Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Si Jehova ang Ating Pastol
    Ang Bantayan—2005 | Nobyembre 1
    • “Wala Akong Kinatatakutang Masama, Sapagkat Ikaw ay Kasama Ko”

      13. Sa Awit 23:4, paano mas personal na nakipag-usap si David, at bakit hindi ito nakapagtataka?

      13 Nagbigay si David ng pangalawang dahilan ng kaniyang pagtitiwala: Ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang mga tupa. Mababasa natin: “Bagaman lumalakad ako sa libis ng matinding karimlan, wala akong kinatatakutang masama, sapagkat ikaw ay kasama ko; ang iyong tungkod at ang iyong baston ang siyang umaaliw sa akin.” (Awit 23:4) Mas personal na ngayon ang pakikipag-usap ni David anupat tinawag niya si Jehova sa panghalip na “ikaw.” Hindi ito nakapagtataka, sapagkat ang binabanggit ni David ay kung paano siya tinulungan ng Diyos na makapagbata sa mahihirap na kalagayan. Maraming dinaanan si David na mapanganib na mga libis​—mga panahong nanganib mismo ang kaniyang buhay. Subalit hindi niya hinayaang madaig siya ng takot, sapagkat nadama niyang kasama niya ang Diyos​—nakahanda ang Kaniyang “tungkod” at “baston.” Ang pagkaalam sa proteksiyong ito ay nakaaliw kay David at walang-alinlangang naglapit sa kaniya kay Jehova.b

      14. Ano ang tinitiyak sa atin ng Bibliya hinggil sa pagsasanggalang ni Jehova, pero hindi ito nangangahulugan ng ano?

      14 Paano ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang mga tupa sa ngayon? Tinitiyak sa atin ng Bibliya na walang mananalansang​—demonyo man o tao​—ang magtatagumpay sa paglipol sa kaniyang mga tupa sa lupa. Hinding-hindi ito pahihintulutan ni Jehova. (Isaias 54:17; 2 Pedro 2:9) Gayunman, hindi ito nangangahulugan na ipagsasanggalang tayo ng ating Pastol mula sa lahat ng kapahamakan. Dumaranas tayo ng mga pagsubok na karaniwan lamang sa mga tao, at napapaharap tayo sa pagsalansang na nararanasan ng lahat ng tunay na Kristiyano. (2 Timoteo 3:12; Santiago 1:2) May mga panahon na tayo, wika nga, ay “lumalakad sa libis ng matinding karimlan.” Halimbawa, baka malagay tayo sa bingit ng kamatayan dahil sa pag-uusig o sa isang partikular na krisis sa kalusugan. O baka may mahal tayo sa buhay na muntik na o tuluyan na ngang namatay. Sa panahong maituturing na pinakamadilim na mga sandali, kasama natin ang ating Pastol, at iingatan niya tayo. Paano?

      15, 16. (a) Sa anu-anong paraan tayo tinutulungan ni Jehova upang malampasan ang mga hadlang na napapaharap sa atin? (b) Maglahad ng isang karanasan upang ipakita kung paano tayo tinutulungan ni Jehova sa panahon ng pagsubok.

      15 Hindi nangangako si Jehova na makahimala siyang mamamagitan.c Pero ito ang matitiyak natin: Tutulungan tayo ni Jehova na malampasan ang anumang hadlang na mapapaharap sa atin. Bibigyan niya tayo ng karunungan upang makayanan ang “iba’t ibang pagsubok.” (Santiago 1:2-5) Ginagamit ng pastol ang kaniyang tungkod o baston hindi lamang upang itaboy ang mga maninila kundi upang marahang gabayan ang kaniyang mga tupa sa tamang direksiyon. Maaari tayong gabayan ni Jehova, marahil sa pamamagitan ng kapuwa natin mananamba, upang maikapit natin ang payong nakasalig sa Bibliya na malaki ang maitutulong sa ating situwasyon. Bukod dito, bibigyan tayo ni Jehova ng lakas para makapagbata. (Filipos 4:13) Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, sasangkapan niya tayo ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) Tutulungan tayo ng espiritu ng Diyos na mabata ang anumang pagsubok na pasasapitin sa atin ni Satanas. (1 Corinto 10:13) Hindi ba’t nakaaaliw malaman na laging handang tumulong sa atin si Jehova?

      16 Oo, saanmang mapanganib na libis tayo masuong, hindi natin kailangang maglakad doon nang nag-iisa. Kasama natin ang ating Pastol na tumutulong sa atin sa mga paraang hindi natin lubusang napag-uunawa sa simula. Isaalang-alang ang karanasan ng isang Kristiyanong elder na nasuring may kanser sa utak. “Inaamin ko na noong una ay nag-iisip ako kung galít sa akin si Jehova o kung mahal niya ako. Subalit determinado akong hindi lumayo kay Jehova. Sa halip, sinabi ko sa kaniya ang aking niloloob. At tinulungan ako ni Jehova, anupat madalas na inaaliw ako sa pamamagitan ng mga kapatid. Marami ang nagkuwento ng kanilang natutuhan mula sa kanilang sariling karanasan sa pagharap sa malubhang sakit. Ipinaalaala sa akin ng kanilang timbang na mga komento na pangkaraniwan lamang ang dinaranas ko. Dahil sa praktikal na mga tulong, pati na ang ilang nakaaantig-damdaming pagpapakita ng kabaitan, natiyak ko na hindi galít sa akin si Jehova. Mangyari pa, kailangan ko pa ring makipagpunyagi sa aking sakit, at hindi ko alam ang kahihinatnan nito. Subalit kumbinsido ako na kasama ko si Jehova at na patuloy niya akong tutulungan na makayanan ang pagsubok na ito.”

  • Si Jehova ang Ating Pastol
    Ang Bantayan—2005 | Nobyembre 1
    • b Kumatha si David ng ilang awit kung saan pinuri niya si Jehova sa pagliligtas sa kaniya mula sa panganib.​—Tingnan bilang halimbawa ang mga superskripsiyon ng Awit 18, 34, 56, 57, 59, at 63.

      c Tingnan ang artikulong “Sa Pakikialam ng Diyos​—Ano Ang Maaasahan Natin?” sa Oktubre 1, 2003, isyu ng Ang Bantayan.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share