon, ang mga apostol ni Jesus, nang nililitis alang-alang sa kanilang buhay, ay may-kagalakang nakapagpahayag na nagbibigay ang Diyos ng banal na espiritu sa mga sumusunod sa kaniya bilang pinunò. (Gawa 5:27-32) Ang kagalakan sa banal na espiritu ay patuloy na gumagawa sa kanila upang magkaroon ng “isang tanda na nangangahulugan ng ikabubuti.”—Roma 14:17, 18.
16, 17. (a) Anong tanda ng kaniyang kabutihan ang ibinigay ni Jehova kay Pablo at kay Bernabe? (b) Anong tanda ang ibinigay sa pinag-usig na mga taga-Tesalonica?
16 Sa panahon ng kanilang paglalakbay misyonero sa buong Asia Minor, sina Pablo at Bernabe ay napaharap sa mga kahirapan, at pati sa matinding pag-uusig. Nang sila’y mangaral sa Antioquia ng Pisidia, tinanggihan ng mga Judio ang kanilang mensahe. Sa gayon, sila’y bumaling sa mga tao ng mga bansa. Ano ang resulta? “Nang ito ay marinig ng mga tao ng mga bansa, sila’y nagsimulang magalak at luwalhatiin ang salita ni Jehova, at lahat niyaong mga nakahilig sa buhay na walang-hanggan ay nagsisampalataya.” Subalit ang mga Judio ay nagpasimula ng kaguluhan, kung kaya ang mga misyonerong iyon ay pinaalis sa bansa. Sila ba at ang mga bagong kapananampalataya ay nawalan ng pag-asa tungkol dito? Talagang hindi! Bagkus, “ang mga alagad ay nagpatuloy na mapuspos ng kagalakan at banal na espiritu.” (Gawa 13:48, 52) Ibinigay sa kanila ni Jehova ang gayong tanda ng kaniyang kabutihan.
17 Sa kalaunan, ang bagong kongregasyon sa Tesalonica ay napaharap sa pag-uusig. Ito’y umakay kay apostol Pablo na sumulat ng isang liham ng kaaliwan, na nagbibigay ng komendasyon sa kanilang pagtitiis sa ilalim ng kapighatian. Kanilang “tinanggap ang salita sa ilalim ng malaking kapighatian taglay ang kagalakan ng banal na espiritu.” (1 Tesalonica 1:6) Ang “kagalakan ng banal na espiritu” ay nagpatuloy na magpalakas sa kanila bilang isang nagpapatotoong tanda buhat sa Diyos na mahabagin at mapagbiyaya, mabagal sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob at katotohanan.
18. Papaano ang ating mga kapatid sa Silangang Europa ay nagpakita ng pagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova?
18 Kamakailan, ipinahayag ni Jehova ang kaniyang kabutihan sa ating tapat na mga kapatid sa Silangang Europa, anupat napahiya ang mga napopoot sa kanila—ang kanilang dating mga mang-uusig. Bagaman nakalaya kamakailan pagkatapos ng deka-dekadang paniniil, ang mahal na mga kapatid na ito ay kailangan pa ring magtiis, sapagkat marami ang nakaharap sa matitinding kahirapan ng kabuhayan. Gayunman, ang kanilang “kagalakan ng banal na espiritu” ay umaaliw sa kanila. Anong mas malaking kagalakan ang maaaring tamasahin nila kaysa sa paggamit ng kanilang bagong-katutuklas na mga kalayaan sa pagpapalawak ng pagpapatotoo? Maraming tao ang nakikinig sa kanila, gaya ng isinisiwalat ng mga pag-uulat tungkol sa mga kombensiyon at mga pagbabautismo.—Ihambing ang Gawa 9:31.
19. Papaano natin magagawang ating sarili ang mga salita ng Awit 86:11?
19 Lahat ng tinalakay rito at sa naunang artikulo ay nagsisilbing pag-ulit sa taimtim na panalangin ni David kay Jehova: “Turuan mo ako, Oh Jehova . . . pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.” (Awit 86:11) Ang mga salitang iyan ng ating taunang teksto sa 1993 ay gawing sariling-sarili natin samantalang tayo’y gumagawang buong-puso sa pagtataguyod sa mga kapakanan ng Kaharian at sa pagpapahalaga sa walang pagkaubos na kabutihan ng ating kaisa-isang Diyos, ang Soberanong Panginoong Jehova.
[Mga talababa]
a Bilang ang inihulang “binhi,” si Jesus ay tagapagmana ng kaharian ni David at sa gayon siya ang “Anak ni David” kapuwa sa literal at sa espirituwal na diwa.—Genesis 3:15; Awit 89:29, 34-37.
b Para sa modernong-panahong mga halimbawa, tingnan ang Yearbook of Jehovah’s Witnesses, mga edisyon ng 1974, pahina 113-212; 1985, pahina 194-7; 1986, pahina 237-8; 1988, pahina 182-5; 1990, pahina 171-2; 1992, pahina 174-81.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ba ang ating ipinakikita sa pananalangin ng, “Turuan mo ako, Oh Jehova”?
◻ Ano ang ibig sabihin na ang ating mga puso ay pinagkakaisa na matakot sa pangalan ni Jehova?
◻ Papaano ipakikita ni Jehova ang kaniyang kagandahang-loob sa lahat ng tapat?
◻ Papaano pinangyayari ni Jehova sa atin ang “isang tanda na nangangahulugan ng ikabubuti?”
[Kahon sa pahina 16]
Ang taunang teksto para sa 1993: “Turuan mo ako, Oh Jehova . . . Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.”—Awit 86:11.
[Larawan sa pahina 15]
Si Jehova ay isang malaking bato at isang moog sa mga lumalakad ayon sa katuwiran sa katotohanan
[Larawan sa pahina 18]
Sa “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Internasyonal na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa St. Petersburg, Russia, noong Hunyo, 46,214 ang dumalo at 3,256 ang nabautismuhan. Kahanga-hanga na ang mga ito ay nakikinabang sa kabutihan ni Jehova, taglay ang “kagalakan ng banal na espiritu”!