PAGKAMATAPAT
[sa Ingles, loyalty].
Sa Hebreong Kasulatan, ang pang-uring cha·sidhʹ ay ginagamit upang lumarawan sa isang taong “matapat,” o “isa na may maibiging-kabaitan.” (Aw 18:25, tlb sa Rbi8) Ang pangngalang cheʹsedh ay tumutukoy sa kabaitan ngunit hindi lamang ito nangangahulugan ng magiliw na pakikitungo o kabaitan na inuudyukan ng pag-ibig, bagaman kalakip dito ang gayong mga katangian. Ito ay kabaitan na maibiging nag-uugnay ng sarili nito sa isang bagay hanggang sa matupad ang layunin nito may kaugnayan sa bagay na iyon. Ganito ang uri ng kabaitang ipinakikita ng Diyos sa kaniyang mga lingkod at ipinakikita nila sa kaniya. Samakatuwid ay saklaw nito ang pagkamatapat, isang matuwid, nakatalaga o may debosyon, at banal na pagkamatapat, at isinasalin ito bilang “maibiging-kabaitan” at “matapat na pag-ibig.”—Gen 20:13; 21:23; tingnan ang KABAITAN.
Sa Griegong Kasulatan, ang pangngalang ho·si·oʹtes at ang pang-uring hoʹsi·os ay may diwa ng kabanalan, katuwiran, pagpipitagan; pagiging deboto, taimtim; ng maingat na pagtupad sa lahat ng mga tungkulin sa Diyos. Kasangkot dito ang isang tamang kaugnayan sa Diyos.
Lumilitaw na walang salitang Tagalog ang eksaktong makapagpapahayag sa lubos na kahulugan ng mga salitang Hebreo at Griego, ngunit ang “pagkamatapat” (loyalty), kasama na rito ang diwa ng debosyon at katapatan (faithfulness), kapag ginagamit may kaugnayan sa Diyos at sa paglilingkod sa kaniya, ay halos siyang katumbas na kahulugan. Ang pagsusuri sa kung paano ginamit ng Bibliya ang mga terminong ito ang pinakamahusay na paraan upang malaman ang lubos na kahulugan ng mga ito.
Ang Pagkamatapat ni Jehova. Ang Diyos na Jehova, ang Isa na Kabanal-banalan, na nakatalaga sa katuwiran at nagpapakita ng di-masisirang maibiging-kabaitan sa mga naglilingkod sa kaniya, ay nakikitungo nang may katuwiran at katotohanan kahit sa kaniyang mga kaaway, at siya’y lubhang maaasahan. Sinasabi hinggil sa kaniya: “Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at totoo ang iyong mga daan, Haring walang hanggan. Sino nga talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat?” (Apo 15:3, 4) Dahil ang pagkamatapat ni Jehova sa katuwiran at katarungan, gayundin ang kaniyang pag-ibig para sa kaniyang bayan, ay nag-uudyok sa kaniya na gumawa ng kinakailangang hudisyal na pagkilos, isang anghel ang napakilos na magsabi: “Ikaw, ang Isa na ngayon at ang nakaraan, ang Isa na matapat, ay matuwid, sapagkat iginawad mo ang mga pasiyang ito.”—Apo 16:5; ihambing ang Aw 145:17.
Matapat si Jehova sa kaniyang mga pakikipagtipan. (Deu 7:9) Dahil sa kaniyang tipan sa kaibigan niyang si Abraham, sa loob ng maraming siglo ay nagpakita siya ng mahabang pagtitiis at awa sa bansang Israel. (2Ha 13:23) Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Jeremias, namanhik siya sa Israel: “‘Manumbalik ka, O suwail na Israel,’ ang sabi ni Jehova. ‘Hindi ko na ititingin sa inyo ang aking mukha nang may galit, sapagkat ako ay matapat.’” (Jer 3:12) Yaong mga matapat sa kaniya ay lubusang makaaasa sa kaniya. Sa pamamagitan ng panalangin, si David ay humingi ng tulong sa Diyos at nagsabi: “Sa matapat ay kikilos ka nang may pagkamatapat; sa walang-pagkukulang at makapangyarihan ay makikitungo ka nang walang pagkukulang.” (2Sa 22:26) Namanhik si David sa taong-bayan na talikuran ang masama at gawin ang mabuti, “sapagkat,” sabi niya, “si Jehova ay maibigin sa katarungan, at hindi niya iiwan ang kaniyang mga matapat. Hanggang sa panahong walang takda ay tiyak na babantayan sila.”—Aw 37:27, 28.
Yaong mga matapat kay Jehova ay makatitiyak na siya’y malapít sa kanila at na tutulungan niya sila hanggang sa katapusan ng kanilang tapat na landasin, at lubos silang magiging tiwasay, sa pagkaalam na maaalaala niya sila anumang kalagayan ang bumangon. Binabantayan niya ang kanilang daan. (Kaw 2:8) Binabantayan niya ang kanilang buhay o kaluluwa.—Aw 97:10.
Si Jesu-Kristo. Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, lubha siyang napatibay sa pagkaalam na patiunang inihula ng Diyos tungkol sa kaniya, bilang ang pangunahing “matapat” ng Diyos, na ang kaniyang kaluluwa ay hindi iiwan sa Sheol. (Aw 16:10) Noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., ikinapit ng apostol na si Pedro ang hulang ito kay Jesus, sa pagsasabing: “Nakita [ni David] nang patiuna at sinalita ang tungkol sa pagkabuhay-muli ng Kristo, na hindi siya pinabayaan sa Hades ni nakakita man ng kasiraan ang kaniyang laman. Ang Jesus na ito ay binuhay na muli ng Diyos, na sa bagay na ito ay mga saksi kaming lahat.” (Gaw 2:25-28, 31, 32; ihambing ang Gaw 13:32-37.) Sa isang komento sa Gawa 2:27, sinasabi ng The Expositor’s Greek Testament na ang salitang Hebreo na cha·sidhʹ (na ginamit sa Aw 16:10) ay “tumutukoy hindi lamang sa isa na makadiyos at taimtim, kundi pati sa isa na pinag-uukulan ni Jehova ng maibiging-kabaitan.”—Inedit ni W. R. Nicoll, 1967, Tomo II.
Pagkamatapat, Isang Kahilingan ng Diyos. Isang kahilingan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod ang pagkamatapat. Dapat nila siyang tularan. (Efe 5:1) Sinabihan ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyano na sila’y dapat “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.” (Efe 4:24) Nang inirerekomenda niya ang pananalangin sa kongregasyon, sinabi niya: “Kaya nga nais ko na sa bawat dako ay magpatuloy sa pananalangin ang mga lalaki, na itinataas ang matatapat na kamay, hiwalay sa poot at mga debate.” (1Ti 2:8) Ang pagkamatapat ay isang mahalagang katangian upang ang isang lalaki ay maging kuwalipikadong maglingkod bilang isang tagapangasiwa sa kongregasyon ng Diyos.—Tit 1:8.