Ang Bigay-Diyos na Kalayaan ay Nagdadala ng Kagalakan
“Ang kagalakan kay Jehova ay inyong kalakasan.”—NEHEMIAS 8:10.
1. Ano ba ang kagalakan, at bakit yaong mga nag-alay sa Diyos ay nakararanas nito?
ANG puso ng kaniyang bayan ay pinupuspos ni Jehova ng kagalakan. Ang kalagayang ito ng malaking kaligayahan o kagalakan ay bunga ng pagtatamo o paghihintay ng mabuti. Ang mga taong nag-alay sa Diyos ay makararanas ng gayong damdamin sapagkat ang kagalakan ay isang bunga ng kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa. (Galacia 5:22, 23) Kaya kahit na tayo’y mapaharap sa mahirap na pagsubok, tayo’y maaaring magalak bilang mga lingkod ni Jehova, na inaakay ng kaniyang espiritu.
2. Bakit ang mga Judio ay nangagsaya sa isang pantanging okasyon noong kaarawan ni Ezra?
2 Sa isang pantanging okasyon noong ikalimang siglo B.C.E., ginamit ng mga Judio ang kanilang bigay-Diyos na kalayaan upang gumanap ng isang masayang Kapistahan ng mga Balag sa Jerusalem. Pagkatapos na si Ezra at ang ibang mga Levita ay bumasa at nagpaliwanag sa kanila ng Kautusan ng Diyos, “ang mga tao ay humayo upang kumain at uminom at magpadala ng mga bahagi at magsayang mainam, sapagkat kanilang naunawaan ang mga salitang ipinahayag sa kanila.”—Nehemias 8:5-12.
Ang Kagalakan kay Jehova ang Ating Kalakasan
3. Sa ilalim ng anong mga kalagayan maaaring “ang kagalakan kay Jehova” ay maging ating kalakasan?
3 Sa panahon ng kapistahang iyan, natanto ng mga Judio ang pagiging totoo ng mga salitang: “Ang kagalakan kay Jehova ay inyong kalakasan.” (Nehemias 8:10) Ang kagalakang ito ay ating kalakasan din kung tayo ay naninindigang matatag sa panig ng bigay-Diyos na kalayaan bilang nag-alay, bautismadong mga Saksi ni Jehova. Ang ilan sa atin ay nakaranas ng pagkapahid ng banal na espiritu at pagkaampon sa atin sa sambahayan ng Diyos bilang makalangit na kasamang mga tagapagmana ni Kristo. (Roma 8:15-23) Ang lubhang karamihan sa atin ngayon ay may pag-asang mabuhay sa isang makalupang paraiso. (Lucas 23:43) Anong laking kagalakan ang dapat nating maranasan!
4. Bakit ang mga Kristiyano ay makapagtitiis ng mga pagdurusa at pag-uusig?
4 Bagaman tayo’y may kahanga-hangang mga inaasahan, hindi madali na magtiis ng mga pagdurusa at pag-uusig. Gayunman, magagawa natin iyan, sapagkat binibigyan tayo ng Diyos ng kaniyang banal na espiritu. Sa pamamagitan nito tayo ay may kagalakan at may matibay na paniniwala na walang bagay na makapag-aalis sa atin ng ating pag-asa o ng pag-ibig ng Diyos. Isa pa, matitiyak na si Jehova ang ating magiging kalakasan habang ating iniibig siya nang ating buong puso, kaluluwa, lakas, at isip.—Lucas 10:27.
5. Saan tayo makakakita ng mga dahilan upang magalak?
5 Ang bayan ni Jehova ay nagtatamasa ng mayamang mga pagpapala at may maraming dahilan na magalak. May mga ilang dahilan para magalak na ipinakikita sa liham ni Pablo sa mga taga-Galacia. Ang iba ay makikita sa ibang mga lugar sa Kasulatan. Tayo’y mapasisigla na isaalang-alang ang gayong nakagagalak na mga pagpapala.
Pahalagahan ang Bigay-Diyos na Kalayaan
6. Bakit ipinayo ni Pablo sa mga Kristiyano sa Galacia na manindigang matatag?
6 Bilang mga Kristiyano, taglay natin ang nakagagalak na pagpapala ng isang kaayaayang katayuan sa harap ng Diyos. Yamang pinalaya ni Kristo ang kaniyang mga tagasunod buhat sa Kautusang Mosaiko, ang mga taga-Galacia ay pinayuhan na manindigang matatag at huwag pailalim sa gayong “pamatok ng pagkaalipin.” Kumusta naman tayo? Kung tayo’y sumubok na ariing matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, tayo’y mahihiwalay kay Kristo. Gayunman, sa tulong ng espiritu ng Diyos ating hinihintay ang inaasahang pagkamatuwid na bunga ng pananampalataya sa pamamagitan ng pag-ibig, hindi buhat sa pagtutuli sa laman o iba pang mga gawa ng Kautusan.—Galacia 5:1-6.
7. Papaano natin dapat malasin ang banal na paglilingkod kay Jehova?
7 Isang pagpapala na gamitin ang ating bigay-Diyos na kalayaan upang “maglingkod kay Jehova nang may kasayahan.” (Awit 100:2) Oo, isang napakahalagang pribilehiyo na gumawa ng banal na paglilingkuran kay “Jehovang Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat,” ang mismong “Haring walang-hanggan”! (Apocalipsis 15:3) Kung sakaling mangibabaw sa iyo ang abang pagpapahalaga sa sarili, marahil ay makatutulong na tantuin na ikaw ay inilapit ng Diyos sa kaniyang sarili sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at pinagkalooban ka ng bahagi sa “banal na gawain ng mabuting balita ng Diyos.” (Roma 15:16; Juan 6:44; 14:6) Anong daming mga dahilan para magalak at magpasalamat sa Diyos!
8. Tungkol sa Babilonyang Dakila, anong dahilan ng kagalakan ang taglay ng bayan ng Diyos?
8 Ang isa pang dahilan para magalak ay ang ating bigay-Diyos na pagkapalaya buhat sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:2, 4, 5) Bagaman ang relihiyosong patutot na ito ayon sa makasagisag na pangungusap ay “nakaupo sa maraming tubig,” nangangahulugang “mga bayan at mga karamihan at mga bansa at mga wika,” siya ay hindi nakaupo, o walang relihiyosong impluwensiya o kapangyarihan, sa mga lingkod ni Jehova. (Apocalipsis 17:1, 15) Tayo’y nagsasaya sa kahanga-hangang liwanag ng Diyos, samantalang ang mga tagatangkilik ng Babilonyang Dakila ay nasa espirituwal na kadiliman. (1 Pedro 2:9) Oo, marahil ay mahirap na maunawaan ang ilang “malalalim na bagay ng Diyos.” (1 Corinto 2:10) Subalit ang mga panalangin ng paghingi ng karunungan at tulong sa pamamagitan ng banal na espiritu ay tumutulong sa atin na maunawaan ang katotohanan sa Kasulatan na nagbibigay ng espirituwal na kalayaan sa mga may taglay nito.—Juan 8:31, 32; Santiago 1:5-8.
9. Kung nais nating tamasahin ang pagpapala ng patuloy na pagkalaya buhat sa kamaliang relihiyoso, ano ang kailangang gawin natin?
9 Ating tinatamasa ang pagpapala ng patuloy na kalayaan buhat sa relihiyosong mga maling paniniwala, ngunit upang mapanatili ang kalayaang iyan, kailangang tanggihan natin ang apostasya. Ang mga taga-Galacia ay tumatakbo nang mainam sa takbuhang Kristiyano, ngunit ang iba ay humahadlang sa kanila sa pagsunod sa katotohanan. Ang gayong masamang panghihikayat ay hindi buhat sa Diyos at kailangan na labanan. Kung papaanong ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong limpak, ang mga bulaang guro o ang pagkahilig sa apostasya ay maaaring magpasamâ sa buong kongregasyon. Hinangad ni Pablo na ang mga tagapagtaguyod ng pagtutuli na nagsisikap na sirain ang pananampalataya ng mga taga-Galacia ay hindi lamang dapat na magpatuli kundi magpaputol ng kanilang mga sangkap sa sekso. Anong tinding pangungusap nga! Ngunit tayo’y kailangang maging kasintatag sa pagtanggi sa apostasya kung nais nating makapanatili sa ating bigay-Diyos na pagkalaya buhat sa relihiyosong kamalian.—Galacia 5:7-12.
Magpaalipin sa Isa’t Isa sa Pag-ibig
10. Ano ang ating pananagutan bilang bahagi ng kapatirang Kristiyano?
10 Ang bigay-Diyos na kalayaan ang nagdala sa atin upang makasali sa isang nag-iibigang samahan ng magkakapatid, ngunit kailangang gawin natin ang ating bahagi sa pagpapakita ng pag-ibig. Ang kalayaan ng mga taga-Galacia ay hindi nila gagamitin bilang “isang panghihikayat sa laman” o isang dahilan para sa kaimbutan na salat sa pag-ibig. Sila’y kailangang paalipin sa isa’t isa na ang nag-uudyok ay pag-ibig. (Levitico 19:18; Juan 13:35) Tayo man ay kailangang umiwas sa paninira nang talikuran at sa pagkapoot na maaaring magbunga ng ating paglilipulan sa isa’t isa. Mangyari pa, ito’y hindi mangyayari kung tayo’y magpapakita ng pag-ibig kapatid.—Galacia 5:13-15.
11. Papaano tayo magiging isang pagpapala sa iba, at papaano tayo mapupuri nila?
11 Sa paggamit sa ating bigay-Diyos na kalayaan kasuwato ng mga pag-akay ng espiritu ng Diyos, tayo’y magpapakita ng pag-ibig at magiging isang pagpapala sa iba. Dapat na maging isang kaugalian na payagan ang ating sarili na masupil at maakay ng banal na espiritu. Kung magkagayon tayo ay hindi mahihilig na mapag-imbot na bigyang-kasiyahan ang ating makasalanang laman na “laban sa espiritu sa pagnanasa nito.” Kung tayo’y inaakay ng espiritu ng Diyos, gagawin natin ang mga bagay na kaibig-ibig ngunit hindi dahilan sa may mga alituntuning humihiling na sundin natin at nagpapataw ng mga parusa sa mga gumagawa ng masama. Halimbawa, ang pag-ibig—hindi lamang ang isang batas—ang hahadlang sa atin sa paninira sa iba. (Levitico 19:16) Ang pag-ibig ang magpapakilos sa atin na magsalita at kumilos sa mga paraang may kabaitan. Dahilan sa ipinakikita natin ang bunga ng espiritu na pag-ibig, tayo ay pupurihin ng iba, o sila’y magsasalita nang mabuti tungkol sa atin. (Kawikaan 10:6) Bukod pa riyan, ang pakikisama sa atin ay magiging isang pagpapala sa kanila.—Galacia 5:16-18.
Kakaibang mga Bunga
12. Ano ang ilan sa mga pagpapala na dulot ng pag-iwas sa makasalanang “mga gawa ng laman”?
12 Maraming pagpapala na kaugnay ng ating bigay-Diyos na kalayaan ang bunga ng pag-iwas sa makasalanang “mga gawa ng laman.” Bilang mga lingkod ng Diyos, tayo, sa pangkalahatan, ay umiiwas sa maraming kabagabagan dahilan sa tayo’y hindi namimihasa sa pakikiapid, karumihan, at kahalayan. Sa pag-iwas sa idolatriya, taglay natin ang kagalakan na bunga ng pagpapalugod kay Jehova sa bagay na iyan. (1 Juan 5:21) Yamang hindi tayo namimihasa sa gawaing espiritismo, tayo’y hindi dominado ng mga demonyo. Ang ating pagkakapatirang Kristiyano ay hindi sinisira ng mga alitan, hidwaan, paninibugho, silakbo ng galit, paglalaban-laban, pagkakabaha-bahagi, mga sekta, at mga pagkakainggitan. At ang ating kagalakan ay hindi nawawala sa paglalasingan at mga walang patumanggang kalayawan. Nagbabala si Pablo na yaong namimihasa sa mga gawa ng laman ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. Gayunman, dahil sa sinusunod natin ang kaniyang mga salita, tayo’y maaaring mahigpit na kumapit sa nakagagalak na pag-asa sa Kaharian.—Galacia 5:19-21.
13. Ang banal na espiritu ni Jehova ay nagbubunga ng ano?
13 Ang bigay-Diyos na kalayaan ay nagdadala sa atin ng kagalakan sapagkat ang mga Kristiyano ay nagpapakita ng bunga ng espiritu ni Jehova. Buhat sa mga salita ni Pablo sa mga taga-Galacia, madaling makikita na ang mga gawa ng makasalanang laman ay mistulang mga tinik kung ihahambing sa mga napakaiinam na bunga ng espiritu na pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili na nakatanim sa maka-Diyos na mga puso. Desididong mamuhay na kasalungat ng mga hangarin ng makasalanang laman, nais natin na tayo’y akayin ng espiritu ng Diyos at mamuhay ayon doon. Tayo’y ginagawa ng espiritu na mapagpakumbaba at mapagpayapa, hindi “maka-ako, pumupukaw ng kompetisyon sa isa’t isa, nagkakainggitan sa isa’t isa.” Hindi nga kataka-takang isang kagalakan na makisama sa mga nagpapakita ng bunga ng espiritu!—Galacia 5:22-26.
Iba Pang mga Dahilan Para sa Kagalakan
14. Anong baluti ang kailangan natin sa ating pakikipagbaka sa mga hukbo ng balakyot na mga espiritu?
14 Kaugnay ng ating bigay-Diyos na espirituwal na kalayaan ang pagpapalang pagsasanggalang sa atin buhat kay Satanas at sa mga demonyo. Upang magtagumpay sa ating pakikipagbaka laban sa mga hukbo ng balakyot na mga espiritu, kailangang isakbat natin “ang buong kagayakang baluti buhat sa Diyos.” Kailangan natin ang bigkis ng katotohanan at ang baluti ng katuwiran. Ang ating mga paa ay kailangang nakasuot ng panyapak ng mabuting balita ng kapayapaan. Kailangan, din, ang malaking kalasag ng pananampalataya, na siyang maipapatay natin sa lahat ng nagniningas na suligi ng masama. Isuot natin ang turbante ng kaligtasan at gamitin ang “tabak ng espiritu,” ang Salita ng Diyos. Tayo rin naman ay “magsipanalangin sa bawat pagkakataon sa espiritu.” (Efeso 6:11-18) Kung ating sakbat ang espirituwal na baluti at tinatanggihan ang demonismo, tayo’y mawawalan ng takot at mapupuspos ng kagalakan.—Ihambing ang Gawa 19:18-20.
15. Ano ang nakagagalak na pagpapala na sumasaatin dahilan sa tayo’y namumuhay na kasuwato ng Salita ng Diyos?
15 Sumasaatin ang kagalakan sapagkat ang ating pamumuhay ay kasuwato ng Salita ng Diyos, at tayo’y wala nang nadaramang pagkakasala na sumasalot sa maraming manggagawa ng masama. Tayo’y ‘laging nagsasanay upang magkaroon ng isang budhing walang kapintasan sa harap ng Diyos at ng mga tao.’ (Gawa 24:16) Kung gayon, hindi tayo dapat matakot sa paghihiganti ng Diyos na nakatakdang sumapit sa pusakal na di-nagsisising mga makasalanan. (Mateo 12:22-32; Hebreo 10:26-31) Sa pamamagitan ng pagkakapit ng Kawikaan 3:21-26, ating nauunawaan ang katuparan ng mga salitang iyon: “Ingatan mo ang praktikal na karunungan at ang kakayahang umisip, at sa gayo’y magiging buhay sila sa iyong kaluluwa at biyaya sa iyong leeg. Kung magkagayo’y lalakad ka nang tiwasay sa iyong lakad, at ang iyong paa man ay hindi matitisod. Pagka ikaw ay mahihiga, hindi ka matatakot; oo, ikaw ay mahihiga, at ang iyong tulog ay magiging mahimbing. Hindi ka matatakot nang biglang pagkatakot, ni mabubuwal man ng pagkabuwal ng masama, pagka dumarating. Sapagkat si Jehova ang magiging iyong pagtitiwala, at iingatan ang iyong paa upang huwag kang mahuli.”
16. Papaano isang dahilan na dapat ikagalak ang panalangin, at ano ang bahagi ng espiritu ni Jehova sa bagay na ito?
16 Ang isa pang dahilan ng kagalakan ay ang ating bigay-Diyos na kalayaan na lumapit kay Jehova sa panalangin taglay ang katiyakan na tayo’y diringgin. Oo, ang ating mga panalangin ay sinasagot sapagkat taglay natin ang mapakundangang “pagkatakot kay Jehova.” (Kawikaan 1:7) Isa pa, tayo’y natutulungan na makapanatiling nasa pag-iingat ng pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng “pananalangin na taglay ang banal na espiritu.” (Judas 20, 21) Ito’y ginagawa natin sa pamamagitan ng pagpapakita ng isang kalagayan ng puso na nakalulugod kay Jehova at pananalangin sa ilalim ng impluwensiya ng espiritu para sa mga bagay na kasuwato ng kaniyang kalooban at ng kaniyang Salita, na nagpapakita sa atin kung papaano mananalangin at kung ano ang dapat hingin sa panalangin. (1 Juan 5:13-15) Kung tayo ay dumaranas nang mahigpit na pagsubok at hindi natin alam kung ano ang ating hihingin sa panalangin, ‘ang espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan, namamagitan para sa atin ng mga hikbi na hindi maisasaysay sa pananalita.’ Sinasagot ng Diyos ang gayong mga panalangin. (Roma 8:26, 27) Manalangin tayo na bigyan tayo ng banal na espiritu at hayaang magsibol sa atin ng mga bunga niyaon lalo na yaong kinakailangan upang makaharap sa isang partikular na pagsubok. (Lucas 11:13) Atin din payayabungin ang ating kagalakan kung tayo ay mananalangin kasabay ng masigasig na pag-aaral ng kinasihan-ng-espiritung Salita ng Diyos at ng mga publikasyong Kristiyano na inihanda sa ilalim ng patnubay ng espiritu.
Pinagpala sa Pagiging Laging May Nakasubaybay na Tulong
17. Papaano ang mga karanasan ni Moises at ang mga salita ni David ay nagpapakita na sumasa-Kaniyang bayan si Jehova?
17 Sa paggamit ng ating bigay-Diyos na kalayaan sa tamang paraan, taglay natin ang kagalakan ng pagkaalam na si Jehova ay sumasaatin. Nang may masasamang kalagayan na naging sanhi upang lisanin ni Moises ang Ehipto, sa pananampalataya “siya’y nagpatuloy na matatag na para bang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Si Moises ay hindi lumakad na nag-iisa; batid niya na si Jehova ay sumasakaniya. Sa katulad na paraan, ang mga anak ni Kore ay nagsiawit: “Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan. Kaya hindi tayo matatakot, bagaman mabago ang lupa at ang mga bundok ay mangalipat sa gitna ng malawak na karagatan; bagaman ang tubig niyaon ay humugong at mabagabag, bagaman ang mga bundok ay mangauga dahil sa unos niyaon.” (Awit 46:1-3) Kung ikaw ay may gayong pananampalataya sa Diyos, kailanman ay hindi ka niya pababayaan. Sinabi ni David: “Bagaman pabayaan ako ng aking sariling ama at ng aking sariling ina, ako’y kukupkupin ni Jehova.” (Awit 27:10) Anong laking kagalakan na malaman na ganiyan na lamang ang pangangalaga ng Diyos sa kaniyang mga lingkod!—1 Pedro 5:6, 7.
18. Bakit yaong mga may kagalakan kay Jehova ay may taglay na bigay-Diyos na pagkalaya buhat sa puspusang pagkabalisa?
18 Sa pagkakaroon ng kagalakan kay Jehova, taglay natin ang bigay-Diyos na pagkalaya buhat sa puspusang pagkabalisa. “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay,” ang sabi ni Pablo, “kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Ang kapayapaan ng Diyos ay isang walang kahalintulad na katahimikan maging sa gitna man ng pinakamahigpit na pagsubok. Kung taglay natin ito ay nananatiling matahimik ang ating mga puso—na mabuti para sa atin sa espirituwal, sa emosyonal, at sa pisikal. (Kawikaan 14:30) Ito’y tumutulong din sa atin na manatiling may katinuan ng pag-isip, sapagkat alam natin na walang anumang pinapayagan ng Diyos na mangyari ang magdudulot sa atin ng walang-hanggang pinsala. (Mateo 10:28) Ang kapayapaang ito na bunga ng isang matalik na kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay sumasaatin sapagkat tayo ay nag-alay kay Jehova at napasasakop sa patnubay ng kaniyang espiritu, na nagsisibol ng gayong mga bunga gaya ng kagalakan at kapayapaan.
19. Ang pagpapanatiling ang ating mga puso ay nakapirmi sa ano ang tutulong sa atin na magalak?
19 Ang paglalagak ng ating mga puso na nakapirmi sa ating bigay-Diyos na kalayaan at sa pag-asa sa Kaharian ay tutulong sa atin na magalak. Halimbawa, kung minsan ay bahagya lamang ang magagawa tungkol sa pagkamasasakitin, ngunit tayo’y makapananalangin na bigyan tayo ng karunungan at lakas ng loob upang ito’y mapagtagumpayan at tayo’y makapagkakaroon ng kaaliwan sa pag-iisip tungkol sa espirituwal na kalusugan na ngayo’y tinatamasa natin at sa pisikal na mga pagpapagaling na magaganap sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. (Awit 41:1-3; Isaias 33:24) Bagaman ngayon ay kakailanganin marahil na pagtiisan natin ang mga kakapusan sa mga pangangailangan sa buhay, sa lupang Paraiso na kaylapit-lapit na ay hindi magkakaroon ng mga kakulangan sa mga pangangailangan sa buhay. (Awit 72:14, 16; Isaias 65:21-23) Oo, ngayon ay aalalayan tayo ng ating makalangit na Ama at sa wakas ay lulubusin ang ating kagalakan.—Awit 145:14-21.
Pakamahalin ang Iyong Bigay-Diyos na Kalayaan
20. Sang-ayon sa Awit 100:1-5, papaano tayo dapat magsilapit sa harapan ni Jehova?
20 Bilang bayan ni Jehova, tiyak na dapat nating pakamahalin ang bigay-Diyos na kalayaan na nagdulot sa atin ng kagalakan at ng napakaraming pagpapala. Hindi nga kataka-takang sa Awit 100:1-5 tayo ay hinihimok na magsilapit sa harapan ng Diyos “nang may masayang awitan.” Tayo’y pag-aari ni Jehova at may malasakit siya sa atin bilang isang mapagmahal na Pastol. Oo, “tayo ay kaniyang bayan at mga tupa ng kaniyang pastulan.” Ang kaniyang pagka-Maylikha at dakilang mga katangian ay gumaganyak sa atin na pumasok sa mga looban ng kaniyang santuaryo nang may pagpupuri at pagpapasalamat. Tayo’y nagaganyak na “purihin ang kaniyang pangalan,” magsalita ng mabuti tungkol sa Diyos na Jehova. Gayundin, laging makaaasa tayo sa kaniyang kagandahang-loob, o maawaing pagtingin, sa atin. “Sa sali’t salinlahi,” si Jehova ay tapat, walang pagbabago sa pagpapakita ng pag-ibig sa mga gumagawa ng kaniyang kalooban.
21. Anong pampalakas-loob ang ibinigay ng unang labas ng magasing ito, at ano ang dapat nating gawin tungkol sa bigay-Diyos na kalayaan?
21 Bilang di-sakdal na mga tao, tayo ngayon ay hindi makaiiwas sa lahat ng mga pagsubok. Gayunman, sa tulong ng Diyos tayo ay magkakaroon ng lakas ng loob at magiging masasayang mga Saksi ni Jehova. Kawili-wiling pansinin sa bagay na ito ang mga salitang nasa unang labas ng magasing ito (Hulyo 1879): “Lakas ng loob . . . kapatid kong Kristiyano lalaki man o babae, na nagpapagal na lumakad sa makitid na daan. Huwag pansinin ang baku-bakong landas; ito’y ginawang banal at pinabanal ng pinagpalang mga paa ng Panginoon. Ituring na bawat tinik ay isang bulaklak; bawat batong matalas ay isang kilometrahe, na umaapura sa iyo upang makarating kaagad sa hantungan. . . . Manatiling nakapako ang iyong mga mata sa gantimpala.” Ang milyun-milyon na naglilingkod ngayon kay Jehova ay nakapako ang mga mata sa gantimpala at sila’y maraming dahilan para magkaroon ng lakas ng loob at ng kagalakan. Kasama nila, kayo’y manindigang matatag sa panig ng bigay-Diyos na kalayaan. Huwag ninyong waling kabuluhan ang layunin niyaon at harinawang ang kagalakan kay Jehova ay laging maging inyong kalakasan.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano ang “kagalakan kay Jehova” ay magiging ating kalakasan?
◻ Kung tungkol sa relihiyon, anong mga pagpapala ang idinulot sa bayan ni Jehova ng bigay-Diyos na kalayaan?
◻ Bakit magpapaalipin sa isa’t isa sa pag-ibig?
◻ Ano ang ilang mga pagpapala na kaugnay ng bigay-Diyos na kalayaan?
◻ Papaano makapananatiling may kagalakan ang bayan ng Diyos?
[Larawan sa pahina 23]
“Ituring na bawat tinik ay isang bulaklak; bawat batong matalas ay isang kilometrahe, na umaapura sa iyo upang makarating kaagad sa hantungan”