Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Ating mga Anak—Isang Pinakamamahal na Mana
    Ang Bantayan—2005 | Abril 1
    • Ang Ating mga Anak​—Isang Pinakamamahal na Mana

      “Narito! Ang mga anak ay mana mula kay Jehova; ang bunga ng tiyan ay isang gantimpala.”​—AWIT 127:3.

      1. Paano naisilang ang unang sanggol?

      ISIP-ISIPIN ang makahimalang mga pangyayaring ginawa ng Diyos na Jehova sa paraan ng pagkakalalang niya sa unang lalaki at babae. Ang ama, si Adan, at ang ina, si Eva, ay kapuwa nagbigay ng kani-kaniyang bahagi na unti-unting nabuo sa sinapupunan ni Eva tungo sa isang ganap na bagong tao​—ang unang sanggol. (Genesis 4:1) Hanggang sa ngayon, nahihiwagaan pa rin tayo sa paglilihi at pagsisilang sa isang sanggol at marami ang naglalarawan dito bilang isang tunay na himala.

      2. Bakit ninyo masasabing isang himala ang nagaganap sa sinapupunan ng isang babaing nagdadalang-tao?

      2 Sa loob ng mga 270 araw, ang orihinal na selulang nalikha sa sinapupunan ng ina dahil sa pakikipagtalik sa ama ay unting-unting lumalaki hanggang sa maging isang sanggol na binubuo ng trilyun-trilyong selula. Taglay ng orihinal na selulang iyon ang kinakailangang mga tagubilin upang makabuo ng mahigit na 200 uri ng selula. Sa pagsunod sa kagila-gilalas na mga tagubiling iyon na di-kayang arukin ng tao, ang napakasalimuot na mga selulang ito ay unti-unting lumaki ayon sa eksaktong pagkakasunud-sunod at paraan upang mabuo ang isang bagong nabubuhay na tao!

      3. Bakit maraming palaisip na tao ang sumasang-ayon na ang Diyos ang nagpapangyari sa pagsilang ng isang bagong nabubuhay na tao?

      3 Sino ang masasabi ninyong tunay na gumawa ng sanggol? Tiyak na ang Isa na lumalang mismo ng buhay. Umawit ang salmista sa Bibliya: “Alamin ninyo na si Jehova ay Diyos. Siya ang gumawa sa atin, at hindi tayo sa ganang sarili.” (Awit 100:3) Mga magulang, alam na alam ninyo na hindi naisilang ang munting sanggol na ito dahil sa inyong natatanging talino. Tanging ang isang Diyos lamang na nagtataglay ng walang-hanggang karunungan ang makahimalang makalilikha ng isang bagong nabubuhay na tao. Libu-libong taon nang naniniwala ang palaisip na mga tao na ang Dakilang Maylalang ang nagpapangyari sa unti-unting paglaki ng isang bata sa sinapupunan ng ina nito. Ito rin ba ang paniniwala mo?​—Awit 139:13-16.

      4. Anong kapintasan ng tao ang hindi kailanman makikita kay Jehova?

      4 Subalit si Jehova ba ay isang manhid na Maylalang na basta na lamang gumawa ng isang biyolohikal na proseso para magkaanak ang mga lalaki at babae? May mga taong manhid, subalit hindi kailanman ganoon si Jehova. (Awit 78:38-40) Sinasabi ng Bibliya sa Awit 127:3: “Narito! Ang mga anak ay mana mula kay Jehova; ang bunga ng tiyan ay isang gantimpala.” Isaalang-alang natin ngayon kung ano ang kahulugan ng mana at kung ano ang pinatutunayan nito.

      Mana at Gantimpala

      5. Bakit isang mana ang mga anak?

      5 Ang mana ay parang isang kaloob. Madalas na subsob sa trabaho ang mga magulang upang may maipamana sa kanilang mga anak. Maaaring ito ay salapi, ari-arian, o marahil ilang pinakaiingatang pag-aari. Ano man ito, iyon ay katibayan ng pagmamahal ng isang magulang. Sinasabi sa Bibliya na ang mga anak ay ibinigay ng Diyos sa mga magulang bilang mana. Ang mga ito ay maibiging kaloob mula sa kaniya. Kung kayo’y magulang, masasabi ba ninyong ang inyong ikinikilos ay nagpapakitang minamalas ninyo ang inyong mga anak bilang kaloob na ipinagkatiwala sa inyo ng Maylalang ng uniberso?

      6. Ano ang layunin ng Diyos sa pagpapangyari na magkaanak ang mga tao?

      6 Ang layunin ni Jehova sa pagbibigay ng kaloob na ito ay upang mapuno ang lupa ng mga inapo nina Adan at Eva. (Genesis 1:27, 28; Isaias 45:18) Hindi isa-isang nilikha ni Jehova ang bawat tao, gaya ng ginawa niya sa milyun-milyong anghel. (Awit 104:4; Apocalipsis 4:11) Sa halip, minabuti ng Diyos na lalangin niya ang mga tao na may kakayahang magsilang ng mga anak na kahawig ng kanilang mga magulang. Isa ngang kagila-gilalas na pribilehiyo para sa ina at ama na isilang at alagaan ang bagong tao na ito! Bilang mga magulang, pinasasalamatan ba ninyo si Jehova dahil pinangyari Niya na magkaroon kayo ng ganitong napakahalagang mana?

      Matuto Mula sa Halimbawa ni Jesus

      7. Kabaligtaran ng ginagawa ng ilang magulang, paano ipinakita ni Jesus ang interes at pagkahabag sa “mga anak ng mga tao”?

      7 Nakalulungkot sabihin, hindi lahat ng magulang ay nag-iisip na isang gantimpala ang mga anak. Marami ang halos walang habag sa kanilang mga anak. Hindi tinutularan ng gayong mga magulang ang saloobin ni Jehova o ng kaniyang Anak. (Awit 27:10; Isaias 49:15) Sa kabaligtaran, tingnan natin ang interes ni Jesus sa mga bata. Bago pa man pumarito sa lupa si Jesus bilang tao​—noong isa siyang makapangyarihang espiritung persona sa langit​—sinasabi sa Bibliya na ang kaniyang “buong kaluguran ay nasa mga anak ng mga tao.” (Kawikaan 8:31, Rotherham) Gayon na lamang kasidhi ang kaniyang pag-ibig sa mga tao anupat kusang-loob niyang ibinigay ang kaniyang buhay bilang pantubos upang matamo natin ang buhay na walang hanggan.​—Mateo 20:28; Juan 10:18.

      8. Paano nagpakita si Jesus ng mainam na halimbawa sa mga magulang?

      8 Habang nasa lupa, nagpakita si Jesus ng napakainam na halimbawa sa mga magulang. Tingnan natin ang kaniyang ginawa. Nag-ukol siya ng panahon sa mga bata, kahit na abalang-abala siya at nasa maigting na kalagayan. Pinanood niya sila habang naglalaro sa pamilihan at ginamit niya sa kaniyang pagtuturo ang ilan sa kanilang paggawi. (Mateo 11:16, 17) Sa kaniyang huling paglalakbay patungong Jerusalem, alam ni Jesus na siya’y magdurusa at papatayin. Kaya nang dalhin sa kaniya ng mga tao ang kanilang maliliit na anak upang makita siya, tinangkang paalisin ng mga alagad ni Jesus ang mga bata sa pagsisikap marahil na huwag nang maragdagan pa ang igting na nadarama ni Jesus. Subalit pinagalitan ni Jesus ang mga alagad niya. Bilang pagpapakita ng kaniyang “buong kaluguran” sa maliliit na bata, sinabi niya: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang tangkaing pigilan.”​—Marcos 10:13, 14.

      9. Bakit maaaring mas mahalaga ang ating ikinikilos kaysa sa ating sinasabi?

      9 Matututo tayo sa halimbawa ni Jesus. Kapag lumalapit sa atin ang mga bata, paano ba tayo tumutugon​—kahit abala tayo? Gaya ba ni Jesus? Ang kailangan ng mga bata, lalo na sa kanilang mga magulang, ay ang bagay na handang ibigay ni Jesus sa kanila​—ang kaniyang panahon at atensiyon. Totoo, ang mga salitang tulad ng “Mahal kita” ay mahalaga. Gayunman, mas malakas mangusap ang kilos kaysa sa salita. Nakikita ang inyong pagmamahal hindi lamang sa sinasabi ninyo kundi lalo na sa ikinikilos ninyo. Nakikita ito sa panahon, atensiyon, at pangangalagang ibinibigay ninyo sa inyong maliliit na anak. Subalit magawa man ang lahat ng ito, posible pa ring hindi makita ang mga resulta, at kung mayroon man, hindi ito gayon kabilis. Kailangan ang pasensiya. Matututo tayong magpasensiya kung tutularan natin ang paraan ng pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga alagad.

      Ang Pasensiya at Pagmamahal ni Jesus

      10. Paano tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad ng isang aral ng pagpapakumbaba, at naging matagumpay ba ito sa pasimula?

      10 Alam ni Jesus na nagpapaligsahan ang kaniyang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakaprominente. Isang araw, pagdating nila ng kaniyang mga alagad sa Capernaum, nagtanong siya sa kanila: “ ‘Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?’ Nanatili silang tahimik, sapagkat sa daan ay nagtatalu-talo sila kung sino ang mas dakila.” Sa halip na pagalitan sila, mapagpasensiyang nagbigay si Jesus ng isang praktikal na halimbawa upang turuan sila ng pagpapakumbaba. (Marcos 9:33-37) Nangyari ba ang inaasahan niyang resulta? Hindi kaagad. Pagkalipas ng mga anim na buwan, hinimok pa nina Santiago at Juan ang kanilang ina na hilingin kay Jesus ang prominenteng mga posisyon sa Kaharian. Muli, mapagpasensiyang itinuwid ni Jesus ang kanilang pag-iisip.​—Mateo 20:20-28.

      11. (a) Anong kaugalian ang hindi ginampanan ng mga apostol ni Jesus pagdating nila sa silid sa itaas kasama ni Jesus? (b) Ano ang ginawa ni Jesus, at nagtagumpay ba noon ang kaniyang pagsisikap?

      11 Di-nagtagal, sumapit ang Paskuwa ng 33 C.E., at sarilinang nakipagkita si Jesus sa mga apostol niya upang ipagdiwang ito. Pagdating nila sa silid sa itaas, wala ni isa man sa 12 apostol ang nagkusang gumanap sa kinaugaliang paghuhugas sa maalikabok na mga paa ng iba​—ang hamak na tungkulin ng isang alipin o ng isang babae sa sambahayan. (1 Samuel 25:41; 1 Timoteo 5:10) Tiyak na lungkot na lungkot si Jesus nang makitang patuloy pa rin ang kaniyang mga alagad sa pagsisikap na magkaroon ng ranggo at posisyon! Kaya si Jesus na ang naghugas sa mga paa ng bawat isa at saka nagsumamo sa kanila na tularan ang kaniyang halimbawa ng paglilingkod sa iba. (Juan 13:4-17) Tinularan ba nila ito? Sinasabi ng Bibliya na ilang sandali lamang nang gabi ring iyon “bumangon [na naman] ang isang mainitang pagtatalo sa gitna nila tungkol sa kung sino sa kanila ang waring pinakadakila.”​—Lucas 22:24.

      12. Paano matutularan ng mga magulang si Jesus sa kanilang pagsisikap na sanayin ang kanilang mga anak?

      12 Kapag hindi sinusunod ng inyong mga anak ang payo ninyo, napag-iisip-isip ba ninyo, kayong mga magulang, ang nadama ni Jesus noon? Tandaan na hindi sumuko si Jesus sa pagtulong sa kaniyang mga apostol, bagaman mabagal sila sa pagtutuwid ng kanilang mga pagkakamali. Nagbunga rin naman nang dakong huli ang kaniyang pagpapasensiya. (1 Juan 3:14, 18) Mga magulang, makabubuting tularan ninyo ang pag-ibig at pasensiya ni Jesus. Huwag kayong susuko kailanman sa inyong pagsisikap na sanayin ang inyong mga anak.

      13. Bakit hindi dapat na may-kasungitang ipagwalang-bahala ng magulang ang pagtatanong ng bata?

      13 Kailangang madama ng mga bata na mahal sila ng kanilang mga magulang at interesado ang mga ito sa kanila. Gustong malaman ni Jesus ang iniisip ng kaniyang mga alagad, kaya nakikinig siya sa kanilang mga tanong. Tinanong niya sila kung ano ang kanilang palagay sa ilang mga bagay. (Mateo 17:25-27) Oo, kalakip sa mahusay na pagtuturo ang matamang pakikinig at tunay na interes. Dapat paglabanan ng mga magulang ang anumang tendensiya na may-kasungitang ipagwalang-bahala ang nagtatanong na bata sa pagsasabi: “Umalis ka nga diyan! Hindi mo ba nakikitang marami akong ginagawa?” Kung talagang maraming ginagawa ang magulang, dapat sabihin sa bata na mamaya na lamang nila pag-usapan kung ano man iyon. Pagkatapos, dapat tiyakin ng mga magulang na pag-uusapan nga ito. Sa ganitong paraan, madarama ng bata na talaga ngang interesado sa kaniya ang magulang niya, at mas madali na siyang magtatapat sa kaniyang magulang.

      14. Ano ang matututuhan ng mga magulang kay Jesus tungkol sa pagpapakita ng pagmamahal sa kanilang mga anak?

      14 Angkop ba para sa mga magulang na ipakita ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng pag-akbay at pagyakap sa kanilang mga anak? Muli, may matututuhan ang mga magulang kay Jesus. Sinasabi sa Bibliya na “kinuha niya sa kaniyang mga bisig ang mga bata at pinasimulan silang pagpalain, na ipinapatong sa kanila ang kaniyang mga kamay.” (Marcos 10:16) Ano sa palagay ninyo ang naging reaksiyon ng mga bata? Tiyak na tuwang-tuwa sila, at lalo silang naging malapít kay Jesus! Kapag kayong mga magulang at ang inyong mga anak ay tunay na nagmamahalan at nag-iibigan, mas madali nilang matatanggap ang inyong pagsisikap na disiplinahin at turuan sila.

      Ang Isyu Kung Gaano Karaming Panahon

      15, 16. Ano ang naging popular na ideya sa pagpapalaki ng bata, at ano ang nakikitang dahilan nito?

      15 Nag-aalinlangan ang ilan kung talaga nga bang kailangan ng mga anak ang maraming panahon at maibiging atensiyon ng kanilang mga magulang. Ang isang ideya sa pagpapalaki ng bata na buong-kahusayang naitaguyod ay tinatawag na de-kalidad na panahon (quality time). Sinasabi ng mga tagapagtaguyod nito na hindi na kailangan ng mga anak ang maraming panahon ng kanilang mga magulang hangga’t ang limitadong panahong iniuukol sa kanila ay makabuluhan, pinaghandaan, at patiunang isinaayos. Maganda nga kaya ang ideyang ito ng de-kalidad na panahon, na kinatha para sa kabutihan ng mga bata?

      16 Isang manunulat na nakipag-usap sa maraming bata ang nagsabi na ang “gusto nila sa kanilang mga magulang ay mas maraming panahon,” at “di-nababahaging atensiyon.” Kapansin-pansin, sinabi ng isang propesor sa kolehiyo: “Ang terminong [de-kalidad na panahon] ay kinatha dahil sa pang-uusig ng budhi na nadarama ng mga magulang. Binibigyang-matuwid ng mga tao ang kaunting panahong iniuukol nila sa kanilang mga anak.” Gaano karaming panahon nga ba ang dapat iukol ng mga magulang sa kanilang mga anak?

      17. Ano ang kailangan ng mga anak sa kanilang mga magulang?

      17 Hindi ito sinasabi ng Bibliya. Gayunman, hinimok ang mga magulang na Israelita na makipag-usap sa kanilang mga anak kapag nasa bahay sila, kapag naglalakad sila sa daan, kapag nakahiga sila, at kapag bumabangon sila. (Deuteronomio 6:7) Maliwanag na nangangahulugan ito na kailangang makipag-ugnayan ang mga magulang sa kanilang mga anak at palagi nilang turuan ang mga ito araw-araw.

      18. Paano sinamantala ni Jesus ang mga pagkakataon upang sanayin ang kaniyang mga alagad, at ano ang matututuhan dito ng mga magulang?

      18 Matagumpay na sinanay ni Jesus ang kaniyang mga alagad habang kasalo niya sila sa pagkain, kasama niya silang naglalakbay, at kahit sa kanilang sama-samang pamamahinga. Sa gayon ay sinamantala niya ang bawat pagkakataong maturuan sila. (Marcos 6:31, 32; Lucas 8:1; 22:14) Gayundin naman, dapat na maging alisto ang mga magulang na Kristiyano sa paggamit sa bawat pagkakataon upang maitatag at mapanatili ang mabuting pakikipagtalastasan sa kanilang mga anak at upang sanayin sila sa mga daan ni Jehova.

      Kung Ano ang Ituturo at Kung Paano Ito Gagawin

      19. (a) Ano pa ang kailangan bukod sa pag-uukol ng panahon sa mga anak? (b) Ano ang pangunahing dapat ituro ng mga magulang sa mga anak?

      19 Hindi lamang pag-uukol ng panahon sa mga anak at maging pagtuturo sa kanila ang kailangan upang matagumpay silang mapalaki. Mahalaga rin kung ano ang itinuturo. Pansinin kung paano idiniin sa Bibliya kung ano ito. “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon,” ang sabi nito, “ay . . . ikikintal mo . . . sa iyong anak.” Ano kaya “ang mga salitang ito” na dapat ituro sa mga anak? Maliwanag na ang mga salitang ito ay ang kababanggit lamang, samakatuwid nga: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas.” (Deuteronomio 6:5-7) Sinabi ni Jesus na ito ang pinakamahalaga sa lahat ng utos ng Diyos. (Marcos 12:28-30) Dapat na maging pangunahin sa mga magulang na ituro sa mga bata ang tungkol kay Jehova, na ipinaliliwanag kung bakit siya lamang ang karapat-dapat sa ating buong-kaluluwang pag-ibig at debosyon.

      20. Ano ang iniutos ng Diyos sa mga magulang noon na ituro sa kanilang mga anak?

      20 Gayunman, “ang mga salitang ito” na hinihimok sa mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ay hindi lamang basta ibigin ang Diyos nang kanilang buong pagkatao. Sa naunang kabanata ng Deuteronomio, mapapansin ninyong inulit ni Moises ang mga kautusang isinulat ng Diyos sa mga tapyas ng bato​—ang Sampung Utos. Kalakip sa mga batas na ito ang mga utos na huwag magsisinungaling, huwag magnanakaw, huwag papaslang, at huwag mangangalunya. (Deuteronomio 5:11-22) Kaya naikintal sa mga magulang noon na dapat turuan ng kagandahang-asal ang kanilang mga anak. Kailangang paglaanan ng mga magulang na Kristiyano sa ngayon ang kanilang mga anak ng gayunding tagubilin upang tulungan silang magkaroon ng matatag at maligayang kinabukasan.

      21. Ano ang kahulugan ng tagubiling ‘ikintal’ ang salita ng Diyos sa mga bata?

      21 Pansinin na sinabi sa mga magulang kung paano nila ituturo “ang mga salitang ito,” o mga utos, sa kanilang mga anak: “Ikikintal mo iyon sa iyong anak.” Ang salitang “ikikintal” ay nangangahulugang “ituturo at ititimo sa pamamagitan ng malimit na pag-uulit o pagpapaalaala: paghimok o pagtatanim sa isip.” Samakatuwid, talagang sinasabi ng Diyos sa mga magulang na magtatag ng isang isinaplanong programa ng pagtuturo sa Bibliya na may espesipikong layunin na maitimo ang espirituwal na mga bagay sa isip ng kanilang mga anak.

      22. Ano ang ipinagawa sa mga magulang na Israelita upang turuan ang kanilang mga anak, at ano ang ibig sabihin nito?

      22 Kailangan sa ganitong isinaplanong programa ang determinasyon ng mga magulang. Ang sabi ng Bibliya: “Itatali mo iyon [“ang mga salitang ito,” o mga utos ng Diyos] bilang tanda sa iyong kamay, at iyon ay magiging pangharap na pamigkis sa pagitan ng iyong mga mata; at isusulat mo iyon sa mga poste ng pinto ng iyong bahay at sa iyong mga pintuang-daan.” (Deuteronomio 6:8, 9) Hindi naman ibig sabihin nito na literal ngang isusulat ng mga magulang ang mga kautusan ng Diyos sa mga poste ng pinto at pintuang-daan, itatali ang isang kopya nito sa mga kamay ng kanilang mga anak, at ilalagay sa pagitan ng kanilang mga mata. Sa halip, ang punto ay na dapat na palaging ipaalaala ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga turo ng Diyos. Ang pagtuturo sa kanilang mga anak ay dapat gawin sa regular at tuluy-tuloy na paraan anupat parang laging nasa harap mismo ng mga anak ang mga turo ng Diyos.

      23. Ano ang tatalakayin sa leksiyon sa susunod na linggo?

      23 Ano ang ilang napakahahalagang bagay na kailangang ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak? Bakit mahalagang-mahalaga ngayon na turuan at sanayin ang mga bata upang maprotektahan ang kanilang sarili? Anong pantulong ang magagamit ngayon ng mga magulang upang matulungan silang turuan ang kanilang mga anak sa mabisang paraan? Ang mga ito at iba pang mga tanong na ikinababahala ng maraming magulang ang tatalakayin sa susunod na artikulo.

  • Mga Magulang, Ipagsanggalang ang Inyong Pinakamamahal na Mana
    Ang Bantayan—2005 | Abril 1
    • Mga Magulang, Ipagsanggalang ang Inyong Pinakamamahal na Mana

      “Ang karunungan ay pananggalang . . . iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito.”​—ECLESIASTES 7:12.

      1. Bakit dapat malasin ng mga magulang ang kanilang mga anak bilang mga kaloob?

      ANG mga magulang ang may pananagutan kung bakit naisilang sa daigdig ang isang bagong nabubuhay na tao na may pisikal na mga katangian at personalidad na katulad ng sa kanila. Tinatawag ng Bibliya ang mga batang ito bilang “mana mula kay Jehova.” (Awit 127:3) Yamang siya talaga ang Tagapagbigay-Buhay, ang totoo, parang ipinagkakatiwala ni Jehova sa mga magulang ang isang bagay na aktuwal na pag-aari niya. (Awit 36:9) Mga magulang, paano ninyo minamalas ang pagtanggap ng gayong pinakamamahal na kaloob mula sa Diyos?

      2. Ano ang tugon ni Manoa nang malaman niyang magiging ama na siya?

      2 Walang-alinlangang tatanggapin natin nang buong pagpapakumbaba at pagpapahalaga ang gayong kaloob. Mahigit 3,000 taon na ang nakalilipas, ganiyan ang naging pagtugon ni Manoa, isang Israelita, nang sabihin ng isang anghel sa kaniyang asawa na ito’y magsisilang ng isang sanggol. Nang marinig ang magandang balitang ito, nanalangin si Manoa: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova. Ang lalaki ng tunay na Diyos na kasusugo mo lamang, pakisuyo, paparituhin mo siyang muli sa amin at turuan niya kami kung ano ang dapat naming gawin sa bata na ipanganganak.” (Hukom 13:8) Mga magulang, ano ang matututuhan ninyo sa halimbawa ni Manoa?

      Kung Bakit Kailangan ang Tulong ng Diyos sa Ngayon

      3. Bakit kailangang-kailangan sa ngayon ang tulong ng Diyos sa pagpapalaki sa mga anak?

      3 Ngayon higit kailanman, kailangan ng mga magulang ang tulong ni Jehova sa pagpapalaki sa kanilang mga anak. Ang dahilan? Si Satanas na Diyablo at ang mga anghel nito ay inihagis na sa lupa mula sa langit. “Sa aba ng lupa,” ang babala ng Bibliya, “sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:7-9, 12) “Tulad ng isang leong umuungal,” ang paliwanag ng Bibliya, si Satanas ay “naghahanap ng masisila.” (1 Pedro 5:8) Karaniwan nang binibiktima ng mga leon ang walang kalaban-labang mga hayop, madalas na yaong mga bata pa. Kung gayon, isang katalinuhan para sa Kristiyanong mga magulang na umasa sa patnubay ni Jehova upang maipagsanggalang ang kanilang mga anak. Gaano kalaki ang inyong pagsisikap para magawa ito?

      4. (a) Ano ang dapat na maging reaksiyon ng mga magulang kapag nalamang may gumagala-galang leon sa komunidad? (b) Ano ang kailangan ng mga bata bilang pananggalang?

      4 Kung alam ninyong may gumagala-galang leon sa inyong komunidad, tiyak na wala nang pinakamahalaga sa inyo kundi ang ipagsanggalang ang inyong mga anak. Si Satanas ay isang maninila. Sinisikap niyang pasamain ang bayan ng Diyos upang hindi sila maging karapat-dapat sa pagsang-ayon ng Diyos. (Job 2:1-7; 1 Juan 5:19) Napakadaling mabiktima ang mga bata. Upang makatakas sa silo ng Diyablo, dapat makilala at sundin ng mga bata si Jehova. Kailangan ang kaalaman sa Bibliya. “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan,” ang sabi ni Jesus, “ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Bukod dito, kailangan ng mga bata ang karunungan​—ang kakayahang makaunawa at magkapit ng kanilang natututuhan. Yamang “iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito,” kailangan ninyong mga magulang na ikintal ang katotohanan sa puso ng inyong mga anak. (Eclesiastes 7:12) Paano ninyo ito magagawa?

      5. (a) Paano maibibigay ang karunungan? (b) Paano inilalarawan ng Kawikaan ang kahalagahan ng karunungan?

      5 Maaari​—at dapat​—ninyong basahin ang Salita ng Diyos sa inyong mga anak. Subalit higit pa ang kailangan para tulungan silang ibigin at sundin si Jehova​—kailangan nilang maunawaan ito. Bilang paglalarawan: Maaaring sabihan ang isang bata na huwag tatawid sa kalsada hangga’t hindi muna tumitingin sa kaliwa’t kanan. Pero may mga batang hindi sumusunod dito. Bakit? Maaaring hindi palaging naipaliliwanag ang mga pinsalang naidudulot kapag nabunggo ng sasakyan o kaya’y hindi naipauunawang mabuti sa bata ang panganib nito, na makadaraig sa “kamangmangan” na posibleng humantong sa aksidente. Kailangan ang panahon at mahabang pasensiya sa pagbibigay ng karunungan. Subalit talaga namang napakahalaga ng karunungan! “Ang mga daan nito ay mga daan ng kaigayahan,” ang sabi ng Bibliya, “at ang lahat ng landas nito ay kapayapaan. Ito ay punungkahoy ng buhay para sa mga tumatangan dito, at yaong mga nanghahawakan dito nang mahigpit ay tatawaging maligaya.”​—Kawikaan 3:13-18; 22:15.

      Ang Pagtuturong Nagbibigay ng Karunungan

      6. (a) Bakit madalas na mali ang ikinikilos ng mga bata? (b) Anong pakikipagbaka ang aktuwal na nagaganap?

      6 Madalas na mali ang ikinikilos ng mga bata, hindi dahil sa hindi sila naturuan ng tama, kundi dahil sa ang itinuturo sa kanila ay hindi nakaabot sa kanilang puso​—ang kanilang panloob na pagkatao. Nakikipagbaka ang Diyablo upang makontrol ang puso ng mga bata. Gumagawa siya ng paraan upang malantad sila sa di-makadiyos na mga impluwensiya ng kaniyang sanlibutan. Sinasamantala rin niya ang kanilang minanang makasalanang hilig na gumawa ng masasamang bagay. (Genesis 8:21; Awit 51:5) Kailangang maunawaan ng mga magulang na may aktuwal na labanang nagaganap upang makontrol ang puso ng kanilang mga anak.

      7. Bakit hindi sapat ang basta sabihin lamang sa bata kung ano ang tama o mali?

      7 Karaniwan nang sinasabi ng mga magulang sa isang bata kung ano ang tama o mali, anupat inaakalang naituro na nila sa kaniya ang isang simulain ng kagandahang-asal. Maaari nilang sabihin sa bata na masamang magsinungaling, magnakaw, o makipagtalik sa hindi asawa. Subalit hindi pa rin sapat na sumusunod lamang ang bata dahil sa iyon ang sinabi ng kaniyang mga magulang kundi kailangan niya ng mas matinding pangganyak upang siya ay sumunod. Mga kautusan ito ni Jehova. Dapat matutuhan ng bata na ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ang landasin ng karunungan.​—Kawikaan 6:16-19; Hebreo 13:4.

      8. Anong uri ng pagtuturo ang makatutulong sa mga bata upang kumilos nang may katalinuhan?

      8 Ang pagkamasalimuot ng uniberso, ang pagkakasari-sari ng nabubuhay na mga bagay, ang pagbabago ng lagay ng panahon​—lahat ng mga bagay na ito ay makatutulong sa isang bata upang tanggapin ang pag-iral ng pinakamatalinong Maylalang. (Roma 1:20; Hebreo 3:4) Bukod diyan, dapat ding ituro sa bata na mahal siya ng Diyos at na sa pamamagitan ng hain ng Kaniyang Anak ay isinaayos ng Diyos na mabigyan siya ng walang-hanggang buhay at na mapasasaya niya ang Diyos kung susunod siya sa Kaniyang sinasabi. Sa gayon, malamang na hangarín ng bata na maglingkod kay Jehova, sa kabila ng pagtatangka ng Diyablo na pigilan siya.​—Kawikaan 22:6; 27:11; Juan 3:16.

      9. (a) Ano ang kailangan sa nagliligtas-buhay na pagtuturo? (b) Ano ang tagubilin sa mga ama, at ano ang sangkot dito?

      9 Ang uri ng pagtuturong magsasanggalang sa bata at mag-uudyok sa kaniya na gawin ang tama ay nangangailangan ng panahon, atensiyon, at pagpaplano. Kailangang tumanggap ng patnubay mula sa Diyos ang mga magulang. Ang sabi ng Bibliya: “Kayo, mga ama, . . . patuloy na palakihin [ang inyong mga anak] sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ano ang ibig sabihin nito? Ang “pangkaisipang patnubay,” sa orihinal na Griego, ay nagpapahiwatig ng ideya ng “paglalagay ng kaisipan.” Kaya sa diwa, hinihimok ang mga ama na ilagay ang kaisipan ni Jehova sa kanilang mga anak. Kaylaking pananggalang nito para sa mga bata! Kapag nakaukit sa isip ng mga bata ang kaisipan ng Diyos, ang paraan niya ng pag-iisip, sila’y naipagsasanggalang sa paggawa ng mali.

      Hangarin na Nauudyukan ng Pag-ibig

      10. Upang mabisang maturuan ang inyong anak, anong mahalagang bagay ang dapat ninyong malaman?

      10 Gayunman, upang matupad ninyo ang inyong hangaring mapalaki ang inyong anak sa tamang paraan, ang inyong pagsisikap ay kailangang udyok ng pag-ibig. Isang mahalagang salik ang komunikasyon. Alamin ang nangyayari sa buhay ng inyong anak at ang kaniyang mga pangmalas. Habang nagpapahinga, mataktikang himukin ang inyong anak na sabihin ang nasa kalooban niya. Kung minsan, baka magulat kayo sa sasabihin niya. Huwag na huwag kayong magpapahalata. Sa halip, pakinggan ninyo siyang mabuti.

      11. Paano mailalagay ng magulang ang kaisipan ng Diyos sa bata?

      11 Oo nga’t binasa na ninyo sa inyong anak mula sa Bibliya ang tungkol sa mga kautusan ng Diyos na nagbabawal sa seksuwal na imoralidad, anupat maraming ulit na ninyo itong ginawa. (1 Corinto 6:18; Efeso 5:5) Maaari ngang naikintal na nito sa inyong mga anak kung ano ang mga bagay na nakalulugod at di-nakalulugod kay Jehova. Subalit higit pa ang kailangan upang mailagay sa bata ang kaisipan ni Jehova. Kailangang tulungan ang mga bata na maunawaan ang kahalagahan ng mga kautusan ni Jehova. Kailangang kumbinsido sila na tama at kapaki-pakinabang ang kaniyang mga kautusan at na ang pagsunod sa mga ito ang wasto at maibiging bagay na dapat gawin. Kung dahil sa pagpapaliwanag ninyo sa inyong mga anak mula sa Kasulatan ay tinanggap nila ang pangmalas ng Diyos, saka lamang masasabing nailagay na ninyo ang kaniyang kaisipan sa kanila.

      12. Paano matutulungan ng magulang ang kaniyang anak na magkaroon ng tamang pangmalas sa pakikipagtalik?

      12 Kapag sekso ang pinag-uusapan, maaari ninyong itanong, “Sa palagay mo kaya’y napagkakaitan ng kaligayahan ang isang tao dahil sa pagsunod sa kautusan ni Jehova na huwag makipagtalik bago ang kasal?” Himukin ang inyong anak na ipaliwanag ang kaniyang sagot. Matapos repasuhin ang kahanga-hangang paglalaan ng Diyos upang magkaanak, maaari ninyong itanong: “Sa palagay mo kaya’y gagawa ang ating maibiging Diyos ng mga kautusang magkakait sa atin ng kasiyahan sa buhay? O sa palagay mo kaya’y naririyan ang kaniyang mga kautusan upang magpaligaya at magsanggalang sa atin?” (Awit 119:1, 2; Isaias 48:17) Tingnan ninyo kung ano ang sasabihin ng inyong anak tungkol sa bagay na ito. Pagkatapos, maaari ninyong ibaling ang pansin sa mga halimbawa kung paano humahantong sa pighati at problema ang seksuwal na imoralidad. (2 Samuel 13:1-33) Kapag nangangatuwiran kayo sa inyong anak anupat nauunawaan niya at tinatanggap ang pangmalas ng Diyos, napakalaking bagay na ang inyong nagagawa sa paglalagay ng kaisipan ng Diyos sa kaniya. Pero mayroon pa kayong ibang magagawa.

      13. Ang pagkaunawa sa anong bagay ang lalong makahihikayat sa isang bata na sundin si Jehova?

      13 Isang katalinuhan na hindi lamang ang ibubunga ng pagsuway kay Jehova ang ituturo ninyo sa inyong anak kundi ipaliliwanag din ninyo kung paano personal na naaapektuhan si Jehova sa paraan ng ating pamumuhay. Ipakita sa inyong anak mula sa Bibliya na pinasasakitan natin si Jehova kapag hindi natin ginagawa ang kaniyang kalooban. (Awit 78:41) Maaari ninyong itanong, “Bakit ayaw mong masaktan si Jehova?” at ipaliwanag: “Sinasabi ni Satanas, ang kaaway ng Diyos, na naglilingkod lamang tayo kay Jehova dahil sa makasariling mga hangarin at hindi dahil sa iniibig natin siya.” Pagkatapos ay ipaliwanag na sa pananatiling tapat, pinasaya ni Job ang puso ng Diyos, anupat nasagot ang maling paratang ni Satanas. (Job 1:9-11; 27:5) Kailangang maunawaan ng inyong anak na depende sa ikikilos niya, maaari niyang palungkutin o pasayahin si Jehova. (Kawikaan 27:11) Ito at ang marami pang ibang mahahalagang leksiyon ay maituturo sa mga anak gamit ang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro.a

      Mga Kasiya-siyang Resulta

      14, 15. (a) Aling mga leksiyon sa aklat na Guro ang nagpakilos sa mga bata? (b) Anong magagandang resulta ang ibinunga sa inyo ng paggamit ng aklat? (Tingnan din ang kahon sa pahina 18-19.)

      14 Isang lolo sa Croatia na nagbabasa ng aklat na Guro sa kaniyang pitong-taóng-gulang na apong lalaki ang sumulat na sinabi sa kaniya ng bata ang ganito: “May ipinagagawa po sa akin si Mommy, pero ayoko itong gawin. Nang maalaala ko po ang kabanatang ‘Proteksiyon sa Iyo ang Pagkamasunurin,’ bumalik po ako at sinabi kong magiging masunurin na po ako sa kaniya.” Tungkol naman sa kabanatang “Kung Bakit Hindi Tayo Dapat Magsinungaling,” isang mag-asawa sa Florida, E.U.A., ang nagsabi: “May mga tanong ito na humihikayat sa mga bata na buksan ang kanilang puso at aminin ang mga pagkakamaling hindi sana nila aaminin.”

      15 Ang aklat na Guro ay may mahigit 230 larawan, at may kapsiyon, o deskripsiyon, sa bawat larawan o grupo ng mga larawan. “Madalas na napapatitig ang aking anak na lalaki sa isang larawan at ayaw niyang ipalipat ang pahina,” ang napansin ng isang mapagpahalagang ina. “Hindi lamang kaakit-akit ang mga larawan kundi nakapagtuturo rin mismo ang mga ito, o nagiging dahilan sa paanuman upang magtanong ang mga bata. Hinggil sa isang larawan kung saan nanonood ng telebisyon ang isang bata sa madilim na kuwarto, nagtanong ang aking anak na lalaki, ‘Mommy, ano po ang ginagawa ng batang ito?’ sa tono ng boses na nagpapahiwatig na alam niyang may ginagawa itong mali.” Ganito ang mababasa sa kapsiyon ng larawan: “Sino ang nakakakita sa lahat ng ating ginagawa?”

      Mahalagang Edukasyon sa Ngayon

      16. Ano ang mahalagang bagay na dapat ituro sa mga anak sa ngayon, at bakit?

      16 Kailangang malaman ng mga bata ang tama at di-tamang paggamit sa mga pribadong bahagi ng kanilang katawan. Subalit hindi laging madaling ipakipag-usap ang tungkol dito. Sinabi ng isang babaing kolumnista sa pahayagan na noong kapanahunan niya, itinuturing na masagwa ang paggamit ng mga salitang tumutukoy sa mga sangkap sa sekso. May kinalaman sa pagtuturo sa kaniyang mga anak, isinulat niya: “Kailangan ko munang daigin ang aking hiya.” Oo, kung iniiwasan ng mga magulang na pag-usapan ang tungkol sa sekso dahil sa hiya, hindi nito maipagsasanggalang ang bata. Sinasamantala ng seksuwal na mga mang-aabuso ang pagiging inosente ng bata. Tinalakay ng Matuto Mula sa Dakilang Guro ang paksang ito sa isang malinis at kapita-pitagang paraan. Ang pagtuturo sa mga anak ng tungkol sa sekso ay hindi nag-aalis ng kanilang pagiging inosente, ngunit ang hindi pagtuturo ay maaaring humantong sa pagkawala ng kanilang pagiging inosente.

      17. Paano natutulungan ng aklat na Guro ang mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak tungkol sa sekso?

      17 Sa kabanata 10, habang tinatalakay ang tungkol sa balakyot na mga anghel na pumarito sa lupa at nagkaroon ng mga anak, ang bata ay tinatanong, “Ano ba ang alam mo tungkol sa pagsisiping?” Simple at kapita-pitagan ang sagot ng aklat. Pagkaraan, ipinaliliwanag sa kabanata 32 kung paano maiingatan ang mga bata mula sa seksuwal na mga mang-aabuso. Iniulat ng maraming liham na napakahalaga ng gayong pagtuturo. May nagsabi: “Noong nakaraang linggo, nang dalhin namin si Javan sa kaniyang pedyatrisyan, itinanong ng pedyatrisyan kung naipakipag-usap na namin sa kaniya ang tamang paggamit sa mga pribadong bahagi ng katawan. Hangang-hanga siya nang sabihin naming nagawa na namin ito gamit ang ating bagong aklat.”

      18. Paano tinatalakay sa aklat na Guro ang pagpipitagan sa pambansang mga sagisag?

      18 Isa pang kabanata ang tumatalakay naman sa ulat ng Bibliya tungkol sa tatlong kabataang Hebreo na sina Sadrac, Mesac, at Abednego, na tumangging yumukod sa imahen na kumakatawan sa Estado ng Babilonya. (Daniel 3:1-30) Maaaring hindi nakikita ng ilan ang koneksiyon ng pagpipitagan sa imahen at ng pagsaludo sa bandila, na gaya ng ipinahihiwatig sa aklat na Guro. Gayunman, pansinin ang sinabi ng awtor na si Edward Gaffney sa interbyu ng magasing U.S. Catholic. Binanggit niya na nang sabihin sa kaniya ng kaniyang anak na babae pagkatapos ng unang araw nito sa pampublikong paaralan na may natutuhan itong “bagong panalangin sa paaralan,” ipinaulit niya iyon sa kaniyang anak. “Inilagay ng aking anak ang kaniyang kamay sa tapat ng puso niya,” ang sabi ni Gaffney, “at buong-pagmamalaking nagsimula, ‘Nangangako akong magtatapat sa bandila . . .’ ” Nagpatuloy si Gaffney: “May biglang pumasok sa isip ko. Tama nga ang mga Saksi ni Jehova. May bahid ng pambansang pagsamba na itinataguyod sa ating mga paaralan sa pasimula pa lamang​—isang walang-pasubaling pagkamatapat.”

      Sulit ang Lahat ng Pagsisikap

      19. Anu-ano ang mga gantimpala sa pagtuturo sa mga anak?

      19 Talagang sulit ang lahat ng pagsisikap ninyo sa pagtuturo sa inyong mga anak. Napaiyak ang isang ina sa Kansas, E.U.A., nang matanggap ang liham mula sa kaniyang anak na lalaki. Isinulat niya: “Napakapalad ko po sa ginawa ninyong pagpapalaki sa akin na tumulong upang ako’y maging matatag at timbang. Karapat-dapat po kayong dalawa ni Daddy sa papuri.” (Kawikaan 31:28) Marami pang mga magulang ang matutulungan ng Matuto Mula sa Dakilang Guro sa pagtuturo sa mga anak upang maipagsanggalang ang pinakamamahal na manang ito.

      20. Ano ang dapat na palaging tatandaan ng mga magulang, at ano ang dapat na maging epekto nito sa kanila?

      20 Karapat-dapat ang ating mga anak sa lahat ng maibibigay nating panahon, atensiyon, at pagsisikap. Maikli lamang ang panahon ng kanilang kamusmusan. Samantalahin ang bawat pagkakataon na makasama sila at matulungan sila. Hinding-hindi ninyo ito pagsisisihan. Mamahalin nila kayo. Palaging tandaan, ang inyong mga anak ay kaloob ng Diyos sa inyo. Tunay nga silang pinakamamahal na mana! (Awit 127:3-5) Kaya alagaan ninyo silang mabuti na gaya ng mana, na para bang pagsusulitan ninyo sa Diyos ang paraan ng pagpapalaki ninyo sa kanila sapagkat ang totoo, talagang pagsusulitan ninyo ito.

      [Talababa]

      a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Tingnan ang kabanata 40, “Kung Paano Pasasayahin ang Diyos.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share