Si Jehova ay Karapat-dapat sa Walang-Hanggang Papuri
“Buong araw ay pupurihin kita, at pupurihin ko ang iyong pangalan hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga ay magpakailanman.”—AWIT 145:2.
1. Bakit nagkaroon si David ng maraming dahilan na purihin si Jehova?
ANG tapat na lingkod ni Jehova na si David ay nagkaroon ng maraming dahilan na purihin ang Diyos. Ang bantog na haring ito ng sinaunang Israel ay nakababatid ng kadakilaan at kabutihan ni Jehova at nakatatalos na ang Kaniyang paghahari ay walang-hanggan. Ang Kataas-taasan ay karapat-dapat sa papuri dahil sa kaniyang sinasapatan ang nasa ng bawat nabubuhay at kinahahabagan ang kaniyang tapat na mga lingkod.
2. (a) Ano ang kaayusan ng Awit 145? (b) Anong mga tanong ang ating isasaalang-alang?
2 Ang ganiyang papuri ay inihandog ni David sa Diyos sa Awit 145. Bawat talata ng akrostikong awit na ito ay nagsisimula sa isang kasunod na titik ng abakadang Hebreo, bagaman isang titik (nun) ang wala. Marahil ang kaayusang akrostiko ay nagsilbing isang tulong sa pagsasaulo. Ang Awit 145 ay lubhang pumupuri kay Jehova, gaya sa mga salitang: “Buong araw ay pupurihin kita, at pupurihin ko ang iyong pangalan hanggang sa panahong walang-takda, samakatuwid nga ay magpakailanman.” (Awit 145:2) Ngunit papaano tayo maaapektuhan ng awit na ito? Ano ang magagawa nito tungkol sa ating kaugnayan sa Diyos? Upang masagot ito, una muna’y isaalang-alang natin ang mga Aw 145 talatang 1 hanggang 10.
Di-malirip ang Kadakilaan ni Jehova
3. Tulad ni David, ano ang utang natin sa ‘Diyos natin na Hari,’ at bakit?
3 Si David ay isang hari, ngunit kaniyang kinilala na siya’y nasa ilalim ng paghahari ni Jehova, na nagsasabi: “Ibubunyi kita, Oh Diyos ko na Hari, at pupurihin ko ang iyong pangalan hanggang sa panahong walang-takda, samakatuwid nga ay magpakailanman.” (Awit 145:1) Taglay ang nakakatulad na pagpapakundangan, ang pangalan ng Diyos ay ipinagbubunyi ng mga Saksi ni Jehova at pinupuri siya sa buong lupa. Ang ating buhay ay sumasagana habang tayo’y nakikibahagi sa ganiyang gawain. Tulad ni David, utang natin na sumunod at pasakop kay Jehova bilang ‘Diyos natin na Hari.’ At bakit nga hindi? Siya ang “Haring walang-hanggan.” (Apocalipsis 15:3) Isa pa, ang Lalong-dakilang David, si Jesu-Kristo, na naghahari na buhat sa makalangit na Bundok Sion sapol noong 1914, ay nagbibigay sa atin ng isang mainam na halimbawa ng pagpapasakop kay Jehova, ang Haring Walang-Hanggan.
4. Papaano natin ‘mapupuri ang pangalan ng Diyos’?
4 Sinabi ni David na kaniyang ‘pupurihin ang pangalan ng Diyos.’ Papaano nga magagawa ito ng isang tao lamang? Bueno, bukod sa iba pang mga bagay, ang pagpuri sa kaninuman ay nangangahulugan ng pagsasabi ng mabuti tungkol sa kaniya. Ang pagpuri sa pangalan ng Diyos ay nagpapakita na tayo’y may matinding pag-ibig sa kaniya at sa kaniyang banal na pangalan, na Jehova. Tayo’y hindi nagrereklamo tungkol sa Diyos, hindi pumipintas sa kaniya, hindi nag-aalinlangan sa kaniyang kabutihan. Maliban na tayo’y may ganiyang saloobin, gumawa na ng pag-aalay kay Jehova, at nananatiling tapat bilang kaniyang nabautismuhang mga Saksi makapagsasabi tayo ng gaya ni David na ating ‘pupurihin ang pangalan ng Diyos magpakailanman.’ Kung tayo’y mananatili sa pag-ibig ng Diyos, ating tatanggapin ang kaloob na walang-hanggang buhay at sa gayo’y mapupuri natin si Jehova magpakailanman.—Judas 20, 21.
5. Ang pagnanasang purihin si Jehova “buong araw” ay dapat magkaroon ng anong epekto sa atin?
5 Kung tunay na iniibig natin ang ating Tagapagbigay-Buhay, masasabi natin na gaya ni David: “Buong araw ay pupurihin kita, at pupurihin ko ang iyong pangalan hanggang sa panahong walang-takda, samakatuwid nga ay magpakailanman.” (Awit 145:2) Walang saysay ang isang araw kung hindi natin pinuri ang Diyos! Sana ay huwag tayong maging lubhang magawain o lubhang nababahala tungkol sa materyal na mga bagay na anupa’t tayo’y hindi nakapagsasalita nang mabuti tungkol sa ating makalangit na Ama o nakapananalangin sa kaniya araw-araw. Ipinahiwatig ni Jesus na tayo’y dapat manalangin sa kaniya bawat araw nang kaniyang sabihin sa modelong panalangin: “Ibigay mo sa amin ang aming pagkain para sa araw na ito ayon sa pangangailangan sa araw na ito.” (Lucas 11:3) Marami na nasa buong-panahong paglilingkod ay pumupuri sa Diyos araw-araw habang sila’y nagsasagawa ng ministeryong Kristiyano. Ngunit ano man ang ating mga kalagayan, ang ating puso ay dapat magpakilos sa atin na purihin ang Diyos sa isang paraan bawat araw. At isip-isipin lamang! Bilang nag-alay na mga Saksi ni Jehova na may pag-asang buhay na walang-hanggan, taglay natin ang dakilang pag-asang purihin ang kaniyang pangalan magpakailanman.—Juan 17:3.
6. Bakit si Jehova ay “totoong karapat-dapat purihin”?
6 Tiyak na tayo’y may dahilan na purihin ang Diyos buong araw, sapagkat isinusog pa ni David: “Dakila si Jehova at totoong karapat-dapat purihin, at ang kaniyang kadakilaan ay di-malirip.” (Awit 145:3) Lubhang dakila si Jehova kung kaya’t siya’y walang katulad, at ang kaniyang pagkasoberano ay lubus-lubusan. Ang hari ng Babilonya na si Nabukodonosor ay napilitang umamin: “Walang makahahadlang sa kamay [ng Diyos] o makapagsasabi sa kaniya, ‘Ano na ba ang ginagawa mo?’ ” (Daniel 4:34, 35) Si Jehova “ay kakila-kilabot na higit kaysa lahat ng mga ibang diyos.” (Awit 96:4) Hindi nga katakatakang siya’y “totoong karapat-dapat purihin.” Oo, walang mga salitang papuri na totoong matayog pagka pinapupurihan si Jehova! Siya’y karapat-dapat sa papuring di-nahahanggahan, walang-hanggan.
7. Ano ang nagpapatunay na ‘di-malirip ang kadakilaan’ ng Diyos?
7 Ang “kadakilaan [ni Jehova] ay di-malirip.” Gaano mang kalaki siya sa kaniyang katawan, ang kaniyang kadakilaan ay nakasalalay sa kung siya’y anong uring Diyos. Oo, ang mga bagay na kaniyang nilikha ay totoong kagila-gilalas para maunawaan natin, at tayo man ay “kagila-gilalas ang pagkagawa.” (Awit 139:14; Job 9:10; 37:5) Bukod diyan, anong pagkadaki-dakila ng mga pagkilos ni Jehovang Diyos! Siya’y tapat sa kaniyang mga pangako at mapagmahal na isinisiwalat ang kaniyang mga layunin. Gayunman, hindi natin malalaman ang lahat ng bagay tungkol sa Diyos. Sa buong panahong walang-hanggan, tayo’y lálakí sa kaalaman tungkol sa kaniya, sa kaniyang paglalang, at sa kaniyang mga layunin.—Roma 11:33-36.
Papurihan ang mga Gawa ni Jehova
8. (a) Papaanong pinapupurihan ng “sali’t salinlahi” ang mga gawa ni Jehova? (b) Kung ating tinuturuan ang ating mga anak ng tungkol sa mga gawa at pagkilos ni Jehova, papaano malamang na malasin nila ang pagsamba sa kaniya? (c) Bilang isang nagagalak na “salinlahi,” ano ba ang nagawa na ng pinahirang nalabi?
8 Napakarami ang masasabi sa pagpuri sa ating Diyos na ang kadakilaa’y di-malirip kung kaya’t si David ay napukaw na magsabi: “Papupurihan ng sali’t salinlahi ang iyong mga gawa, at ihahayag ang iyong makapangyarihang mga gawa.” (Awit 145:4) Sunud-sunod na mga sali’t salinlahi ng sangkatauhan ang nagbigay-papuri sa mga gawa ni Jehova at nagsaysay ng kaniyang makapangyarihang mga gawa. Anong laking pribilehiyo na mailahad ang mga bagay na ito sa mga taong ating inaaralan ng Bibliya sa kanilang tahanan! Halimbawa, masasabi natin sa kanila na ang Diyos ang lumalang ng lahat ng bagay. (Genesis 1:1–2:25; Apocalipsis 4:11) Ating masasabi ang tungkol sa kaniyang makapangyarihang mga gawa nang panahon na kaniyang iligtas ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Ehipto, nang tulungan sila upang magtagumpay laban sa mga kaaway na Cananeo, nang iniligtas sila sa pagkalipol bilang isang bayan sa sinaunang Persia, at iba pa. (Exodo 13:8-10; Hukom 4:15; Esther 9:15-17) At tayo ba’y hindi napupukaw na isaysay sa ating mga anak ang tungkol sa mga gawa at mga pagkilos ni Jehova? Kung ang gayo’y ituturo natin sa ating mga supling at kanilang makikita tayo na may kagalakang naglilingkod sa Diyos, malamang na kanilang mamalasin ang pagsamba sa kaniya bilang isang kaluguran at sila’y magsisilaki na ‘ang kagalakan kay Jehova ay kanilang kalakasan.’ (Nehemias 8:10; Awit 78:1-4) Ang pinahirang nalabi ang bumubuo ng isang may kagalakang “salinlahi” ng mga Saksi ni Jehova na nagbibigay-papuri sa mga gawa ng Diyos sa “malaking pulutong,” ang bahagi ng salinlahi na tatahan sa lupang Paraiso.—Apocalipsis 7:9.
9. Habang ating binubulay-bulay ang mga gawa at makapangyarihang mga pagkilos ng Diyos, ano ang matitiyak natin?
9 Habang ating binubulay-bulay ang mga gawa at mga makapangyarihang pagkilos ng Diyos, tayo’y nagiging lalong kumbinsido na “hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan alang-alang sa kaniyang dakilang pangalan.” (1 Samuel 12:22; Awit 94:14) Pagka tayo’y nakaharap sa mga pagsubok, kahirapan, at pag-uusig, tayo’y maaaring matahimik at magtiwala na “ang kapayapaan ng Diyos” ang mag-iingat sa ating mga puso at pag-iisip. (Filipos 4:6, 7) Kaya anong pagkaangkup-angkop nga na sabihin natin sa iba ang tungkol sa ating maibigin, mapagsanggalang na Ama sa langit!
10. Sa “kagila-gilalas na mga gawa” ni Jehova ay kasali ang ano, at papaano tayo nakikinabang buhat sa pagbubulay-bulay sa mga iyan?
10 Tayo’y dapat mag-ukol ng panahon sa pagbubulay-bulay sa kamahalan at mga gawa ni Jehova, sapagkat isinusog pa ni David: “Sa maluwalhating kamahalan ng iyong karangalan at sa iyong kagila-gilalas na mga gawa mababahala ako.” (Awit 145:5) Ang karangalan ng Diyos ay kakila-kilabot at walang makakapantay. (Job 37:22; Awit 148:13) Sa gayon, ang maluwalhating karangalan ni Jehova ang nakabahala kay David. Ang salmista ay nabahala rin sa mga bagay-bagay ng “kagila-gilalas na mga gawa” ng Diyos. Kasali na rito ang pagsunod sa banal na katarungan sa pagpuksa sa mga makasalanan at pagliligtas sa mga taong maka-Diyos, tulad noong panahon ng Baha. (Genesis 7:20-24; 2 Pedro 2:9) Ang pagbubulay-bulay sa gayong mga bagay-bagay ay nagpapatibay sa ating relasyon kay Jehova at pinapangyayaring masabi natin sa iba ang tungkol sa kaniyang karangalan at kagila-gilalas na mga gawa. Sa loob ng 40 araw ng paglagi sa ilang, si Jesus ay napatibay laban sa tukso sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga bagay na tumawag ng kaniyang pansin nang mabuksan ang langit. (Mateo 3:13–4:11) Pagkatapos naman ay nagsalita siya sa mga iba tungkol sa karangalan at kagila-gilalas na mga gawa ni Jehova.
11. (a) Bakit dumating ang kakilabutan sa mga nananahan sa Jerico? (b) Taglay ng mga Saksi ni Jehova ang anong espiritu sa pagsasalita tungkol sa “kakila-kilabot na mga bagay” ng Diyos at sa kaniyang “kadakilaan”?
11 Pagka tayo’y nagsasalita tungkol sa karangalan at mga gawa ng Diyos, ating nahihila ang iba na magsalita tungkol sa mga iyan. Sinabi ni David: “At sila’y magsasalita tungkol sa kapangyarihan ng iyong kakila-kilabot na mga bagay; at kung tungkol sa iyong kadakilaan, aking ipahahayag iyon.” (Awit 145:6) Binanggit ni Rahab ang kakilabutan na dumating sa mga tao sa Jerico nang kanilang mabalitaan kung papaano iniligtas ni Jehova ang mga Israelita sa Mapulang Dagat at sila’y pinagtagumpay sa dalawang haring Amoreo. Tiyak na lubhang marami ang nag-usap-usap tungkol sa gayong “kakila-kilabot na mga bagay” sa Jerico. (Josue 2:9-11) At tiyak na ang napipintong “malaking kapighatian” ay magiging kakila-kilabot. (Mateo 24:21) Ngunit ang mga bagay na lubhang kakila-kilabot sa mga taong hiwalay sa Diyos ay pumupukaw sa matuwid na mga puso “ng takot kay Jehova,” isang mabuting pagkatakot sa kaniya. (Kawikaan 1:7) Taglay ang gayong espiritu ng pagpapakundangan, ang mga Saksi ni Jehova ay nangungusap tungkol sa mga pagpapahayag ng kapangyarihan ng Diyos. Oo, ang dakilang Manggagawa-ng-Kababalaghan ang pangunahing paksa ng usapan sa pagitan ng pinahiran at ng kanilang makalupang mga kasama! At maging ang pag-uusig ay hindi nakahahadlang sa kanila sa pagsasabi sa iba ng tungkol sa mga bagay na ito at sa “kadakilaan” ni Jehova.—Gawa 4:18-31; 5:29.
Purihin si Jehova Dahil sa Kaniyang Kabutihan
12. Papaanong tayo’y ‘bumubulubok’ dahil sa kabutihan ni Jehova?
12 Ang Diyos ay karapat-dapat purihin hindi lamang dahil sa kaniyang kadakilaan kundi dahil din sa kaniyang kabutihan at pagkamatuwid. Kaya sinabi ni David: “Sa kanila’y bubulubok ang pagpapahayag ng kasaganaan ng iyong kabutihan, at dahilan sa iyong katuwiran ay aawit sila nang buong kagalakan.” (Awit 145:7) Pagkadaki-dakila ang kabutihan ni Jehova kung kaya’t tayo ay ‘bumubulubok’ sa may kagalakang pagpapahayag ng tungkol doon. Sa Hebreo, ang ideya ay tumutukoy sa tubig na bumubulwak sa isang bukal. Kaya naman sana ay bumulubok sa atin ang may pasasalamat na pagpuri sa Diyos, kagaya ng malakas na agos ng isang batis. (Kawikaan 18:4) Sa kanilang lubhang ikinapinsala sa espirituwal, nakalimutan ng Israel ang kabutihan ni Jehova. (Awit 106:13-43) Ngunit, mag-umapaw sana sa ating puso ang gayong utang na loob na anupa’t ang iba’y nagsisisi pagkatapos na kanilang makilala ang kabutihan ni Jehova sa kaniyang nag-alay na mga Saksi.—Roma 2:4.
13. Ang mga pagpapakita ng banal na katarungan at katuwiran ay dapat magkaroon ng anong epekto sa atin?
13 Ang mga pagpapakita ng banal na katarungan at katuwiran ay makapagpakilos din sana sa atin na umawit nang buong kagalakan. Kung ganito ang ating nadarama, ating hahanapin muna hindi lamang ang Kaharian ng Diyos kundi pati ang kaniyang katuwiran. Sa tuwina’y nanaisin natin na ang ating asal ay makapagdala ng kapurihan kay Jehova. Oo, tayo’y magiging palagiang mga tagapagbalita ng Kaharian na maraming gawain sa paglilingkuran sa Diyos. Ang ating pagpuri kay Jehova ay hindi kailanman mapapalibing sa libingan ng katahimikan.—Mateo 6:33; 1 Corinto 15:58; Hebreo 10:23.
Si Jehova ay Mahabagin
14. Ano ang patotoo na “si Jehova ay mapagbiyaya at mahabagin”?
14 Sa pagbanggit sa karagdagang kapuri-puring mga katangian ng Diyos, sinabi ni David: “Si Jehova ay mapagbiyaya at mahabagin, mabagal sa pagkagalit at dakila sa maibiging-awa.” (Awit 145:8) Ang Diyos ay mapagbiyaya sa bagay na siya’y lubos na mabuti at bukas-palad. (Mateo 19:17; Santiago 1:5) Siya’y gumagawa ng kabutihan kahit na para sa mga hindi naglilingkod sa kaniya. (Gawa 14:14-17) Si Jehova ay mahabagin din, maawain, “inaalala na tayo ay alabok.” Hindi niya hinahamak ang isang bagbag na puso o nakikitungo man sa atin ayon sa ating mga kasalanan kundi siya’y lalong higit na mahabagin kaysa sukdulang mapagmahal na taong isang ama. (Awit 51:17; 103:10-14) Oo, sa pinakasukdulang pagpapakita ng awa, sinugo niya ang kaniyang sinisintang Anak upang mamatay alang-alang sa atin para tayo’y mapasauli sa lingap ng Diyos at malasap na tunay ang kaniyang biyaya!—Roma 5:6-11.
15. Bakit masasabing ang Diyos na Jehova ay “mabagal sa pagkagalit” at “dakila sa maibiging-awa”?
15 Ang ating makalangit na Ama ay mabagal sa pagkagalit. Siya’y hindi nagbibitiw ng bulag na silakbo ng galit. Si Jehova rin naman ay “dakila sa maibiging-awa.” Sa Hebreo ay tumutukoy ito sa awa na nanggagaling sa pag-ibig at kumakapit sa isang bagay. Gayon nga iyon hanggang sa ang layunin niyaon tungkol sa gayong bagay ay matupad. Ang isa pang pagkasalin nito ay “tapat na pag-ibig.” Bukod sa iba pa, ang maibiging-awa ng Diyos, o tapat na pag-ibig, ay ipinakikita sa mga gawang pagliligtas, pag-iingat, pagsasanggalang, kalutasan ng mga suliranin, at pagpapalaya buhat sa kasalanan sa pamamagitan ng pantubos. (Awit 6:4; 25:7; 31:16, 21; 40:11; 61:7; 119:88, 159; 143:12; Juan 3:16) Dahil sa hindi pinapangyari kaagad ni Jehova na maganap ang Armagedon pagkatapos ng ‘digmaan sa langit’, pinangyari nito na lubhang marami ang magtamo ng kaligtasan, isang dakilang kapahayagan ng maibiging-awa ng Diyos.—Apocalipsis 12:7-12; 2 Pedro 3:15.
16. Papaano napatunayang si Jehova ay “mabuti sa lahat”?
16 Dahilan sa habag ng Diyos, masasabi na siya’y may mahabaging puso. Sinabi ni David: “Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang kaniyang mga kaawaan ay nasa lahat ng kaniyang mga gawa.” (Awit 145:9) Oo, ang Diyos ay mabuti sa mga Israelita noon. Sa bagay na iyan, “pinasisikat niya sa mga taong balakyot at pati sa mabubuti ang kaniyang araw at nagpapaulan sa mga taong matuwid at di-matuwid.” (Mateo 5:43-45) Sa Eden, si Jehova ay nangako ng isang “binhi” na magiging isang pagpapala. Nang magtagal ay sinabi niya kay Abraham: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 3:15; 22:18) At ang kabutihan ng Diyos ay totoong pagkalaki-laki sa “panahon ng kawakasan” na ito kung kaya’t sinuman ay maaaring ‘pumarito at kumuhang walang bayad sa tubig ng buhay.’ (Daniel 12:4; Apocalipsis 22:17) Si Jehova ay handang gawan ng mabuti ang lahat ng matalinong mga nilikha, at ang kaniyang kabutihan ang dapat umakit sa atin upang maging lalong malapit sa kaniya.
17. Sa anong diwa ang “mga kaawaan [ni Jehova] ay nasa lahat ng kaniyang mga gawa”?
17 Ang “mga kaawaan [ni Jehova] ay nasa lahat ng kaniyang mga gawa” sa bagay na siya’y may sapat na paglalaan para sa mga tao at mga hayop. Siya “ang Isa na nagbibigay ng pagkain sa lahat ng laman.” (Awit 136:25; 147:9) Ang Diyos ay hindi nagpaparangal sa mayaman at humahamak naman sa mga api, hindi niya dinadakila ang mga mapagmataas at niwawalang-kabuluhan ang mga dukha, itinataas ang mangmang at ibinababa ang marunong. Ang makasalanang mga tao ang gumagawa ng ganiyan ngunit hindi ang ating mahabaging makalangit na Ama. (Awit 102:17; Zefanias 3:11, 12; Eclesiastes 10:5-7) At anong pagkadaki-dakila ang sa Diyos na habag, kabutihan, at maibiging-awa sa pagbibigay ng kaligtasan sa pamamagitan ng haing pantubos ng kaniyang sinisintang Anak!—1 Juan 4:9, 10.
Ang mga Tapat ay Pumupuri kay Jehova
18. (a) Papaano ‘nagpupuri’ sa Diyos ang kaniyang mga gawa? (b) Kailan dapat tayong mapukaw na magpuri kay Jehova?
18 Karapat-dapat ang Diyos sa pagpuri buhat sa lahat ng panig. Gaya ng pagkasabi ni David: “Lahat mong mga gawa ay magpupuri sa iyo, Oh Jehova, at pupurihin ka ng mga tapat sa iyo.” (Awit 145:10) Ang mga paglalang ng Diyos ay ‘nagpupuri’ sa kaniya, gaya rin ng isang mahusay-ang-pagkatayong bahay na isang kapurihan sa tagapagtayo at ang isang magandang plorera ay kapurihan sa mahusay na manggagawa niyaon. (Ihambing ang Hebreo 3:4; Isaias 29:16; 64:8.) Lubhang kahanga-hanga ang mga paglalang ni Jehova kung kaya’t napukaw ang mga anghel at mga tao na purihin siya. Ang mga anghel na anak ng Diyos ay may kagalakang humiyaw ng pagpupuri nang kaniyang itatag ang lupa. (Job 38:4-7) Sinabi ni David na ‘ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang mga kamay.’ (Awit 19:1-6) Tayo rin ay dapat mapukaw na magpuri kay Jehova pagka tayo’y nakakita ng isang lawin na lumilipad sa kalangitan o ng isang usa na palundag-lundag sa isang luntiang burol. (Job 39:26; Awit ni Solomon 2:17) Karapat-dapat ang papuri pagka tayo’y umaani ng bunga ng mga pananim o nasisiyahan ng pakikisalo ng pagkain sa mga kaibigan. (Awit 72:16; Kawikaan 15:17) Ang ating kahanga-hanga ang pagkadisenyong mga katawan ay maaari ring pumukaw nang may pasasalamat na pagpuri sa Diyos.—Awit 139:14-16.
19. Sino ang “mga tapat,” at ano ang kanilang ginagawa?
19 Sa ngayon, ang pinahiran-ng-espiritung “mga tapat” sa lupa ay pumupuri sa kaniya. Sila’y nagsasalita nang mabuti tungkol sa kaniya at nananabik na makitang ang kaniyang kalooban ay ginagawa sa lupa gaya rin sa langit. (Mateo 6:9, 10) Habang ang mga pinahiran ay nagsasalita sa iba tungkol sa kamangha-manghang mga gawa ng Diyos, ang malaking pulutong naman ay tumutugon at patuloy na dumarami. Kasama ng pinahirang mga tapat, sila’y naglilingkod nang buong sigasig bilang tagapagbalita ng Kaharian. Ang utang na loob ba ay pumupukaw sa iyo na magkaroon ng palagiang bahagi sa gawaing ito sa ikapupuri ng Diyos?
20. (a) Papaano pababanalin ang pangalan ni Jehova? (b) Tungkol sa Awit 145, anong mga tanong ang natitira pa para isaalang-alang?
20 Bilang mga Saksi ni Jehova, tayo’y katulad ni David sa pagbibigay papuri sa Diyos. Sa atin ang pagbanal sa sagradong pangalan ni Jehova at ang pagpuri rito ang pangunahing pinagkakaabalahan natin. Yamang ang pangalan ng Diyos ay pababanalin ng Kaharian ng Diyos, ang turong ito ng Bibliya tungkol sa Kaharian ay isang litaw na bahagi ng mabuting balita na ating inihahayag. Ang Awit 145 ba ay nagbibigay ng espirituwal na kaliwanagan sa bagay na ito? Ano ang isisiwalat ng ating pagtalakay sa nalalabing bahagi ng awit na ito? Sa ano pang ibang mga paraan pinatutunayan nito na si Jehova ay karapat-dapat sa walang-hanggang papuri?
Ano ba ang Inyong Komento?
◻ Papaano natin mapupuri ang pangalan ni Jehova?
◻ Ano ang ilan sa kapuri-puring mga gawa ng Diyos?
◻ Papaano tayo kikilos kung ating pinahahalagahan ang kabutihan ni Jehova?
◻ Ang awa ng Diyos ay ipinakikita sa anu-anong paraan?
[Larawan sa pahina 12]
Sinasabi mo ba sa iyong mga anak ang tungkol sa makapangyarihang mga pagkilos ng Diyos, tulad ng ginagawa ng maka-Diyos na mga magulang sa sinaunang Israel?
[Larawan sa pahina 15]
Kung papaanong ang isang mahusay-ang-pagkatayong bahay ay isang kapurihan sa tagapagtayo, ganoon din ang mga paglalang ni Jehova ay nagdadala sa Kaniya ng kapurihan