Mga Tampok sa Bibliya Awit 73 Hanggang 106
“Purihin si Jehova”—Bakit?
Sino sa atin ang hindi magpapasalamat pagka ating pinag-isipan ang lahat ng nagawa ni Jehova, ginagawa, at gagawin pa para sa atin? Oo, ang ating puso ay dapat mag-udyok sa atin na purihin ang ating Diyos. Tayo’y may sapat na dahilan na purihin si Jehova at ito’y idiniriin sa Aklat Tres at Kuwatro ng Mga Awit. Sa pagtalakay natin sa Awit 73 hanggang 106, tanungin ang sarili, ‘Ano’t kailangang purihin ko si Jehova?’
Huwag Managhili sa Balakyot
Pakibasa ang Awit 73 hanggang 77. Ito’y awit ni Asaph, marahil kasali na ang kaniyang mga anak. Inaamin ni Asaph na siya’y nananaghili sa balakyot—hanggang sa siya’y matauhan. (Awit 73) Pagkatapos ay ipinagdadalamhati ang pagkawasak ng Jerusalem. (Awit 74) Pagkatapos ay nagpapasalamat sa “kasindak-sindak” na Diyos, na sinusundan ng panalangin sa “dakilang Diyos” na alalahanin ang kaniyang nagdurusang bayan.—Awit 75-77.
◆ 73:24—Sa anong “kaluwalhatian” dinala ni Jehova ang salmista?
Bago naunawaan ng salmista na ‘ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa kaniya,’ ang akala niya noon ay mas mainam ang kalagayan ng mga balakyot kaysa mga matuwid. (Awit 73:2-12, 28) Nang siya’y paakay sa “payo” ng Diyos ay tumanggap siya ng “kaluwalhatian,” ang pabor ni Jehova, isang pinagpalang kaugnayan sa Kaniya.
◆ 76:6—Paanong “ang karo“ at “ang kabayo” ay ‘nakatulog’?
Sa mga Israelita ay ipinayo na magtiwala kay Jehova imbes na sa mga kabayo at mga karo. (Awit 20:7; Kawikaan 21:31) Wala silang dapat ikatakot sa mga kabayo at mga armadong karo ng kanilang mga kaaway, sapagkat babawian ni Jehova ng lahat ang kanilang mga kaaway, upang sila’y ‘makatulog.’ Ang tinutukoy dito ay ang “walang hanggang pagkatulog”—ang kamatayan. (Jeremias 51:39) Ito’y isang babala sa mga pinuno ng daigdig ngayon na nagtitiwala sa kanilang mga armas.—Awit 76:12.
Aral para sa Atin: Sa Awit 75 ay may babala laban sa pagmamataas sa pagsasabing, “Huwag mong itaas ang iyong sungay.” (Aw 75 Talatang 5) Ang sungay ay sagisag ng lakas, kapangyarihan. (Deuteronomio 33:17) Ang pagtataas ng sungay ay pagkilos nang may kahambugan. Dito’y binababalaan ng salmista ang balakyot na huwag ipagmalaki ang kanilang wari’y matatag na puwesto ng kapangyarihan, sapagkat ‘ang sungay ng balakyot ay puputulin’ ni Jehova. (Awit 75:10) Ito’y nagpapatibay-loob sa mga lingkod ng Diyos na manatiling tapat sa kaniya bagaman nakikita nila na waring umuunlad ang balakyot.—Ihambing ang Awit 144:11-15a.
Sundin “ang Kataas-taasan”
Basahin ang Awit 78 hanggang 83. Nagpapatuloy ang mga awit ni Asaph. Isinasalaysay ang mga aral na matututuhan sa kasaysayan ng Israel. (Awit 78) Ipinaghihinagpis ang pagkagiba ng templo, sinusundan ng panalangin para sa muling pagbabalik ng Israel. (Awit 79, 80) Pagkatapos ng awit na nagbubulay-bulay sa pagliligtas ng Diyos ay ipinapayo sa kaniyang bayan na sumunod sa kaniya, nariyan ang mga pagsamo kay Jehova na parusahan ang likong mga hukom at ang mga kaaway ng Israel.—Awit 81-83.
◆ 82:1—Paano nga humahatol ang Diyos “sa gitna ng mga diyos”?
Marahil, “ang mga diyos” ay yaong mga hukom ng Israel. Sila’y tinatawag na mga diyos sapagkat sila’y may kapangyarihan sa paghatol. Si Jehova, bilang ang Kataas-taasang Hukom, ay may karapatan na pumagitna sa gayong mga hukom at sawayin sila dahil sa hindi nila paghatol ayon sa kaniyang kautusan.—Isaias 33:22; Awit 82:2-4.
◆ 83:9-15—Ang paghihiganti ba ang motibo ng salmista?
Hindi. Siya’y nanalangin sa Diyos upang parusahan ang mga “may matinding pagkapoot” kay Jehova. (Aw 83 Talatang 2) Ang mga ibang bansa ay makakaalam nga kung gayon na ang Diyos na ang pangala’y Jehova “ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Aw 83 Talatang 18) Ang ganitong pagpapakita ng kapangyarihan ay magpapadakila sa pangalan ng Diyos, si Jehova, sa buong lupa.
Aral para sa Atin: Na saganang ginaganti ni Jehova ang mga sumusunod sa kaniya ay ipinakikita ng pagtukoy sa “katabaan ng trigo.” (Awit 81:16) Dito ang salitang “katabaan” ay nagpapahiwatig ng pinakamagaling. (Ihambing ang Awit 63:5.) Kung ang mga Israelita ay ‘nakinig sa tinig ni Jehova,’ disin sana sila’y pinagkalooban ng “katabaan ng tribo”—ang pinakamagaling, ang pinakapili. (Awit 81:11; Deuteronomio 32:13, 14) Kaya, kung tayo’y ‘makikinig sa tinig ni Jehova,’ tayo’y pagpapalain niya nang sagana.—Kawikaan 10:22.
Paglapit sa Diyos
Basahin ang Awit 84 hanggang 89. Ang mga salmista ay nasasabik sa bahay ng Diyos. (Awit 84) Pagkatapos, ang bumalik na mga bihag ay humiling na iurong na ang galit ng Diyos. (Awit 85) Si David ay humingi ng patnubay at proteksiyon, nagtitiwala na pakikinggan ni Jehova ang kaniyang panalangin. (Awit 86) Ang awit tungkol sa mga ‘isinilang sa Sion’ ay sinusundan ng pagsusumamo ng isang napipighati. (Awit 87, 88) Kasunod nito ay isang awit na nagtatampok sa kagandahang-loob ni Jehova gaya ng ipinakita sa tipan kay David.—Awit 89.
◆ 84:3—Bakit binanggit ang mga ibon?
Ang salmista, isang Levita na inapo ni Kore, ay nasasabik na siya’y makapunta sa “dakilang tabernakulo” ni Jehova. (Aw 84 Talatang 1, 2) Subalit mayroong libu-libong mga Levita. Minsan lamang tuwing kalahati ng taon inaatasan ang isang pangkat ng mga Levita na maglingkod ng isang linggo sa tabernakulo. Ibang-iba rito, kahit na ang maliliit na ibon ay may lalong permanenteng tahanan sa santuaryo dahil sa kanilang paggawa roon ng mga pugad. Anong tuwa ng salmista na purihin si Jehova dahil sa ganoon ding permanenteng paninirahan sa bahay ni Jehova!
◆ 89:49—Ano ba ang “mga gawang kagandahang-loob” na ito?
Ang ekspresyon na “mga gawa ng kagandahang-loob” ay tumutukoy sa tipan sa Kaharian at sa lahat ng bahagi nito. Kung mga panahon ng kagipitan, angkop para sa mga Israelita na itawag-pansin kay Jehova ang mga pangakong ito, hindi dahil sa nag-aalinlangan sila sa tipan, kundi upang sila’y makadulog sa Diyos nang salig dito.
Aral para sa Atin: Sa Awit 85 ay idiniriin na dapat tayong masabik sa bagong sistema ng Diyos ng mga bagay. Bahagya lang binabanggit ang materyal na mga pagpapala. (Aw 85 Talatang 12) Ang pangunahing idinidiin ay ang espirituwal na mga pagpapala: kagandahang-loob, katotohanan, katuwiran, at kapayapaan. (Aw 85 Talatang 10-13) Hindi ang materyalistikong mga hangarin ang higit na pinahahalagahan ni Jehova kundi ang espirituwal na mga pagpapala ng bagong sistema at ito ang dapat na maging tunguhin natin.
‘Si Jehova ay Naging Hari!’
Basahin ang Awit 90 hanggang 100. Ipinakikita ni Moises ang pagkawalang-hanggan ng Diyos kung ihahambing sa maikling buhay ng tao, at kaniyang itinatampok si Jehova bilang pinagmumulan ng ating kapanatagan. (Awit 90, 91) Ipinagbubunyi ang dakilang mga katangian ni Jehova, at ang sumusunod na mga awit ay nagtatampok sa kapangyarihan, kagandahang-loob, at katuwiran ng Diyos pati sa tema ng Kaharian.—Awit 92-100.
◆ 90:10—Si Moises ba ay nabuhay nang mas mahaba kaysa 80 taon?
Si Moises, na nabuhay nang may 120 taon, ay may pambihirang haba ng buhay. Sa walang-pananampalatayang salinglahi na lumabas sa Ehipto, ang mga itinala “buhat sa dalawampung taóng gulang pataas” ay namatay nang wala pang 40 taóng gulang, saklaw niyaong binanggit ni Moises. (Bilang 14:29-34) Ang pagkasabi na sa panahon ng kamatayan ni Moises “hindi nanlabo ang kaniyang mata, at hindi nanghina ang kaniyang talagang lakas” ay nagpapakita na taglay niya ang sumusustining lakas na galing sa Diyos.—Deuteronomio 34:7.
◆ 95:3—Paanong si Jehova ay “Hari sa lahat ng mga ibang diyos”?
Bilang pansansinukob na Soberano, si Jehova ang Kataas-taasan at Hari sa lahat ng mga diyus-diyosan sa bagay na siya’y makapupong mataas kaysa kanila. Hindi talagang maihahambing ang Diyos na Jehova sa sinumang mga anghel o sa anupaman na maaaring sambahin ng iba, kasali na ang mga diyus-diyosan na hindi naman umiiral.
Aral para sa Atin: Sa Awit 91 ay itinatampok ang isa pang dahilan kung bakit dapat nating purihin si Jehova—“ang lihim na dako ng Kataas-taasan.” (Aw 91 Talatang 1) Ito’y isang dako ng espirituwal na katiwasayan, proteksiyon buhat sa espirituwal na kapinsalaan, para sa mga tumutupad sa mga kahilingan na nasa awit na ito. Ito’y “lihim” sa bagay na hindi ito alam ng mga tao ng sanlibutan, na walang espirituwal na pangitain. Ito ang lihim na dako “ng Kataas-taasan” at nagpapakita na tangi lamang kung nasa panig tayo ni Jehova ng isyu ng pansansinukob na soberanya makakasumpong tayo ng katiwasayan doon.
“Purihin si Jah, Ninyong mga Tao!”
Basahin ang Awit 101 hanggang 106. Dito’y inilalarawan ni David ang kaniyang paraan ng pamamahala. (Awit 101) Isang napipighati ang nananalangin kay Jehova na “patibayin ang Sion.” (Awit 102) Ang panawagan na “purihin si Jehova” ay kasunod ng mga awit na nananawagan ng pansin sa awa, kadakilaan, at mga gawang paglalang ng Diyos. Narito rin ang una sa mahigit na 20 paglitaw sa Mga Awit ng panawagan, “Purihin si Jah, ninyong mga tao!” (Awit 103, 104) Sa wakas, dalawang makasaysayang awit ang pumupuri kay Jehova dahil sa kaniyang mga nagawa alang-alang sa kaniyang bayan.—Awit 105, 106.
◆ 102:25—Sino ang “naglatag ng patibayan ng lupa”?
Ang Diyos ang tinutukoy ng salmista subalit ang mga salitang ito ay ikinapit ni apostol Pablo kay Jesu-Kristo. (Hebreo 1:10, 11) Ang totoo, ang mga salitang ito ay kumakapit din kay Jesus, sapagkat siya’y nagsilbing Ahente ni Jehova sa paglalang sa sansinukob. (Colosas 1:15, 16) Kaya’t masasabi rin na si Jesus ay “naglatag ng patibayan ng lupa.”
◆ 103:14—Ano ang ibig sabihin dito ng “anyo”?
Ang salita rito na isinaling “anyo” ay kaugnay ng pandiwa na “anyuan,” na ginagamit sa Genesis 2:7, at ng pangngalan na “magpapalayok,” na ginagamit may kaugnayan sa isa na nag-aanyo ng luwad. (Isaias 29:16; Jeremias 18:2-6) Kaya’t ipinaaalaala sa atin ng salmista na si Jehova, ang Dakilang Magpapalayok, ay nakikitungo sa atin nang malumanay, palibhasa’y alam niya na tayo’y gaya ng marupok na mga sisidlang-lupa.—Ihambing ang 2 Corinto 4:7.
◆ 104:4—Paano ‘ang kaniyang mga anghel ay ginagawang mga espiritu’ ni Jehova?
Yamang ang mga anghel ay mga espiritung nilalang na, ito’y hindi maaaring tumukoy sa kanilang mga katawang espiritu. Ang salitang “espiritu” ay maaari ring mangahulugang “hangin” o “aktibong puwersa.” Sa gayo’y magagamit ng Diyos ang kaniyang mga anghel bilang makapangyarihang mga puwersa na magsasagawa ng kaniyang kalooban. Ang mga ito’y maaari ring gamitin bilang mga tagapuksa—tulad sa “isang sumusupok na apoy.” Nagbibigay kasiguruhan sa mga Kristiyano na malaman na ang kanilang gawaing pangangaral ay inaalalayan ng gayong kalakas na mga anghel.—Ihambing ang Apocalipsis 14:6, 7.
Aral para sa Atin: Ang Awit 106 ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang mapaghimagsik na sina Kore, Dathan,at Abiram ay nanaghili sa puwesto ni Moises bilang administrador ng bansa ng Diyos. (Awit 106:16; Bilang 16:2-11) Sa wakas, ang rebelyon ay nasupil nang “isang apoy ang naglagablab” sa gitna ng mga rebelde. (Awit 106:18) Tunay na nahahayag dito ang mga panganib na dulot ng pagmamataas at pagkainggit. Ang pagsasalita laban sa hinirang na mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay maaari ring magdala ng ganitong di niya pagsang-ayon.—Hebreo 13:17; Judas 4, 8, 11.
Oo, malaki ang ibinigay sa atin ni Jehova na dapat nating ipagpasalamat. Pagka ating pinag-iisipan ang lahat ng mga pagpapala na ipinagkaloob niya sa atin, hindi baga dapat nating gawin ang ipinapayo ng salmista: “Purihin si Jehova, Oh aking kaluluwa”?—Awit 103:1.