Pilosopiya
Kahulugan: Ang salitang pilosopiya ay kuha sa mga ugat na salitang Griyego na nangangahulugang “pag-ibig sa karunungan.” Ayon sa paggamit dito, ang pilosopiya ay hindi nakasalig sa paniniwala sa Diyos, kundi sinisikap nito na ibigay sa mga tao ang isang nagkakaisang pangmalas sa sansinukob at gawin silang palaisip at mapanuri. Ang pangunahing ginagamit nito sa paghanap ng katotohanan ay ang kuru-kuro at hindi obserbasyon.
Papaano matatamo ng sinoman sa atin ang tunay na kaalaman at karunungan?
Kaw. 1:7; Awit 111:10: “Ang takot kay Jehova ay pasimula ng kaalaman . . . [at] ng karunungan.” (Kung ang sansinukob ay hindi galing sa isang matalinong Maylikha kundi sa isang bulag, walang isip na puwersa, kung gayon ay imposibleng magkaroon ng isang nagkakaisang pangmalas sa sansinukob, hindi ba? Hindi maaaring magbunga ng anomang tunay na karunungan ang pag-aaral ng isang bagay na walang isip sa ganang sarili, hindi ba? Yaong mga nagsisikap na unawain ang sansinukob o ang buhay mismo, na hindi isinasaalang-alang ang Diyos at ang kaniyang layunin, ay laging nabibigo. Binibigyan nila ng maling kahulugan ang kanilang natututuhan at mali ang paggamit nila sa mga katotohanang napupulot nila. Ang hindi pagsasaalang-alang sa paniniwala sa Diyos ay nag-aalis ng susi sa tumpak na kaalaman at sa gayo’y imposibleng magkaroon ng anomang tunay na pagkakasuwato ng kaisipan.)
Kaw. 2:4-7: “Kung iyong hahanapin ito na parang pilak, at sasaliksikin mo itong parang kayamanang natatago, kung gayo’y iyong mauunawa ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman ng Diyos. Sapagka’t si Jehova ang nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan. At kaniyang papagtataglayin ang mga matuwid ng magaling na karunungan.” (Si Jehova ay naglalaan ng kinakailangang tulong sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita at ng kaniyang nakikitang organisasyon. Ang taimtim na pagnanais at personal na pagsisikap, kalakip na rin ang paggamit ng kakayahan ng pag-iisip sa nakapagpapatibay na paraan, ay kailangan din.)
Makatuwiran bang asahan na ang buong katotohanan ay masusumpungan sa Bukal na ito?
2 Tim. 3:16; Juan 17:17: “Lahat ng mga Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” “[Sinabi ni Jesus sa kaniyang makalangit na Ama:] Ang iyong salita ay katotohanan.” (Hindi ba makatuwiran na ang Maylalang ng sansinukob ay magtaglay ng lubos na pagkaunawa dito? Sa Bibliya ay hindi niya sinabi sa atin ang lahat tungkol sa sansinukob, nguni’t ang nakaulat doon ay hindi kuru-kuro lamang; ito’y katotohanan. Sinabi din niya sa Bibliya kung ano ang layunin niya sa lupa at sa sangkatauhan at kung paano niya ito isasakatuparan. Ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan, pinakamataas na karunungan, sakdal na katarungan, at dakilang pag-ibig ay tumitiyak na ang kaniyang layunin ay lubusang maisasakatuparan, at iyo’y sa pinakamabuting paraan. Ang kaniyang mga katangian kung gayon ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na ang kaniyang inihayag na layunin ay lubusang mapananaligan; ito’y katotohanan.)
Ano ang pinagmumulan ng mga pilosopiya ng tao?
Ang mga ito’y nagmumula sa mga taong may limitasyon: Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Hindi para sa taong lumalakad ang magtuwid ng kaniyang mga hakbang.” (Jer. 10:23) Ang kasaysayan ay nagpapatunay na ang di-pagkilala sa limitasyong iyon ay hindi nagbunga ng mabuti. Sa isang okasyon, “Sumagot si Jehova kay Job mula sa ipoipo, at nagsabi: ‘Sino ito na nagpapalabo ng payo sa pamamagitan ng mga salita na walang kaalaman? Bigkisan mo ngayon ang iyong mga balakang na parang lalake, at tatanungin kita, at magpapahayag ka sa akin. Saan ka nandoon nang ilagay ko ang mga patibayan ng lupa? Sabihin mo, kung mayroon kang unawa.’ ” (Job 38:1-4) (May likas na mga limitasyon ang mga tao. Bukod dito, ang kanilang karanasan sa buhay ay maikli at kadalasa’y limitado ito sa iisang kultura o sa iisang kapaligiran. Limitado kung gayon ang kanilang taglay na karunungan, at gayon na lamang ang pagkakaugnay-ugnay ng lahat ng mga bagay kung kaya’t palagi silang nakakakita ng mga bagay na hindi pa nila lubusang naisaalang-alang. Ang anomang pilosopiya na nagmumula sa kanila ay nagpapakita sa mga limitasyong ito.)
Ang mga ito’y kinatha ng mga di-sakdal na tao: “Lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) “May daan na tila matuwid sa isang tao, nguni’t ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.” (Kaw. 14:12) (Dahil sa pagka-di-sakdal na ito, ang mga pilosopiya ng tao ay kadalasang nasasalig sa pag-iimbot na maaaring umakay sa panandaliang kasiyahan subali’t sa wakas ay humahantong sa pagkasiphayo at maraming kalumbayan.)
Ang mga ito’y naiimpluwensiyahan ng mga espiritung demonyo: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng balakyot na isa.” (1 Juan 5:19) “Ang tinatawag na Diyablo at Satanas . . . ang dumadaya sa buong tinatahanang lupa.” (Apoc. 12:9) “Na inyong nilakaran noong una ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito, ayon sa pangulo ng kapangyarihan ng hangin, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway.” (Efe. 2:2) (Ang gayong impluwensiya ay ipinakikita ng mga pilosopiya na humihikayat sa mga tao na sumuway sa kapakipakinabang at matuwid na mga kahilingan ng Diyos. Hindi katakataka na, gaya ng pinatutunayan ng kasaysayan, ang mga pilosopiya at pakana ng tao ay malimit na nagdulot ng hapis sa kalakhang bahagi ng sangkatauhan.)
Bakit katunayan ng malinaw na kaisipan ang pag-aralan ang mga turo ni Jesu-Kristo sa halip na pilosopiya ng tao?
Col. 1:15-17: “Siya [si Jesu-Kristo] ang larawan ng di-nakikitang Diyos, ang panganay ng lahat ng mga nilalang; sapagka’t sa pamamagitan niya nilalang ang lahat na mga bagay sa langit at sa lupa . . . Lahat ng ibang mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya. Gayundin naman, siya’y una sa lahat ng ibang mga bagay at sa pamamagitan niya pinairal ang lahat ng ibang mga bagay.” (Dahil sa kaniyang matalik na kaugnayan sa Diyos, siya’y maaaring tumulong sa atin na matutuhan ang katotohanan tungkol sa Diyos. Karagdagan pa, yamang sa pamamagitan niya ginawa ang lahat ng ibang mga bagay, may lubos na kabatiran si Jesus hinggil sa buong sansinukob. Hindi maiaalok ito ng sinomang pilosopong tao.)
Col. 1:19, 20: “Minagaling ng Diyos na ang buong kapuspusan ay manahanan sa kaniya [Jesu-Kristo], at sa pamamagitan niya ay muling pakipagkasunduin sa kaniya ang lahat ng ibang mga bagay, na pinapayapa sa pamamagitan ng dugong itinigis niya sa tulos na pahirapan.” (Kaya si Jesu-Kristo ang isa na gagamitin ng Diyos upang muling pakipagkasunduin sa kaniya ang buong sangnilalang. Ipinagkatiwala rin ng Diyos kay Jesus ang pamamahala sa buong lupa, gaya ng ipinakikita sa Daniel 7:13, 14. Kaya ang ating pag-asa ukol sa buhay sa hinaharap ay nasasalalay sa ating pagkilala sa kaniya at pagsunod sa kaniyang mga tagubilin.)
Col. 2:8: “Kayo’y magsipag-ingat: baka sa inyo’y may bumihag sa pamamagitan ng pilosopiya at walang kabuluhang pagdaraya ayon sa sali’t-saling-sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.” (Anong laking kamalian ang piliin ang gayong mapandayang pilosopiya ng tao sa halip na tamuhin ang tunay na karunungan bilang alagad ni Jesu-Kristo, na siyang pangalawa lamang sa Diyos bilang pinaka-dakilang persona sa sansinukob!)
Papaano minamalas ng Diyos ang “karunungan” na iniaalok ng pilosopiya ng tao?
1 Cor. 1:19-25: “Nasusulat: ‘Aking wawaling-kabuluhan ang karunungan ng mga pantas, at ang katalinuhan ng marurunong ay aking papalisin.’ Saan naroon ang pantas? Saan naroon ang eskriba? Saan naroon ang mangangatuwiran sa sistemang ito ng mga bagay? Hindi baga ginawa ng Diyos na kamangmangan ang karunungan ng sanlibutan? Sapagka’t yamang, sa karunungan ng Diyos, ay hindi nakilala ng sanlibutan ang Diyos sa pamamagitan ng karunungan nito, ay kinalugdan ng Diyos na iligtas ang mga nagsisisampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan [gaya ng ipinalalagay ng sanlibutan] ng pangangaral. . . . Sapagka’t ang kamangmangan ng Diyos [ayon sa pangmalas ng sanlibutan] ay lalong marunong kay sa mga tao, at ang kahinaan ng Diyos [gaya ng maaaring ipalagay ng sanlibutan] ay lalong malakas kay sa mga tao.” (Ang pangmalas na ito ng Diyos ay tunay na makatarungan at makatuwiran. Sa Bibliya, ang pinakamalaganap na aklat sa daigdig, ay kaniyang inilalahad ang isang malinaw na kapahayagan ng kaniyang layunin. Sinugo niya ang kaniyang mga saksi upang ipakipag-usap ito sa lahat ng makikinig. Anong laking kamangmangan na isipin ng sinomang nilalang na ang karunungan niya’y higit na dakila kaysa sa Diyos!)