EPRATA
[Pagkamabunga].
1. Asawa ni Caleb (Kelubai) na anak ni Hezron na mula sa tribo ni Juda. Napangasawa niya si Caleb samantalang nasa pagkaalipin sila sa Ehipto, pagkamatay ng asawa ni Caleb na si Azuba. Si Eprata ang ina ni Hur at lola sa tuhod ni Bezalel, ang bihasang manggagawa na kilalang-kilala sa pagtatayo ng tabernakulo.—1Cr 2:9, 19, 50; 4:4; Exo 35:30-35.
2. Maliwanag na ito’y dating pangalan ng Betlehem o pangalang itinawag sa lugar na nasa palibot niyaon. Ang mga pangalang Betlehem at Eprata ay magkasamang ginamit sa ilang teksto. Sa ulat tungkol sa pagkamatay ni Raquel, binanggit na inilibing siya “sa daang patungo sa Eprat [Eprata], na siyang Betlehem.” (Gen 35:16, 19; 48:7) Ang mga miyembro ng pamilya ni Elimelec ay tinawag na “mga Eprateo mula sa Betlehem,” at sa Betlehem bumalik ang kaniyang balong asawang si Noemi mula sa Moab. (Ru 1:2, 19) Ayon sa pagpapalang binigkas kay Boaz noong mapapangasawa niya si Ruth, patutunayan niya ang kaniyang ‘halaga sa Eprata at gagawa siya ng bantog na pangalan sa Betlehem.’ (Ru 4:11) Bilang panghuli, sa hula hinggil sa kapanganakan ng Mesiyas, ang mga pangalang ito ay pinagsama bilang “Betlehem Eprata.” (Mik 5:2) Dahil dito, waring ang Eprata na binanggit sa Awit 132:6, tungkol sa pag-aalala ni David sa kaban ng tipan, ay tumutukoy rin sa sariling bayang ito ni David.—Tingnan ang BETLEHEM Blg. 1.