PALAYOK, BASAG NA
Isang bibinga o basag na piraso ng mga kagamitang luwad. Ang salitang Hebreo na cheʹres, bagaman kung minsa’y ikinakapit sa di-basag na sisidlang luwad o luwad na prasko (Bil 5:17; Jer 19:1), ay posibleng nauugnay sa isang salitang Arabe na nangangahulugang “kayurin” o “kaskasin” at sa gayo’y maaaring tumukoy sa isang bagay na magaspang, gaya ng isang basag na palayok. Nang pasapitan ni Satanas si Job ng “malulubhang bukol” mula sa tuktok ng kaniyang ulo hanggang sa talampakan ng kaniyang paa, “kumuha [si Job] ng bibingang luwad upang ipangkayod sa kaniyang sarili.” (Job 2:7, 8) At tungkol sa Leviatan, ganito ang sinasabi: “Ang kaniyang pang-ilalim na mga bahagi ay gaya ng matutulis na bibingang luwad.”—Job 41:1, 30.
Ang salitang Griego na oʹstra·kon (lumilitaw sa LXX sa Job 2:8) ay katawagang ginamit ng mga Griego para sa mga basag na palayok kung saan sila nagtatala ng mga boto.
Mga Tuklas sa Arkeolohiya. Sa paghuhukay nila sa sinaunang mga lugar, mga basag na palayok, o mga piraso ng mga kagamitang luwad, ang pinakamaraming tuklas na natatagpuan ng mga arkeologo. Noong nakalipas, ang isang basag na piraso ng mga kagamitang luwad ay maaaring gamiting pangkalahig ng mga abo o panalok ng tubig. (Isa 30:14) Ngunit sa Ehipto, Mesopotamia, at sa iba pang dako sa sinaunang Gitnang Silangan, pantanging ginamit ang mga basag na palayok bilang mumurahing materyales na mapagsusulatan. Bilang halimbawa, mga bibingang luwad ang ginamit para sa kilaláng Lachish Letters, na paulit-ulit na naglalaman ng banal na pangalang Jehova sa anyong Tetragrammaton (YHWH). Sa Ehipto, natagpuan ng mga arkeologo ang napakaraming piraso ng batong-apog at mga bibingang luwad na kakikitaan ng mga drowing at mga inskripsiyong isinulat sa pamamagitan ng tinta (karaniwa’y sa kabit-kabit na sulat na hieroglyphic), anupat marami ang sinasabing mula pa noong mga ika-16 hanggang ika-11 siglo B.C.E. at posibleng ang ilan ay mula pa nga noong mga araw ni Moises at ng pagkaalipin ng Israel sa Ehipto. Ang ilan sa mga bibingang ito na may inskripsiyon ay naglalaman ng mga kuwento, tula, himno, at iba pang katulad nito, anupat ang iba ay malamang na isinulat bilang mga aralin sa paaralan. Lumilitaw na ang mga bibingang luwad ay karaniwang ginagamit ng mga tao bilang materyales na mapagsusulatan kung paanong ginagamit sa ngayon ang mga memo pad at iba pang mga piraso ng papel, upang itala ang mga kuwenta, benta, kontrata sa pag-aasawa, hablahan, at maraming iba pang bagay.
Mahigit sa 60 ostracon na may inskripsiyong ginamitan ng tinta sa sulat na Paleo-Hebreo ang natuklasan sa mga guho ng maharlikang palasyo sa Samaria. Ang mga iyon ay waring mga rekord ng ani ng mga ubasan, anupat marami ang posibleng mula pa noong panahon ni Jeroboam II. Nakatala rin sa mga iyon ang mga pangalan ng mga lugar at mga tao, anupat kabilang sa huling nabanggit ang ilang tambalang anyo na ginagamitan ng mga pangalang Baal, El, at Jehova.
Kabilang sa mga Griegong ostracon na natagpuan sa Ehipto ay ang iba’t ibang uri ng mga dokumento, pangunahin na ang mga resibo sa buwis. Ang mga ito ay nagbibigay ng kaunawaan sa wikang Griego na sinalita ng karaniwang mga tao sa lupaing iyon noong mga panahong Ptolemaiko, Romano, at Bizantino, kung kaya’t mapapakinabangan ang mga ito sa pag-aaral ng Koine na ginamit ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Dalawampung Griegong ostracon na natagpuan sa Mataas na Ehipto ang may nakasulat na mga bahagi ng apat na Ebanghelyo, anupat ang mga ito’y malamang na mula pa noong ikapitong siglo C.E.
Ginamit sa mga Ilustrasyon. Sa Kasulatan, ang mga basag na palayok ay ginagamit din sa makasagisag na paraan. Halimbawa, nang siya’y mapighati at mapalibutan ng mga kaaway, sinabi ni David sa isang awit na humuhula hinggil sa mga pagdurusa ng Mesiyas: “Ang aking kapangyarihan ay natuyong gaya ng bibingang luwad.” (Aw 22:11-15) Habang niluluto sa hurno ang mga kagamitang yari sa luwad, ang mga ito’y natutuyo nang husto, at makikita ang kanilang karupukan kapag nagkabasag-basag ang sisidlan.
Noong mga araw ni Haring Solomon, maliwanag na laganap ang mga pamamaraan ng pagpapakintab sa mga kagamitang luwad, sapagkat sinasabi ng Kawikaan 26:23: “Gaya ng pampakintab na pilak na ikinakalupkop sa bibingang luwad ang maaalab na labi na may masamang puso.” Gaya ng “pampakintab na pilak” na nagkukubli sa luwad na tinatakpan nito, naikukubli ng “maaalab na labi” ang “masamang puso” kapag pakunwari lamang ang pakikipagkaibigan.
Binabalaan ni Jehova si Oholiba (ang Jerusalem) na siya’y mapupuno ng kalasingan at pamimighati, anupat iinuman niya ang kopang ininuman ng kaniyang kapatid na si Ohola (ang Samaria). Iinuman ng Juda ang makasagisag na kopang ito hanggang sa ito’y masaid, anupat lubusang ilalapat sa kaniya ang mga kahatulan ng Diyos. Kaya naman, sa pamamagitan ni Ezekiel ay sinabi ng Diyos: “Kailangan mong inumin iyon at sairin iyon, at ang mga luwad na bibinga niyaon ay ngangatngatin mo.”—Eze 23:4, 32-34.
Ang ganap na kahibangan ng pagrereklamo ng tao laban sa Diyos at pamimintas niya sa mga pagkilos ng Diyos ay ipinakikita ng mga salitang: “Sa aba niyaong lumalaban sa kaniyang Tagapag-anyo, gaya ng isang bibingang luwad sa iba pang mga bibingang luwad sa lupa! Dapat bang sabihin ng luwad sa tagapag-anyo nito: ‘Ano ang ginagawa mo?’ At ang iyong ginawa ay magsasabi: ‘Wala siyang mga kamay’?”—Isa 45:9, 13.