-
Ang Kadakilaan ni Jehova ay Di-masaliksikAng Bantayan—2004 | Enero 15
-
-
Napakadakila ng Moral na mga Katangian ng Diyos!
20, 21. (a) Itinatanghal ng Awit 145:7-9 ang kadakilaan ni Jehova may kinalaman sa anu-anong katangian? (b) Ano ang epekto ng mga katangian ng Diyos na nabanggit dito sa lahat ng umiibig sa kaniya?
20 Gaya ng nalaman natin, ang unang anim na talata ng Awit 145 ay nagbibigay sa atin ng matitibay na dahilan upang purihin si Jehova dahil sa mga bagay na may kinalaman sa kaniyang di-masaliksik na kadakilaan. Itinatanghal ng talata 7 hanggang 9 ang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng pagbanggit sa kaniyang moral na mga katangian. Umawit si David: “Sa pagbanggit ng kasaganaan ng iyong kabutihan ay mag-uumapaw sila, at dahil sa iyong katuwiran ay hihiyaw sila nang may kagalakan. Si Jehova ay magandang-loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at dakila sa maibiging-kabaitan. Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang kaniyang kaawaan ay nasa lahat ng kaniyang mga gawa.”
21 Unang itinatampok dito ni David ang kabutihan at katuwiran ni Jehova—mga katangiang kinuwestiyon ni Satanas na Diyablo. Ano ang epekto ng mga katangiang ito sa mga umiibig sa Diyos at nagpapasakop sa kaniyang pamamahala? Aba, ang kabutihan at matuwid na paraan ng pamamahala ni Jehova ay nagdudulot ng napakalaking kagalakan sa kaniyang mga mananamba anupat hindi nila mapigil na mag-umapaw ng papuri sa kaniya. Karagdagan pa, ipinaaabot ang kabutihan ni Jehova “sa lahat.” Makatulong nawa ito upang marami pa ang magsisi at maging mga mananamba ng tunay na Diyos bago maging huli ang lahat.—Gawa 14:15-17.
22. Paano nakikitungo si Jehova sa kaniyang mga lingkod?
22 Pinahalagahan din ni David ang mga katangiang itinampok mismo ng Diyos nang “dumaan [Siya] sa harap ng . . . mukha [ni Moises] at ipinahayag: ‘Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.’ ” (Exodo 34:6) Kaya naipahayag ni David: “Si Jehova ay magandang-loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at dakila sa maibiging-kabaitan.” Bagaman di-masaliksik ang kadakilaan ni Jehova, binibigyang-dangal niya ang kaniyang mga lingkod na tao sa pamamagitan ng mabait na pakikitungo sa kanila. Siya ay punô ng awa, handang magpatawad sa nagsisising mga makasalanan salig sa haing pantubos ni Jesus. Mabagal din sa pagkagalit si Jehova, sapagkat nagbibigay siya sa mga lingkod niya ng pagkakataong mapagtagumpayan ang mga kahinaang makahahadlang sa kanila sa pagpasok sa kaniyang bagong sanlibutan ng katuwiran.—2 Pedro 3:9, 13, 14.
-
-
Si Jehova ay Sagana sa Matapat na Pag-ibigAng Bantayan—2004 | Enero 15
-
-
Si Jehova ay Sagana sa Matapat na Pag-ibig
“Si Jehova ay . . . dakila sa maibiging-kabaitan.”—AWIT 145:8.
1. Gaano kalawak ang pag-ibig ng Diyos?
“ANG Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Pinatutunayan ng nakaaantig-pusong pariralang iyan na ang paraan ng pamamahala ni Jehova ay salig sa pag-ibig. Aba, kahit nga ang mga taong hindi sumusunod sa kaniya ay nakikinabang sa araw at ulan na maibigin niyang inilalaan! (Mateo 5:44, 45) Dahil sa pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan ng sangkatauhan, maging ang kaniyang mga kaaway ay maaaring magsisi, bumaling sa kaniya, at magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16) Subalit malapit nang puksain ni Jehova ang di-mababagong mga balakyot na tao upang matamasa ng mga taong umiibig sa kaniya ang buhay na walang hanggan sa isang matuwid na bagong sanlibutan.—Awit 37:9-11, 29; 2 Pedro 3:13.
2. Anong pantanging aspekto ng pag-ibig ang ipinakikita ni Jehova para sa mga nasa nakaalay na kaugnayan sa kaniya?
2 Nagpapakita ng pag-ibig si Jehova para sa kaniyang tunay na mga mananamba sa isang mahalaga at nagtatagal na paraan. Ang gayong pag-ibig ay ipinahihiwatig ng salitang Hebreo na isinaling “maibiging-kabaitan,” o “matapat na pag-ibig.” Lubhang pinahalagahan ni Haring David ng sinaunang Israel ang maibiging-kabaitan ng Diyos. Dahil sa kaniyang personal na karanasan at pagbubulay-bulay sa pakikitungo ng Diyos sa iba, naawit ni David nang buong pagtitiwala: “Si Jehova ay . . . dakila sa maibiging-kabaitan [o, “matapat na pag-ibig”].”—Awit 145:8.
-