PAPURI
Isang kapahayagan ng komendasyon, ng paghanga, o ng pagsamba pa nga kapag ang papuri ay iniuukol sa Diyos. Ang pandiwang Hebreo na ha·lalʹ at ang Griegong ai·neʹo ay isinasalin bilang “purihin.” (Aw 113:1; Isa 38:18; Ro 15:11; tingnan ang HALLEL; HALLELUJAH.) Ang pangngalang Griego na hyʹmnos ay nagtatawid naman ng diwa ng papuri o isang awit ng papuri na iniuukol sa Diyos.—Mar 14:26, tlb sa Rbi8.
Ang pagpuri sa pangalan ng Diyos ay nangangahulugan ng pagpuri sa Kataas-taasan mismo. (Aw 69:30) Karapat-dapat siya sa pinakadakilang papuri, sapagkat siya ay “mabuti,” o ang sukdulan sa kahusayan sa moral, ang Maylalang, ang Katulong niyaong mga napipighati, ang Tagatustos at Manunubos ng kaniyang bayan. (Aw 135:3; 150:2; 1Cr 16:25, 26) Hindi niya kailanman ibabahagi ang kapurihang ito sa walang-buhay na mga imahen na hindi makapaglalaan ng tulong sa kanilang mga mananamba.—Isa 42:8.
Ang papuri ay nagkaroon ng mahalagang dako sa pagsamba ng Israel kay Jehova. Dahil lubusan siyang napalilibutan ng papuri, ang Makapangyarihan-sa-lahat ay tinutukoy bilang “tumatahan sa mga papuri ng Israel.” (Aw 22:3) Si Haring David ang nag-organisa sa mga saserdote at mga Levita upang pumuri kay Jehova sa pamamagitan ng awit at musikang tugtugin. Ipinagpatuloy sa templong itinayo ni Solomon ang organisadong kaayusan na pinasimulan ni David, at sa loob ng maraming taon mula noon, mga saserdote at mga Levita ang nanguna sa pag-uukol ng papuri, anupat gumamit sila ng kinasihang mga komposisyon na naingatan hanggang sa ngayon sa aklat ng Mga Awit.—1Cr 16:4-6; 23:2-5; 2Cr 8:14; tingnan ang MUSIKA.
Hindi pinahintulutan ng tapat na mga lingkod ni Jehova noon na may makahadlang sa pag-uukol nila ng papuri na para lamang sa kaniya. Ang propetang si Daniel ay hindi huminto sa pagpuri kay Jehova kahit na ipagbawal ito at ang sinumang gagawa nito ay parurusahan sa pamamagitan ng paghahagis sa kaniya sa yungib ng mga leon. (Dan 6:7-10) Si Jesu-Kristo, dahil hindi siya gumawa ng anuman mula sa kaniyang sarili, ay naglaan ng sukdulang halimbawa sa pagpuri sa kaniyang Ama. Ang buong buhay at ministeryo ng Anak ng Diyos, pati na ang mga himalang ginawa niya, ay nagdulot ng papuri sa kaniyang Ama.—Luc 18:43; Ju 7:17, 18.
Sa gitna ng unang-siglong mga Kristiyano, ang kinasihang mga awit ay patuloy na ginamit sa pagpuri kay Jehova. Bukod diyan, lumilitaw na mayroon ding mga komposisyong Kristiyano noon—“mga papuri sa Diyos,” o mga himno, at “espirituwal na mga awit,” o mga awit hinggil sa espirituwal na mga bagay. (Efe 5:19; Col 3:16) Gayunman, ang pagpuri ng mga Kristiyano ay hindi limitado sa mga awit. Naipamamalas din ito sa buhay ng isa at sa kaniyang aktibong pagkabahala para sa espirituwal at materyal na kapakanan ng iba.—Heb 13:15, 16.
Papuring Iniuukol sa mga Tao. Ang pagpuri sa sarili ay isang katibayan ng amor propyo at hindi nakapagpapatibay sa mga nakikinig. Hindi ito maibigin, dahil ito’y isang pagtataas ng sarili sa iba. (1Co 13:4) Kung pupurihin man ang isa, dapat na kusa itong manggaling sa mga nagmamasid na walang kinikilingan at walang pakikinabangin mula sa ibinibigay nilang komendasyon.—Kaw 27:2.
Bagaman ang papuri ay nanggagaling sa iba, maaari pa rin itong maging pagsubok sa tumatanggap nito. Maaari itong pumukaw ng pagkadama ng kahigitan o ng pagmamapuri at sa gayon ay humantong sa pagbagsak ng isang tao. Ngunit kapag ang papuri ay tinatanggap taglay ang tamang espiritu, maaari itong magkaroon ng positibong epekto sa indibiduwal. Maaaring may-kapakumbabaan niyang kilalanin ang pagkakautang niya sa Diyos na Jehova at mapasigla siyang gumawi sa paraang hindi siya sasala sa kaniyang kapuri-puring katayuan sa moral. Itinatawag-pansin ng kinasihang kawikaan kung paano maaaring isiwalat ng papuri ang tunay na pagkatao ng isa: “Ang dalisayang kaldero ay para sa pilak, at ang hurno ay para sa ginto; at ang isang tao ay ayon sa kaniyang papuri.”—Kaw 27:21; ihambing ang NE.
Wala nang hihigit pang papuri o komendasyon na maaaring tanggapin ng sinumang tao kundi ang kilalanin siya bilang sinang-ayunan ng Diyos. Ang gayong kapurihan ay ipagkakaloob sa pagkakasiwalat ng Panginoong Jesu-Kristo sa kaluwalhatian. (1Co 4:5; 1Pe 1:7) Ang papuring ito ay nakadepende, hindi sa mga pagkakaiba sa laman, kundi sa pamumuhay ng isang tao ayon sa paraang naaangkop sa isang lingkod ni Jehova. (Ro 2:28, 29; tingnan ang JUDIO.) Samantala, maaaring purihin ng mga taong may mataas na katungkulan sa pamahalaan at ng iba pa ang tunay na mga Kristiyano dahil sa kanilang pagiging masunurin sa batas at pagiging matuwid. (Ro 13:3) Kapag maliwanag sa mga nagmamasid na ang dahilan ng mainam na paggawi ng mga Kristiyano ay sapagkat taimtim silang mga lingkod ni Jehova, ang papuri ay napupunta kay Jehova at sa kaniyang Anak, na matapat nilang sinusunod bilang kaniyang mga alagad.