Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 3/15 p. 17-22
  • Matalinong Unawa na Ibinibigay ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Matalinong Unawa na Ibinibigay ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Diyos ba ay Isang Trinidad?
  • Ang Tamang Dako ng Pangalan ng Diyos
  • Ang Kaluluwang Tao ba ay Walang Kamatayan?
  • Asal Kristiyano sa Isang Magulong Sanlibutan
  • Katuparan ng mga Hula sa Bibliya
  • Kay Jehova Umasa ng Talino sa Pag-unawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Lumalago sa Tumpak na Kaalaman sa Katotohanan
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Kaunawaan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Dinadakila ni Jehova ang Kaniyang Pangalan
    Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 3/15 p. 17-22

Matalinong Unawa na Ibinibigay ni Jehova

“Silang may matalinong unawa sa gitna ng bayan, sila’y magtuturo ng kaunawaan sa marami.”​—DANIEL 11:33.

1, 2. (a) Bagaman ang mga Israelita ay nakaranas ng kagandahang-loob ng Diyos, bakit sila naghimagsik? (b) Ano ang kapaki-pakinabang na gagawin natin? (Jeremias 51:10)

BATID ng sinaunang mga Israelita na si Jehova ang tanging tunay na Diyos. Sa kanila’y ibinalita ang kaniyang mga pakikitungo sa kanilang mga ninuno, at kanila mismong naranasan ang kaniyang kagandahang-loob. Subalit hindi miminsan, sila’y kumilos na kulang na kulang sa matalinong unawa. Sila’y “naghimagsik” kay Jehova at sa kaniyang mga kinatawan. Bakit? Sapagkat “hindi nila inalaala” ang kaniyang nagawa para sa kanila. (Awit 106:7, 13) Hindi dahil sa hindi nila alam ang mga bagay na ito; hindi nila binulay-bulay at pinahalagahan ang mga bagay na iyon. Kaya naman, sila’y naging “mga taong nagnanasa ng nakapipinsalang mga bagay.”​—1 Corinto 10:6.

2 Sa ating kaarawan, ang isang pangunahing paraan ng pagbubukod ni Jehova sa kaniyang mga Saksi bilang isang naiibang bayan ay sa pamamagitan ng matalinong unawa na ibinigay niya sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang organisasyon. Ang ating sariling pagpapahalaga sa paraan na ginagamit ni Jehova sa pag-akay sa kaniyang bayan ay mapatitibay sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa mga halimbawa ng gayung matalinong unawa. Isa na rito ang tungkol sa mismong pinaka-sentro ng ating paniniwala​—ang pagkakilala mismo kung sino ang Diyos.

Ang Diyos ba ay Isang Trinidad?

3. Ano ang tumulong sa mga lingkod ni Jehova, mahigit na isandaang taon na ang lumipas, upang makilala ang katotohanan tungkol sa kung sino ang Diyos? (1 Corinto 8:5, 6)

3 Matibay ang paniniwala ng Sangkakristiyanuhan na yaong hindi naniniwala sa Trinidad ay mga erehes. Subalit sa halip na matakot dahil sa mga tao, kinilala ng mga lingkod ni Jehova na, hindi ang mga tradisyon at mga turo ng mga taong di-kinasihan, kundi ang Banal na Kasulatan ang pamantayan sa pagkilala kung ano ang katotohanan. Sa pagtatayo sa pundasyong ito, noong 1882 ang nag-alay na mga estudyanteng ito ng Bibliya ay malinaw na nagpahayag sa Watch Tower: “Batid ng aming mga mambabasa na samantalang kami’y naniniwala kay Jehovang Diyos at kay Jesus, at sa banal na Espiritu, aming tinatanggihan bilang lubusang di-maka-Kasulatan, ang turo na ang mga ito ay tatlong Diyos sa iisang persona, o gaya ng pagkasabi ng iba, iisang Diyos sa tatlong persona.”​—Juan 5:19; 14:28; 20:17.

4. (a) Sa pagsasaliksik sa kailalim-ilaliman, ano ang nakilala ng bayan ni Jehova bilang saligan ng doktrina ng Trinidad at ano ang epekto ng gayung turo? (b) Bakit binigyan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod ng gayung matalinong unawa?

4 Ang mga mangingibig na ito sa katotohanan ng Bibliya ay nagsaliksik sa kailalim-ilaliman at kanilang nakita ang mga ugat ng paniwalang Trinitaryo sa mga relihiyong di-Kristiyano. Sa maingat na pag-aaral sa Kasulatan, kanila ring natalos na pagka may mga teksto sa Bibliya na waring umaalalay sa mga kuru-kurong Trinitaryo, ito’y dahilan sa may kinikilingang mga kuru-kuro ng mga tagapagsalin, hindi dahilan sa iyon ang nasa pinakamatatandang manuskrito sa orihinal na wika. Kanilang nakilala na ang turong ito, na para bang nagpaparangal kay Jesus, ay aktuwal na sumasalungat sa kaniyang mga turo at naninirang-puri kay Jehova. Kaya naman ang labas ng Watch Tower na tinukoy sa itaas ay nagsabi: “Marapat sa atin bilang mga humahanap ng katotohanan, na makitungo nang may katapatan sa ating sarili at sa Salita ng ating Ama, na tunay na nagpapatalino sa atin. Samakatuwid, pagkatapos tanggihan ang mga tradisyon at turo ng di-kinasihang mga tao at likong mga pamamalakad, tayo’y kumapit nang mahigpit sa mga salitang katotohanan na tinanggap natin sa ating Panginoon at sa mga Apostol.” Palibhasa’y talagang iniibig nila ang katotohanan at sila’y nagbigay-pansin hindi lamang sa mga ilang paboritong talata sa Bibliya kundi sa buong Salita ng Diyos, sila’y binigyan ni Jehova ng matalinong unawa at di mapagkakamalan ang ginawang pagbubukod sa kanila buhat sa Sangkakristiyanuhan.​—2 Timoteo 3:16, 17; tingnan ang New World Translation Reference Bible, pahina 1580, seksiyon 6B.

Ang Tamang Dako ng Pangalan ng Diyos

5. Ano ang nasa likod ng nausong pag-aalis sa personal na pangalan ng Diyos sa mga salin ng Bibliya? (Apocalipsis 22:18, 19)

5 Pag-usapan natin ang pangalawang halimbawa: Nang parami nang paraming salin ng Bibliya ang nagpalabo o lubusang kumaltas sa personal na pangalan ng Diyos, lalo namang pinatingkad ng Watch Tower Society ang kahalagahan ng pangalang iyon. Ikinatuwiran ng Sangkakristiyanuhan na ang pangalang Jehova ay magbibigay sa Ebanghelyo ng lalung malaking pang-akit sa buong sansinukob, subalit nakilala ng pinahirang mga lingkod ni Jehova kung sino ang nasa likod ng pakanang iyan na alisin sa Banal na Kasulatan ang pinakamahalagang pangalan sa lahat. (Ihambing ang Jeremias 23:27.) Natalos ng bayan ng Diyos na ito ay pakana ng Diyablo upang burahin sa alaala ng tao ang pangalan ng tunay na Diyos.

6. Kabaligtaran ng ginawa ng Sangkakristiyanuhan, ano ang ginawa ng mga tunay na lingkod ng Diyos upang dakilain ang kaniyang pangalan? (Gawa 15:14)

6 Kabaligtaran ng ginagawa ng Sangkakristiyanuhan, mula sa unang-unang taon ng paglalathala (1879), itinanyag na ng Watch Tower ang banal na pangalan ng Diyos na, JEHOVA. Noong 1926 ang magasing ito ay naglathala ng artikulong “Who Will Honor Jehovah?” (o Sino ang Magpaparangal kay Jehova?) (Awit 135:21) Noong 1931 ang mga estudyante ng Bibliya na kaugnay sa Watch Tower Society ay tumanggap ng pangalang mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10-12) Kanila ring lalung higit na naunawaan ang malaking kahalagahan ng pagbanal sa pangalan ni Jehova. (Isaias 12:4, 5) Noong 1944 sinimulan nilang ilathala ang American Standard Version ng Bibliya, na makikitaan ng pangalan ni Jehova nang mahigit na 6,800 beses. Gayunman, kaugnay ng paglalathala ng Bibliya, ang pinakamahalaga ay ang paglalathala, magmula noong 1950, ng New World Translation. Inilalagay nito ang banal na pangalan ng Diyos sa tamang dako kapuwa sa Kasulatan sa Hebreo at sa Griegong Kristiyano.

7. Paanong ang pagpapatingkad na ginawa sa pangalan ng Diyos at lahat ng kaugnayan nito ay nakabuti sa maraming tao?

7 Ang gayung pagpapatingkad sa personal na pangalan ng Diyos ay lubhang nakagalak sa angaw-angaw na mga umiibig sa katuwiran sa buong mundo. Ito’y nakatulong sa kanila na makilala ang tunay na Diyos bilang isang Persona. At nang kanilang napag-aalaman ang kaniyang mga daan, sila’y nakakikilos nang may pag-iingat, o may matalinong unawa.​—Mikas 4:2, 5.

Ang Kaluluwang Tao ba ay Walang Kamatayan?

8. Sa may pasimula ng kanilang modernong-kasaysayan, ano ang natutuhan ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa kaluluwa at sa kalagayan ng mga patay?

8 Ngayon, ang ikatlong halimbawa: Sa maagang punto sa modernong-panahong kasaysayan ng mga lingkod ni Jehova, ang pag-ibig sa Salita ng Diyos ang nagbukas ng kanilang mata sa ibang mahalagang mga katotohanan. Mahigit na isang siglo ang nakalipas, “ang tapat at maingat na alipin” ay nagkaroon ng tamang kaunawaan na ang kaluluwa’y hindi isang intelihente at humihiwalay na espiritung tumatahan sa loob ng mga tao kundi na ito ang tao mismo. (Mateo 24:45-47) Noong 1880 sinuri ng Watch Tower ang orihinal-wikang mga salitang Sheol at Hades sa letra-por-letrang pagkasulat sa Bibliya at ang konklusyon nila ay na tumutukoy ang mga ito sa libingan. Binanggit din niyaon na ang mga taong natutungo sa Gehenna ay pinupuksa, hindi pinahihirapan.​—Tingnan din ang New World Translation Reference Bible, pahina 1573-5.

9. Noong 1894, ano ang sinabi ng Watch Tower tungkol sa pinagmulan ng turo na ang mga taong kaluluwa ay likas na walang kamatayan?

9 Noong 1894 ang Watch Tower ay nagbangon ng tanong na, “Saan kung gayon nanggaling ang popular na paniwalang lahat ng tao ay may pagkawalang-kamatayan, likas, katutubo?” Taglay ang matalinong unawa, ang sagot nito: “Sa pagsusuri sa mga dahon ng kasaysayan, ating makikita na, bagaman ang doktrina ng pagkawalang-kamatayan ng tao ay hindi itinuturo ng kinasihang mga saksi ng Diyos, ito ang mismong pinakabuod ng lahat ng mga relihiyong pagano. . . . Hindi totoo, samakatuwid, na sina Socrates at Plato ang unang nagturo ng doktrina: ito’y may mas naunang guro kaysa alinman sa dalawang iyan, at gayunma’y lalung may kakayahan. Subalit, sila ang nagpakinis sa doktrina . . . at iyon ay ginawa nilang isang pilosopya, at sa gayo’y ginawa iyon na lalung nakahihikayat at tinatanggap ng mga taong edukado noong kanilang kaarawan at sapol na noon. Ang unang rekord ng huwad na turong ito ay makikita sa pinakamatandang kasaysayan na kilala ng tao​—ang Bibliya. Ang huwad na guro ay si Satanas.”a

10. Anong masasamang epekto ang nalikha ng mga relihiyosong kasinungalingan tungkol sa kaluluwa at sa kalagayan ng mga patay, subalit ano ang ginawa upang tulungan ang makatuwirang mga tao?

10 Sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kasinungalingan na ang lahat ng tao ay may kaluluwang di-namamatay at na ang mga balakyot ay pahihirapan magpakailanman sa apoy ng impiyerno, maling ipinakilala at ipinamusong ni Satanas ang pangalan ng Diyos. Ang unang editor ng Watch Tower, si C. T. Russell, ay nakatalos niyan. Kaniyang nakita na ang intelihenteng mga tao ay tumatanggi sa ideya ng walang-hanggang pagpaparusa ngunit, nakalulungkot sabihin, sila’y tumatanggi rin sa Bibliya sapagkat inaakala nila na ito ang pinagmulan ng walang katuwirang doktrinang iyan. Upang sa isip ng makatuwirang mga tao ay maalis ang kalituhang nilikha ng Panahon ng Kadiliman, gaya ng pagkasabi niya roon, si Brother Russell ay nagbigay ng kapansin-pansing pangmadlang pahayag na “To Hell and Back! Who are There.” (Pagparoon sa Impiyerno at Pagbalik! Sino ang Naroon).

11. (a) Nang napapatanyag na ang espiritismo, anong babala ang ibinigay ng uring ‘tapat na alipin’? (b) Sino ang nakinabang sa babalang ito, at paano?

11 Iyan ay isang panahon na noo’y napapatanyag na ang espiritismo. Subalit dahil sa matalinong unawa na ibinigay ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, nakilala ng uring ‘tapat na alipin’ na ang ipinagpapalagay na mga espiritu ng nangamatay na kinakausap ng mga tao ay yaong mga demonyo. Mabibisang argumento sa Kasulatan ang tinalakay sa pangmadlang mga pahayag at sa mga artikulong inilathala upang buksan ang mata ng mga taong tapat-puso para makita ang panganib ng pagkasangkot sa mga gawang espiritismo. (Deuteronomio 18:10-12; Isaias 8:19) Bilang resulta ng matalinong unawang ito na ibinigay ni Jehova sa kaniyang mga lingkod, libu-libong mga tao sa buong mundo ang napalaya buhat sa takot sa mga patay, sa mga gawang espiritismo, at sa hamak na mga kaugaliang may kaugnayan sa espiritismo.

Asal Kristiyano sa Isang Magulong Sanlibutan

12, 13. (a) Ipaliwanag ang Daniel 11:32, 33. (b) Ano ang ilan sa pangunahing mga katotohanan sa Bibliya na saligan ng kaunawaan na itinuturo ‘niyaong mga may matalinong unawa’?

12 Ipinakita ni propeta Daniel na ang mga lingkod ng Diyos ay makikitaan ng matalinong unawa may kaugnayan sa ikaapat na bagay, isang mahalagang isyu​—ang pagkaneutral. Pagkatapos na ilarawan nang detalyado ang paglalabanan ng prominenteng pulitikal na mga bansa ng daigdig, ang Daniel 11:32, 33 ay nagsasabi: “Yaong mga kumikilos nang may kabalakyutan laban sa tipan, kaniyang aakayin tungo sa apostasya sa pamamagitan ng pakunwaring mga salita.” Na ang ibig sabihin, ang totalitaryong hari ng hilaga ang aakay sa apostasya sa mga nagpapanggap na sila’y mga Kristiyano ngunit umiibig sa sanlibutan, naghahangad ng pagsang-ayon nito, at sa gayo’y hinahamak ang tipan ni Jehova ukol sa isang Kaharian na gagamitin ni Jesu-Kristo para pagharian ang buong lupa. “Subalit,” ang patuloy pa ni Daniel, “tungkol sa mga taong nakakakilala sa kanilang Diyos, sila’y mananaig at kikilos sa mabisang paraan. At silang may matalinong unawa sa gitna ng bayan, sila’y magtuturo ng kaunawaan sa marami.”

13 Ang matalinong unawa na kailangan sa mabisang pakikitungo sa kadalasa’y magulong mga kalagayan na nakapalibot sa atin ay nakasalig sa pagpapahalaga sa pangunahing mga katotohanan sa Bibliya. Sa patnubay ni Jehova, ang uring ‘tapat na alipin’ ay nakaalam ng mga katotohanang ito. Isa na roon ay ang turo na, gaya ng ipinakita ni Jesus, ang di-nakikitang tagapamahala ng sanlibutang ito ay si Satanas na Diyablo. (Lucas 4:5-8; Juan 12:31) Kasuwato ng katotohanang ito, ang 1 Juan 5:19 ay nagsasabi pa na hindi lamang isang bahagi o iba pang mga bahagi kundi “ang buong sanlibutan [lahat ng taong nasa labas ng tunay na kongregasyong Kristiyano] ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” (Apocalipsis 12:9) Yamang sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan,” ito’y nangangahulugan na ang mga Kristiyano’y mananatiling neutral o walang kinikilingan.​—Juan 17:16.

14. (a) Anong napapanahong mga bagay ang itinawag-pansin sa mga lingkod ni Jehova noong 1939 at 1941? (b) Paanong ang gayung matalinong unawa ay tumulong sa mga Saksi ni Jehova upang kumilos nang may karunungan?

14 Napapanahon, kung gayon, na samantalang ang ulap ng Digmaang Pandaigdig II ay nagdadala ng kadiliman sa Europa, ang isyu ng Kristiyanong pagkaneutral ay itinatampok naman sa The Watchtower ng Nobyembre 1, 1939. Kaugnay ng bagay na ito ang isa pang mahalagang katotohanan​—ang kahalagahan ng isyu ng pansansinukob na soberanya at ang papel na ginagampanan ng Mesiyanikong Kaharian sa paglutas sa isyung ito. Angkop naman, noong 1941 ang isyung ito ay tinalakay sa isang pahayag sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa St. Louis, Missouri, E.U.A., at nang sumunod na taon sa aklat na The New World. Anong laking proteksiyon ang ibinigay sa mga lingkod ni Jehova ng gayong maka-Diyos na talino sa pag-unawa samantalang naririto sila sa baha-bahagi at nagdidigmaang sanlibutang ito! Samantalang ang mga pamamalakad ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay baha-bahagi sapagkat pinayagan nilang sila’y mapasangkot sa alitan ng mga bansa at sa mga kilusang gerilya upang maibagsak ang mga pamahalaan, ang mga Saksi ni Jehova sa lahat ng bansa ay nagkakaisang nagpapatuloy na italaga ang kanilang sarili sa pamamahayag ng Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa ukol sa sangkatauhan. Sila’y patuloy na abalang-abala sa nagliligtas-buhay na gawaing inihula ni Jesu-Kristo nang kaniyang sabihin: “Ang mabuting balitang ito ng Kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”​—Mateo 24:14.

Katuparan ng mga Hula sa Bibliya

15. Bakit nagkaroon ng matalinong unawa ang mga lingkod ni Jehova?

15 Bakit mayroon nga ng gayung matalinong unawa ang mga lingkod ni Jehova? Sapagkat sila’y may lubos na pagtitiwala sa nasusulat na Salita ng Diyos, kanilang sinusunod ito, at ang espiritu ni Jehova ay sumasa-kanila. Ito’y tumulong din sa kanila na maunawaan ang mahalagang mga hula sa Bibliya, at ito ang ikalimang punto na ating tatalakayin.

16, 17. (a) Bakit ang mga petsang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ay kung minsan naiiba sa mga ibinibigay ng sekular na mga historyador? (b) Paano nakinabang ang mga Saksi ni Jehova buhat sa kanilang pagtitiwala sa Bibliya kung tungkol sa pagpepetsa ng ika-20 taon ni Artaxerxes at sa panahon ng paggigiba ng mga Babiloniko sa Jerusalem?

16 Ang sekular na mga historyador, palibhasa’y umaasa sa kanilang interpretasyon ng mga bagay na nasa kapi-kapirasong mga tableta na nahukay ng mga arkeologo, ay nanghinuha na 464 B.C.E. ang unang taon ng paghahari ni Artaxerxes Longimanus at na 604 B.C.E. ang unang taon ng paghahari ni Nabucodonosor II. Kung iyan ay totoo, ang ika-20 taon ni Artaxerxes ay nagsimula noong 445 B.C.E., at ang petsa ng paggigiba sa Jerusalem ng mga Babiloniko (sa ika-18-taóng paghahari ni Nabucodonosor) ay magiging 587 B.C.E. Ngunit kung ginagamit ng isang estudyante ng Bibliya ang mga petsang iyon kapag inaalam ang panahon ng katuparan ng hula, siya’y malilito lamang.

17 Ang mga Saksi ni Jehova ay interesado sa mga natuklasan ng mga arkeologo kung ang mga ito’y may kaugnayan sa Bibliya. Gayunman, pagka ang interpretasyon ng mga natuklasang ito ay salungat sa malinaw na pangungusap sa Bibliya, ating tinatanggap nang may pagtitiwala ang sinasabi ng Banal na Kasulatan, maging iyon man ay tungkol sa kronolohiya o anumang ibang paksa. Kaya naman, malaon nang kinikilala ng mga lingkod ni Jehova na ang makahulang yugto ng panahon na nagsimula noong ika-20 taon ni Artaxerxes ay kailangang bilangin mula sa 455 B.C.E. at sa gayon ang Daniel 9:24-27 ay mapanghahawakan na tama sa pagtuturo nito sa taóng 29 C.E. sa panahon ng taglagas sa pagpapahid bilang Mesiyas kay Jesus.b Sa dahilan ding iyan, kanilang natanto na ang hula sa Daniel kabanata 4 na “pitong panahon” ay nagsimula ang pagbilang noong 607-606 B.C.E. at na ito’y nakatutok sa 1914 C.E. sa panahon ng taglagas bilang ang taon nang iluklok si Kristo sa langit bilang nagpupunong Hari at ang sanlibutang ito ay pumasok na sa kaniyang panahon ng kawakasan.c Subalit hindi sana nila nakilala ang kapana-panabik na mga katuparang ito ng hula kung sila’y nag-atubili ng pagtitiwala sa pagiging kinasihan ng Banal na Kasulatan. Samakatuwid, ang matalinong unawa na kanilang ipinakita ay tuwirang may kaugnayan sa kanilang pagtitiwala sa Salita ng Diyos.

18. Ano ang pangako ng Isaias 65:13, 14 tungkol sa espirituwal na kalagayan ng tapat na mga lingkod ni Jehova?

18 Upang ipakita ang pagkakaiba ng espirituwal na kalagayan ng kaniyang tapat na mga lingkod at ng kalagayan ng mga indibiduwal at mga grupo na dagling tatabig sa Kasulatan at ang tatanggapin ay yaong mga kasalukuyang popular, ganito ang sinasabi ni Jehova: “Narito! Ang aking mga lingkod ay magsisikain, ngunit kayo’y magugutom. Narito! Ang aking mga lingkod ay magsisiinom, ngunit kayo’y mauuhaw. Narito! Ang aking mga lingkod ay magagalak, ngunit kayo’y mapapahiya. Narito! Ang aking mga lingkod ay masayang magsisiawit dahil sa kagalakan ng puso, ngunit kayo’y magsisidaing dahil sa kapanglawan ng puso at kayo’y aangal dahil sa ganap na pagkabagabag ng kalooban.”​—Isaias 65:13, 14.

19. (a) Unang-una, sa pamamagitan ng ano ipinaliliwanag ng “tapat at maingat na alipin” ang Kasulatan? (b) Anong uri ng kaayusan sa pag-aaral ang tumutulong sa atin upang lubusang makinabang sa espirituwal na pagkain?

19 Gaya ng ipinakita ng maikling balik-tanaw na ito sa kasaysayan, sa pamamagitan ng mga tudling ng Ang Bantayan ipinaliliwanag para sa atin ng “tapat at maingat na alipin” ni Jehova ang mahalagang mga katotohanan sa Kasulatan. Ang Bantayan ang pangunahing instrumento na ginagamit ng uring “alipin” para sa pamamahagi ng espirituwal na pagkain. Ikaw ba ay lubusang nakikinabang dito? Iyo bang binabasa ang bawat labas, at kasali ba sa iyong kaayusan sa pag-aaral ang pagbasa ng mga talatang binanggit ngunit hindi sinipi? Ugali mo rin ba na bulay-bulayin ang iyong pinag-aralan, na lalo mo pang pinalalaki ang iyong pagpapahalaga roon, na pinag-iisipan kung paano iyon may epekto sa iyong saloobin, sa iyong mga naisin, sa iyong araw-araw na aktibidades, sa iyong tunguhin sa buhay? Ang paggawa mo niyan ay maaaring maging isang mahalagang batayan sa iyong mga pagpapasiya na nakasalig sa tunay na matalinong unawa na si Jehova lamang ang nagbibigay.

[Mga talababa]

a Naakay ni Satanas si Eva upang maniwala na sa kaniyang pagiging nasa katawang laman siya ay hindi mamamatay kailanman. (Genesis 3:1-5) Kaya’t hindi nangyari kundi noong bandang huli sinimulan niya ang pagpapalaganap ng huwad na turo na ang mga tao’y may isang kaluluwang di-namamatay at patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan.​—Tingnan ang The Watchtower, Setyembre 15, 1957, pahina 575.

b Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 614-16, 899-901.

c “Let Your Kingdom Come,” pahina 186-9.

Ano ba ang Natatandaan Mo?

◻ Ang Diyos ba ay isang Trinidad, at bakit ganiyan ang sagot mo?

◻ Saan ba ang tamang dako ng pangalan ng Diyos?

◻ Ang kaluluwang tao ba’y walang kamatayan?

◻ Anong matalinong unawa ang ibinigay ni Jehova tungkol sa asal-Kristiyano sa isang magulong sanlibutan?

◻ Anong matalinong unawa ang tinanggap ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa katuparan ng mga hula?

[Larawan sa pahina 18]

Sa pamamagitan ng Ang Bantayan, “ang tapat at maingat na alipin” ay nagbibigay ng matalinong unawa tungkol sa kahulugan ng kasulatan at sa pagkakapit niyaon sa kaarawan natin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share